Banayad

Mga Tula Rowena P. Festin

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 1

Talaan ng Nilalaman

Ikaw sa Kalawakan ng Pag-ibig Anim Wala Akong Panahon para sa Iba pang mga Bagay Sa Araw ng Iyong Pag-alis Paalis Ikaw Hindi na Kita Maiisip Hayaan Mo Muna Sa Aking Kama Tuwing Gabi. Sa Aking Kama Tuwing Umaga Ulan Ako at ang Aking Pag-iisa Sa UP Library Kapag Ganitong Umuulan Napangingiti Ako Kapag Maulan ang Lunes ng Gabi Gusto Ko ang Tag-ulan Gusto Ko ang Taglamig Ako sa Taglamig Ulan sa Tag-araw Ganito Ako Tinutuyo ng Tag-araw Tag-araw Tula sa Araw ng Kalayaan Paulit-ulit Lang Sa Aking Panganay, Ngayong Araw ng Iyong Pag-alis Ang Babaeng Nakunan Ako ang Dagat Marso Abril sa Dalampasigan Dito Lang sa Aking Puso, Ipinaghahardin Kita ng Pag-ibig Mga Larawan Pakiusap Ang Lumang Damit Sangandaan Ang Tula ay Kape Kahon Peste ang Paghihintay Biyahe Pabalik Gaano Man Katagal Ang Ating Pag-ibig ______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 2

Pamamaybay Depinisyon Niyebeng Dumarating sa Gabi ang mga Pangako Ang Pagbabaklas ng Dalandan ay Katulad ng Pagbabaklas ng Alaala Newsfeed Tula sa Iyo at sa Umaga Banayad Noong Huli Tayong Magkita Alaala G-spot Kanina Ritwal #1 Ritwal #2 Alikabok Lungkot Distansiya Dapithapon sa Dalampasigan Pangako Ina Agas Sa Babaeng Naglalakad, Naglalahad ng Palad sa Lansangan Ang Babae sa Kusina Iilan Lang ang mga Umagang Tulad Nito Salutasyon sa Nanay Tuwing Umaga Paumanhin Unang Pag-ibig Ang Limot na Mangingibig Ang mga Propesyonal Kaninang Umaga sa Harap ng Salamin Traffic Sa Baywalk Sa Ganitong Katahimikan ng Madaling-Araw Ritwal ng Kamatayan Pagkakataon Hindi Ko na Kayang Samahan Ka Kay Maria Flores Oda sa Pagpaslang Krimen Pinakamagaang Paraan ng Pagpatay Ice Cream Kuwentuhan Kaninang Mag-Uumaga ______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 3

Isang Hatinggabing Dumalaw Ka Ang Pagtataksil Sa Lalaking ang Akala’y Nasa Palengke Siya Break Parang Ikaw Sa Pag-ibig Para Kang Pusa Sana Lang Naman Mga Aral

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 4

IKAW SA KALAWAKAN NG PAG-IBIG

Nang ipinaalala ng iyong yakap Ang lungkot ng aking pag-iisa Natanaw ko ang lawak ng langit

Nang hinawi mo ng tingin Ang buhok sa aking balikat Umilanlang ang mga diwata ng hangin Naramdaman ko ang tagsibol Nang dalawin mo ng hininga Ang lambak sa aking dibdib Naramdaman ko ang hamog Nang binati mo ng halik Ang nanunuyo kong labi Umawit ang mga engkanto

Sa aking balakang Umahon ang init sa aking puson Nang naramdaman ko Ang gaspang ng iyong palad

Mahal ko, Hawak mo ang kapangyarihang Ako ay mapapikit At mapakapit sa iyo Sa paglipad natin sa Kalawakan ng pag-ibig Habang iniilawan tayo Ng libong mga alitaptap At ipinagdarasal ang ating pangalan Sa katahimikan ng gabi.

2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 5

ANIM

1. Matindi ang sikat ng araw, mahal Ngunit nagyeyelo sa aking dibdib Na hindi kayang tunawin Ng anumang disyertong yakap.

2. Maanghang ang lasa ng iyong lambing Na sumusunog sa aking himbing.

3. Yelo ang iyong halik Giniginaw ako Sa kalagitnaan ng tag-araw.

4. Mahigpit ang iyong yakap, mahal Naiipit ang aking paghinga Nadudurog ang aking puso.

5. Nangangatal ang aking kaluluwa Sa lupit ng pag-iisa Nangangatog ang aking dibdib Sa ginaw ng magdamag.

6. Pinatitigas ang puso Ng matitinding pasakit At ang lumalamlam na puson Ay nagpapaasero sa dibdib.

2010

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 6

WALA AKONG PANAHON PARA SA IBA PANG MGA BAGAY

Wala akong panahong tingnan Ang maigsi at makintab mong mga kuko O sundan ang mga guhit sa bawat daliri Mula hinlalaki hanggang hinliliit Ang mga kalyong nagpapagaspang sa iyong haplos Wala akong panahong kumapit Sa iyong mga palad At damhin ang init Na kayang iguhit sa aking katawan.

Wala akong panahon Para sa iba pang mga bagay.

Sapat lamang ang aking panahon Sa paghabol sa hiningang inaagaw Ng mga daliri mong bumabaybay Sa aking katawan Sapat lamang ang aking panahon Na indakan ang musikang Dinadala ng iyong haplos Sa aking batok, Sa aking leeg, Sa aking balikat, Sa aking dibdib, Sa aking puson, Sa aking balakang. Sapat lamang ito sa pagsunod Sa kanyang paglalakbay. Sa aking kaluluwa.

Wala akong panahon Para sa iba pang mga bagay.

Sapat lamang ang aking panahon Upang samahan ka Na kilalanin ang ating katawan. At markahan ng pag-ibig Ang bawat lunang kanyang hihimpilan.

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 7

2012

SA ARAW NG IYONG PAG-ALIS

1. Habang lumalapit ang iyong pag-alis Lumalapit ang lungkot Walang pasabi Walang paramdam Basta na lang didikit, Mangangalabit Magpapaluha sa puso. Sana lang, mahal Habang lumalapit ang iyong pag-alis Samahan mo ako Nang kahit tinig mo man lang Habang muli kong pinag-aaralan Ang mabuhay na mag-isa.

2. Lumalatay ang lamig Sa aking kaluluwa Hinahanap ang iyong init Ang apoy ng iyong labi At higpit ng iyong yakap Na ipinagdiwang ng isang magdamag. Ngayong malayo ka na Nangungulila ang puso Nagpupuyat ang pag-iisa Mahal, balikan mo ako ng pangako At muli akong maniniwala Sa kapangyarihan ng pag-ibig.

Hunyo 2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 8

PAALIS

Sa labas ng tarangkahan, Walang kahit ano sa kalsada, Wala maliban sa iyong bagahe At nakaabang na taxi. Paalis ka na. Pinakamalungkot na mga salita Ngayong araw na ito. Habang ako, Nakatitig sa pinakamalamig na bagay Ngayong araw na ito: Ang iyong bagahe Sa trunk ng taxi.

17 Setyembre

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 9

IKAW

Ikaw ang mabangong unan Sa namimigat na ulo Kumot na nagpapainit Sa maginaw na hatinggabi Tandayang sandalan Ng nananakit na likod

Taglay mo ang aroma Ng Sa umagang pupungas-pungas At guhit ng softdrink Sa kainitan ng tanghali

Ikaw ang awit ng Side A Sa umagang malungkot ang dungaw Sa tanghaling napakainit Ikaw ang presko sa lilim ng payong At sa gabing maalinsangan Ikaw ang hangin sa electric fan.

Ikaw ang kalahating upuan Sa jeep na siksikan At ikaw ang jeepney stop Sa kahabaan ng maalikabok na biyahe

Dahil ikaw ang mailap na bida Na bumibisita at nanggugulo Sa aking payapang daigdig Ng mga pangarap at panaginip.

1998

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 10

HINDI NA KITA MAIISIP

Hindi na kita maiisip Mapuyat man ako Dahil sa kung anong bagay Tulad ng aking vertigo O migraine Hindi na kita maalaala Dahil sa kung anong mga pangyayari Tulad ng pagbibilog ng buwan O pag-ulan ng mga bulalakaw.

Tiyak ako Naiwaglit natin ang pag-ibig Nang hindi ko naramdaman ang lamig Noong nag-iisang gabing asul ang buwan At abala ka sa pag-awit Habang hinihintay ko ang bulalakaw.

2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 11

HAYAAN MO MUNA

Hayaan mo munang Isaulo ko ang mga sandali Ng aking pag-iisa Titigan ang katawang Ako lang ang may-ari Damhin ang sariling Ako lang ang nakakikilala.

Hayaan mo munang panoorin ko Ang hamog na dumarapo sa aking bintana Hayaan mo munang yakapin ako Ng umagang humahawi sa aking kurtina Hayaan mo munang halikan ako Ng hanging dumadalaw sa aking kama Hayaan mo munang lambungan ako Ng dilim na bumibisita sa aking silid Hayaan mo munang namnamin ko Ang laya ng pag-iisa.

Hayaan mo munang minsan pa Pag-isipan kong mabuti Kung handa na akong gumising Na hindi na unan ang kayakap.

2009

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 12

SA AKING KAMA TUWING GABI

Kinaiinisan ko Ang mga gabing nagigising ako Dahil tinatawag mo, inaaya Maglakad sa kung saan Sundan ang dama de noche Na nakikiraan sa magdamag O kaya’y hanapin ang puno Ng mga nawawalang alitaptap.

Hindi naman ako bumabangon Pinakikinggan ko lang Ang malambing na tinig Ang paanyayang nanghahalina Ipinaghehele ako Na muling matulog.

2009B

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 13

SA AKING KAMA TUWING UMAGA

Gano’n pa rin ang itsura, Nakabalumbon ang kumot Kasama ng sapin Nasa sahig ang mga unan Wala nang punda

Gayong matagal ka nang wala.

2009

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 14

ULAN Madaling araw at umuulan Gumagapang ang patak Sa salamin ng aking bintana Tahimik na tahimik Tulad ng mga kamay mo noon Sa aking balat Marahang-marahan Mabining-mabini.

Nandiyan ka sa kabila ng mundo Maginaw na, sabi mo Lumalamig na rin ang hangin dito Na nagpapadilaw sa mga dahon Marahil umuulan din Ang iyong mga madaling araw At sana ay naiisip mo ako Habang pinanonood Ang tahimik na agos ng tubig Sa iyong bintana.

Sana’y magtagpo tayo Dito sa daigdig sa aking puso Sana’y magkita tayo Tahimik na tahimik Kahit ngayon lang Madaling araw at umuulan Dito sa bintana ng aking puso.

Disyembre 20

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 15

AKO AT ANG AKING PAG-IISA

Umuulan At ang ginaw ay labahang Humihiwa Sa aking kalungkutan

Dalawa kami Sa aking dalamhati Ako At ang aking pag-iisa

Habang nagmamasid Ang mga rosas.

31 Oktubre 2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 16

SA UP LIBRARY

Kumakaway ang mga dahon ng akasya Na nakasilip sa bintana ng library Nakikiraan ang malamig na hangin At nagbabanta ang ambon

At ikaw ang naaalala ko Sa harap ng mga lumang Midweek* Habang binabasa Ang mga lumang artikulo

Ikaw ang naaalala ko Ikaw na simpresko ng ambon Na nanunulay sa aking balat Sa ganitong maalinsangang panahon.

Agosto 2011

* Midweek – magasin na lumabas tuwing Miyerkules noong 1980s.Banayad 17

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 17

KAPAG GANITONG UMUULAN

Masarap pumayag Sa hatak ng kama Lalo at bagong palit Ang punda ng unan Nakalatag ang kumot Na bagong plantsa At alam kong darating ka Mamayang hatinggabi Sa aking panaginip.

Hunyo 2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 18

NAPANGINGITI AKO KAPAG MAULAN ANG LUNES NG GABI

Ispesyal sa akin ang mga Lunes ng gabi Lalo na at maulan Mula nang muli tayong magkita Pagkaraan nang napakatagal na paghihiwalay Hindi ko inasahang mag-uusap tayo Na tila kahapon lang huling nagkita Hindi ko inasahang mapapatawa mo ako Na tila normal na nating ginagawa.

Ispesyal sa akin ang mga Lunes ng gabi Lalo na at maulan Dahil sabay tayong nakatingin sa ulan Habang nakahilig ako sa iyong balikat At hinahaplos mo ang aking buhok Hindi ko inasahang normal natin itong gagawin Na tila araw-araw ay umuulan At nakatingin tayo sa ulan.

Ispesyal sa akin ang mga Lunes ng gabi Lalo na at maulan Dahil ikaw ang aking katabi Habang hinihintay ang pagtila At iniisip na sana huwag muna Upang makasukob ka pa sa lilim ng payong.

Hunyo 2011

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 19

GUSTO KO ANG TAG-ULAN

Gusto ko ang ulan Ang malalaki, maliliit, Malakas, mahinang Mga patak sa bubong Ang mga agos sa bintana Na tila naghahabulang mga daliri.

Gusto ko ang ulan Dahil kasama kitang namamayong, Habang nagkukuwentuhan.

Gusto ko ang ulan Ang malalaki, maliliit, Malakas, mahinang Mga patak sa bubong Ang mga agos sa bintana Na tila naghahabulang mga daliri

Kahit hindi na kita kasama At wala na akong kakuwentuhan Ngunit tuwing umuulan Alam kong naiisip mo ako At gusto mo rin ang ulan.

Abril 2011

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 20

GUSTO KO ANG TAGLAMIG

Gusto ko ang taglamig Dahil kasama kitang naglalakad Magkahawak-kamay Habang nagkukuwentuhan Pilit pinaaalis ang ginaw Habang naghahati Sa kapeng mabilis ding lumalamig

Gusto ko ang taglamig Ang hanging may patalim At malamig ang halik Sa aking mukha Yelong tumatagos Sa aking giniginaw na puso

Gusto ko ang taglamig Kahit hindi na kita kasama Wala nang kahawak-kamay Wala nang kakuwentuhan Wala nang kahati sa kape Ngunit kapag ganitong taglamig Alam na alam kong naiisip mo rin ako

Dahil ganitong-ganito ang ginaw Na naiwan sa aking puso Noong umagang umalis ka.

Enero 2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 21

AKO SA TAGLAMIG

Kinatatakutan ko na ang taglamig Nasanay na akong walang kumot Nasanay na ako sa pawisang magdamag Nasanay na ako sa nawawalang unan Nasanay na akong gumigising sa hatinggabi Naghahanap ng pamaypay Naghahanap ng tubig

Kinatatakutan ko ang taglamig Dahil nasanay na akong walang kumot Wala maliban sa iyo.

31 Enero 2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 22

ULAN SA TAG-ARAW

Nag-aabang, nakatingala, ang mga luoy na damo Sa pagdating ng ulan Mga brasong nakadipa Mga palad na nakalahad Tila nagdarasal Naghihintay ng patak Naghihintay ng bendisyon Sa kainitan ng tag-araw Ngunit nakiraan lang ang ulap Sakay ng malakas na hangin Dinaanan ng anino Ang lantang mga damo Na hinahabol ng tanaw Ang papalayong ulap.

Pebrero 2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 23

GANITO AKO TINUTUYO NG TAG-ARAW

Kinukulapulan ako ng alikabok Ng nagbibitak na lupa At nadudurog na mga dahon Sumusuot sa aking balat At mabilis na sumasama Sa agos ng aking dugo Saka manunuot sa mga himaymay Ng aking kalamnan Papasok sa bawat selyula Saka mananahan sa aking puso Hanggang manigas ang damdamin At wala na akong maiisip Mararamdaman Kundi ang lupit ng tag-araw At pagkatuyo ng lupa Kasabay ang pagtigang ng puso.

At unti-unti Tumatakas, tumatagas Ang aking mga pandama Upang makisayaw sa mga alikabok At natuyong mga dahon At wala na akong magagawa Kundi tumitig sa ulap At isiping sana Sana ibalik niya ang tag-ulan.

Saka ako babagsak Na tila natuyong kahoy.

Hulyo 2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 24

TAG-ARAW

Hindi naman gaanong mabagsik ang tag-araw Dahil kasabay ng pagpatay niya sa mga damo Ay kinukulayan niya ng pula, Ube, dilaw, rosas, at kahel Ang mga punong nagmamakaawa Sa lupit ng kanyang mga palaso.

Hindi naman gaanong malupit ang tag-araw Dahil kasabay sa pag-apoy ng lupa Ay binubuksan niya ang asul na langit Na tinatawiran ng mapuputing ulap.

Hindi naman gaanong mabangis ang tag-araw Dahil sa ganitong panahon Hindi ko iniinda ang pag-iisa Mas nararamdaman ko ang alinsangan Kaysa bigat ng lungkot

Dahil ako at ang tag-araw Ay magkapatid.

2010

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 25

TULA SA ARAW NG KALAYAAN hindi nawawala ang lungkot sa walang katapusang paghihintay sa iyo pabugso-bugso siyang dumarating nakangiti kung minsan tahimik kung minsan tulad ngayong namumulaklak ang mga akasya dahil namumulaklak ang akasya nang una tayong magyakap maliliit itong karayom sa aking puso ngunit lagi ko pa ring pangarap na muling mayakap mo kahit maliliit itong karayom na maiiwan sa aking puso sana lang sa mga panahong nasa pagitan ng mga pabugso-bugso mong pagbabalik hindi ko maramdaman ang lungkot dahil paulit-ulit namang namumulaklak ang mga akasya at paulit-ulit kang mag-iiwan ng maliliit na karayom sa aking puso at patuloy rin naman akong naghihintay sa pamumulaklak ng akasya.

12 Hunyo 2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 26

PAULIT-ULIT LANG

Hindi ko namamalayan Kumakapit pa rin ako Sa iyong mga kamay Hindi ko namamalayan Napangingiti pa rin ako Ng tinig mo Hindi ko namamalayan Inaabangan ko pa rin Nagbabakasakali Na muli tayong magtatagpo Kahit uulitin lang naman nito Ang ating paghihiwalay.

Kahit paulit-ulit ang paghihiwalay natin Nagtatagpo tayo sa ating mga sangandaan Kahit uulitin lang naman nito Ang ating paghihiwalay.

2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 27

SA AKING PANGANAY, NGAYONG ARAW NG IYONG PAG-ALIS

1. Ikaw ang aking panganay Hindi man tayo nagkita Hindi man kita nahalikan Hindi man kita nayakap Hindi man kita nahaplos Hindi man tayo umabot sa iyong binyag Hindi man natin naipagdiwang ang iyong mga kaarawan Hindi ko man nakita ang iyong paglaki

Yakap kita lagi Dito sa aking puso Kasama kita lagi Dito sa aking alaala Aking panganay Bunso ng tanging pag-ibig.

2. Pinupuntahan ko ang mga dagat Inilalapit sa alon ang aking mga paa Iniipon sa aking palad ang mga bula Nagpapahalik sa lamig ng ampiyás Saka iniyayakap ang sarili Sa buhangin Upang maramdaman ang iyong init

Sa ganitong paraan na lang kita nakikita Sa ganitong paraan na lang kita nayayakap Sa ganitong paraan ka na lang bumabalik Sa aking sinapupunan Sa aking dibdib Sa aking bisig

Habang may dagat akong mapupuntahan Habang may hangin akong nararamdaman Habang may buhangin akong malalakaran Habang may mga ulap akong natatanaw Lagi kitang kasama ______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 28

Lagi kitang yakap Aking panganay Bunso ng tanging pag-ibig.

3. Tatawagin kitang Leona Dahil tulad ng leon ang iyong pagdating Marahang-marahan Tahimik na tahimik Walang paramdam, walang pasabi. Saglit na namahay sa aking sinapupunan Nakitibok sa aking dibdib Yumakap sa aking puso Nagpainit sa aking katawan Sa kalagitnaan ng tag-ulan

Tatawagin kitang Leona Dahil simbangis ng leon ang iyong pag-alis Mabilis na mabilis Napupunit na laman Nabibiyak na dibdib Umaagos na dugo Winasak mo, iniwan akong gutay-gutay At hindi na naghihilom ang sugat sa alaala Dinadaluyong ng lumbay ang aking puso.

Tatawaging kitang Leona At dito sa dagat ng aking gunita Dito kita iduduyan Dadalhan ng mga bulaklak Na namumukadkad sa bawat panahon Aking panganay Bunso ng tanging pag-ibig.

16 Setyembre 2010

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 29

ANG BABAENG NAKUNAN

Malaki, magandang tapayan Walang laman Bulaklak na gawa sa plastik Makulay, walang bango Mamahaling sapatos Sa loob ng estante Iniingatan, pinagmamasdan

At mananahimik na akong Tulad ng damong nakatingala Nangangarap ng liwanag Tuwing alas-tres ng madaling-araw.

Disyembre 2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 30

AKO ANG DAGAT

At ang mga sigay na nakasabog Sa kanyang sinapupunan Daigdig na kaya kong tingnan Kaya kong lapitan Ngunit hindi mararating kailanman

Nararamdaman kita Sa bawat pagsabog ng alon Naririnig ko ang iyong tinig Sa aking panaginip

Kapag kaya ko nang tanggapin Ang kapangyarihan ng dagat at hangin Maririnig ko ang awit ng mga butanding Mauunawaan ng mga bato Ang aking kalungkutan At dadaloy sa aking dugo ang dagat At ako ay magiging buhangin Nakaabang sa bawat pagsabog Ng mga alon sa batuhan.

Marso 2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 31

MARSO

Tinatarak ng araw ang dibdib ng lupa At pinasisingaw ang naiwang hamog Pumuputok ang mga ubeng bulaklak Ng kakawate sa gilid ng kalsada At namumula Ang mga nakahilerang kabalyero Mga brasong nakadipa Nagsasabog ng lilim Habang pinaninilaw Ang nalalagas na mga dahon At unti-unti namamatay ang mga damo.

Sa ganitong panahon kita naaalala Kasing-init ng yakap ng araw Kasing-liwanag ng sikat Na lumulusot sa pagitan Ng mga dahon at bulaklak Kasingbini ng hanging Umiihip, humahalik sa mukha Ng pawisang lupa.

Sa ganitong panahon kita naaalala Sa ganitong panahon ng ating kalayaan.

2009

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 32

ABRIL SA DALAMPASIGAN

1. sa pagsalab ng katanghalian sa buhangin ng dalampasigan sa pagkislap ng mga bubog sa tubig sa pananahimik ng dagat masilaw na malikmata mahapding dampi ng araw sa makislap na mga bato ganitong panahon ang alaala ko sa iyo ganitong panahon kita naaalala.

2. naiwaglit na natin ang lahat walang natira maliban sa pakiramdam na tila may kulang at kakaiba habang unti-unti akong nilalambungan ng liwanag na tumatakas sa mga kahel na ulap habang tinatanaw ang sayawan ng sinag sa papadilim nang dapithapon sa ganitong kalungkutang alam na alam ko sa ganitong kalungkutang ramdam na ramdam ko sa ganitong pag-iisang sumasakop sa kahabaan ng dalampasigang patuloy na binabalikan ng alon at nililisan ng buhangin ganito ang alaala ko sa iyo ganito kita naaalala.

2010

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 33

DITO LANG SA AKING PUSO, IPINAGHAHARDIN KITA NG PAG-IBIG

May sarili tayong mga bakod Na naghihiwalay sa atin At patuloy na nagpapalawak Sa ating distansiya

Ngunit lagi tayong nagtatagpo Sa hardin sa ating panaginip Sa ating duyan Sa ating mga halaman Sa ating mga puno Sa ating lihim na daigdig

Dito lang, mahal, Walang pangamba Walang takot Maipakikita ko ako, buong-buo Maipadadama ko Ang walang-maliw na pag-ibig Ang mga halik na walang pag-aalinlangan Ang mga yakap na walang sing-init

Dito lang mahal. Dito lang sa aking puso Maaari tayong magtagpo Anumang oras, anumang panahon.

Dito lang mahal. Dito lang sa aking puso Ipinaghahardin kita ng pag-ibig Habang sabay nating inaabangan Ang pag-uumaga.

2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 34

MGA LARAWAN

1. Mabining kaway Tulad ng mga dahong Dinadaanan ng hangin Ganoon ka Tingin ko sa malayo.

2. Minatamis na saging Na may bahid ng pandan Iyon ang lasa mo Sa aking dila.

3. Madalang pa sa patak ng ulan Ang pagdating mo Ngunit lagi kong inaabangan Ang ulan sa disyerto.

4. Sa iyong pagdating Pagsasalikupin natin Ang ating mga kamay At sa katahimikan ng gabi Liliparin natin ang paraiso Sa harding tayo lang Ang nakaaalam.

2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 35

PAKIUSAP Tulad ng mga nagdaang gabi Walang makikinig At makaririnig Sa aking dasal.

Nararamdaman ko Nasa tabi kita Hinahaplos ang aking buhok Hinihingahan ang aking batok At tulad ng dati Ito ay isang espiritung nagbubukas Sa mga lihim na bulwagang Matagal ko nang naipinid.

At mananatili akong nag-iisa Nagsusunog ng insenso Nakikiusap sa usok Na sana Sana isama ka Sa kanyang paglalakbay.

2005

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 36

ANG LUMANG DAMIT

Mahal na mahal ko Ang asul kong damit Kahit luma na at may sulsi At tila wala na sa uso Dahil regalo mo Noong una nating anibersaryo.

“Ipamigay mo na,” Sabi mong nang-iinis. “Mukha kang kawawa.” Mangingiti lang ako Habang iniisip ang buhay nating dalawa.

Mahal na mahal ko Ang asul kong damit.

1998

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 37

SANGANDAAN hindi nagtatagpo ang sangandaan saglit lang silang magtitinginan magngingitian kung magkakilala magbibigayan kung makitid ang daan liliko nang kaunti kung magkakabanggaan hihinto sandali maggigitgitan magtititigan kung nagmamadali saka tutuloy sa kanya-kanyang direksiyon.

2000

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 38

ANG TULA AY KAPE sa umagang pupungas-pungas sago’t sa tanghaling inaantok at gatas sa gabing namumuyat.

2001

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 39

KAHON

Sa bintana Gagamba akong Paikot-ikot sa sapot Nakikipagsayaw sa hangin.

Pabilis nang pabilis ang ikot At ang mga mata Lumalampas Sa malawak na sakop ng dilim Wala nang matatanaw na inspirasyon Wala, maliban sa kulay na itim.

At saka ako magsusulat.

Oktubre 2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 40

PESTE ANG PAGHIHINTAY (kay L sa fiesta ng mga lamok)

Peste ang paghihintay Dahil habang tulala ka Sa kahihintay Binubuksan nito ang mga pinto, bintana At iba pang mga butas at siwang Na puwedeng daanan ng iba’t ibang itsura Ng mga inip:

Malungkot na pusang itim Mga sapatos na luma Mga lakad na inaabot ng hatinggabi Mga kuwentong kung ano-ano Mga kamay na magkakapit Antuking mga mata Balikat na masarap sandalan Malambing na tinig Pati na rin mga sintunadong awit At nakatatawang mga tula Habang hindi ko napapansing Fiesta na pala ang mga lamok Sa aking binti at braso.

Sumasabay rin sa parada Ang aking mga inip na panaginip: Infinity ring Na nakasabit sa kuwintas na sintas Almusal sa tabing dagat Ng La Union o Pangasinan Tulog sa duyan kahit minsan lang Habang umuusok ang tag-araw Kape, unan, kumot, payong, tsinelas Mais, , sunflower, Miming, Picasso At kung ano-anong Para namang walang kuwenta Pero nagpapangiti sa akin Dahil sabay nating inipon Pinulot sa kung saan-saan.

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 41

At ang nakatatawa Lahat sila ay nasa waiting shed Nakahilera, inip na nakaabang Sa nag-iisang sasakyang Ikaw ang driver.

Peste talaga ang paghihintay At wala kang kakupas-kupas, Walang kamatayang nagpapahintay.

Hunyo 2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 42

BIYAHE PABALIK tulad ng dati tanaw pa rin kita mula sa malayo tahimik na ulap banayad na ambon umaarok sa kaluluwa nagpapagaan ng loob nagpapaluwag ng dibdib maginhawang balikat magaang kapit nagpaparamdam ng presko nakayungyong na lilim tubig sa bato hangin sa mukha simoy ng dayami bagong tabas na damo sa umagang mahamog ang iyong mga mata kung makikita ko lang ang iyong ngiti sa madaling araw at ang aking mukha sa iyong mga mata sa dapithapon mahimbing ang tulog sa gabing yakap ang alinsangan.

Hunyo 2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 43

GAANO MAN KATAGAL

May mga pangakong hindi natutupad Nanatiling pangarap Nakalutang sa hangin.

May mga pag-uwing hindi dumarating Nananatiling nasa biyahe Hindi nararating ang destinasyon.

May mga pagtatagpong hindi nagkikita Hindi umaabot sa tipanan Hindi natatapos ang paghihintay.

May mga pangarap na hindi nagaganap Nananatiling nakahimlay sa puso Naghahanap ng katuparan.

Ngunit Tulad ng hanging patuloy na umiikot Tulad ng umagang araw-araw bumibisita Tulad ng ngiting laging dumudungaw Tulad ng yakap na laging mahigpit Tulad ng halik na laging matamis Tulad ng pag-asang laging nakaantabay Ang kapayapaang dala ng mga madaling-araw Ay naiiwan sa mga pusong umiibig Sa walang hanggang pagtitiwala Na binubuhay ng pag-asa At pagtitiwalang may panahon ang lahat Gaano man kalayo Ang tinatanaw na dulo.

2011

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 44

ANG ATING PAG-IBIG

Ang ating pag-ibig Ay tulad ng paghihintay at pagbabalik Laging umaasa Laging naniniwala Laging nagtitiwala.

Ang ating pag-ibig Ay tulad ng pag-alis at pagdating Laging nakaabang Sa mga tarangkahan Laging nananabik, hindi nagsasawa May ngiting At halik na pabaon Paulit-ulit na pag-eempake ng mga alaala.

Ang ating pag-ibig Ay tulad ng araw at gabi Laging nag-aabang Sa dapithapon at madaling araw Mahigpit na magyayakap Magpapalitan ng kulay Saka babalik sa kanya-kanyang oras.

Magkahiwalay ngunit laging umiibig Nagpapahatid ng pag-asa Sa bawat dumadaang ulap Habang inaawit Ang lihim na himig Ng huling pagkikita At paulit-ulit na pangako Ng walang katapusang pagmamahalan.

Ang ating pag-ibig Ay walang katapusang paglalakbay Sa payapang kalawakan ng mga dagat Ang ating pag-ibig Ay walang katapusang pagbabalik Sa payapang kahabaan ng mga dalampasigan Dahil nagtitiwalang Magtatagpo rin tayo ______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 45

Na tulad ng alon at buhangin.

Setyembre 2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 46

PAMAMAYBAY

Ako ay tubig Na nangangarap umagos Patungo sa iyo. Tahimik na tahimik Tulad ng malalim na ilog. Sa ibabaw ng mga bato Kasabay ng mga dahon. Aagos ako Kalmadang-kalmada Hanggang umabot Sa payapa mong pampang At nawa’y abutan kita Ngayong tag-araw At sabay nating panonoorin Ang pagsikat ng buwan Sa ating tubig.

Abril 2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 47

DEPINISYON Huwag asahang Ang paminsan-minsang pagbabalik At madalas na mga pangako Ay laging nagaganap at laging totoo

Dahil ang paminsan-minsan Ay permanenteng paminsan-minsan At ang pangako Ay permanenteng pangarap

Nagpapatuloy ang buhay Dumating man o hindi Matupad man o hindi Ang mga pagbabalik At mga pangako

Sanayan lang ang paghihintay At mapatutunayan mong Ang pangako ay mga salitang Walang depinisyon Mga hindi napapansin At nakasanayan nang ritwál Araw-araw.

2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 48

NIYEBENG DUMARATING SA GABI ANG MGA PANGAKO

1. Sana simbilis sa pagkatunaw ng niyebe Ang araw-araw na pangungulila sa iyo Naitataboy ng hangin At hindi na babagsak Sa lupang pinatigas ng yelo.

2. Niyebeng dumarating sa gabi ang mga pangako Marahang-marahan Payapang-payapa Kumakapit sa mga sanga Napasasaya ang malungkot na tanawin Nagpapangiti sa malamlam na umaga Ngunit tulad sa niyebe Natutunaw din kapag naarawan At ang walang hanggan Ay mananatiling walang hanggan Mga pangakong mananatiling pangako Kasimputi ng niyebeng bumabagsak Sa lupang pinatigas ng yelo.

3. Madalas dumarating sa akin Ang ganitong pakiramdam Tila ako lang Sa napakalawak na daigdig Malayong tinig ang lahat Parang mga bulong Na sumasabay sa malamig na hangin Parang mga halik na dumarating Sa pusong pinatigas ng yelo.

Marso 2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 49

ANG PAGBABAKLAS NG DALANDAN AY KATULAD NG PAGBABAKLAS NG ALAALA

Nag-iisa ako ngayong hapon, Habang binabaklas ang laman Sa mabangong balat ng dalandan Kumalat ang amoy Umakyat sa aking ilong Papasok sa puso Kasabay ng katas na umagos Sa aking mga daliri, sa aking palad Habang sinasakop ng tamis-asim Ang aking dila.

Naaalala kita ngayong hapon At ang aroma Ng kapeng Ang bango ng sinangag at tuyo Nang minsang Inabutan tayo ng almusal Na pinag-uusapan pa rin Ang malamig na umaga Ang maginaw na hatinggabi Ang mga kaibigang lumikas sa ibang bayan Habang iniiwasan nating pag-usapan Na ito ang huling umagang Tayo ang magkasama Dahil tulad nila Mangingibang bayan ka rin At katulad kong mag-isang palilipasin Ang maginaw na mga hatinggabi At mag-isang babatiin Ang mga umagang hindi na tulad ngayon.

At nandito pa rin ako sa mesa, Nag-iisa, pinakikiramdaman Ang malagkit na katas Na nanunuyo na sa aking mga daliri Habang sinasakop ng tamis-asim Ang aking dila Unti-unti namang sinasakop ng pait Ang aking puso. ______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 50

2011 NEWSFEED (salamat sa isang grainy picture sa Facebook)

“Ikaw ang hindi dumating na kasintahan,” “Ikaw ang inibig na walang hanggan.”

Napangiti ako sa kuwento Kasabay sa pagtaas ng kilay Na tila hindi makapaniwala Habang ikaw naman Tawa nang tawa Kasi ang taas ng kilay ko At ang haba ng buhok ko.

Naiinis ako sa ganitong kuwento Lalo na ngayong nakikita ko Na natatawa ka At alam ko, Nakanganga ako Dahil iniisip ko Kung ako nga ba talaga Ang sinasabi ng kuwento.

Pero masaya rin naman kung minsan Ang ganitong mga balita Totoo man o hindi Dahil naiisip kita Napangingiti mo pa rin ako At napagagaan ang araw

Kahit alam ko Ikaw ang hindi dumating na kasintahan, Ikaw na inibig nang walang hanggan.

Hulyo 2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 51

TULA SA IYO AT SA UMAGA

1. Maliliit na patak ng ambon sa umaga Tumatagos sa balat ang presko Sa kalagitnaan ng tag-araw Sa akin Sa mga damo Sa mga puno Sa mga ibon At agos ng tubig sa mukha Malamig na tubig Na pumipigil sa pagputok Ng balat sa labi Tulad ng pag-ibig Na saglit dumaan Upang magparamdam At mag-iwan ng ngiti Tulad ng damo Na magsasaboy ng bango Pagkatapos ng ulan.

2. Maghihintay ako sa iyo, walang pagkainip Dahil araw na sumisikat Ang umagang pangarap sa gabi May init ng halik May tamis ng ngiti At higpit ng yakap Malambing na bulong At mabining haplos Sa buhok at likod

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 52

Sana ganito ang umaga Sa muli nating pagkikita At papangarapin ko mula ngayon Ang umagang ganito ang pakiramdam Banayad ang inog May awit ng ibon Marahan ang pagmulat Malambing ang ngiti At nananatiling umiibig Sa iyo

Sa iyo at sa umaga.

Nobyembre 2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 53

BANAYAD

Sa iyo, binalikan ko lahat Nang mabini sa alaala Sangang umuusbong Dahong tumitingkad Bulaklak na humahalimuyak Hamog na pumapatak Paruparong humahalik sa nektar Ikaw, dumadait, hindi sumasagi Tumatapik, hindi nangangalabit. Sumusulyap, hindi tumititig. Ikaw, hindi lumiglig sa pag-iral. Ikaw na napakabanayad dumating At pumisan sa ulirat magdamag Aalalayan kong isanib tayo Sa kapangyarihan ng katahimikan At sasalab sa ating kaluluwa Ang liwanag ng nagpaalam na magdamag.

Huwag mong iparamdam Ang iyong paglisan. Angkinin natin Ang banayad na alaala Ng pagpapaalam.

1995

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 54

HULI TAYONG MAGKITA

Inangkin ko na Ang mga mata mong maningning Ang mga ngiti mong mangipin Ang buhok mong magaspang Ang yakap mong mainit.

Hindi mo alam Inuwi na kita nang gabing iyon At hindi na mahimbing ang aking mga tulog Maalinsangan na ang mga madaling-araw At sa kalagitnaan ng mga trabaho Gusto kong umuwi Upang hanapin ang nawawalang tulog Ngunit naroon ka nga pala At aabalahin lang ako.

Kung maibabalik lang sana kita Kasama ang hiniram na pangarap Ngunit paano ba buburahin sa katawan Ang huli nating pagkikita?

Pebrero 2014

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 55

ALAALA

Ang alaala ay dumadalaw na halik ng hangin bitbit ang dama de noche hatak ang kadena: samyo ng buhok ligamgam ng hininga haplos ng kamay init ng balat tamis ng halik dahas ng pag-angkin malambing na bulong pagkatapos ng unos.

Ang alaala ay dumarating sa panahong nakamamatay ang kalungkutan kumakatok sa panahong nakababaliw ang katahimikan ninanakaw ang natitirang katinuan.

Pumapasok ipinagpipilitan ang sarili isinisiksik sa mga liha ng kamalayan nakikisukob sa belo ng pag-iisa saka nililiglig ang inaagiw na sulok ng madidilim na gunita.

Malupit ang alaala tinutungkab ang langib ng kalungkutan hinahayaang tumagas ang dugo kinukutya ang malayong tanaw ng sinungaling na pangarap.

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 56

At sa pag-iral ng mga dalamhati asahan mo hila ang lahat ng inagaw na ngiti iiwan ka niyang nagliligpit ng mga iniwan niyang kalat.

1995

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 57

G-SPOT

Kaninang nginitian mo ako ng kita ang mga ngipin at tinitigan ng antuking mga mata tila nagkahamog sa katanghalian.

2000

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 58

KANINA

Nang kumaway ka habang papalayo Pagkatapos mong pisilin Ang aking mga kamay Dampian ng halik ang aking labi Yakapin ako nang buong higpit Saka ako nginitian nang ubod tamis Bigla akong nalungkot Para kasing nagpaalam ka na Gayong pupunta ka lang naman Sa kabila ng aking panaginip.

2000

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 59

RITWAL #1

Madalas pa ring mangyari Na tinatanaw ko Ang orasan sa dingding Pagkatapos magluto At maghain ng hapunan. Mayâ-mayâ lang darating ka na May pasalubong na ngiti At marahil isang pumpon ng rosas O isang supot ng kapeng barako. Saka ako maiiling. Kailangan na nga palang palitan Ang baterya ng relo.

1998

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 60

RITWAL #2

Kapag ganitong kabilugan ng buwan At nakaupo sa pasamano Binibilang ko Ang napapatay na lamok Habang naghihinuko At nag-aabang ng bulalakaw Habang hinihintay ka.

Sana noon ko pa naisip Na kapag ganitong kabilugan ng buwan At nakaupo sa pasamano Mas masarap magbilang Ng napapatay na lamok Habang naghihinuko At nag-aabang ng bulalakaw Kesa magbilang ng oras Na napapatay Sa paghihintay sa iyo.

1998

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 61

ALIKABOK

Walang utang-na-loob ang alikabok. Matapos mo siyang patuluyin Sa iyong malinis na tahanan Paupuin sa imakuladang sofa Pakainin at pagkapehin Sa makikinang na plato’t tasa Hindi na siya aalis At kung mapaalis mo man Mag-iiwan siya ng itim na bakas At maalimuom na amoy Na kailangan mo pang kaskasin Kiskisin at kuskusin Upang bumalik sa dating itsura Ang lugar na dinalaw niya.

2005

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 62

LUNGKOT

Nangungupahan ang lungkot Ng malaking espasyo sa isip Hindi nagbabayad Dumudungaw siya sa bintana O tumatayo sa pinto Nakahalukipkip Kapag may nararamdamang paparating Tulad ng petsa Boses, mga alaala Tibok ng puso Masaya man o malungkot Dumudungaw siya sa bintana O tumatayo sa pinto Nakahalukipkip Upang ihagis sa iyong puso Ang talim ng kanyang titig.

Hunyo 2015

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 63

DISTANSIYA

Iisang sulyap ang lapit At hindi kita matanaw Iisang haplos ang pagitan At hindi kita mayakap Iisang hakbang ang layo At hindi kita maabutan Iisang ngiti ang agwat At hindi mo ako marinig. Habang papanipis ang dahon ng akasya Habang papalamig ang hanging Disyembre Pakapal nang pakapal namang niyebe Ang napakalapit nating distansiya.

2002

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 64

DAPITHAPON SA DALAMPASIGAN

Ang langit ngayong hapon Ay ulap Na natuyuan ng tubig At ang panginorin Ay kakulay ng balat kong Tinatawiran ng dalamhati

Itinataghoy ng hangin Ang lungkot Na lagi kong tinatalikuran At ang alon Na paulit-ulit umaagaw Sa bakas Ng aking mga paa.

Abril 2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 65

PANGAKO

Ngayong taglamig Yayakapin kita Ibabalabal sa iyong katawan Ang buhok kong hanggang sakong Ibabalot ang bisig, Binti, hita’t, katawan Tutunawin natin Ang lamig ng silid.

Ngayong taglamig Dito sa aking panaginip.

Sa tag-araw Panonoorin ko Ang muli mong paglipad Ihahatid ng tanaw Ang papalayong hugis Hanggang bumalik ka Sa aking alaala At manahan sa aking dibdib.

Ihahabilin kita sa ulap Papayungan ka kung malupit ang araw Pakikiusapan ang hamog Na pawiin ang uhaw Habang inaabangan ko Ang iba’t ibang kulay ng tagsibol.

2002

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 66

INA

Rosaryo ang luha mo Sa asawang hindi na nagbalik Sa supling na walang-malay Ngunit batid mong ang digmaan Ay hindi lang sa mga gubat at lansangan Patraydor din itong sumasalakay Sa mga sikmura’t lalamunan Binabaliktad nito Ang mga kalderong inulila ng sinaing At paminggalang iniwan ng pagkain At sa bawat iyak ng anak Ay tumitimo rin sa iyo Ang tingga ng tunggalian Sa pabalitang pagbagsak ng sinta Kasama at kaibigan Ay pagbagsak din ng luha Paglutang ng panangis.

Ngunit pamahid din ng luha ang belo At kasabay ng pagtindig mo Ay pagsangkot sa digmaang nakaamba Sa bawat pangarap Na iyong binubuo.

1993

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 67

AGAS (oyayi ng babaeng grasa)

Iwi ko ang alaala ng agas Kilala ko ang kanyang amoy Mas kilala kesa mga rutang Nilakbay ng aking mga paa Mas kilala kesa silbato ng pulis O hininga ng bugaw Mas kilala kesa hingal ng manyak O ngirit ng mámasán.

Panganay at bunso ko Ang sampalad na dugong Saglit na ipinagduyan sa plastik Na itinali sa poste Minsang ipinasyal Sa nilalangaw na mga bangketa At ipinakilala Sa magiging mga kalaro sana Saka ipinaghele sa agos ng kanal.

Pinangalanan ko siyang Venus O Adonis Magandang alaala Ng nagmamahal na ina. Hindi ko ipinagluksa ang kanyang kamatayan. Walang kandilang siyam na gabing dinasalan. Walang rosaryong apatnapung araw na inusal. Walang pamisa pagkaraan ng isang taon. Inilihim ko ang kanyang pagdating At pag-alis Sa bugaw Na pagdarahop ang ngalan.

1993

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 68

SA BABAENG NAGLALAKAD NAGLALAHAD NG PALAD SA LANSANGAN

Nakatambad sa mukha mo ang dungis ng mga pader at kalsada na nakalap sa buong panahong naglakbay ka’t naghanap ng mga sagot. May bitbit kang gusgusing supot, lalagyan ng mga panaginip na inamot sa lungsod. Manlalakbay sa karimlan, nadaanan mo ang mga kasaysayang nakatala sa mga eskinita’t lansangan, dinama, nadama, at dinamdam mo ang awa at galit ng mga diring daliring naghagis sa iyo ng barya at irap.

Sa iyong patuloy na paglalakbay, habang napupuno ng bangungot at nilimos na pangarap ang supot, sana’y madaanan mo rin ang mga sagot sa tanong at tanong sa sagot.

1993

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 69

ANG BABAE SA KUSINA

Nakakintal sa aking katawan Ang aking mga madaling-araw: sa mga tilamsik ng mantika sa lansang iniwan ng inasnang isda sa dagta ng talbos ng kamote.

Narito sila sa aking mga bisig Nakaduyan sa aking mga braso. Nakatatak silang lahat Sa mga mantsa sa aking kuko Sa mga hiwa sa aking daliri Mga paso sa aking kamay Mga pilat sa aking braso Mga galos sa aking balat. Dito sila namamahay At kasama kong namumuhay.

Nakakintal silang lahat dito Dito sa aking sugat-sugat Malambing na mga panghaplos Maligamgam na mga pangyapos.

1994

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 70

IILAN LANG ANG MGA UMAGANG TULAD NITO

Iilan lang ang mga umagang tulad nito: Maligamgam ang bati ng kuwadradong araw na sinasayawan ng rosas na kurtina at pinapabanguhan ng mga tirang halimuyak ng dama de noche.

Iilan lang ang mga umagang tulad nito:

Sa hardin ginigising ng nag-iisang mariposa ang inaantok pang mga bulaklak habang nakaabang ang damo sa pagbagsak ng tinanghaling hamog na noo’y pilit pa ring kumakapit sa dahon ng gumamela.

Iilan lang ang mga umagang tulad nito:

Nagmamadali sa pagbangon ang mga bata nag-uunahan sa mesa nag-aagawan sa mainit na pan de sal hotdog at itlog habang kampanteng nagkakape ang tatay na nakasuot pa ng apron.

Iilan lang ang mga umagang tulad nito kaya kailangan kong kipilin sa bulsikot sa aking dibdib.

2000

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 71

SALUTASYON SA NANAY TUWING UMAGA

1. kinukumpasan ng sandok ang awit ng bawang sa naggigisang mantika habang naghihikab pa ang bahaw sa kaldero.

2. tapat ang Lunes hanggang Linggong panata: titiklupin ang nakabalumbong kumot at papagpagin ang amoy laway na mga unan saka dadasalan ang sapin ng kama na may bendisyon ng ihi.

3. pinaghunusan ng ahas ang tumpok ng mga damit mula kuwarto hanggang banyo habang sumisinghap ang sabon at naglalaway ang shampoo nakalawit naman ang dila ng toothpaste.

2011

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 72

PAUMANHIN

Kung hindi ako nakararating Sa maraming dapithapong Naghintay ka Sa ating tipanan Natabunan na ng talahib Ang mga daang ginawa natin dati Tinangay ng agos Ang mga batong marka At naliligaw ako Sa mga pagtatangkang dumating Ngunit tinatanaw ko ang bahaghari Sa pag-asang doon ka nakatingin Tulad ng ginagawa natin dati Sa tabing ilog pagkatapos ng ulan.

Nais kitang yakapin at haplusin Katulad ng yakap at haplos Ng ulap sa bundok Ng hamog sa dahon Dahil nabubuhay ang aking kaluluwa Tuwing tinatanaw ko Ang mga dapithapong Gusto kong puntahan.

2000

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 73

UNANG PAG-IBIG nasilip kita sa mata ng pasahero sa jeep nakangiti sa labi ng mamá sa kalsada minsan nama’y hinaplos mo ako nang dumaan ang hanging Disyembre. wala ka sa mga lumang album ngunit naroon ang bakas ng mga daliri mo taon na mula nang magkahiwalay tayo kabisado ko pa rin ang iyong pabango. marami kang mukha iba’t ibang maskara iba’t ibang pagpaparamdam iba’t ibang pagpapaalaala dahil ikaw ang unang pag-ibig na labis kong pinagsisihan dahil ikaw ang unang pag-ibig na matagal ko nang nilimot.

1995

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 74

ANG LIMOT NA MANGINGIBIG

Nakiraan siya sa aking mga mata at nakisukob sa aking dibdib saka umalis pagkatapos ng unos hindi ko alam kung saan hindi ko alam kung kailan.

Ngunit bumalik siya isang hatinggabing giniginaw ang lungkot dumungaw sa bintana ng aking panaginip nangalumbaba sa pasamano minasdan ang aking titig nakangiti nang-aakit bumangon ako at inakay siya sa malamig na higaan.

Kaysarap sa pakiramdam ng mainit na bisig at maligamgam na hininga ngunit tumalilis siya nang kumatok ang madaling-araw sa bintana ng aking panaginip.

1995

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 75

ANG MGA PROPESYONAL

1. Ang kuwentista paggising sa umaga pupungas-pungas na magsisipilyo saka paliliguan ang tulog pang mata pagkatapos tingnan ang listahan ng sasadyain sa palengke habang kinukuwenta sa isip kung kasya ang dalang pera.

2. Ang maestro sumisitsit ang isda sa kawali nagpopompiyang ang kaldero’t takip sa kumukulong sinaing na inaawitan ng apoy sa kalan nagta-tap dance ang kutsilyo sa sangkalan habang kinukumpasan ng sandok ang inaantok na kusinera.

3. Ang modelo madaling matanggal ang makapit na mantsa sa husay ng sabong panlaba walang sinabi ang tigasing sebo sa galing ng panghugas walang gasgas ang sahig sa tibay kumapit ng floor wax sugat-sugat man ang kamay sa kakukusot balat-balat ang mga daliri sa kaiis-is kalyo-kalyo ang mga tuhod sa kapo-floor wax mabait naman si mister kaya ang request lang: “coffee na lang, dear.”

2000

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 76

KANINANG UMAGA SA HARAP NG SALAMIN

Kaninang umaga, Tila akong wicked stepmother ni Snow White Nang tinanong sa salamin Kung sino ang maganda. Tulad ng tapat na salamin sa fairy tale, Sinabi niyang hindi ako.

Ngunit hindi ko binasag ang salamin.

Naisip ko: Nakasasanayan din ang puti at itim na buhok Maskara ang mga matang pinalalim ng puyat At pisnging pinahumpak ng lungkot. Hindi naman ako madalas Lumalabas ng bahay. Walang makapapansin Sa mukha ng mangkukulam.

Mamayang gabi Hahalungkatin ko ang mga lumang album, Siguradong nagtatago roon Ang magandang nawala sa salamin. Pampalubag-loob. Pampalubag-loob.

2000

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 77

TRAFFIC

Wala naman talagang bago Sa aking tahimik na mundo Maliban na lang Kung nauubos ang libreng oras Sa harap ng salamin.

Bibilangin ang gatla At magkukuwenta ng pampabotox O pampalipo kaya Dahil walang oras para sa gym.

Para akong payaso Habang nag-eeksperimento Ng mga makeup at concealer At mga age-defying na sabon At pamahid sa mukha Na nakaaalis daw Ng early signs of aging.

Para akong may Bell’s palsy habang pinanonood sa salamin Ang itsura ng mukha Na pinakukulubot lalo Ng mga facial exercise Na nakababawas daw ng wrinkles at sags.

Ay naku! Para akong nabalaho Sa traffic ng pagtanda.

2005

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 78

SA BAYWALK

Yakap ko ang aking sarili: Ang aking katawan Ang aking anyo Ang aking buhay Ang aking pagkababae Nilalasahan Ang maalat na hanging dapithapon Habang nakaupo sa Baywalk.

Gumugulong ang alon Humahampas sa batuhan Umaampiyás sa aking balat Hinuhugasan Ang aking puting buhok Ang mga gatla sa aking noo Ang malaki kong puson Ang ugating mga kamay at binti At kulubot na balat Pinaliliguan Ang maligamgam nang pagnanasa Ang nagpapaalam na matris.

Yakap ko ang aking sarili Ang aking katawan Ang aking anyo Ang aking buhay Ang aking pagkababae Yakap ko ang aking sarili Habang nakatanaw sa sumasarang kabaong Inaaninag ang nakadungaw na mukha Habang humihinga pa ako.

Humihinga pa ako. Humihinga ako.

2005

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 79

SA GANITONG KATAHIMIKAN NG MADALING-ARAW

Dumarating ang kapayapaan Sa kailaliman ng aking mga pakiramdam Sa ganitong katahimikan Ng madaling-araw Sa piling ng mga sorpresang Nananahan sa aking munting silid Ang kumot na amoy Nakatupi sa ibabaw ng unan Na nakabalot sa malutong na punda Na nakapatong sa amoy talahib na banig Ang aroma ng na kahahango sa pugon At bagong busang kapeng bigas Hatid ng panaderya sa kabilang kalsada Paalalang inuumaga ako Sa pakikipagtitigan Sa mga bituing sumisilip Sa malaking bintanang salamin Makikislap na perlas sa maasul na kadiliman Sa madilaw na buwang tumatawa Sa aking tila baliw na pagkakadipa Sumasamba sa kanyang liwanag At mayâ-mayâ lang Babatiin na ako ng umaga At muli kong makikita sa aking balat Ang itsura ng magulang Na balat ng bayabas.

Mayo 2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 80

RITWAL NG KAMATAYAN

1. paulit-ulit paulit-ulit niyang iniindak ang lumang sayaw habang pinagtatawanan siya nilalapastangan pinapatay hanggang ubusin siya ng pagod hanggang lamunin siya ng ginaw at pag-iisa sa gabing kumakalat ang sumpa ng kalungkutan tumatangis ang dalamhati bumabangon siya at muling sumasayaw sumasayaw nang sumasayaw sumasayaw nang sumasayaw upang tuyain ang kamatayan.

2. hinanap ko ang pag-ibig sa mukha ng bawat kasayaw sa kanilang yakap init ng hininga imbay ng katawan haplos pawis ngiti titig tulad ng dati iisipin ko isinama mo sa iyong pag-alis ang hugis, kulay, at lasa ng pag-ibig sasayaw ako nang sasayaw hanggang sumuko ang kamatayan.

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 81

1999

PAGKAKATAON

Taon ang binuno ko bago naipon ang lakas Lakas na ipampuputol Sa mga baging mong iginapos sa akin Ipang-aalis sa mga bulaklak mong Ikinorona sa akin.

Maginaw ang aking mga hatinggabi. Inaawit nito ang elehiya ng aking kabiguan Kinukutya Ang kawalan ko ng ugat Pinagtatawanan Ang maganda kong mga dahon at bulaklak Dahil nakakapit sa iyong matitikas At malalabay na sanga. Inihahatid ako ng ginaw na ito Sa pinto ng libong kamatayan Libong kamatayang Libong beses ko nang dinanas. At nariyan kang nakabantay Habang nakasilip sa likod mo Ang mga santong tatanghod Sa naghihintay kong nitso.

Narito si Kamatayan, Nararamdaman ko ang talas at lamig Ng kanyang kalawit. Nang-aakit Ang saglit na pagkakataong Maangking muli Ang pangalang akin lang.

Taon ang binuno ko bago naipon ang lakas Lakas na ipinamputol Sa mga baging mong iginapos sa akin Ipinang-alis sa mga bulaklak mong Nakakorona sa akin. Hindi ko sasayangin Ang saglit na pagkakataong ______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 82

Muli akong maging ako.

1999 HINDI KO NA KAYANG SAMAHAN KA

Hindi ko na kayang samahan ka Na titigan ang bituin o buwan O bisitahin ang mga nalaglag Na mga dahon at bulaklak Kahit pa sabihin mong Nakaaalis ng tensiyon Ang paminsan-minsang pagtunganga Habang nagbibilang Ng lumilipad na mga puting bilog Na umiikot sa mata O naghihintay na mapatakan ng hamog Habang inaasahang bibisita sa oras na iyon Ang musa ng mga tula Na magdadala ng inspirasyon Para sa mga bagong taludtod.

Dahil hindi ko na nararamdaman Ang ligaya ng pag-iisa Kahit may kasama Dahil hindi ko na pinaniniwalaan Ang kapayapaang dala Ng kamay na nakakapit sa iyo.

Pareho nating nakita Ang unti-unting pagkaagnas ng mga pangarap Mga tuyong dahon at bulaklak Mga bangkay na naghihintay ng libing.

1999

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 83

KAY MARIA FLORES

Nagkita na tayo doon sa libingan nang sinindihan ang kandilang tanod sa aking kamatayan doon sa libingan nang inihulog ang rosas na makakasama ko sa hukay.

Marahil nakisimpatya ka at ipinagdasal din ako o ipinagdiwang ang aking libing. Sa kamatayan lang makapagtatago ang lihim na sarili ang sariling lihim ang inilihim na sarili.

Salamat, kung alinman, sa pagdating, sa saglit na belasyon,* mabuhay ka nawa sa aking kamatayan.

1999

* belasyon – lamay sa patayRowena P. Festin 90 ______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 84

ODA SA PAGPASLANG

Tinawid ko ang panahon At sinalubong ako Ng iyong maamong mukha.

Ngunit Bulalakaw Ang iyong mga mata Espada ang kidlat Halimaw ang kulog Hindi ko marinig Ang sinisigaw mo. Iisa ang tiyak na kaligtasan Pagtalikod sa taksil na pag-ibig Sa ngalan ng huling poot Hahayaan kitang ipagmalaki Ang puso mong walang laman.

Ang pagpaslang Ay para lang sa buhay.

1999

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 85

KRIMEN

Sumisigid sa buto ang init ng tag-araw tinupok nito ang aking katawan at iniwan ang imbitasyon ng pagpaslang.

Abo na ang alaala: mga mangingibig, kabit, asawa, lalaking lihim na pinagnasaan sunog na ang aking mga ugat limot ko na ang aking kasaysayan alipato na ang aking mga pangarap nakisakay na sa hangin ang anino.

Ngunit paano papaslangin ang sarili samantalang napaslang na ito ng mga nagkunwaring mangingibig dinukot ang puso ikinulong sa bote ang kaluluwa at nirehasan ang espiritu saka iniwan sa labas ng kabaong ang pangalan at anyo ng mga panaginip hinayaang abot-tanaw sa bintana ng patay.

Minsan lang nagaganap ang pagpaslang.

1998

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 86

PINAKAMAGAANG PARAAN NG PAGPATAY

Hayaan mong mahalin ka niya Mula ulo hanggang paa.

Asahan mo Kakapain niya ang iyong mga kurba Susuot siya sa iyong mga kuweba Aakyat sa iyong mga burol At hahawiin ang iyong mga dawag Saka siya iinom Sa iyong mga ilog, sapa, at batis. Hayaan mong isakay Ang kanyang mga pangarap Sa iyong mga alapaap Ihulma ang kanyang kabuuan Sa iyong katawan.

Pagkakataon mo iyon Upang higupin ang kanyang lakas Ang kanyang kaluluwa Ang kanyang kakanyahan. Kung wala ka nang madamang init Tumigil ka na Magpahinga. Iwanan mo siyang sumisinghap.

Hayaan mong mahalin ka niya Mula ulo hanggang paa.

2011

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 87

ICE CREAM

Nang tinitigan mo ako Natunaw ang aking laman Tumulo sa iyong kamay Ang malamig na katas Nang tinikman ako Nanikit sa dila Ang tamis-lamig ng lasa.

Ubos na ang aking laman Sa init ng iyong labi Sa ligamgam ng iyong palad Masdan mo Ang naiwang tunaw na apa At tikman ako sa alaala.

2011

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 88

KUWENTUHAN sabi mo sabi niya: saan ka man magpunta magpaikot-ikot ka man uuwi ka rin sabay turo sa kanyang ari. ewan ko nga ba kung bakit ang tingin niya sa babae laging naliligaw sabi ko sa sabi mo: siguro sobinista talaga siya o baka naman malaking ari na nagpapanggap na tao ewan ko nga ba kung bakit ang tingin niya sa babae nakukuha sa sukat ng ari sabi mo sa sabi ko: nag-eexplore lang siya at nadidiskubre niyang marami pala siyang kakayahan ewan ko nga ba kung bakit ang tingin niya sa babae isang anyong dapat pag-aralan sabi natin sa sabi natin: magkahawig man ang pag-ibig at libog mas masarap pa ring pagkuwentuhan ang nagpapanggap na tao.

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 89

2010

KANINANG MAG-UUMAGA

Minantsahan ng sikat ng araw Ang sapin ng aking kama Habang sumasayaw sa unan Ang anino ng akasyang nakasilip.

Nararamdaman ko Ang maligamgam mong hininga Sa aking batok Habang nakaunan ako Sa arko ng iyong braso At pinakikiramdaman Ang taas-baba ng iyong dibdib Marahil mga hita mo Ang kumikiskis Sa ilalim ng aking kumot Umiipit sa aking binti Naghahatid ng init Sa aking puson Nagbibigay ng lihim na kulay Sa aking pisngi At sekretong ngiti Sa aking labi.

Mga palaso ng liwanag Ang tumatagos sa aking mga mata Habang iniisip ang kadilimang Lumambong sa atin Kagabi. Pagbangon ko Iisipin ko ang pakiramdam Ng pagdalaw mo Sa aking lihim na hardin.

2010

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 90

ISANG HATINGGABING DUMALAW KA sumungaw kang nakangiti walang babala walang pasabi sa bintana ng aking pag-iisa isang hatinggabing iniinda ng puso ang talas ng lungkot ang hapdi ng pag-iisa may ligayang hatid ang dalaw mo ngunit sanay akong nag-iisa bawiin mo man ang ngiti.

1998

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 91

ANG PAGTATAKSIL ay sibuyas na hinihiwa ilubog mo man sa tubig o kuskusin ng asin sisingaw pa rin ang alimuom na magpapaluha sa naghihiwa.

1998

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 92

SA LALAKING ANG AKALA’Y NASA PALENGKE SIYA

“Magkano ba Ang giniling na laman At isang kilong hita?” “Papisil nga Kung sariwa pa. May bawas ba Kapag lamas na?”

“Puwede bang igisa? O kilawin kaya? Masarap ba? Baka nakasusuya. Nakadidighay ba? Hindi nakabibitin. Makatas ba? Baka panat na.”

Aba, mamáng ano. Wala kayo sa palengke. Babae ang kausap ninyo.

1991

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 93

COFFEE BREAK

Umaawit ng “What Matters Most” si Kenny Rankin habang nagka-cappucino tayo at nakasimangot ka. Natutuwa siguro ako dahil heto na ulit ang bihirang pagkakataong nagkakape tayo.

Fiesta na sa akin ang makasalo ka kahit hindi nagsasalita. Ayaw mo kasi ang mga gusto kong pag-usapan. “Walang kuwenta!” sabi mo. Iniisip mo pa ring hindi umuunlad ang utak ko. Kaya nangingiti na lang akong mag-isa kung pinagkapehan mo na lang ang kasalo ko.

Okey lang. Nandiyan pa naman ang mabababaw na alaala, at si Rod Stewart. Inaawitan ako ng “I Don’t Wanna Talk about It.” At pikon ka, kasi hindi ako napipikon.

2010

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 94

PARANG IKAW

Sorpresa #1 Ang pag-ibig Kung minsan hindi napapansin Kahit magpasirko-sirko Sa gilid ng mata Kung minsan naman Malakas magparamdam Naninikit sa katawan Tumatawid sa isip Nanunuot sa puso Namamangka sa ugat Tumatagos sa kaluluwa At lumilikha ng mga pangarap Na lagi nang aabutin Ng mga mangingibig.

Parang ikaw Sa tag-araw.

Sorpresa #2 Ang pag-ibig Parang bulalakaw Maliwanag na maliwanag Mabilis na mabilis Nag-aanyayang mangarap Habang nakatingin sa langit Parang singsing na walang-hanggan Parang kapit ng makalyong kamay Sa naghihintay na palad.

Parang ikaw, Pag-ibig.

Sorpresa #3 Mabangong unan Punda at kumot na inalmirol Sa kamang malambot Ikaw ang iniisip na kayakap Sa halip na panaginip Palaging bagong pakiramdam ______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 95

Ang ginhawang dala Nang mahimbing na tulog Parang ikaw Sorpresang ginhawa Sa bawat paggising.

Sorpresa #4 Pulang bulaklak Sa gitna ng kalawakang berde Paruparo at tutubing lumilitaw Sa kapayapaan ng hamog Bumabagsak na dahon sa kalagitnaan ng katahimikan Amoy ng damong bagong tabas Pagkatapos ng ulan Nag-iisang sigay Sa kahabaan ng dalampasigan. Parang ikaw, Sorpresang ulan Sa kainitan ng Hunyo.

Enero 2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 96

SA PAG-IBIG

1. Maaaring patayin ang pag-ibig Mabagal o mabilis Dahan-dahan o nagmamadali Pareho lang namang masakit Madugo, mahapdi, makirot Gumagaling din naman Natutuklap ang langib At kung masuwerte ka Nabubura pati peklat.

2. Ang pag-ibig ay hindi pagkain o tubig Na mabibili sa convenience store Kahit anong oras Hindi o kwek-kwek Na mahahanap sa mga kalsada Kusa itong dumarating Pero parang jeep na kailangang parahin Upang makasakay At marating ang pupuntahan.

Enero 2013

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 97

PARA KANG PUSA

Malamig ang ilong Malambot ang balahibo Nangangalmot, nangangagat, Sumisiksik Sa ilalim ng kumot at unan Masarap yakapin Malambing na katabing matulog.

Kung minsan biglang tumatalon Kung minsan biglang tumatakbo Kung minsan biglang nawawala Nakikipagtaguan Nakikipaghabulan At kung hindi pinapansin Umiikot-ikot sa paa Nakikipagtitigan Ang malalaking mata Kinikiskis ang buntot Saka tatalon sa kandungan At isisiksik sa mga hita Ang malamig na ilong Ang makinis na balahibo At malambot na katawan.

At mapaiiling na lang ako At yayakapin Ang malambing na titig.

2012

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 98

SANA LANG NAMAN

Sana lang, mahal Sana lang naman Sa paminsan-minsang magkasama tayo Wag na muna nating pag-usapan Ang mga araw-araw nating hinaharap Ang mga araw-araw nating kasama.

Ang mga magsasakang inaagawan ng lupa Ang mga manggagawang sinasamantala Ang mga kaibigang nawawala Pinapatay, namamatay, pinatatahimik Silang kasama nating Inilalaban ang mas maayos na buhay At mas mabuting bukas.

Wag na muna nating isipin Ang muling paghihiwalay Bukas o sa makalawa Dahil alam na alam naman natin Na sa bawat paghihiwalay May nabubuong mga bagong pangarap Na lalong nagpapatibay sa ating paglingap At nagpapalinaw sa anyo ng pag-asang Hindi na tayo magkakahiwalay.

Sana sa paminsan-minsang magkasama tayo Ang isipin naman natin Ay lagi naman tayong nagkikita Sa iisang langit na tinatanaw natin Sa ating mga pagtawid, paglusong, at pag-ahon Sa mga lansangan, ilog, bundok At sa ating panatang walang hanggang pagmamahalan Na walang maliw na nagpapatibok Sa pag-asang muli tayong magkikita Paminsan-minsan man ang pagkakataong iyon.

Sana lang, mahal Sana lang naman.

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 99

2012

MGA ARAL (kina Tess, Dang, Kristy, at Yanie)

Pagkatapos ng maraming sugat (sa puso at kamay) natutuhan nating ang pag-ibig ay hindi nagsisimula at nagwawakas sa pagbubuo ng tahanan at pagpapalaki ng tama sa mga anak hindi rin ito pag-aaral ng mga bagong resiping ihahain tuwing oras ng pagkain o paghahanap ng mga bagong pampakislap sa kaldero’t sahig at pagpapatubo ng mga halamang magkukulay sa bahay at buhay habang hinahatak ang pasensiya ng pitaka at bulsa.

Natutuhan nating ang pag-ibig ay paglalatag din ng banig ng sakripisyo sa bukana ng dawag, sa gilid ng disyerto sa pampang ng dagat, sa mata ng daluyong sa bibig ng ulupong, sa buntot ng alakdan.

Ngunit ang pinakamahalaga na sa kabila ng pagdugtong natin ng bagong pangalan (at katauhan) o pagdanas ng masasakit na kabiguan at tila kamatayang kalungkutan mahigpit ang kapit natin sa pag-asang may namumulaklak sa tag-araw malamig ang hangin sa tag-ulan at alam natin nasa atin pa rin ang pangalang tanging atin hawak natin ang ating puso ang ating katawan may sariling buhay ______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 100

may sariling lakas na kaya nating hati-hatiin na hinahati-hati natin upang mabuo ang payapang tahanan habang inaabot ang sariling mga pangarap.

1998

______BANAYAD / Rowena P. Festin/ 101