D a G L I ﻼǝ⅃Oﻼiiam Aәm Әи Иoyiƨﻼәиiƨ Yaƨya⅃Aƨ Ta Ayяotƨi
Total Page:16
File Type:pdf, Size:1020Kb
A N G Y A W Y A W I ⅃ ӘИAԳ AઘI TA D A G L I ﻼƎ⅃OﻼIIAM AӘM ӘИ ИOYIƧﻼӘИIƧ YAƧYA⅃AƧ TA AYЯOTƧI AM ,WᆿO ӘИAƧI ӘИﻼATA, ﻼAИA ,ႧITAԳAﻼ, Aઘﻼ⅃AЯƎTƎƆTƎ ,ATUԳ ,AИYƎЯ ,A ZƎЯAV⅃A Ⴑ IИAᆿƎTƧ IИ 1 Ang Liwayway At Iba Pang Dagli Stefani J Alvarez 2 PARA KAY TATAY Isa sa pinakamemorableng alaala ko kay Tatay, kada Linggo ang kaniyang pag- uwi, may bitbit siyang Manila Bulletin kalakip ang Panorama gayundin ang lingguhang isyu ng Liwayway. Nakakandong ako sa kaniya habang nagbabasa siya ng dyaryo at kinagigiliwan ko namang buklatin ang magasin. Parang picture book, nakakaengganyo ang makukulay na illustrations at nakasasabik ang pag- aabang sa mga kuwentong serye. Maaaring sa kaniya ko namana ang pagbabasa, at pagmamahal sa amoy ng bawat pahina ng mga kataga. Muli ko ring maaalala si Tatay sa huli naming pinanood na pelikula, ang Dito Sa Pitong Gatang ni FPJ noon sa betamax. Umaambon sa aming pag-uwi. Ipinatong niya ang bitbit na nakatuping Manila Bulletin sa aking ulo. Nabasa ang kaniyang polo at pantalong maong, gayundin ang kaniyang sapatos na balat. Pagdating sa bahay, nakasanayan kong hubarin ang kaniyang sapatos. At pupunasan ko iyon. Nababakas ko roon ang tubig-ulan, sa kaniyang sapatos, sa newspaper, sa aking mukha. Hanggang sa dumating ang isang mahabang tag-ulan ng kaniyang paglisan. Ang kaniyang pamamaalam nang ako’y pitong taong gulang. Hawak niya ang nakatuping pahayagan. Naglakad siya papunta sa sakayan, at sa may waiting shed ko siya huling masusulyapan. Ang tinutukoy kong alaala ay katulad rin ng imahinasyon, iyong pagsasanib ng memorya at ng aking pandama. Minsan ito ang aking realisasyon sa mga bagay- bagay, ng pagtatagpi-tagpi sa mga nakalipas, ng pagtatagpo nito sa kasalukuyan at maging sa pagbalangkas ng mga ito sa hinaharap. Kaya mananatili sa aking gunita ang paghihintay ko kay Tatay. Kipkip ang paborito niyang newspaper at magasin. Umuulan. At hindi na siya kailanman darating. Sa isang iglap, mararamdaman ko muli ang ulan. Basang-basa ako’t masusuka sa di maipaliwanag na sangsang. Aalingasaw at maninikit ang amoy ng basang papel na naghalo sa putikan. Mananahan ang memoryang ito. Lilitaw na parang lumang pelikula sa abuhin na iskrin. Animo’y lulusawin ako sa gitna ng maputik na daan pauwi sa aming tahanan. At ang ulan, sintahimik ng maburak na estero sa aking isipan. 3 TUNGKOL SA DAGLI ‘Weder-weder lang!’ Ito ang unang bungad ni Rolando Tolentino sa kaniyang intro sa Dagling Tagalog 1903-1936. ‘Ang pormang dagli, halimbawa, ay pormang malaganap sa unang dekada ng 1900, ang panahon ng paglaganap din ng diyaryong Tagalog. Matapos nito... ito ay naglahong parang bula.’ Sa kasalukuyan, una kong nasilip ang ilang akda ni Eros Atalia lalo na ang Wag Lang Di Makaraos na tuwirang tinawag na koleksiyong binubuo ng 100 dagli. Kaya sinubukan ko rin ‘ang pagtatangkang bigyan ng kabuluhan ang isang mayaman subalit nakaligtaang anyong pampanitikan sa kasaysayan ng panitikan ng Pilipinas’, ayon pa nga sa panimula ni Aristotle Atienza na kasamang editor ni Tolentino sa Dagling Tagalog. At maging si Reuel Aguila, diin niyang naunang nagkaroon ng dagli, at ‘hindi katumbas nito ang flash fiction’ na malimit itawag sa maiiksing naratibo. Kaya tahasan kong ginamit ang katawagang dagli na sinasabing nakaligtaan, at weder-weder lang, na hindi katumbas ng flash fiction sa Ingles. Dito nabuo ang ‘mga dagling testimonya at rebelasyon...’ sa titulo ng aking unang aklat, Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga. At sa pagkakataong ito, nais ko naman ihain ang isa pa ng koleksiyon ng mga dagli. Ito ay mga akdang nailathala sa Liwayway magasin simula taong 2012 hanggang 2019. Sa pagsusulat ng dagli, minsan iniugnay ko ang daloy at ritmo nito sa musika at tulad rin minsang nakikinig ako ng kanta habang nagsusulat. May mga musikang repetitive, less chorus, at beat-based. Halimbawa ang mga klasikong sonata, at kahit pa rock songs ng Radiohead, mga alternatibong kanta ni Bjork, gayundin sa mapapanglaw na rhythm and blues ni Amy Winehouse na may timplang soul- jazz, kahit pa ang paulit-ulit na koro sa mga kanta ni Lady Gaga, ang matulain at malalalim na emosyon ni Lana del Rey, at ang kasisibol na indie artist na si Billie Eilish sa kaniyang tila mga himig na pabulong. Tulad rin ng pagkalito ko minsan kung saang genre maaaring ihanay ngunit wala roon kung saan, at kung ano ang itatawag sa iyong akda kundi kung papano pinahahalagahan ang mga pag-uulit, ang minimalismo, ang pagwasak at pagbuo, kung papano sa kaiksian mapagbuklod ang bawat kataga, ang bawat saknong ay makakatayong buo/ at malayang akda. May nagsasabing ang dagli ay tulad ng ‘fashion’, sa kadahilanang nasisipat itong pauso o trend lang ang pagsusulat nito. Ngunit matagal nang merong pormang dagli. Noong 1900s meron na tayo nito. Kaya ito ay katulad rin ng iba pang porma at istilo ng pagkukuwento. Kaya hindi pauso lang. Hindi fashion. Sabihin nating tulad ito ng ating pangkaraniwang kasuotan. Ngunit hindi lang basta sinusuot, kundi maaaring pantakip sa kahubdan at maging paghuhubad sa saplot, sa ating samu’t saring hubad na katotohanan. Kung sa maiikling kuwento at personal na sanaysay ay kailangan mong magdagdag nang magdagdag para sa kahingian at kabuuan ng naratibo, kabaligtaran naman sa dagli. Kailangan mong magbura nang magbura. Walang limitasyon ang saklaw ng tema, hindi rin ito pagtitipid sa mga pangungusap, o sa 4 dapat na bilang ang mga katagang bumubuo sa dagli kundi pag-highlight sa pokus ng kuwento. Maaaring minimalismo ang balangkas. FB comment ni J Luna, ‘economy of words, brevity... na wag masyadong matalinghaga at mabulaklak ang salita, hindi tula ang dagli.’ Para itong pagpapasilip mula sa isang maliit ba siwang sa isang napakalawak ba entablado. Sa dagli, di naman kailangan na laging naroon ang imagery, symbolism, emotional appeal, at iba pang teknik na akala nating magpapatingkad sa akda. Dahil sa kaiksian ng porma maaaring tataliwas tayo sa ganoong pamamaraan. Limitahan mo ang iyong akda ng mga abstraktong kahulugan. Sa paggamit ng motif, hayag man o kaya subtle ito ngunit tahasang inuulit para mas ma- emphasize ang konkreto at aktwal na materyal sa naratibo. Para itong paglaladlad sa iyong sariling kahubdan, parang pakikipagtalik sa iyong sariling libog. Sa kaiksian ng dagli, wala na akong pagkakataong dumistansya tulad ng sinasabi nilang ilayo ng manunulat ang kaniyang sarili sa akda. Tinatangay ako sa bawat tauhan, nagpapahinuhod ako sa takbo ng plot, sinasabayan ko ang climax hanggang sa pagtatapos ng aking kuwento lalo na sa unang draft. At sa tuwing nailapat na ito sa papel, ang basahin ito tulad ng isang mambabasang unang nasilayan ang bawat kataga ng aking naratibo, iyon ang oras na hihiwalay ako sa aking akda. Maliban sa literal na pakahulugan, may ilang mga bagay akong tinatawag na ‘realidad’ sa non-fiction man o fiction, sa mahahabang akda o sa maiiksing dagli. Pinanghahawakan natin ang ‘writing with authority’. Babanggitin ko uli si Ricky Lee, sabi niya, hanapin mo ang iyong boses. Gayundin ang payo ni Reuel Aguila, ang pagiging tapat sa pagkukuwento at habang kachika ko si Luna Sicat Cleto, wika niya, lahat naman tayo nagsimula sa konti lang ang nalalaman, minsan kahit sa wala. Maaaring ‘writing is both a vocation and avocation’ at dito sumisibol ang responsibilidad gayundin ang kamalayang ito sa iba pang lebel ng kamalayan sa patuloy na pagtatanong, hindi lang sa ano ang nais mong isulat kundi para kanino ka nagsusulat. At ito ang bumubuo sa ilan pang tinatawag kong realidad. Isa pang mode ng dagli, tulad ng personal essay hindi lang ito naratibo na nililinyahan natin ang galaw ng istorya. Maaaring topical o kaya reflective ito. Parang nasa loob ka ng isang cube na gawa sa salamin at habang iniikot ng iyong paningin, repleksiyon na umiikot rin ang nakikita mo sa iyong palibot. Hindi na natin sinusundan ang latag o kaya pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, ng bawat detalye ng characterization at setting kundi sa dagli maaaring hindi pagkukuwento sa mismong kuwento ng may-akda. Sa pagkakataong ito, nais nating ikuwento kung ano ang nasa loob ng isipan at damdamin na umiikot sa ating mga kuwento dahil ang ating realidad at imahinasyon ay salamin ng ating mga pandama at saloobin. 5 Ang dagli ay binubuo rin ng mga taludturan, at ang pagbabasa nito ay parang pagtula, pagbigkas sa bawat taludtod, hindi lamang pagsuyod sa mga pangungusap. Maaaring ito ang pamantayan sa mga “pandama” (sensation) at sa “pagdama” (perception) maaaring makatimbang itong dalawa. Kung minsan, detalye lamang ng mga pandama ang nais ipahayag ng awtor. Ngunit sa pagpapabigat nito, mas ginagamit ang huli. Sa loob ng isang naratibo, laging may mga tanong na nangangailangan ng kasagutan, itong mga katanungan na lumilikha ng tension, ang tension na humihingi ng resolusyon, at ng simula patungo sa wakas. Isa sa mga naging problema ko sa pagbubuo ng dagli ang di pag-usad ng kuwento at ang pinakamalala ay ‘di ko maisulat’ ang patuloy na gumagambala sa akin. Tinanong ko minsan si Ricky Lee nang magkaroon ng open forum sa isang palihan, at ang natatandaan ko lang na sabi niya, ‘hayaan na muna ito at kusang maisasalaysay kalaunan. Hindi mo kailangang magbuntis ngayon upang maikuwento mo ang panganganak.’ Ngunit mapilit ako. Gusto kong buksan ang aking sinapupunan. Magdadalantao’t mailuwal lang ang aking kuwento. Sasabihin kong di ako naniniwala sa writer’s block, dahil tulad ng karamihang personal essays, trauma ang aking launchpad. Hinuhugot ko rito ang laman ng aking mga isinusulat. At habang binubuo ko tila patuloy akong nakikipagbuno sa aking takot at bangungot. Kaya kung minsan, hindi ko nagagawang buhayin ang mismong naratibo. Parang flatline sa isang ECG machine habang nakaratay ang nag- aagaw-buhay kong dagli, wakwak ang tiyan, nagkalat ang laman-loob, kinakatay ang sariling kahinaan.