Mga pagkilala sa Kumpisal: Mga Kuwento

Gawad San Alberto Magno for Best Creative Work (2017) Finalist, National Book Award for Short Fiction in Filipino (2016) Finalist, Gintong Aklat Awards (2016) Finalist, Madrigal-Gonzales Best First Book Award (2016)

Iba pang libro ni Chuckberry J. Pascual sa UST Publishing House Ang Tagalabas sa Panitikan (2018) Salin ng Where only the Moon Rages ni Cristina Pantoja Hidalgo (forth- coming) Salin ng Ballad of a Lost Season ni Cristina Pantoja Hidalgo (forthcoming)

Online orders: http://bit.ly/USTPHOrderForm

/USTPublishingHouse /ustpublishinghouse Oh, ng prosa, patawarin ang tulad kong sa gaya mo lang umaasa at nananampalataya. Ang huli kong kumpisal ay… teka, kelan nga ba? Nangungumpisal ako dahil naninibugho sa talas, tatas, tikas, timyas, tudla, tumbok, tutok, turing, tudling, tapang at tampal sa pamimili habang nagsasalansan ng salita si Chuckberry Pascual. Nangungumpisal ako dahil hindi ko naisip na nagawa nyang buhayin ang mga diskursong pilit inililibing ng/nang buhay/buhāy. Ikinukumpisal ko rin na lihim kong hahalakhakan ang ilang kontrabida sa mapangahas at namumusong na verso ni Pascual. Alam ko pong naglalaway sila ngayon dahil sa mutyang matyagang inabangan ni Chuckberry na mapasakanya (kaya siguro madalas syang naglalamay sa madilim na sagingan ng pagtunganga). Oh, bathala ng prosa, paanong nagawang muling maikwento ng koleksyong ito ang mga kwentong matagal nang napagkukwentuhan sa mga pondahan, barberya, parlor, kanto, eskenita, kalyehon at lansangan ng gunita ng bansa? Opo, nangungumpisal ako, na nagkasala, na sa una, inakala ko na luwal ito ng mga inaral, pinanday at pinakinis ng bokabularyo dela lengua de akademya at bulong, mahika at gayuma ng teorya (na mga may bertud lamang ng talinghaga ang magbabasbas para matawag ang akda na panitikan). Salamat at nagkamali ako. Kayat patawarin po ako matapos mangumpisal, dahil sa aklat na ito ni Chuckberry Pascual, muli kong natutunan na walang hanggan ang kapangyarihan ng wika, himig, tinig, panaginip, bangungot, himutok, nasa, dusa at hiraya ng sambayanan. Esprewkitektek kumbekbek!

Eros S. Atalia May pwesto ng palmistry sa Quiapo

Kumpisal mga kwento

Kumpisal mga kwento

Chuckberry J. Pascual

UST PUBLISHING HOUSE Manila, 2015 Published by the University of Santo Tomas Publishing House Beato Angelico Building España, Manila 1015 Philippines Telefax: (63-2) 731-3522 • Tel. Nos. 406-1611 Loc. 8252/8278 E-mail: [email protected]

Copyright © 2015 by Chuckberry J. Pascual

ALL RIGHTS RESERVED. No portion of this book may be copied in any form or by any means—mechanical, graphic, photocopying, or stored in a database or any retrieval system—without a written permission from the copyright owners.

Cover art by Donnie M. Teodoro Cover and book layout by Dawn Catherine P. Llanera

Recommended entry:

Pascual, Chuckberry J., author. Kumpisal : mga kwento / Chuckberry J. Pascual. -- Manila, Philippines : University of Santo Tomas Publishing House, c2015. xxiv, 178 pp. ; 23 cm.

ISBN : 978-971-506-768-3

1. Short stories, Filipino I. Title.

PL6063.P63 .P263 2015 Para kina Mama at Nanay

Nilalaman

Pasasalamat xi Pagkilala xiii Introduksiyon xv Magnanakaw 1 Balita 17 Berde 25 41 Labingwalong Taong Gulang 45 Kumpisal 55 Mga Kotse sa Airport 61 Ang Mga Nawawalang Bangus 67 Baha 87

Ang mga kuwento nina Gabriel at Alejandro

Gabriel at Alejandro 101 Boylet 113 121 Sigbin 135 Ex pt. 1 149 Ex pt. 2 163

Pasasalamat

Kay Cristina Pantoja Hidalgo, sa pagtitiwala sa manuskrito.

Kina John Jack Wigley at Ailil Alvarez, ang Director at Deputy Director ng UST Publishing House, sa suporta.

Kay Rolando Tolentino, sa pagpapaunlak na isulat ang introduksiyon ng libro, at sa pagtataguyod ng maikling kuwento sa Pilipinas.

Kina Eros Atalia at Joselito delos Reyes, sa pagsulat ng blurb, sa pagtitiwa- la at pagkakaibigan.

Kay Dean Michael Anthony Vasco at sa UST Faculty of Arts and Letters.

Kina Ralph Galan, Augusto Aguila, at Anna Nicolas, mga kaibigan at kasamahan sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies.

Kina Adam David at Chingbee Cruz ng Youth and Beauty Brigade, sa pagtitiwala sa mga kuwento nina Gabriel at Alejandro.

Kay Boy Abunda, sa pagsuporta sa Kuliti.

Sa aking mga pormal at di-pormal na guro: Eugene Evasco, Luna Sicat Cleto, Rommel Rodriguez, Vim Nadera, Galileo Zafra, Corazon Lalu-San- tos, Paolo Ven Paculan, Joseph dela Cruz, Ronan Capinding, Bernie San- tos, at Jun Cruz Reyes.

Sa aking pamilya na sama-samang nagpalaki sa akin at nagsilbing mga ma- gulang, kapatid, at kaibigan sa iba’t ibang panahon at pagkakataon: Mari- lou Julian, Carlito Pascual, Victoria Pascual, Geronimo Pascual, Roberto Pascual, Teresa Pascual, Jaime Pascual, Ricardo Pascual, Marilyn Julian, Triana Diestro, at Czherbob Acampado.

Sa aking mga kapatid na sina Rie Yoshida at Hajji Espiritu.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House xiii No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Kina Maynard Manansala, Bernadette Neri, Tyron Casumpang, Nerisa Guevara, Ferdinand Lopez, at Jaymee Siao, mga kaibigan.

Kina Eileen Marcelo, Ryan Louie Rivera, Allan Ray Jasa, Nico Estrella, Louie Mallari, Emmerson Lotho, Ericson Mojica, Sarah Raymundo, Pri- mo Ramos, Ryan Mark Lam, Olibert Bustamante, at Ranier Icasiano, mga kababata.

Kay U Eliserio, ang may kasalanan ng lahat.

Kay Donnie M. Teodoro, sa paggawa ng cover art, at sa maraming-marami pang bagay.

xiv © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Pagkilala

Ang ilan sa mga kuwentong narito ay unang lumabas sa mga sumusunod na publikasyon:

“Magnanakaw,” Philippine Humanities Review volume 13 number 2 “Balita,” Philippine Studies volume 53 numbers 2-3 “Berde,” Likhaan 3: The Journal of Contemporary “Tikbalang,” Kuwentong Paspasan “Labingwalong Taong Gulang,” Kadiliman: The Philippine Collegian An- thology of Critical and Creative Writing “Kumpisal,” Ani volume 36: Disaster and Survival “Mga Kotse sa Airport,” Kathang-isip: Mga Kuwentong Fantastiko “Ang Mga Nawawalang Bangus,” Likhaan 8: The Journal of Contemporary Philippine Literature “Baha,” Ani volume 33: Nature and Environment “Boylet,” Querida: An Anthology “Kapre,” Tomas volume 2 number 1 “Ex pt. 1” bilang “Ex,” Transfiksyon: Mga Kathang In-Transit “Ex pt. 2,” Dapitan 2015

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House xv No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

Introduksiyon: Maaligagang pagninilay sa mga kwento ni Chuckberry J. Pascual ni Rolando B. Tolentino

Bawat kwentista—mapa-nobela o mapa-maikling kwento man— ay naglalayong magkaroon ng sariling tinig na magpapaiba sa mga henerasyong nauna’t kasabayan niya, kahit pa may ugnayan din na ang tinig nito ay may kumbersasyon sa mga nauna’t kontemporaryo. Ang tinig ang pasaporte ng manunulat para makagalaw at umalagwa sa network ng panitikan, akademya, kultura, at sa maraming pagkakataon, maging sa politika (hindi ba, marami ring manunulat ay mga hayagang o ghost speech writer at biographer, ng mga politiko at iba pang nangangailangan ng kultural na kapital ng manunulat?). Sa huling usapin kasi, ang kultural na kapital o ang kakayahan ng manunulat na magkaroon ng panlipunang mobilidad batay sa kanyang kultural na kredensyal--na naitalaga sa mahaba- habang panahon sa pamamagitan ng pagkakamit ng mga parangal ng mga kultural na institusyon (Palanca, workshops, natatanging alumni, makata ng taon, writers’ prize, at iba pa)—ang tanging impetus ng manunulat na magkaroon ng sariling tinig. Paano magkakaroon ng sariling tinig kung ang iniidealisang tinig ay nakakamit sa pamamagitan ng pagkakamit ng mga pagkilala ng mga institusyon? Sa isang banda, ang kinikilalang tinig ay natatangi at hindi: natatangi dahil nahulma sa mahabang panahon ng panulat, susteynabol na pagsulat, pagaling nang pagaling na pagsusulat na siyang magpapa- combo meal sa mga parangal ng institusyon (hindi lahat ay pare-pareho ang makakamit sa maturasyon ng manunulat, kanya-kanyang kombinasyon ng pagkakamit at pag-angat sa mga kasabayan); hindi dahil malinaw din ang benchmark ng kultural na kapital sa panulat, para lang sa mga nakapagmaniobra sa mga parangal at disiplina ng mga institusyon (walang parangal, parating nasa laylayan, hindi aangat at makikilala ang tinig. Sa kabilang banda naman, walang tinig ang magkakapare-pareho. May pagkakahalintulad at maari pang magkakatulad pero walang

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House xvii No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. iisa lang ang pamamaraan at laman ng pagsusulat. Ito ang halaga ng individual na tinig dahil may pagpupunan ang bawat isa sa kapasidad na magkapaglarawan at makabuhay ng isang spero ng mundo. Ang panitikang bakla o kababaihan, halimbawa, ay nangangailangan ng bottomless na balon ng pagmumulan at pag-uunlaran ng kwento. Hindi kaya ng isang manunulat na mailahad lahat ng laman ng balon. Para sa mga panitikang may kasaysayan ng pagkaisantabi’t pagkaetsapwera, mas marami, mas politikal na makabuluhan sa paghihimok ng makabagong kaisipan at pagkilos, lampas sa akda’t tungo sa mas malaking lipunan. Marahil, tapos na rin ang yugto at panlipunang kabuluhan ng mga historikong nobela at pamamaraan ng pagkukwento, tulad ng Noli me Tangere, El Filibusterismo, Banaag at Sikat, o Ibong Mandaragit. Wala nang manunulat na aako na siya na at ang kanyang akda ay ang ito na! May nangyari sa panitikan sa pagbulwak ng anti-awtoridad na politikal na kilusan noong dekada 1960s, at ang pagkaudlot ng marami sa mga ito noong deklarasyon ng batas military noong 1972, at ang serye ng patuloy na pakaudlot ng politikal na trasformasyon matapos mapatalsik ang diktaduryang Marcos noong 1986. Kada pagpapalit ng mga pangulo at kanilang administrasyon ay patuloy na pagtataksil sa mga pangarap para sa mabuting buhay ng masang mamamayan: Corazon Aquino (1986), Fidel Ramos (1992), (1998), Gloria Macapagal Arroyo (2001), Benigno Aquino III (2010), at maging ng mga susunod pa. Ang kakatwa pa ngang nagaganap kada pagpapalit ng pambansang administrasyon ay mabilisang pagkaumay na ang chosen one pala ay hindi naman the one. Babagsak ang mga acceptance at popularity ratings sa proliferasyon ng mga skandalong pare-pareho pa rin (korapsyon, nepotismo, impunidad, pork, fasismo, pag-unlad sa iilang pribilehiyado, taliwas na pamomolitika), hanggang madidismaya ang marami, at mabubuo ang kilusang para mapatalsik ang mga ito. Magsisimula muli ang siklo ng pambansang governance, ang eleksyon ang katarsis para purgahin ang naipong kolektibong aspirasyong muli pa ring ipinagkait para makapagpunla ng bagong simula at pag-asa. Kaya walang hahalintulad na pambansang governance sa panitikan. Walang nobela na may lawak, sakop at lalim ng mga tauhan at bansang inakda ni Jose Rizal, Lope K. Santos at Amado V. Hernandez. Masyadong bibo para sa mambabasa’t kultural na pwersa ng bansa ito, imposibleng alam ng isang manunulat ang lahat. Bawat nobela sa post-1972 ay

xviii © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. tumatalakay sa maliliit na mundo na iniinugan ng isang tauhan, isang babae, isang pamilya, isang magkakabarkada, at ito na. Ang maikling kwento ay mas naging partikular ang ambisyon, makapag-ambag ng panitikan ng naetsapwerang sektor at rehiyon. Malinaw ang uring kinikilusan ng mga tauhan, ang kasarian at sexualidad nito, ang lunan at etnikong pinagmumulan at kinikilusan ng mga ito. Gayundin, malinaw ang uring pinanggalingan ng manunulat, ang kasarian at sexualidad nito, ang eskwelahang pinag-aralan at pinagtratrabahuan, ang layunin sa pagsulat (saan niya inilalalabas ang kanyang sinusulat?), at ang ang kanyang mga kasabayan. Ang mga tauhan at spero ng mundo nito batay sa demograpiko’t panlipunang aspirasyon ng manunulat. Ang aking kontensyon, labas ng manunulat ng Unibersidad ng Pilipinas, De La Salle University at Ateneo de Manila University na pulido ang wika, banghay at pagbubuo ng mga kwento, ang mga manunulat sa iba-ibang lugar ng panulat ay hindi lubusang umaalinsunod sa tradisyunal na disiplina (at pagdidisiplina) ng panitikan at malikhaing pagsulat (belles letters o pinong panulat). Mas maluwang ang espasyo ng mas masigasig na experimentasyon sa porma at laman ng kwento, at ng iba pang pormang pampanitikan. Mas nakakahinga, mas humihinga, mas maaliwalas, mas may ningning ang buhay. Mas magalaw, mas magaslaw, mas magaspang, mas totoo, mas may buhay ang buhay. Ito ang dinamikong ipinagkaiba ng mga tradisyunal na akademikong sentro ng panitikan, ang pangunahing balon ng kalakaran sa pambansang panitikan, lalo na ang magiging kanon nito. At ito rin ang nagpapatangi sa pagmumundo (worlding) ng manunulat, na ang kanyang tinig ay may mundong binibigyan-larawan at buhay, na ang kanyang mga tauhan at lunang inaakda ay kumikilos sa inaakalang kabuuang mundo na kanyang inaakda: ang kanyang minumundo sa panitikan. Puno ito ng mga tauhan, detalye at kaganapang ang manunulat lang ang mas maalam, mas nakikialam, mas may pakialam. At ang pagpunan niya ng mga detalye ay paghahabi ng baha-bahagi ng mundo, mga hibla sa inaakalang omnibus na proyekto ng kanyang panulat, ang kanyang corpus na bumubuo ng inilalarawang mundo, at kung paano niya ito iminumundo. Dito ko inilulunan at ipapanahon ang mga kwento ni Chuckberry J. Pascual sa koleksyong Kumpisal mga kuwento. May tinitistis na mga kasalanan at sikreto ang mga tauhan, lalo na ang mga pangunahing tauhan ng mga kwento. O ang mga ito ang instrumental sa unti-unting pagtuklas

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House xix No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ng mga kasalanan at sikreto, ng mga transgresyon at trespass na naganap: kung sino, paano at bakit nagaganap ang mga ito? O ang pagkukwento ni Chuckberry ay pangungumpisal, na tulad ng pangungumpisal na idea ni Michel Foucault, ay kalakaran ng pagbubuo at pagkukumpleto, pagsaksi at aktibong partisipasyon sa kasalanan at sikreto, na ibinibuyanyang ang mga kaganapan at pagbubuo nito sa akto ng pagkukwento, na ang pagbubuyanyang ay aktibasyon ng institusyonal na kapangyarihan ng kwento at panitikan: na makapaglahad ng unibersalidad ng karanasan ng tao at pagkatao. Si Foucault na rin ang nagsabi, na ang kapangyarihan ay naririto sa lahat at wala rito. At kung gayon, ang pangungumpisal at kumpisal sa pagkukwento ni Chuckberry ay naririto at wala rin dito sa mga kwento. Walang kumpisal na kayang ilahad ang lahat ng mga kaganapan at kabuuan nito, walang kumpisal ang kayang ilahad ang katotohanan. At kung gayon, tulad ng isinasaad ng queer theory, ang pangungumpisal ay pagtatanghal (performative). Itinatanghal ang pangungumpisal bilang kahilingan ng institusyon, at ang ritwalisasyon ng kumpisal ang nagsasaad ng ritwalisasyon ng pagdulog sa kapangyarihan ng institusyon sa isang banda. Walang kumpisal na hindi humahantong sa paghahatol, pagpapataw ng pantubos na dasal, absolusyon at kapatawaran ng pinagkukumpisalang representatibo ng divinidad na kapangyarihan. Sa kabilang banda, ang ikinukumpisal ay siya ring nais marinig ng kinukumpisalan. Hindi ka naman maaring magkumpisal ng labas sa listahan ng mga kasalanan, halimbawa, ng mga nagawang kabutihan o mga fantasyang katiwalian. Lalo na sa katha na kathang-isip, ang kumpisal ay naglalahad hindi lamang ng aktwal at historikal, maging ng sapantaha, guni-guni, agam- agam, pag-aatubili at pagtanggap sa labas ng nakagawiang listahan ng kasalanan at pagkakasala; na mayroon sariling padaloy ang kumpisal bilang pagkukwento. At kung ito ay pagkukwento bilang kumpisal, walang kumpyansa sa ikinukumpisal liban sa imahinaryo ng manunulat na may kahalintulad ng imahinaryo ng mamamayan at sambayanan, tungo sa higit ng kapantayan, kabawasan ng katiwalian, kalidad ng buhay at pamayanan. Ang mga kwento ni Chuckberry ay may hugot dahil may kahalintulad na historikal na pinaghuhugutan: mababang uri na bakla at queer ang pangunahing tauhan; umiinog sa pamilya at pinagtratrabahuan ng

xx © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. familiar na pamayanan ng ganitong uri; at kung gayon, ang pangunahing problema ay nagmumula sa ganitong pamayanan at isyu ng uri; wala nang problema nga sa isyu ng kasarian at sexualidad bilang isyu ng tunggalian dahil non-isyu naman ito sa maraming aba’t mababang uri na pamayanan. Hindi pino pero pulido; pitakpitak ang paraan pero buo ang kwento; makamundo ang mga tauhan at ang paraan nila ng pagsasalita’t pagkilos pero may kaluluwa’t metapisika ang mga ito sa pagdalumat sa kanilang lagay; matimyas ang emosyon at sikikal na pwersa sa kwento; mabigat pero may patawa sa kaganapan, may gaan ang mga kwento ni Chuckberry. Mapagnilay ang koleksyon ng kwento, parang may sentrong target na pinag-iisipan kung paano masasapol ang nais na trajektori ng mga kaganapan at kahahantungan ng kwento. Kontraryo sa kapayakan ng mga titulo, masalimuot at maaligaga ang mga kwento: masalimuot sa antas ng mga pangyayari at pagbubuo ng balangkas ng kwento, at pagtigbak (dekonstruksyon) ng mismong inaakalang resolusyon ng kwento; at maaligaga bilang pangunahing lagusan ng mga anxiedad at agam-agam, ng mga amalgamasyon ng mga ito sa pang-araw-araw bago pa man humantong ang sandali ng kaganapan sa lunan ng kwento. O maari ring isipin na masalimuot na aligaga, maaligagang kasalimutan ang mga kwento: malalim ang pinaghuhugutan ng anxiedad dahil sa historikal na pagkatalaga sa mababang uri, bakla at queer, at ang kanilang kondisyon at pagkatao bilang nasa laylayan ng kapangyarihan; at ang mismong disenyo ng kwento ay maaligaga dahil naninibago ang mambabasa sa komplexidad ng mga kaganapang bubuo ng kwento, kahit pa ang inilahad na problema ay hindi mismong nareresolba sa pagtatapos ng kwento. Parang nagluluto ng bibingka si Chuckberry sa pagkukwento: may apoy na nagbibigay-init sa itaas at sa ilalim ng inilulutong kwento. Kailangang magmula sa dalawang direksyon ang init na siyang magpapaalsa sa harinang bigas at magpapasanib ng lasa nito sa asukal, mantekilya, itlog na maalat, at iba pa. Sa mga kwento, ang nasa itaas (ang mambabasa) ay ipinapasok sa pagmumundong inilalatag ng manunulat: isang aba, mababa o mababang gitnang uring mundo at tauhang bakla o queer na kumikilos dito. Hindi na isyu ang kabaklaan sa mundong ito maliban sa ito ang nagbibigay ng natatanging impetus kung paano at bakit nagaganap ang nangyayari sa kwento. Sa gitnang uring mambabasa, na parang manonood sa pelikula, may suspension of disbelief na kailangang

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House xxi No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. akuin: nagiging estranghero dahil kaiba ang mundong pinapalooban, maging ang kognitibong kakanyahan ay naninibago dahil iba ang pagkilos at pag-iisip ng mga tauhan. Ang nasa ibabang pwersa ng init ay nagmumula sa mismong tauhan— pangunahin at sekondaryo--ng kwento. May sariling paraan ng pag- iisip, pakikipagdiskurso sa pang-araw-araw, pagkilos, at pagbubuo ng kwento ito. Sa pangunahin, walang binabagayan ang tauhan para sa pribelihiyo ng mambabasa. Pero bumabagay din ang tauhan sa kanyang pakikitungo sa mga sekondaryong tauhan, malapit at malayo sa kanya, kanyang pinagsususpetsahan at minamahal. May sariling hugot ang mundong ito ng tauhan at ang ginagawang pagmumundo ng karanasan sa kwento at pagbabasa ng manunulat. Defamiliarisasyon (ostranenie sa Ruso Formalismo) ang nangyayari sa mundo ng tauhan sa kwento, at kaakibat na karanasan sa pagbabasa. Nahuhumaling ang mambabasa sa mundong inaakda ng kwento bilang pagkahumaling sa kakaiba’t kakatwang kwento ng tauhan. Tumatampok ang mga bagong detalye, kaganapan, katangian at pagbubuo ng tauhan sa kwento dahil bago rin ang nais tunguhin ng manunulat sa kanyang kwento at pagkukwento. Nilalamlam ang paglalahad ng mga bagong detalye at pagbubuo ng kwento bilang paglamlam sa bagong kapamaraanan ng pagkukwento at bilang paglamlam sa bagong kapamaraanan ng pagbabasa. May pagkabihasa’t pagkadalubhasa ang manunulat na ganito ang nakukuhang paglamlam sa kanyang kwento at akto ng pagbabasa. Queer ang pagmumundo ng kwento at ang kabuuang tinig ng manunulat, hindi dahil queer ang tauhan kundi dahil sa sofistikasyon ng pagkakatwa at pagkakaiba ng paglalahad ng mga detalye, kapamaraanan ng pagbubuo ng kwento, at ang akto ng pagbabasa. Queer ang paglamlam dahil may inaantabayan sa nilalamlam, tulad ng nilalasahang pagkain halimbawa, na hindi naman hahantong sa exaktong inaasahan. Paratihang sablay sa inaakala, dahil kung tutuusin, inakda na ng tauhan sa kwento at manunulat ng kwento sa simula pa lang ang pagiging kontraryo ng mga detalye, kapamaraanan ng pagbubuo ng kwento ang kontraryong akto ng paglamlam sa pagbabasa ng kwento. Nilamlam natin ang karanasan dahil bago ito, may hindi familiar sa pagdanas. Nilamlam natin ang pagsuong sa pag-ibig at pagkalaglag sa pag-ibig, halimbawa, dahil mas kanaisnais ito at ang ganito kaysa sa ibang opsyon. Nilalamlam dahil ayaw pang bumitiw sa nakaraan.

xxii © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Ang kasalukuyan ay finifilter sa dalumat ng nais pang ipagpatuloy na nakaraan. Walang nagle-let go nang lubos dahil walang nakikitang mas kanaisnais na opsyon lampas ng kasalukuyang pagdanas sa nilalamlam na nakaraan, kahit pa alam na ang kinabukasan at hinaharap ay maaring iba na. Sa ngayon, ang paglamlam sa nakaraan ay nagpupunan sa pagnanasa: manatili ang nawalang pag-ibig, ang umalis na kaibigan, ang naunang mamaalam na mahal sa buhay. Nabubuhay tayo sa nakaraan sa kasalukuyan dahil ito ang pagpaparamdam sa atin ng ating pagkatao: na tayo ay tao na marunong umibig, hindi marunong mamaalam, na ang pamamaalam para hindi maging lubos ay kailangang lamlamin. Nostalgic ang queer dahil sa pamamagitan ng paratihang reiterasyon sa nakaraan nagiging malinawlinaw at lubos ang pagpapahiwatig at paglamlam sa kasalukuyan. Ito ang nagpapaugat sa lahat ng queer na nilalang ng kanilang kasaysayan at trajektori ng kasalukuyan at hinaharap, hindi bilang sumpa sa kondisyon kundi pagmamarka sa kondisyon ng posibilidad pa sa kasalukuyan at hinaharap. Dahil ang kasalukuyan ay magiging nakaraan din naman, ang hinaharap ay magiging kasalukuyan, at may paratihang bagong hinaharap para muli’t muling ipagpatuloy ang bago kundi man kontraryong pagpapanilalang: ang pagiging na paratihang pangkasalukuyan dahil paratihang hindi lubos na napunan ang nakaraan para tuldukan at maging, na humuhugot din sa hinaharap na maging iba ito sa paratihang pagiging ng kasalukuyan. Paradoxikal ang pagiging queer dahil para magkaroon ng pagtatagpo sa eksena ng pagkukwento at pagbabasa, kailangan ng pagbabago—muling pagsasaayos kundi man reimbensyon ng mga premis ng pagkukwento at pagbabasa. Nandito ito sa mga kwento, kontradiktoryo at self- contradictory pero nagiging makatotohanan at makabuluhan dahil may bagong paglalahad ng mga detalye at kapamaraanan ng pagkukwentong nanghihimok ng bagong paraan ng pagbasa at pagbabago ng relasyon ng mambabasa sa binabasa, na inaatasan din ang una ng huli na baguhin ang nakagawiang kalakaran, mga awtoridad na naging giya sa pagbabasa, panitikan at salita, para sa interaktibong pagbubuo ng kwento. Sa pagsisimula ng pababasa at sa paglamlam sa akto ng pagbabasa, dinadala ng kwento at manunulat sa iba-ibang sityo ng poder ng kapangyarihan, kung saan hindi lubos ang pagdanas ng kapangyarihan nito, kung saan may governmentality na temporal na nadadanas, kung saan ang tauhan ay may ahensya na isipin, pagnilayan ang kontraryong

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House xxiii No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. posibilidad ng kanyang pagkatao, relasyon sa kapwa at pamayanan. Hindi sinematiko ang mga kwento dahil hindi tila umiinog ang kamera na parang nagmamatyag at nagbababad lang sa mga detalye ng eksena. Bagkus, ang pinaghuhugutan ni Chuckberry ay ang kapangyarihan ng nakalathalang salita, at kung gayon ang tradisyunal na anyo ng panitikan, at ang kakatwang kapangyarihan nito na dalhin ang mambabasa sa kanyang mundo dahil ang pagmumundo ng manunulat batay sa kanyang fakuldad ng imahinasyon ay nanghihimok sa mambasa sa lamlamin ang akda, mahinuha nito ang kanyang sariling pagkatao at mundo, pati pa nga kwestyunin ang mismong pagkatao at mundong kabahagi ito. Sa pagtatapos ng “Magnanakaw,” halimbawa, ganito ang huling linya: “unti- unti, nadama ni Gabriel ang masuyong pagkalag ng mga buhol sa kaniyang isip, ang pagpayapa ng kahungkagan sa dibdib, parang nagsusuklay lang siya.” Paano ito gagawin sa pelikula? Tanging sa panitikan ito posibleng mailahad, at sa pamamagitan ng huling linya, sinsinin ang pagkabuo ng kwento, at ang napipintong pagguho nito. Sa madaling salita, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng salita, gamit ang imahinasyon, nailalabas ng manunulat ang mambabasa sa kanilang pagbabasa at maiugnay—magkaroon ng dialogo at kritikal na interbensyon—sa kanilang pagkatao at mundo. Hindi tulad ng social network platforms sa new media, maging ng komersyal na telebisyon at pelikula, ang owdyens ay hinihimok na magbigay ng kontent (magpalaman) na magtitiyak nang higit pang diseminasyon ng mga plataporma at ng kabuuang neoliberal na kapitalismo nito. Walang pagninilay tungkol sa relasyon ng gamer, Facebook, Twitter at Instagram user, blogger at iba pa sa pagmumundo sa kanila ng social networks. Walang imahinasyon dahil ang mga pagpipiliin lang ay like o unlike; i-favorite o i-retweet; i-heart o hindi. Samakatuwid, dinadala ang mambabasa ni Chuckberry sa mga panahon at lunan na makabuluhan pa ang panitikan at manunulat kahit pa napakakontemporaryo rin sa kasalukuyang predikamento ang laman at porma ng kanyang mga kwento. Hitik sa bunga ang mga kwento ni Chuckberry, at angat ang manunulat sa kanyang henerasyon sa pagbibigay ng kanyang natatanging tinig sa pagmumundo sa mga kwento. Magaan ang bigat, mabigat ang gaan; simple ang komplex, kumplikado ang simple; payak ang laman, malaman ang kapayakan; bitakbitak ang kaganapan, buo ang kaganapan; may nareresolba, wala ring nareresolba; may lungkot ang pagkukwento,

xxiv © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. may saya ang pagkukwento; may ikinukumpisal, walang ikinukumpisal; may katotohanan, walang lubos na katotohanan. May romansa muli ang pagbabasa at panitikan. May romansa dahil may pagnanasa na maiba naman, at sa pagbabasa at pagsulat ng panitikan, ang pagnanasa na maiba rin ang mapang-aping awtoridad ng mundong ginagalawan nating lahat.

Diliman, Quezon City 16 Setyembre 2014

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House xxv No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

Magnanakaw

Pinagmamasdan ni Gabriel sa salamin ang dahan-dahang pagsuot ng naglalakihang ngipin ng bagong biling suklay sa pagitan ng mga hibla ng lampas-balikat niyang buhok nang sumampa ang boses ng kanyang ina sa pasimano ng bintana. Mukhang sumulak na naman ang dugo sa utak ng kanyang ina. Pihadong may kasama pang nadurog na mga bahagi ng apdo, na siyang lalong nagpapait sa mga salitang bumubulwak sa mga labi nitong nagsimula na ring magkulay murang talong, salamat sa regular na paghithit ng sigarilyo. Hindi tumitigil sa pagsusuklay, sumilip sa Gabriel sa bintana: may dalawang bumbunan sa harap ng sampayan. “. . . yung sinabi ko sa iyong kamayin mo na lang dahil madaling magnisnis! Kapag hindi lumitaw ang blouse na yon hanggang mamayang gabi, ibabawas ko yon sa suweldo mo!” bulyaw ng bumbunang mukhang uli-uli ng mga hiblang itim at abo. Walang imik ang isa pang bumbunan, ni hindi nga ito nakaharap sa bumbunang sige sa pagbuga ng mga salitang pagkatapos magsisampahan ay naglilibot na ngayon sa kuwarto ni Gabriel. Patuloy lang ang bumbunan sa pagsamsam ng mga damit na nangunguyakoy sa alambreng tumatawid sa kabuuan ng likod-bahay, pero mula sa itaas, nararamdaman ni Gabriel ang sagitsit ng kaba sa kaloob-looban ng ikalawang bumbunan. Muling humalik ang mga ngipin ng bagong biling suklay sa kanyang anit. At noon din pumuswit sa kanyang isip: ang mga banayad na kaluskos na narinig niya kinagabihan. Nagmula sa kisame ang mga kaluskos na iyon, na nang maglao’y naging parang yabag ng mga pusang naglalampungan. Pero dahil wala naman siyang narinig na ungol ng pusa at dumapo na rin ang antok, hindi na niya sinikap patunayan ang hinala. Matagal na rin siyang nakakarinig ng pagtatalo ng mga bumbunan sa ibang bahay, pero hindi niya akalaing dadalawin rin ng magnanakaw ang sarili nilang pamamahay.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 1 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Bitbit pa rin ang suklay, lumabas ng kuwarto si Gabriel. Hindi pa rin tumitigil sa pagtalak ang kanyang ina, humahampas sa mga dingding ang boses nito, walang tigil sa pagkutkot sa kanyang mga tainga, tila katabi lang niya ang kulay murang talong na mga labi at mismong sa tapat ng mga tainga niya nagsasalita.

===

“Alam ko kung nasaan ang blouse mo, Ma,” sabi ni Gabriel, inihagis na rin ang boses. Nasa kusina pa lang siya, sa tapat ng hindi na gumaganang La Germania oven (kung kailan naman kasi nag-bake ng cake ang nanay niya ay hindi niya alam), patungo sa pintuan ng likod- bahay na kinaroroonan ng kanyang ina at ng matagal na nilang labandera, si Aling Susan. “Ah, ganon ba? Saan mo nakita? Kagabi lang e ibinilin ko pa kasi rito kay Susan—” “Hiniram ko.” “Tarantado! E di nasira? Ang laki-laki ng katawan mo—” “Joke lang!” “—at alam kong bumibili ka ng sarili mong damit! Ang sabihin mo, meron talagang mandarambong sa loob ng bahay na ito—” “Ma, ibibili na lang kita ng bago.” “—ang pinakamahirap sa lahat, yung wala kang kamalay-malay, nag- aalaga ka na pala ng ahas sa loob ng pamamahay mo—” “Parehong blouse din. O gusto mo, dalawa pa.” “—iisang piraso ng damit, nasusukat na ang pagkatao—” “Ma.” “—pinagkatiwalaan mo, pinakain mo—” “Ibibili na lang kita ng bago, Ma, kasi hindi naman si Aling Susan ang nagnakaw ng blouse mo!” Saglit natigilan ang ina ni Gabriel, pero bumawi rin at mas lumakas pa ang hiyaw: “Hindi ko sinabing si Aling Susan mo ang magnanakaw!” Sa pamumula ng mukha ng nanay ni Gabriel, mukhang ito ang magnanakaw na nahuli sa akto ng paggawa ng krimen.

2 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “O, whatever! Basta ibibili na lang kita,” sagot ni Gabriel. Nilingon niya si Aling Susan. Nakatayo lang ito sa isang gilid, kipkip ang mga sinampay, mukhang ibinabad sa atsuwete ang mga pisngi.

===

Mainit pa rin ang ulo ng kanyang ina nang sumapit ang hapunan, pero alam ni Gabriel na matutulog itong nakangiti. Habang ngumunguya kasi ng pinatisang bahaw at piniritong alumahan, inulit niya ang pangakong pagbili ng kapalit na blusa. Malakas ang loob niyang mangako dahil suweldo na kinabukasan sa Mamita’s Magixalon. Kung meron mang mabuting ugali si Mamita, hindi ito nagmimintis sa pagpapasuweldo, marami man o kakaunti lang ang nagpapagupit kada linggo. Pagkatapos maghapunan at maghugas ng sariling pinagkainan, dumeretso na sa kuwarto si Gabriel. Inihanda niya ang kama para sa pagtulog, saka umupo sa harapan ng tokador na may salamin. Dinampot niya ang bagong biling suklay at muli itong pinadaan sa buhok. Habang nagsusuklay, pinakinggan niya ang unti-unting paghina ng tunog ng araw-araw—paroo’t paritong harurot ng traysikel, nagdaraang pangungusap ng mga kapitbahay na galing sa trabaho, humahagok-hagok na usapan ng mga nag-iinuman sa sari-sari nina Aling Barang, mahinang pag-ingit ng sahig sa ilalim ng mga talampakan ng kanyang ina at ni Aling Susan—hanggang sa ang kalmadong paghuni ng bentilador na lang ang natira. Madalas batiin ang buhok ni Gabriel ng ibang tao, lalo na nina Benjie at Rene, mga kasamahan niya sa Mamita’s Magixalon. Itim na itim kasi ito, malambot ang tubo, maninipis ang hibla at palaging makintab. Hindi rin inugali ni Gabriel ang pagpapakulay o pagpapakulot, kaya hindi nagmumukhang inembalsamo ng kung ano-anong gamot ang kanyang buhok. Madalas itong himas-himasin ng mga kasamahan habang humihiling na sana’y nabiyayaan rin sila ng buhok na kadalasang natatagpuang tumutubo sa anit ng magagandang dalaga. Sa tuwing may nagtatanong kay Gabriel kung ano ang kanyang sekreto sa pagkakaroon ng magandang buhok, puspusang pagsusuklay ang isinasagot niya.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 3 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Ang hindi niya maamin, nagsimula lang ito nang maghiwalay sila ni Jojo, dalawang taon na ang nakalilipas. Mula noon, naging bahagi na ng kanyang ritwal sa umaga at gabi ang pagsusuklay. Mula rin noon, wala na siyang ibang itinangi at may kung anong nahungkag sa kanyang dibdib. At ang hungkag na bahaging ito ay may kakayahang mag-alimpuyo, sukdulang hindi siya patulugin kapag naisipang sumumpong. Hanggang sa nahilig nga siyang magsuklay. Sa kung anong dahilan, napapanatag ng paulit-ulit na pagsusuklay ang loob niya, para bang sa bawat hagod ng mga ngipin ng suklay, isa-isang nakakalag ang mga buhol sa kanyang isip, nakakalimutan niya ang butas sa dibdib. At higit sa lahat, ipinapaalala sa kaniya ng pagsusuklay na ang buhok niya ang tanging bahagi ng katawan niya na parating hinahawakan ng huling kasintahan. Alam naman ni Gabriel, hindi malambing si Jojo: katibayan ang mga pasang ibinibigay nito sa mga hita niya sa tuwing nagkakaroon sila ng pagtatalo. Pamana naman ng nagbabagang nguso ng sigarilyo ng lalaki ang koleksiyon ng peklat sa kanyang mga braso. Inugali na nitong pasuin siya sa tuwing masumpungan. Walang kaabog-abog, humahalik ang nguso ng sigarilyo sa balat ni Gabriel, at wala siyang nagagawa kundi umungol. Pero higit pa sa mga peklat, mas malalim ang pagtimo kay Gabriel ng pagkakataon na naramdaman niyang pinahahalagahan siya ni Jojo. Narinig niya ang kasintahan na ipinagmamalaki nang lihim sa mga kasamahang traysikel drayber ang buhok ng “bakla niya”: “Malambot, pare. Saka laging mabango. Parang sa bebot.” Napadaan lang siya noon sa gilid ng barangay hall, katatapos lang magsara ng Mamita’s, at hindi niya inaasahang nakapila pala doon ang ipinapasada nitong traysikel. Hindi na siya tumigil sa paglakad, kahit noong nakita siya ni Jojo at bigla siyang tinawag. Sobra kasing kinilig si Gabriel, baka mapatili siya sa harapan ng mga barkada ni Jojo. Tinawag siya nang paulit-ulit ng kasintahan, pero nagdere-deretso lang si Gabriel sa paglakad. Nang sunod silang magkita—araw ng suweldo, siyempre— inamoy ni Jojo ang buhok niya bago ginawang ashtray ang kanyang kaliwang braso. Hinihimas ng mga mata ni Gabriel ang ilan sa mga uka ng baga ng sigarilyo sa kanyang kaliwang braso nang muling kilitiin ang mga tainga niya ng mga kaluskos. Itinigil niya ang pagsusuklay at iniumang ang kanang tainga patungo sa kisame.

4 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Pagkatapos ng mga kaluskos, dumating ang mga yabag. Nagkamali siya ng tantiya sa mga yabag ng nakalipas na gabi: mas mabigat ang mga yabag na ito kaysa pusa. Hindi nagmamadali, hindi kinakabahan, tiyak na tiyak ang bawat hakbang. Tumatawid sa ibabaw ng kuwarto ni Gabriel, mukhang nanggaling sa bubong ng kapitbahay nila sa kaliwa (kila Aling Barang?) at papunta sa... papunta muli sa likod-bahay? Dahan-dahan siyang pumunta sa bintana, dikit ang likod sa dingding, saka sumilip nang patagilid. Naglaho ang mga yabag, may nag-aparisyong anino sa tapat ng kanyang bintana: parang pusang inihagis mula sa mataas na palapag, humagis ang katawan nito mula sa bubong, bago tahimik na bumagsak sa sementadong sahig ng likod-bahay, sa gitna ng mga bagong sinampay. Wala iyon sa mga plano ni Gabriel, gusto lang naman niyang makita kung sino ang magnanakaw. Pero siguro nga’y sumulak rin ang dugo sa kanyang utak nang masilayan ang bumbunan sa dilim: kung umasta ito’y parang aninong nasa loob ng isang tindahan ng mga damit, lilinga-linga, nag-iisip kung aling piraso ng damit ang unang dadamputin. Tuluyan na ring nalabusaw ang kanyang isip ng iba’t ibang posibilidad—pagtatarang ng kanyang ina sa umaga, ang kaawa-awang hitsura ni Aling Susan, muling pagbili ng blusa sa halip na ilaan ang pera sa ibang bagay para sa bahay, gaya ng bagong takore halimbawa, lalo na at hindi na sumisipol ang ginagamit nila kaya kailangan pang abatan kung kumukulo na ang tubig, nakakabuwisit—kaya dumukwang siya sa bintana at buong lakas na ipinukol ang hawak na bagong biling suklay. Sapol. Bumulong sa hangin ng gabi ang pagsalubong ng plastik sa bungong nasasapnan ng buhok. Yumuko ang anino, hinanap ang sandata ng kalaban. Matapos damputin ang suklay, dumeretso ang katawan nito at tumingala patungo sa tanging bintanang maaaring pinanggalingan ng sandata, iyong tanging pinagmumulan ng liwanag, maliban pa sa buwan at sa kukundap-kundap na bombilya sa karatig na poste ng koryente. Bitbit na ni Gabriel noon ang salamin, nasa ibabaw ng ulo niya, handang ipukol ulit sa anino. Pero nagmistula siyang estatwa nang hugasan ng liwanag ang dilim na nakakulapol sa mukha ng mandarambong.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 5 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Kilala niya ito. Napansin ng magnanakaw ang paghuma ni Gabriel. Mabilis nitong hinablot ang pinakamalapit na damit, tinanggal ang hanger, at ipinukol ito paitaas—diretso sa mukha ni Gabriel. Hindi nasaktan si Gabriel kaysa nagulat sa biglaang pagbati ng hanger sa mukha niya. Malakas man ang pagbato ng magnanakaw, nabawasan ang puwersa nito sa pataas na pagsagupa sa hangin. Gayunman, sumapat ang pagkagulat ni Gabriel mula sa pagkatigalgal para mabitiwan ang salamin. Bumagsak ito sa sarili niyang bumbunan bago lumagapak sa sahig. Tuluyan nang nahiwa ang tela ng katahimikan sa loob ng bahay nang magtalbugan sa kung saan-saang bahagi ng kuwarto ang mga bubog. Parang de-susi, narinig niya ang nagmamadaling yabag ng kanyang ina at ang boses nitong mala-sirenang bumalahaw sa buong bahay: “Anak! Anong nangyari?” Bumukas ang pinto ng kuwarto ni Gabriel, iniluwa ang kanyang inang nakadaster, halatang galing sa mababaw na tulog dahil pupungas- pungas ang bukas ng mukha pero handang makipagtuos. Napatingin ang kanyang ina sa mga bubog sa sahig. Nagtatanong ang mukha nito nang lumapit kay Gabriel at nagsimulang himasin ang mga pisngi ng anak. “Nagulat ako sa pusa, Ma. Sorry,” sabi ni Gabriel. “Ako na ang magliligpit ng mga bubog.” Pasimple siyang tumingin sa bintana. Wala na ang magnanakaw. Wala na rin ang bagong bili niyang suklay na may malalaking ipin. *** “Kabit lang kasi yan,” sabi ng kanyang ina. “E akala ko ba arkitekto si Cristina?” tanong ni Aling Susan. “Ano ngayon? Porke arkitekto hindi na puwedeng maging kabit?” “Sabagay. Saka ang alam ko, may kayabangan talaga ang pamilya ng babaeng yan.” “Kaya inililihim! Kaya ikaw, Susan, pasalamat ka nang labandera ka. Hindi ka naman kabit.” “Ay, hindi talaga! Tingnan mong gaganito lang ako, dinala naman ako ng asawa ko sa simbahan.”

6 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “Kaya hindi napipi ang mga anak mo.” Iyon ang unang pangyayaring nahalungkat ni Gabriel sa kanyang isip: isang hapon ng tag-init, sa likod-bahay, isang taon pa lang ang nakalilipas mula nang mamatay ang kanyang ama. Nakaupo sa bangkito at nakaharap sa banyerang nakasahod sa gripong sumusuka ng tubig, nagbabanlaw ng mga damit si Aling Susan. Nakatalungko sa tabi niya ang ina ni Gabriel, nakaipit ang laylayan ng daster sa mga binti, panay ang buga ng usok sa pagitan ng pagsasalita. Isang taon na ang nakalipas mula nang mag- umpisang manigarilyo ang kanyang ina, himagsik nito sa inhustisya ng kalusugan—hindi nanigarilyo kailanman ang ama ni Gabriel, pero namatay ito dahil sa kanser sa baga. Pinupulutan ng dalawa si Aling Cristina: arkitektong walang lisensiya, mula sa pamilyang mayaman na naghirap, naanakan ng isang konsehal mula sa Ilocos, ina ng isang pipi, kasalukuyang nakatira sa garahe ng luma nilang mansiyon na naging boarding house para sa mga mag-aaral mula sa kung saan-saang probinsiya. “Ano ba ang pangalan ng anak ni Aling Cristina?” tanong ni Gabriel. Katabi siya ni Aling Susan, nakaupo rin sa bangkito, pinalalangoy sa tubig sa batya ang kanyang manyika. “Victor,” sagot ni Aling Susan. Victor nga pala ang pangalan ng batang iyon, usal niya sa sarili. Mas kilala kasi niya ito sa bansag na Pipe. Hoy, Pipe! Hinahanap ka na ng nanay mo! Madalas niyang marinig na sabihin ng mga tambay sa tuwing nakikita nilang pakalat-kalat si Victor sa kalye Andal. “Bakit siya napipi?” “Huwag ka ngang sumabad sa usapan ng matatanda,” sabad ng ina ni Gabriel. Nagsisindi ito ng bagong sigarilyo gamit ang isa pang sigarilyo. Hindi na sumagot si Gabriel, pinanood na lang ang paggalaw ng buhok ng manyika sa tubig. Sumagi ang lahat ng ito sa kanyang isip nang makita niya si Victor sa tindahan nina Aling Barang, noong umaga matapos ang pagdalaw ng magnanakaw sa likod-bahay.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 7 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Nakaupo si Victor sa bangkong nakalaan para sa mga manginginom na parukyano ni Aling Barang, tumutungga ng isang lapad ng gin bulag. Nang makita si Gabriel, ngumiti ito nang pagkalaki-laki. Naalala ni Gabriel ang mga imported na asong kasama ng mga guwardiya sa paglilibot sa mall. Bakit ka nga ba napipi? Naalala niya ang tanong, at sa isang iglap, natukso siyang ibato ito noon din kay Victor. Pero si Gabriel ang nawalan ng kakayahang magsalita sa malapitang pagtingin sa mukha ng pipi. Nanigas din siya na parang estatwa nang walang ano-ano’y lumapit si Victor at hinimas ang buhok niya. May gusto itong sabihin, nagmumuwestra pa na parang nagsusuklay, ngunit puro ungol ang namutawi sa bibig nito. Ilang segundo ang lumipas bago gumapang ang kaba sa lalamunan ni Gabriel at tuluyang umalpas bilang napakatinis na tili. “Hoy Pipe, tantanan mo nga si Gabriel! Lumayas ka nga diyan! Bastos ka!” bulyaw ni Aling Barang. Isinungaw pa nito ang kalahati ng katawan mula sa bintana ng tindahan, saka nagwasiwas sa hangin ng isang kadena ng sachet ng shampoo. Mukhang nagulat rin si Victor sa ginawa. Agad nitong inalis ang kamay sa buhok ni Gabriel. Parang asong nabahag ang buntot, lumakad ito palayo sa tindahan, kipkip sa dibdib ang lapad ng gin bulag. “Kundi lang makakasama sa nanay niyan, ipinahagad ko na yan sa mga tanod,” bulong ni Aling Barang. Tumango-tango lang si Gabriel, kumakabog pa rin ang dibdib.

===

Katatapos lang niyang i-cellophane ang isang kostumer at inutusan siya ni Mamita na bilangin ang mga bote ng pangkulay. Tatlong beses na niyang binilang ang mga bote ng pangkulay sa buhok. Kulang talaga. Hindi masiguro ni Gabriel kung nalilimang lamang siya o nagkamali siya ng dinig kay Mamita. Wala kasi siyang ibang maisip kundi si Victor. Si Victor ang magnanakaw. Bumbunan nito ang pinukol niya ng suklay. “Ilan pa ang hindi nabubuksan?” tanong ni Mamita. Nakaupo ito sa likod ng counter, nagbibilang ng pera. Tadtad ng hair rollers ang ulo nito, senyales na mayroon itong lakad kinagabihan, at siyang muling

8 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. nagpaalala kay Gabriel kung gaano nga katindi ang pagkakahawig ng amo sa mga babaeng kontrabida sa mga pelikulang napapanood niya tuwing hapon sa luma nilang telebisyon, iyong mga babaeng hindi nangingiming ingudngod ang bida sa putikan o alipustahin nang walang patumangga ang sinumang hindi napupusuan. Mukha talagang babae si Mamita, kung hindi lamang sa perpetwal na presensiya ng papatubong bigote sa ibabaw ng nguso nito. Ilang beses na rin nilang napagbiruan nina Rene at Benjie ang buhok sa nguso ng amo na hindi talab-talaban ng kahit na anong uri ng pang-ahit; ilang oras lang pagkatapos mag-ahit, magsusungawan na agad ang mga maiitim at matitigas na ulo ng buhok. Nagbilang muna siya ulit nang mabilis, bago sumagot, “Pito ang hindi pa nabubuksan, lima ang may bawas.” “Punyeta. Sabi ko na nga ba, e.” Napalingon sa may-ari ng salon ang babaeng nagpapa-pedicure. Namilog ang mga mata ng binatilyong nagpapagupit. Nagpatuloy lang sa pagtatrabaho ang manikuristang si Benjie at ang kapwa manggugupit na si Rene. Kinabahan si Gabriel. Bungangera si Mamita, pero bihira itong magmura kapag mayroong kostumer. “Mamita, kinse pa ito nung huling kong bilang. Noong kamakalawa lang iyon.” “Alam ko. Binilang ko rin yan kahapon. Ang hindi ko malaman, kung bakit nawawalan ako ngayon ng tatlong bote!” halos sumigaw na si Mamita. “Papalitan ko na lang, Mamita. Ako naman talaga ang nakatoka sa inventory ngayong buwan,” sagot ni Gabriel. Nilingon niya ang mga kasamahan. Halos ingudngod ni Benjie ang pagmumukha sa paa ng kostumer, kesehodang masinghot ang sangsang ng ingrown na pilit tinatanggal. Buhus na buhos naman ang atensiyon ni Rene sa pag-aahit ng patilya ng binatilyo, parang eskultor na nasa kalagitnaan ng paglikha ng obra maestra. Umingos lang si Mamita. Isinilid nito sa maliit na kaha de yero ang bungkos ng perang tapos nang bilangin. “Huwag ka nang magpakamartir. Iaawas ko ang presyo ng tatlong bote sa suweldo ninyong lahat. Ganyan ang gagawin ko sa tuwing may mawawala rito, hanggang sa magtanda kayo. Mga bakla na nga, magnanakaw pa! Diyos ko, ha!”

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 9 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. At gayon nga: kulang ang tinanggap na suweldo ni Gabriel. Bawas ng dalawang daan. Hindi na siya nagtangkang magtanong pa kung dalawang daan din ang iniawas nito sa suweldo nina Benjie at Rene; kapwa sambakol ang mukha ng dalawa nang tanggapin ang sobre ng suweldo mula kay Mamita. Bago lumabas ng salon, nagdabog pa nga si Rene. Padaskol nitong inilagay ang mga gunting sa plastik na tray. Bumagsak ang tray sa sahig, sumabog ang mga suklay at gunting, at tuluyang napunit ang tensiyonadong hangin na halos maghapong nakalatag, banat na banat, sa loob ng salon. Hinabol ni Mamita si Rene at binulyaw-bulyawan. Nang marinig ang pagsabog ng mga gamit at ang pagrepeke ng bibig ng amo, walang lingon-lingon, lumabas ng salon si Gabriel. Ayaw na niyang madamay pa. ===

Bago umuwi, dumaan si Gabriel sa mga tiyangge. Pagkatapos ng matinding pakikipagtawaran sa tindera na sumabay ang pag-askad ng mukha sa pagtawad ni Gabriel sa presyo, dalawang blusa ang nabili niya: isang kulay rosas na may manggas at isang puti na walang manggas. Nang bunutin ang pitaka para magbayad, kinurot si Gabriel ng panghihinayang sa dalawang daang nawala. Napaisip siya kung sino kina Benjie at Rene ang nagnakaw ng tatlong bote ng pangkulay sa buhok. Pagkuwa’y naalala niya ulit si Victor. Isa pang magnanakaw. Mga salot, usal ni Gabriel sa sarili.

===

Madilim ang bahay nang datnan ni Gabriel. Kinapa niya ang pindutan ng ilaw sa gilid ng pintuan, saka inilapag ang plastik na naglalaman ng mga bagong blusa para sa kanyang ina sa lamesita sa sala. “Ma?” Walang sagot. Kadalasan, kapag umuuwi siya nang ganitong oras, naririnig niya ang kinulob na hiyaw ng telebisyon mula sa kuwarto ng kanyang ina sa itaas. Laging mataas ang bolyum ng telebisyon sa tuwing nanonood ang kanyang ina, kaya siguro nasanay na rin itong magsalita nang malakas sa lahat ng okasyon, laging nakikipagpaligsahan para mangibabaw ang boses sa ingay na siya rin naman ang may gawa, kung tutuusin.

10 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Pumunta siya sa kusina. Gaya ng inaasahan, nakita niya sa gilid ng rice cooker ang tasa na may pinggan sa ibabaw. Ipinagtabi pa rin naman siya ng kanyang ina ng pagkain. Inangat niya ang pinggan: paksiw na bangus. Kumuha siya ng isa pang pinggan at kutsaron, saka sumandok ng mainit-init pang kanin sa rice cooker. Nakakailang sandok pa lang ng kanin si Gabriel nang muling kutingtingin ng mga kaluskos ang kanyang mga tainga. Galing ang mga kaluskos sa likod-bahay, katunog ng mga kalmot ng kalaykay sa semento na naririnig lamang niya tuwing tag-init at isinasagawa ang taon-taong paglilinis ng mga kanal sa kanilang barangay. Dahan-dahan, inilapag ni Gabriel ang pinggan. Tinantiya muna niya kung natunugan na rin siya ng kumakaluskos. Nang masigurong patuloy ang tunog, humangos si Gabriel patungo sa likod-bahay. Nasa isang sulok ang magnanakaw, nakatalikod kay Gabriel. Sa dilim, parang lumiit ang kaha nito. Iyon pala ang pinagmumulan ng tunog na nagpaalala sa kaniya ng mga nililinis na kanal: aluminyong kumakaskas sa semento. Hinihila kasi ng magnanakaw ang mga batya, parang may hinahanap. Kamaong kumuyom ang galit sa dibdib ni Gabriel at umigkas mula sa kanyang lalamunan bilang sigaw: “Hayop kang Pipe ka! Magnanakaw!” Saka lamang niya naisip maghagilap ng maipupukol. Nakita niya ang dustpan na nakasandal sa pader. Dinampot niya ito, iniangat na parang palakol at saka sumugod na parang mandirigmang inilalagay sa pinakaharap na hanay ng kanyang batalyon. Biglang humarap ang nagulat na magnanakaw. “Gabriel! Huwag!” Dahil nasa kalagitnaan ng pagsugod, hindi na napigil ni Gabriel ang puwersa ng paghataw; nagawa na lamang niya itong iliko. Sumalipadpad ang dustpan pakaliwa, sabay pataksil namang tumakas ang lakas mula sa kanyang mga tuhod, kaya walang kaginsa-ginsang napaluhod si Gabriel sa semento. Mabuti na lang at naitukod niya ang mga kamay, kundi’y sumadsad rin ang kanyang mukha sa semento. “Sori po, sori po, sori po!” Nang iangat ni Gabriel ang tingin, nakita niya ang matandang labandera sa tabi ng mga batya, nakataas ang dalawang yayat na braso, tila

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 11 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. may sinasalag pa rin sa hangin. Nanginginig ang mga braso ng matanda, gayundin ang boses nito na walang tigil sa paghingi ng patawad. Nadurog ang puso ni Gabriel. Kahit nanghihina pa rin, tumayo siya at niyakap si Aling Susan. “Ano ho ba naman kasi ang ginagawa ninyo rito nang ganitong oras? Akala ko ho, magnanakaw kayo.” Sumubsob sa balikat ni Gabriel si Aling Susan. Naramdaman niya ang pagkabasa ng balikat ng suot niyang kamiseta. Hindi na niya malaman kung sa luha o laway ng matanda, dahil nagsalita ito habang nakasubsob: “Hindi ko naman sinasadya, Gabriel. Hindi ko sinasadya. Nangangailangan lang ako talaga, nalaglagan ang anak ko. Hindi ko alam kung paano siyang ilalabas sa ospital. Kahit ano, pinapatos ko na. Patawarin mo ako.” At nakita nga niya ang bungkos ng mga damit sa tabi ng mga batya. Hindi niya masiguro kung ano-anong piraso ng mga damit nilang mag-ina ang nandoon, pero nasisiguro ni Gabriel na ang paborito niyang cardigan na kulay puti ang ginamit na pantali ni Aling Susan. Kumikinang ang kaputian ng cardigan sa liwanag ng buwan. Bumitaw sa pagkakayakap si Gabriel. Dinampot niya ang bungkos ng damit at iniabot sa matandang labandera. “Umuwi na ho kayo.” Nakayuko, tinanggap ni Aling Susan ang bungkos ng damit. Wala na sa paningin niya ang labandera nang maalala ni Gabriel ang kanyang ina. Hinabol niya at inabutan si Aling Susan na isinasara ang pinto sa sala. “Aling Susan! Alam nyo ho ba kung saan nagpunta ang Mama ko?” Mukhang nahihiya pa rin ang matanda nang lumingon. “Hindi mo pa ba alam? Inatake sa puso si Cristina. Nasa burol niya ang Mama mo.”

===

Natagpuan niya ang ina sa umpukan na nakatayo sa tabi ng mesa inihahanda pa lang para sa pagsisimula ng sakla. Sinagilahan ng lihim na hiya si Gabriel nang lumapit sa kanyang ina na noon ay nasa kainitan ng pakikipaghuntahan sa mga kapwa naglalamay: buhay na buhay ang dugo nito, panay ang muwestra ng mga braso’t kamay, papalit-palit ang ekspresyon ng mukha, umaalagwa sa hangin ang tindi ng interes sa sinasabi ng mga kausap. Sumalaksak kasi sa isip niya ang pakikipag-usap nito noon

12 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. kay Aling Susan, noong isang hapon ng tag-init na pinagtsitsismisan ng dalawa ang buhay ni Aling Cristina. Noong hapon na hindi pa nalalaglagan ang anak ni Aling Susan—ni hindi pa nga siguro ito nireregla, dahil sa pagkakatanda ni Gabriel, kaedad lamang niya ito, patunay ang paulit-ulit na kunwaring hinaing ng labandera na kung bakit kasi hindi ipinanganak na babae si Gabriel at nang sa gayon ay mapamanahan ang anak niyang babae ng mga pinaglumaang damit. Na noong simula e nginingitian lang ni Gabriel, pero nang maglaon ay sinasagot na niya ng “Babae rin naman ako, hindi lang talaga kakasya sa anak ninyo ang mga damit ko.” Na ikinabubunghalit lang ng tawa ni Aling Susan at maging ng kanyang ina. Patuloy lang sa pagkukuwento ang kanyang ina: “Ang sabi ko nga sa sarili ko, seryoso ba ito? Kasi hindi ko talaga maubos-maisip—” “Ma.” “—parang noong isang araw lang, nagkita pa kami! Halos kaedad ko lang yan—” “Ma, nakita mo ba si—” Sumabad ang isang lalaki sa umpukan. “Uy, nandito ang anak mo.” Noon lang natauhan ang kanyang ina. “O, Gabriel! Anong ginagawa mo rito? Nakita mo ba yung ulam?” Tumango na lang si Gabriel, binawi na ang tanong. Nakaramdam siya ng inis sa dami ng tao sa burol ni Aling Cristina. Hanggang ngayon, hindi niya malaman kung bakit parating mukhang pista ang mga lamay ng patay sa lugar nila. Wala pa siyang natatandaang namatay na taga-kalye Andal na ibinurol nang tahimik, kahit pa ang mga hindi popular, gaya ni Mang Amor na kilala naman sa buong barangay na nagtutulak ng bato o gaya ni Aling Cristina na pihadong hindi lang sa likod-bahay nila napagtsismisan kundi sa likod-bahay rin ng iba pang mga taga-kalye Andal dahil sa pagkakaroon ng bawal na relasyon sa isang konsehal mula sa Ilocos. Lagi at lagi talaga, namumutiktik sa katawan ang bahay ng namatayan: mga naglisaw na kapitbahay na walang puknat ang paghuhuntahan, para bang hindi rin naman sila-sila ang nagkikita sa araw-araw; mga miron na walang ibang layon kundi makalibre ng kape at biskuwit, at kung huling gabi ng lamay at sinuwerte dahil may kaya ang pamilya ng namatayan, manginain sa libreng pansit malabon; mga sugarol na dumadayo pa mula

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 13 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. sa kabilang bayan, masubukan lang kung nagbabago nga ang suwerte sa baraha kapag pumusta sa bagong lugar. “Ano? Halika na?” tanong ng ina ni Gabriel. “Hindi, Ma. Sige, makipagkuwentuhan ka lang diyan,” sagot niya. “Babati lang ako sa mga namatayan.” Dumeretso siya sa loob ng bahay nina Aling Cristina. Iyon ang unang pagkakataon na nakapasok siya sa loob ng bahay na iyon, na dating mansiyon na naging boarding house, pero hindi naman maaaring maligaw sa burol ang sinumang dadalaw. Nasa pinakamaliwanag na sulok ng bahay ang kabaong, napaliligiran ng mga bulaklak na tinaguriang para sa patay pero tanging mga buhay lang naman ang nakakaamoy. Doon niya natagpuan si Victor, nakatayo sa tapat ng kabaong. May katabi si Victor na isang matandang lalaki, hinihimas-himas ang likod ng pipi. Inapuhap ni Gabriel ang sariling dibdib: naglaho na ang takot niya sa pipi. Wala rin siyang makapang galit. Sa halip, nagbalik ang matinding kahungkagan sa loob niya, nag-umpisa na namang mag-alimpuyo. Lumapit siya sa kabaong, tumayo sa gilid ni Victor. Tiningnan niya nang maigi ang mukha ni Aling Cristina. Hinanap niya sa mukha nito ang kasabihang makailang beses ding narinig sa mga burol na pinuntahan: mukhang natutulog lang. Napapaismid lang si Gabriel sa tuwing naririnig iyon, sa totoo lang. Hindi siya naniniwala sa mga taong nagsasabi na mukhang natutulog lang ang bangkay dahil ang pakiramdam niya, sinasabi lang nila ito para sila ang makatulog nang mahimbing. Pero napatotohanan niya ang kasabihan noong gabing iyon. Dahil oo nga, mukhang natutulog lang si Aling Cristina, bahagya nga lang itong nakangiwi—hindi lubos na nagtagumpay ang embalsamador sa pagtuwid sa labi—at ang make-up ng bangkay: ayaw na lang pansinin pa ni Gabriel. Mabuti na lang at may taglay talagang ganda ang ina ni Victor, usal niya sa sarili. Pero ang suot nitong blusa, hindi yata’t nakita na niya dati pa? Nakilala ni Gabriel ang nawawalang blusa ng kanyang ina. Noon lang naramdaman ni Gabriel ang patagilid na pagtingin sa kaniya ni Victor. Para itong batang nahihiya, tumitingin nang matagal, biglang babawiin, saka titingin ulit.

14 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Gusto sana niyang sabihin kay Victor na hindi na siya galit, na naibili naman niya ng kapalit na blusa ang kanyang ina, at pasensiya na rin sa pamumukol niya ng suklay, pero nagkabikig na siya sa lalamunan, kaya ginaya na lamang ang ginagawa ng matandang lalaki sa kabilang gilid ni Victor: hinimas-himas rin niya ang likod ng pipi. At unti-unti, nadama ni Gabriel ang masuyong pagkakalag ng mga buhol sa kanyang isip, ang pagpayapa ng kahungkagan sa dibdib, parang nagsusuklay lang siya.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 15 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

Balita

Nagtitiris ako ng blackheads sa ilong nang makita ko kung paanong sinalya, pagkuwa’y dinampot, binatukan, hinawakan ang baba, saka sinapak, at nang malugmok ay pinagtatadyakan ng isang pulis ang lalaking nanlalagkit ang buhok, nanlilimahid ang balat, at nanggigitata ang damit. Narinig ko ang bilog na boses ni Korina Sanchez: “...Lalaki, diumano’y nahuling nagtanim ng bomba sa Luneta. Lahat ng iyan, sa pagbabalik ng TV Patrol.” Pinahid ko muna ng palad ang mga puting kanin na lumabas sa mga mumunting balon sa ibabaw ng aking naglalangis at namumulang ilong bago ako nagpatuloy sa pagtiris at panonood. Commercial: Si Ate Glo, nagsasayaw kasama ng mga Ifugao; Cory Aquino, nakikipagkamay sa iba’t ibang world leaders; di-kilalang babae, nagsasalita nang nakatayo sa isang board meeting kung saan puro lalaki ang nasa mesa (nasa kabisera ang babae); mga babaeng atleta: may tumatakbo, lumalangoy, nakasakay sa kabayo, umiiyak habang tangan ang medalyang napanalunan; sunod-sunod na imahen ng mga maybahay, merong nagpapasuso ng bata, may naghahain ng pagkain, may naghahatid sa mga anak sa schoolbus. Voice-over ng lalaki (malaki at malalim ang boses): Let us celebrate Women’s Month. Pink ang kulay ng chargen. Teaser: voice-over ni Mark Logan: “Mga kagandahan, may gustong patunayan! Hindi lamang sila pangrampa, pangkusina pa! Halina’t tikman ang Lengua Estofado ni Charlene Gonzales, Frog Legs ni Assunta de Rossi, at Pata Tim ni Ruffa Gutierrez-Bektas! Huwag kayong tatakas, mi amigos, mi amigas! Kita-kita bukas, sa Morning Girls with Kris and Korina!” Commercial ulit: Kuya Germs (nakamakintab at kumukutikutitap na coat at bowtie), napaliligiran ng mga babaeng dancers (nakamakintab na bathing suit, may mala-peacock na buntot, at naka-high heels), sumasayaw sa saliw ng “Dazz, dazz, and all that dazz/ Dazz, dazz, it’s gotta be/ it’s gotta be/ Dazz.” Isa pang commercial: Parke. May matandang babaeng pulubi. Lumapit siya sa isang lalaking nakaupo sa isang bench. Hahatiin ng lalaki ang biskuwit na hawak niya at iaabot sa matandang babaeng pulubi...

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 17 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “Hoy, yung mga pinapabili ko sa iyo,” sabi ng babaeng naka-duster. “Nakalapag na diyan yung pera.” May hawak siyang siyanse sa kanang kamay, nasa hawakan ng kawali naman ang kaliwa. “Oo, ‘Nay. Tatapusin ko lang tong balita.” Muli akong nagpahid ng ilong. Tumayo ako at pumunta sa kusina. Lumapit ako sa lababo at naghugas ng kamay. Bumalik ang Nanay sa harap ng kawali. Nagpiprito siya ng manok. “Bumili ka na rin ng palaman. Alangan namang yung tinapay lang ang kainin nyo bukas. Paubos na yung Lady’s Choice dito.” Tatango-tango akong bumalik sa sala. “Tatapusin ko lang nga tong balita.” Nasa TV na ulit si Korina: “Isang di-makilalang lalaki ang diumano’y nahuli sa aktong nagtatanim ng bomba sa Luneta Park. Agad itong inaresto ng mga rumespondeng pulis pero huli na nang malaman nilang nakatakas na pala ang mga kasamahan nito. Pinaghihinalaang miyembro ng isang international terrorist group ang lalaki. May follow-up report si Alvin Elchico, Patrol ng Bayan.” Pasok ang VTR: patuloy pa ring nagwawala ang marusing na lalaki kaya pinosasan ito at puwersahang binitbit papunta sa van. Nakakaladkad ang lalaki; sa posas lamang siya hinahawakan ng mukhang nandidiring pulis. Lumapit si Alvin Elchico sa lalaking diumano’y nagtanim ng bomba. Extreme close up ng lalaki (naglalaban ang kulay ng dugo, grasa, semento, pawis, at laway sa mukha) habang tinatanong ng reporter ang pulis na rumesponde: Saan nyo na po siya dadalhin, ser? Diretso na po sa Crame na to, ser, sagot ng nandidiring pulis na hindi pa rin tumitigil sa paglalakad at pangangaladkad sa lalaking marusing. Mukhang wala nang balak pang makipag-usap ang pulis kaya ang kinakaladkad ang binalingan ng field reporter: Alam mo ba kung saan ka nila dadalhin? Biglang sumingit sa frame ang pulis at inagaw ang mikropono: sa Crame na nga po ang tuloy nito, ser. SOP po namin yan sa mga teroristang tulad nito. “Mamaya na sinabi yan. Bumili ka na at malapit na tayong maghapunan.” Boses ni Nanay mula sa kusina. Kung bakit kasi hindi makakain nang walang ketchup ang manok, bulong ko bago pinatay ang TV, dinampot ang perang nasa ibabaw ng lamesita sa gilid nito, at lumabas ng bahay.

18 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Isang kalye lang ang layo sa amin ng “Home Sweet Home.” Nasa bandang gitna ito ng kabilang kalye kaya dumadaan ako sa eskinita para hindi na umikot pa sa kanto. Dito ako parati pinabibili ng Nanay ng kung ano-ano dahil mas mura ang presyo kaysa 7-Eleven o sa Mercury Drug. Pagpasok, sumenyas ang guwardiya ng pagkapkap. Pagkaraang magpahipo, dumiretso ako sa eskaparateng may signboard na Condiments. Kinuha ko ang tatak na paborito ng Nanay ko: UFC Banana Ketchup. Pagkuwa’y lumipat ako sa eskaparateng may signboard na Peanut Butter, Mayonnaise, Spread. Kinuha ang Miracle Whip, Chicken Spread. Papunta na ako sa kinalalagyan ng mga tinapay nang may marinig akong pagtatalo. Pumunta ako sa cash register, malapit sa pinto. Nakikipagtalo ang guwardiyang nanghipo sa akin sa isang lalaking may bitbit na lata ng Bonna. May kasamang babae ang lalaki, may bitbit naman itong sanggol. Sa hitsura at kilos ng babae, mukhang natatakot ito na magising ang batang nasa mga bisig niya. “Ser, kailangan nyong bayaran yan, e.” Nakikiusap ang tono ng guwardiya. “Binayaran ko na nga! Itanong mo pa sa kanya!” sumisigaw na ang lalaki. Tiningnan ko ang mukha ng babaeng nasa harap ng cash register: panay ang iling nito. Nagsimula nang humikbi ang sanggol. “Ano gusto mong palabasin? Magnanakaw ako?” “Bayaran na lang po natin, ser.” “Ipinapahiya mo ba kami ng asawa ko?” nandidilat na ang lalaki. Kasabay naman ng sanggol, humihikbi na rin ang babae. Nang lumingon ako, nakita ko ang mga mukha ng mga kapwa mamimili. May siyam siguro kaming nakakumpol sa tabi ng cashier. Pamilyar sa akin ang mga mukhang nakita ko: may natatakot, may naaawa, may nag-aalinlangan, may nagagalit (isang mamang panay ang kalabit sa di-namamansing cashier para i-punch na ang mga pinamili niya). Pero nasisiguro kong naging isa ang mga pagmumukha namin nang biglang bumunot ng balisong at lumapit sa cashier ang lalaking may hawak kanina ng Bonna na nasa sahig na ngayon, sa paanan ng babae at sanggol na sabay na umaatungal.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 19 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Napaurong ako, sampu ng mga mamimili, sa likod ng eskaparateng nasa gilid ng cash register. Nakita kong nagyakapan ang dalawang matandang babae. Tinapik ng isang mama ang sariling noo. Humigpit naman ang hawak ko sa Miracle Whip. Ang UFC Banana Ketchup, pulang mantsa at bubog na lamang, kasama ng ilang napisak na ponkan, lasog-lasog na tetrapak ng Chocolait at Hi-C, at pumutok na plastik ng Lucky Me Instant Pancit Canton at Hi-ro. Parang may nagtapon ng kaning baboy sa sahig ng grocery. Nakatutok ang balisong sa kanang sentido ng nanginginig na cashier; nakapulupot sa leeg niya ang braso ng lalaki. “Sige, tutuluyan ko to!” Walang umiimik. Tanging ang mga pasimulang hikbi ng cashier at patuloy na pag-atungal ng babae at ng sanggol na hawak niya ang maririnig sa “Home Sweet Home.” Ang guwardiya ang unang nagsalita: “Ser, pag- usapan natin to.” “Pag-usapan? Nakikiusap na nga ako sa iyo kanina, pare! Ipinahiya mo pa kami ng misis ko!” “Sige, ser. Ito na yung—” dinampot ng guwardiya ang Bonna. Pero hindi na siya nakatapos ng sasabihin. “Dapa! Dumapa kayong lahat! Kapag may nakita akong nakatayo, papatayin ko tong babaeng to!” Inilayo ng lalaki ang cashier sa cash register at inilapit sa may pinto. Sinenyasan naman niya ang guwardiya na tumabi sa amin. Dali-dali naman itong sumunod. “Dapa! Sinabi nang dumapa!” Ang dalawang matandang babae ang nagpatiunang dumapa. Sumunod na rin kaming lahat. Ang guwardiya ang pinakahuling dumapa dahil ipinahagis pa ng lalaki ang baril niya palayo. “Damputin mo. Dali,” utos ng lalaki sa babae. Mabilis na tumalima naman ang babae sa utos ng asawa. Tumigil na siya sa pag-iyak ngayon. Inaalo niya ang sanggol, hinahaplos ang puwitan, gamit ang kamay na may hawak na baril. Unti- unti, tumahimik rin ang kaninang nagwawalang sanggol. Iniisip ko kung ano ang sasabihin sa akin ng Nanay pag-uwi nang bigla kaming kausapin ng lalaki. “Wala ho kaming gustong saktan sa inyo. Nangangailangan lang talaga kami ng asawa ko. Hindi ho ito ang kabuhayan namin. Kukuha lang ho kami ng gatas at saka diaper.” Nang tingnan ko ang lalaki, namumula ang mga mata nito. May namumuo nang

20 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. mga luha. Gamit ang kamay na may hawak na patalim, kinusot niya ang mga mata. Nakakita ng pagkakataon ang guwardiya. Bigla itong tumayo at gamit ang balikat, sinalya ang lalaki, at saka pumulas. Napaupo ang lalaki, umiiyak na siya ngayon. Ang cashier naman, nang maramdamang nakawala na siya sa bisig ng lalaki, lumapit sa amin at tumalungko sa gilid ko. Maliban sa cashier, walang tumitinag sa amin mula sa pagkakadapa. Tanging mga mukha lang namin ang nakaangat mula sa sahig. Habang bitbit pa rin niya ang bata, pinanood namin kung paanong biglang nabuhayan ng loob ang babae at iniabot ang baril sa asawa, lumapit sa cash register, kumuha ng plastik, pumunta sa kinalalagyan ng mga gatas, kumuha ng dalawang lata, isinilid ang mga ito sa plastik, at pagkuwa’y nagpalinga-linga. “Sa likod, sa kaliwa,” sabi ng isang matandang babae. Ngumiti ang babae bilang pasasalamat at pumunta sa direksyong sinabi ng matandang babae. Nawala siya sa paningin namin; nang lumabas siya ulit, pumuputok na ang plastik na bitbit niya mula sa dalawang lata ng gatas at tatlong maliliit na packs ng diaper. Palapit na ang babae sa asawang nakalugmok nang biglang pumasok ang isang pulis, nakatutok sa hangin sa sariling harapan ang tangang baril. Nagtawag pala ang guwardiya. “Walang kikilos!” Natigilan ang babae. Nagsimula na namang umiyak ang sanggol. Dahan-dahan namang tumayo ang lalaki, handa nang sumuko. Itinaas niya ang magkabilang kamay, hawak ang balisong sa isa at baril sa kabila. “Ibaba mo yang mga hawak mo!” Nakakatulig ang pagsigaw ng pulis. Unang ibinaba ng lalaki ang baril. “Pati yang balisong! Bitawan mo!” Panay pa rin ang sigaw ng pulis, kahit nasa harapan niya lang ang lalaki. Nang hindi agad bitawan ng lalaki ang balisong, biglang nagpaputok ang pulis. Tumama ang bala sa kisame ng grocery. Basag ang dalawang flourescent. Binitawan ng babae ang mga ninakaw na bilihin at tumakbo papunta sa asawa. Naghiyawan ang mga tao. Pati ako.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 21 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Lalong lumakas ang hiyaw naming lahat nang biglang lumapit ang cashier sa lalaki at itinutok ang balisong sa sariling leeg. “Balikan mo yung gatas!” pasigaw na utos ng cashier sa babae. Sandali lang nagulat ang babae; nagmamadali siyang binalikan ang mga ninakaw na bilihin. Napilitan naman ang lalaking panindigan ang pangho-hostage sa cashier. Nandilat ang pulis. Mukhang hindi makapaniwala sa mga nangyayari. Sumigaw na naman siya. “Bitawan mo ang hawak mo! Isa! Dalawa!” Inasinta ulit ang kisame. Nagulat ang lalaki at ang cashier sa putok; pareho silang napaiktad. Nagurlisan ang leeg ng cashier. Kasabay ng batang bitbit, naghihiyaw ang babae nang makita ang dugong umaagas sa leeg ng cashier. Nahindik naman ang lalaki sa nagawa at naisalya ang duguang babae. Nakasilip ng oportunidad ang pulis at binaril ang lalaki sa dibdib. Pumapalahaw na ng iyak ang babae at ang sanggol. Nakahiga ang lalaki sa sahig, tutop ang dibdib na binubukalan ng dugo. Tumayo ang mamang tumapik sa sariling noo at binitbit palabas ang cashier na nawalan ng malay. Lumapit ang dalawang matandang babae sa mag-ina; inalo ang dalawa. Lumapit ako sa pulis at hinampas ito ng Miracle Whip sa ulo. Nasugatan ang kamay ko sa pagkakabasag ng bote ng Miracle Whip sa ulo ng pulis. Mabilis itong bumulagta; nahilo. Tinadyakan ko nang tinadyakan sa dibdib, sa mukha, sa bayag, nang makita ko siyang nakabulagta. Hindi nagtagal, nadagdagan ang mga paang nakita kong nagpapahirap sa kumikiwal na katawan ng nag-umpisa nang maging duguang pulis. Nang marinig namin ang sirena, halos sabay-sabay kaming lumayo sa nakatimbuwang at duguan na ngayong pulis. Nakita kong isa-isang nagtakbuhan ang mga kapwa mamimili kanina, kapwa mambubugbog na ngayon. Bago ako umalis, bumalik ako sa eskaparate ng Condiments at kumuha ng UFC Banana Ketchup at Miracle Whip. Bahala na yung tinapay bukas. Hinanap ko rin ang dalawang matandang babae at yung babaeng may dalang sanggol. Wala na sila. Kaning baboy, bubog ng basag na fluorescent, butas na kisame, at dalawang nakabulagtang lalaki ang matatagpuan ng mga rerespondeng pulis.

22 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Tumakbo ako papunta sa eskinita; nakahinga nang maluwag nang makita kong dumaan sa kalsada namin ang kotse ng mga pulis. Iikot pa sila sa kanto. Bumuntong-hininga ako, nag-ayos ng sarili, at saka nagsimulang lumakad nang mabagal papunta sa bahay namin. May iilan nang mga taong humahangos papunta sa kanto at eskinita, nag-uunahang makarating sa “Home Sweet Home.”

===

Nagpapalit ako ng benda sa kamay nang makita ko kung paanong inilagay sa stretcher ang lamog na katawan ng lalaking naka-unipormeng asul. Panay ang iling ng dalawang medics na may bitbit ng stretcher. Narinig ko ang bilog na boses ni Korina Sanchez: “Isa na namang operasyon ng tinaguriang Misteryo Gang ang diumano’y naganap. Sa pagkakataong ito, nag-iwan sila ng bangkay ng isang sibilyan at isang pulis sa isang grocery sa Malabon. Hindi pa rin malaman ng mga awtoridad kung sino ang huhulihin. May follow-up report si Alvin Elchico, Patrol ng Bayan.” Pasok ang VTR: ECU ng pulis (namamaga ang kaliwang mata, nakanganga ang anit sa kanang bahagi ng ulo, may nakabaon na mga bubog sa kaliwang pisngi, namamalirong ang mga labi, nakatabingi ang ilong) habang tinatanong ni Alvin ang isa sa mga medics: Ser, ano po ba ang kalagayan niya? “Kakain na,” yaya ng Nanay mula sa kusina. Tumayo ako at pinatay ang TV. “Andiyan na.” Nang umupo ako sa lamesa, nag-umpisa na naman akong tanungin ng Nanay sa nangyari sa grocery kahapon. Mabuti na lang daw at hindi ako inabutan ng gulo roon. Kung hindi, hindi raw niya mapapatawad ang sarili. “Nay, mas hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung hindi kita sinunod kahapon,” sinabi ko bago sinubo ang mainit na kanin.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 23 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

Berde

Hindi maingay ang pagdating ng kotse ng tatlong pulis na nag- imbestiga, pero sapat na ang kanilang presensiyang nabubuntutan ng van ng isang istasyon sa telebisyon para mabulabog ang mga katatapos lamang mangaghapunan at nagsisimulang antuking residente ng Kalye Desiderata. Tumigil ang kotse ng mga pulis sa harap ng bahay na malapit sa bahaging pinagmumulan ng malansang bahang umaabot hanggang tuhod sa tuwing sumasapit ang Hunyo, kung kailan madalas ang malakas na ihip ng hangin at buhos ng ulan, at umaapaw ang palaisdaan sa dulo ng Kalye Desiderata. Iisang palapag lamang ang bahay, sa kaliwa ay mayroong maliit na garaheng walang takip ang bungangang nakasasapat lamang para sa may kalumaang modelo ng kotseng kulay pilak na gawa ng mga Hapon. Walang tarangkahan ang bahay at ang garahe pero mayroong maliit, alaga sa kalinga at dilig na hardin sa harapan na kailangang landasin para masapit ang pintuang gawa sa kahoy na pinintahang itim at mga kuwadra- kuwadradong salamin na madamot sa pagpapasilip sa tagalabas kung ano ang nasa likod. Ang bintanang yari sa salamin at bakal na hinihila pakaliwa kung bubuksan, pakanan kung isasara at guwardiyado ng mga rehas na itim na hindi nalalayo sa pagkapulupot ng mga baging ang tila marahas pero mabining pagkakapulupot sa isa’t isa, ay parating nakasara. Hidhid rin ang bintana sa pagpapakita sa loob ng bahay dahil hindi inaalis ang pagkakatabing ng mga kurtinang nagsasalitan lamang tuwing dalawang buwan: bulaklaking asul, walang disenyo at duguang pula, matingkad na dilaw na puno ng maliliit na prutas, makutim na kahel na pupol ng iba’t ibang hugis heyometriko. Popular sa hindi magandang pagpapakahulugan para sa mga residente ng Kalye Desiderata ang bahay na dinalaw ng mga pulis at tagapagbalita. Sa siyam na taong nilisan ang bahay ng mga orihinal na may-ari—ang popular sa magandang pagpapakahulugan, karinyoso at maalalahanin sa lahat ng kapitbahay na mag-asawa at ilang beses na naghalinhinan sa pamumuno ng La Vida Subdivision Homeowner’s Association, sina Mr. at Mrs. delos

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 25 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Santos—at tinirhan ni Lorenzo Castriciones—na kabaligtaran ng mag-asawa ang pag-uugali at kailanman ay walang dinalaw at wala ring pinadalaw na kapitbahay sa buong Kalye Desiderata, maliban sa binatang nagrarasyon ng tubig—itinuring na itong patay kahit buhay pa namang bahay ng mga residente. Nakatungo ang kanilang mga ulo kundi man nakaangat sa hangin ang mga ilong sa tuwing napapadaan, parating nakaumang ang pag-ikot ng mga mata paitaas sa posibleng pagsilip sa bintana ng lumipat. Nailangkap pa nga ang reputasyon ng bahay at ng may-ari sa paglalaro ng iilang kabataang may pagmamahal pa sa alikabok ng kalye at galos sa mga tuhod (karamihan kasi ay nahuhumaling na sa mga computer games sa murang edad at hindi na rin naglalalabas ng bahay, maliban na lamang kung pupunta sa mga pa-birthday party na hindi kukulangin ng limampu ang inaasahang bisita at ilang buwang pinagplanuhan ng mga inang nakikipagtagisan sa pagiging ina sa ibang ina): ang nagiging balagoong ay inaatasang pumitas ng mga dahon ng kataka-takang nakaupo ang paso malapit sa pintuan, at harapin ang posibilidad ng pagkakulong sa loob ng bahay na patay na pinamamahayan ng lalaking binansagan nilang Lorenzong Bangaw dahil sa malaki at mabuhok na nunal sa ilalim ng baba, hindi nalalayo sa hitsura ng dumapong itim na itim na bangaw, sa may bandang kanan ng mukha, malapit sa talim ng may kalaparang panga. Magkagayunman, tila mga langaw na nagkumpol, naggitgitan habang walang puknat ang mahinang bulungan, ang mga residente ng Kalye Desiderata sa tapat ng hindi popular na bahay ni Lorenzo Castriciones, noong gabing tahimik na dumating ang kotse ng mga pulis na nabubuntutan ng van ng isang istasyon sa telebisyon. Hindi pa lumalabas sa kotse ang pulis na nagmamaneho at umaandar pa ang makina ng kotse nang sumalubong ang isang matandang babaeng nanggaling sa hardin ni Lorenzo Castriciones. Katatapos lamang niyang paiputin sa mga halamang alaga sa dilig at kalinga ang asong ipinagmamalaki dahil bunga ng pataksil na pagtatalik ng isang asong katutubo at asong Aleman. “Ano hong nangyari?” anang matandang agad sinilip ang bahagyang nakaawang na bintana ng kotse ng mga pulis. “Magandang gabi ho, ‘nay. May nag-report lang ho sa amin tungkol kay Mr. Lorenzo Castriciones. Ilang araw na ho kasi siyang nawawala. Itse- check lang ho namin.”

26 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “Bakit, estapador ba?” nakangiting tanong ng matanda. “Hindi naman ho. May nag-report lang nga ho. Nawawala raw. Itse- tsek lang ho namin,” matiyagang sagot ng pulis. Tatango-tangong umalis ang matanda, hila ang ipinagmamalaking aso na may nakalawit pang tae sa puwit, bunga ng biglang pagdating ng mga awtoridad. Kumatok muna ang mga pulis sa pintuan ng bahay ni Lorenzo Castriciones at mahinang nagwika: tao po, tao po. Nang masigurong walang makakarinig sa kanilang pagiging magalang, nilinaw ang mga lalamunan at paisa-isang sumigaw: tao po, tao po. Mabilis na pumunta sa kotse ang isang pulis, ang may pinakamalaking katawan at tiyan, at bumalik sa harap ng pinto na may dalang bareta de kabra. Itinutok niya ang kalawit na may gilit sa linyang nagdurugtong sa seradura at sa kahoy na pininturahang itim, aktong sisirain ang seradura, pagkuwa’y nagbago ang isip: dinutdot na lamang ng bareta ang isa sa mga nakakuwadrong salamin. Maingat niyang ipinasok ang kanang kamay sa nabutas na bahagi ng pinto at saka pumihit mula sa loob. Marahang bumukas ang pinto at binitbit palabas ng hangin ang nakulob na simoy ng nabubulok na laman ng tao. ===

“Hoy, Myrna. Tumawag ka ba sa pulis?” tanong ng matanda sa anak na babaeng nakasalampak sa sofa, nanonood ng kunwa’y nag-iiyakang magkatipan sa telebisyon at nagkakandahirap sa pagkagat sa buto ng kalabasa. Binitiwan ng matanda ang tali ng asong bunga ng pagtataksil ng mga asong magkaiba ang lahi at tahimik naman itong sumiksik sa ilalim ng eskaparate ng mga piguring aso, kabayo at bibe, sa gilid ng telebisyon. Nginuya muna ni Myrna ang laman ng pinaghirapang buksan na buto ng kalabasa at inilagay ang balat na basa pa ng kanyang laway sa mangkok na nakaipit sa mga hita, bago sinagot ang ina: “Hindi. Bakit?” Sandaling pinukol ng nagdududang tingin ng matandang babae ang kausap. Pagkuwa’y bigla itong suminghot at nagtakip ng ilong. “Tumingin ka sa labas.” Sunod sa utos ng ina, binuksan ni Myrna ang bintana sa sala at inilawit ang ulo. Nagulat siya sa dami ng taong nakakalat sa kalsada, sa tapat ng bahay ng lalaking kinaiinisan ng lahat. Hindi nakalipas ang limang minuto

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 27 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. mula nang paiputin ng matandang babae ang kanyang asong nalahian ng asong Aleman at salubungin ang mga bagong dating na mga pulis ay paisa- isa nang naglapitan ang iba pang kapitbahay ng nawawalang Lorenzo Castriciones sa mga sasakyan ng pulis at tagapagbalita. Nagtitinginan ang bawat isa: lahat sila’y takip ng mga palad ang ilong, pinipigil ang pagturol ng pang-amoy sa nakasusulasok na singaw na bigla-bigla’y isinaboy ng hangin. Karamihan ay walang tigil ang pagbubulungan sa ilalim ng mga palad, may iilang sadyang lumalapit sa van ng istasyon sa telebisyon—sa lalaking may nakapatong na kamera sa balikat, sa matabang babaeng may tangang mikropono at nakikipag-usap sa kamera—umaasang makita ang kanilang mga sarili sa telebisyon sa mga susunod na araw. Kasama ng pagsimsim sa sangsang ng nabubulok na laman ng tao sa hangin, umalagwa ang galak sa puso ng mga residente ng Kalye Desiderata: ngayon lamang sila dinalaw ng posibilidad ng eskandalo.

===

Kabilang sa mga nag-uusyoso ang binatang si Jeff Bolima. Nagtatrabaho siya bilang delivery boy ng Liquid Dreams Mineral Water Station na matatagpuan sa kanto ng Kalye Desiderata, malapit sa istasyon ng traysikel, sa gilid ng sari-sari store nina Aling Melinda Suteco, katapat ng kantinang walang bubong na nagbebenta ng lugaw, champorado at miswa kapag umaga, lutong ulam tulad ng adobong baboy-manok, menudo, dinuguan, at dinaing na bangus kapag tanghali at gabi. Salamat sa walang katapusang pag-apaw ng palaisdaan tuwing panahon ng tag-ulan, inisip ng mga residente ng La Vida Subdivision na ito ang pinagmumulan ng kakatwang lansa ng likidong mula sa mga gripo: pumutok ang pagnenegosyo ng tubig at nagkaroon ng trabaho ang dating tambay na si Jeff Bolima. Naka-pedicab, siya ang nagrarasyon ng mga galon-galon ng tubig na iniinom ng mga residente sa Kalye Desiderata. Mayroong iskedyul ang bawat isang bahay ng pagrarasyon, kaya halos araw-araw, naglilibot si Jeff para magrasyon kundi man mangolekta ng mga walang lamang container ng tubig. Hapon ng Huwebes noong nakaraang linggo siya huling nagrasyon ng tubig kay Lorenzo Castriciones—dalawang maliit na container ang talagang pag-aari nito, salitan sa paggamit at pagpapadeliver—at noon niya rin huling nakita ang lalaking ngayon ay nawawala. Hindi tulad ng mga residente sa buong Kalye Desiderata, wala namang nararamdamang

28 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. pagkainis si Jeff Bolima kay Lorenzong Bangaw. Ang totoo, sinasadya pa nga niyang magpatagal ng kaunti sa tuwing nirarasyunan ito ng tubig dahil siya lamang, kung tutuusin, ang pinapapasok nito sa loob ng bahay. Inilalagay niya sa kusina ang container ng tubig, kaya dumaraan muna siya sa sala at hapag. Ilang beses na rin siyang tinanong ng may-ari ng Liquid Dreams Mineral Water Station, ang biyudong si Leopoldo Canlas, kung ano ang nilalaman ng misteryosong bahay ng masungit na residente. Paulit-ulit din ang kanyang isinagot, hindi lamang sa may-ari, kundi pati sa ibang hindi nakakapagpigil magtanong: simple. Iyon lang. Kapag nahingan ng paliwanag sa salitang bumibitin sa imahinasyon, ipagdidiinan niya, pigil ang pagkainis sa pag-uulit ng sarili: wala namang extraordinaryo sa loob ng bahay ni Lorenzo Castriciones—walang eksotikong hayop na naglisaw, walang sofang gawa sa ginto ang mga paa, walang telebisyon na singlaki ng isang buong pader, walang ulo ng mga paslit na nakasabit sa dingding na biyak-biyak na ang pintura. Kahit ang hapag niya’y simple: pinalilibutan ng limang katernong upuan, ito’y pabilog at gawa sa kahoy, mayroong umiikot na munting plato ng kahoy sa gitna, napapatungan ng malinaw na salamin, at isang malaking tasang puno ng mga plastik na saging, mangga, ubas, abokado. Ang kanyang karnal na panlasa ang hindi simple, ang nais sanang idagdag ng binatang nagrarasyon ng tubig sa kanyang mga pagpapaliwanag pero tuwina’y hindi magawang ibulalas dahil na rin sa kahihiyan sa sariling kagagawan. Hindi lang minsan nahuli ni Jeff Bolima ang malagkit na tingin ni Lorenzo Castriciones sa kanyang pawisang katawan habang bitbit ang container ng tubig; mga pagkakataong sumagi sa isip ng binata na maaaring hindi sa tubig uhaw ang may-ari ng bahay kundi sa pawis ng kapwa lalaki. Kaya siya na mismo ang nagprisinta ng sarili minsan kay Lorenzo, isang hapon na nakakapaso ang init ng araw at malagkit ang dampi sa balat ng tuyot na hangin—sa katwirang gusto lamang niyang malaman kung may basehan ang kanyang mga hinala o wala. Sinadya niyang iwan ang pawisang kamiseta sa manibela ng pedicab, pinabayaang maglandas ang pawis mula sa sentido, sa leeg, tungo sa matitigas na umbok sa dibdib, at talaksan ng pandesal sa tiyan, para manahan sa pagsipsip ng itim na shorts na may kaluwagan ang puting garter, bago kumatok sa pinto ng bahay na buhay pa ngunit itinuturing nang patay. Binuksan noon ni Lorenzo Castriciones ang pinto, halata ang ginsang pamimilog ng mga mata pagkasilay sa pawisang katawan ng binatang kaharap. Disimuladong ikinaskas pa ni Jeff Bolima ang nanlalagkit na brasong sumusuporta sa

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 29 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. container ng tubig na nasa kaliwa niyag balikat, sa dibdib ng may-ari ng bahay, doon sa bahaging may naninigas kapag kinanti, bago nagtapon ng malagkit na titig at dumire-diretso sa kusina. Mabilis sumara ang pinto ng bahay at walang iminintis ang plano ng binata: inilalapag pa lamang niya ang container ng tubig sa binaldosang espasyo malapit sa lababo, nadama na ang paghimas sa kanyang pawisang likod ng nanginginig na mga kamay ng popular sa hindi magandang pagpapakahulugang residente ng Kalye Desiderata. Nagparaya si Jeff Bolima, kalmadong dinama ang pagsamba sa mura niyang katawan: tama ang kanyang hinala. Ang gabing iyon, ang pagdating ng mga pulis at tagapagbalita, ang pagkukumpol ng mga residente sa harap ng bahay na buhay pero itinuturing na patay ay kanyang kagagawan. Pagkatapos ng nangyari sa kanilang dalawa ay tinubuan ng awa ang binata at muli na namang tumama ang kanyang hinala: sa pagkakataong ito, may hindi magandang nangyari kay Lorenzo Castriciones. Labis kasi siyang nagtaka nang hindi papasukin sa loob ng bahay noong nakaraang Huwebes para ilagay ang container ng tubig sa kusina. Sa halip, nabungaran na lang ni Jeff Bolima sa harap ng pinto ang container na walang laman na dapat niyang bitbitin pag-alis, na may pera sa ibabaw, bayad para sa tubig na rasyon at tip para sa kanya, habang nasa likod ng salamin ng bintanang guwardiyado ng mga pulu-pulupot na rehas na bakal, sa piling ng mga kurtina at nakamasid lamang sa kanya, si Lorenzo Castriciones. Nang bumalik ang binata kaninang hapon, bandang alas-singko, para magrasyon muli, ay nabuo na ang hinala sa isip: hindi nagalaw ang inirasyon niyang container ng tubig noong nakaraang Huwebes, nanatili itong nakaupo sa harap ng pinto. Tiniyempo niyang pumunta sa kasilyas ang may-ari ng Liquid Dreams Mineral Water Station na may sigarilyong nakaipit sa bibig— senyal na dudumi ito, isang matagal na seremonyas—at saka siya tumawag sa presinto, takip ng tela ng kamiseta at gagap ng makalyong kamao ang bibig ng telepono.

===

Hindi masiguro ni Erlinda Colayco, ang matandang babaeng lihim na nagpapaipot sa alagang asong hilaw na Aleman sa hardin ni Lorenzo Castriciones, kung alingasaw ba ng nabubulok na laman ng tao o kumapit na tae sa puwit ng aso ang umiikot na hangin sa loob ng kanyang sala.

30 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “Saan ka pupunta?” tanong niya sa anak na si Myrna, matapos makita itong ilapag sa ibabaw ng telebisyon ang kanina’y mangkok na ipit sa mga hita. “Namatay na yata ang bakla,” sagot ng babae. May mapait na ngiti sa kanyang mga labi. Hindi na niya naisipang magsuot ng tsinelas; dire- diretso siyang lumabas ng bahay at sumama sa kapal na pulutong ng mga katawang pumupuno sa harapan ng hardin ni Lorenzo Castriciones at sa pagitan ng mga sasakyan ng pulis at tagapagbalita. Naiwan si Erlinda Colayco sa sala, bugnot pa rin ang mukha dahil sa masangsang na amoy na nanatili sa hangin. Nilapitan niya ang asong hilaw na Aleman na noo’y nakasiksik sa ilalim ng eskaparate ng mga piguring aso, kabayo at bibe, sa gilid ng telebisyon. Iniangat niya ang mabuhok nitong buntot at tumambad ang piraso ng taeng hindi nalaglag kanina sa pagmamadaling hindi mahuli ng mga pulis na bigla-bigla ang tahimik na pagdating. Hinampas niya sa pigi ang aso at dinuro ang pinto. Nagmamadali namang sumunod ang hayop: kumaripas ito palabas ng bahay. Pero hindi pa rin nawala ang amoy. Sumilip ang retiradong doktora sa bintana, ninamnam ang tanawin sa harap ng bahay ng kinasusuklamang si Lorenzo Castriciones, bago buong pusong nagpawala ng malapot at mabulang dura sa hangin. Pagkuwa’y pinahid ng likod ng palad ang kulubot na labi at nagwika sa hanging maantot: “Iyan ang nababagay sa iyo, bakla.” Para kay Erlinda Colayco, retiradong doktora ng mga bata, ginawa niya ang lahat ng makakayanan para mapalapit ang kalooban sa walang utang na loob na si Lorenzo Castriciones. Naalala pa niya ang unang araw na naglipat ito sa katapat na bahay. Wala pang isang linggo noon, mula nang umalis para sa Amerika ang mag-asawang baog na Agapito at Clarita delos Santos. Ala-una ng madaling araw at gising pa siya dahil nakatulog nang mahaba noong hapon, pagkatapos mananghalian, kaya naisipang maggantsilyo para dalawin ng antok. May narinig siyang mahinang ungol ng makina ng sasakyan at sumilip sa bintana: mag-isang nagmamando sa apat na hubad-barong trabahador si Lorenzo Castriciones, bakas sa mukha ang pagod at pananabik sa pahinga. Kakaunti lamang ang mga gamit, sa tantiya ni Erlinda. Kinabukasan, alas-otso ng umaga, may baong pinggan na may limang piraso ng hotcake na may harabe sa ibabaw, kumatok ang retiradong doktora sa pinto ng bagong kapitbahay. Maraming minuto

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 31 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ang lumipas, halos nawala na ang init ng baong hotcake, bago bumukas ang pinto at bumungad sa kanya ang pupungas-pungas na Lorenzo Castriciones, suot pa rin ang mga kamiseta kaninang madaling araw. “Magandang umaga, iho. Ako si Dra. Erlinda Colayco, kapitbahay mo. Gusto lang sana kitang i-welcome. Mukhang antok na antok ka pa, pasensiya ka na kung nagising kita. Heto, pagpasensiyahan mo na muna tong inihanda ko. Baka kako, wala ka pang naihandang almusal, alam mo na.” Matapos tanggapin ang kanyang pinggan, inasahan ni Erlinda Colayco na papapasukin siya sa loob ng bahay ng bagong kapitbahay pero hindi man lang ito nagtangka. Nanatili itong nakapako sa harap niya, nakaharang ang buong katawan sa munting espasyo ng nakaawang na pinto, halatang ipinagdadamot ang anumang maaaring makita sa loob ng nakatayo sa labas, hawak sa isang kamay ang plato ng mga hotcake, nag-aalis ng muta ang isa. Walang nagawa ang retiradong doktora kundi magpaalam, bagaman nakasagap na ng sapat na impormasyon para ibahagi sa kanyang anak na matandang dalaga sa kanilang pagsasalo sa hapunan. “O sige, mauna na muna ako. Dadaanan ko na lang ang pinggan.” Kinikilig pa si Erlinda Colayco nang magsimulang magkuwento kay Myrna kinagabihan: mukhang binata pa ang bagong lipat nilang kapitbahay, patunay ang pagiging mag-isa niya sa paglipat at ang kawalan ng singsing sa alinmang daliri. Hindi naman masama ang hitsura, makikilala kaagad dahil sa malaking nunal sa may panga, at mukha namang mabait bagaman may pagkasuplado at bahagyang walang modo dahil hindi man lang nagpatuloy sa loob ng bahay pagkatapos mabigyan ng aalmusaling hotcake, pero pasasaan ba’t makukuha rin ang loob niyan, ilang almusal pa at pagbati sa umaga. Kahit hindi gaanong nagpakita ng interes si Myrna, pangiti-ngiti lang ito sa mga pinagsasabi ng ina, hindi nawalan ng loob ang retiradong doktora: kukuhanin niya ang loob ng bagong kapitbahay para maging manugang. Malapit nang magkuwarenta anyos ang kanyang anak, hindi na ito natatawa sa mga biro ukol sa pagtandang mag-isa. Sumisilip pa lamang ang mga pilik ng liwanag ng sumunod na araw nang mamataan ni Erlinda Colayco ang bagong kapitbahay na aligaga sa pagbubungkal ng lupa sa harap ng sariling bahay. Saglit lumambot ang kanyang puso: naalala ang nasirang asawang mahilig din sa pag-aalaga ng kung ano-anong halaman. Nagtimpla siya ng kape at palihim na pinanood

32 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ang kapitbahay mula sa bintana: hindi naman kapayatan, hindi rin naman masasabing bilbilin sa kanyang edad; mag-isang namumuhay; mahilig sa paghahalaman. Ito na nga yata ang sagot sa lahat ng mga dasal niya para sa anak na matandang dalaga. Pagkaubos ng kape, agad siyang lumabas ng bahay para makipaghuntahan sa inaasam na manugangin. Bumati naman ito ng magandang umaga pabalik, at agad pumasok sa bahay para kunin ang isasauling pinggan na pinaglagyan ng hotcake pero pagkatapos ay hindi na muling naalis ang atensiyon sa pakikipagkomunyon sa halaman at lupa. Tuluyang tumitig ang liwanag ng araw sa lupa at nanatiling nakatayo sa harap ng hardin ng kapitbahay si Erlinda Colayco, isang kaluluwang lagalag na nang-aamot ng pansin sa taong hindi nakakakita sa kanya. Muli lamang nag-angat ng ulo si Lorenzo Castriciones nang magpaalam na ang retiradong doktora. Pero nagtiyaga, at ilang umaga niya itong ginawa, bago pumasok sa trabaho si Lorenzo (napag-alaman niyang isa itong accountant sa isang maliit na kompanya sa Ortigas, at lalo lamang siyang naglaway sa pinapangarap na manugang): parating may bitbit na almusal—hotcake, lugaw, tustadong monay na pinalamnan ng keso’t ham—at kuwento tungkol sa anak na babaeng si Myrna—guro sa isang high school para sa mayayaman, mahilig at mahusay magluto, hindi pa nagkakaroon ng kasintahan, mangani- nganing sabihing birhen pa at walang kahit anong uri ng seksuwal na karanasan—bago napagtantong ipinanganak na walang modo ang bagong kapitbahay dahil kahit minsan ay hindi ito nagpaimbabaw ng interes na makipagkilala sa kanyang anak ni magyaya sa loob ng sariling pamamahay, sa kabila ng patuloy na pagtanggap sa mga suhol ng retiradong doktora. Kahit nagkukunwari ng disinteres noong una, napansin ni Erlinda Colayco ang hindi napigil na dismaya ng nag-iisang anak na babae matapos niyang ideklara isang Miyerkoles, sa kalagitnaan ng kanilang hapunan, na wala na siyang pakialam sa bago nilang kapitbahay na si Lorenzo Castriciones at huwag mag-alala dahil maaari pa silang maghanap ng mamanugangin at mapapangasawa lampas sa Kalye Desiderata. Hindi tinapos ni Myrna ang pagkain sa paksiw na lechon, basa pa ng mantika ang kanyang mga labi at puno pa ang kalahati ng pinggan nang magpaalam sa hapag. Noon din ay nabuo sa isip ng ina ang higanti sa lalaking nagkamaling hindi manligaw: hahanapan niya ito ng butas at sisirain sa mga mata ng kanyang anak na nagkamaling umibig sa hindi pa nakikilala.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 33 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Tambalang dulot ng kaunting tulog na kailangan ng taong laksa ang edad at dahil sa disiplinang tinamo sa paggising nang maaga at paghahanda ng almusal para tambangan sa maagang paghahardin si Lorenzo Castriciones: hindi naging mahirap para kay Erlinda Colayco ang pagmamanman mula umagang hindi pa gaanong nabibilad sa sikat ng araw hanggang sa gabing mamad sa liwanag ng buwan. Umabot pa nga sa puntong hindi nakukumpleto ang kanyang araw kung magmimintis siya sa panonood kung paanong nagkakamot ng inangit ang kapitbahay habang nagdidilig ng mga palumpong ng halaman gamit ang hose na nakakabit sa gripong nasa loob ng garahe o kung makakaligtaang hulihin ang kakatwang pagpitik paitaas ng kaliwang balikat ni Lorenzo tuwing lalabas ng kotse sa gabi, galing sa trabaho. Kaya ganoon na lamang ang paglundag sa hangin ni Erlinda Colayco nang dumating ang sandaling pinakahihintay: ang pagkasilip ng butas sa pagkatao ng kapitbahay na minsan niyang inakalang perpekto maliban sa kawalan ng modo. Isang gabing tirik ang buwan, nakita niyang lumabas mula sa kotse ni Lorenzo Castriciones ang isang matipunong lalaki. Habang inaaninag sa ilalim ng sinag ng buwan ang tunay na kulay ng balat ng lalaki mula sa may kalayuang pagkahantad ng batok, inisip muna ng retiradong doktora kung anong relasyon sa dugo mayroon ang dalawa. Agad pinalis ang pagkabuo ng kung ano-anong teorya ng makarinyong himas ng bisita sa baywang ng kapitbahay habang isinusuksok ng huli ang susi sa seradura. Iyon pala ang dahilan! May inililihim na katauhan ang kapitbahay at hindi lamang sadyang askad ang mukha ng kanyang nag-iisang anak na babae. Sa matinding tuwa sa natuklasan, ura-uradang ginising ng retiradong doktora ang anak na babae at kaagad sinabi ang balitang sumagip sa kumpiyansa nito ngunit tuluyang nagpaasim sa nangungulilang puso: “Bakla si Lorenzo Castriciones!”

===

Pista ang salitang dumapo sa isip ni Romano Villaver matapos tanawin mula sa istasyon ng traysikel sa kanto ng Kalye Desiderata ang di magkamayaw na umpukan sa dulo, doon sa bahaging unang binabaha kapag umaapaw ang palaisdaan tuwing tag-ulan. Pero pitong taon pa siya mula nang huling magdiwang ng pista ang mga residente ng Kalye

34 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Desiderata sa ngalan ni San Antonio de Padua, ang patron ng La Vida Subdivision, ilang termino na ng mga sinungaling na presidente ang nakalipas. Siya pa nga ang nanalo noon sa paluan ng palayok at napaaway ang kanyang inang Victorina Villaver sa matalik nitong kaibigang Amparo Foz dahil nabasag ang kalahati ng palayok sa ulo ng kanyang lalampa- lampang anak na babae. Hindi kaya pakulo lang ito ng isang hambog at mapagpalayaw na inang nagpapa-birthday party sa anak? Iyon kasi ang nauusong gawain ngayon sa Kalye Desiderata. Pumunta siya sa kantinang walang bubong at inusisa ang tinderang si Loreta Navarro ukol sa gulo sa dulo ng kalye. “Wala ka bang naaamoy?” tanong ni Loreta. Dramatikong suminghot ng hangin si Romano. Noon lamang niya napansin ang kanina pa umaatakeng sulasok sa ilong. Nahahawig ang ihip ng hangin noong nakaraang buwan, matapos magkamali ang mga trabahador na inatasan ng lokal na pamahalaang alisin ang bara sa mga kanal ng Kalye Desiderata, bilang preparasyon sa nalalapit na tag-ulan at sa mas nalalapit na lokal na eleksyon. “Mabaho. May sumabog na naman bang poso negro?” “Wala. Namatay lang si Lorenzong Bangaw.” Ipinagpaliban muna ang pagbili ng lutong ulam para sa tinanghaling hapunan, humangos si Romano Villaver patungo sa bahay ng patay na Lorenzo Castriciones. Nakita niya ang mga pamilyar na mukha ng mga usiserong kapitbahay at nakipagtanguan sa mga ito. Gusto sanang tanungin ni Romano ang mga kapitbahay kung ano ang kanilang damdamin sa pagkamatay ng kinaiinisan nilang residente ng Kalye Desiderata. Gusto niyang bigyang hustisya sa paghahanap ng karamay ang tuwang pumalaso sa puso at kinailangan pa niyang tumungo para itago ang ngiting hindi mapigil ang pagtubo sa mukha nang sabihin ng tindera ng lutong ulam ang balita. Hindi kayang sirain ng naiwang mabahong amoy ang nadamang ginhawa ni Romano Villaver sa pagkamatay ng tinik na kaytagal ding nakatimo sa puso’t kaluluwa na kaytagal binagabag ng posibilidad ng pagkabunyag ng isang sikretong nagsimula isang gabing nakasabay niyang kumain ng hapunan sa kantinang walang bubong si Lorenzo Castriciones. Mabuti na lamang, nagpatiunang kumilos ang kamatayan para isara ang bibig ng lalaking buhay pa, binabangaw na ang mukha.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 35 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ===

“Bubuksan na ang bahay,” bulong ni Damian Estrella sa kanyang ingkong na mahina ang pandinig. Sinundan ito ng iba pang mga pagbulong ng parehong mga kataga at makalipas ang ilang sandali ng pagtunganga sa harap ng harding may sariwang tae ng asong hilaw na Aleman, sa ilalim ng malamlam na ilaw ng tila nakikiusyosong buwan, sa gitna ng dagat ng katawan ng mga residente ng Kalye Desiderata at mangilan-ngilang empleyado ng isang istasyon sa telebisyon, tunay nga: bumukas ang pinto at lumabas ang isa sa mga pulis, iyong pinakamaliit at balingkinitan ang katawan. Takip ng isang palad ang ilong, ilang minuto rin itong nakipag- usap sa hangin, gamit ang isang itim na radyo. Pagkatapos ay nagwika sa madlang usisero: “Wala na ho munang lalapit. Kukurdunan na namin ang bahay. Kung mayroon ho kayong nalalaman, o pala-palagay kung sino ang may kagagawan ng krimen na ito, lumapit lang ho kayo sa amin, o sa mga paparating na imbestigador. Huwag ho kayong mag-atubiling tumulong sa ikareresolba ng kaso. Pero inuulit ko ho, wala munang lalapit sa bahay.” Kung mga residente ng ibang kalye ang kinausap ng pulis na si Ruben Prudencio, maaaring may nakinig pa sa kanyang pahayag, pero siyam na taon nang inaapuyan ang kuryosidad ng naglisaw na mga residente ng Kalye Desiderata, hindi na nila kakayanin ang pagtitiis pa. Matapos ang pagbabawal ng balingkinitang pulis, dali-dali nilang tinawid ang harding alaga sa dilig at kalinga, dire-diretso sa pintong may kuwadro ng salamin na binasag ng bareta de kabra para mabuksan at sa wakas, ay masilayan ang loob nitong ipinakatago-tago ng popular sa hindi magandang pagpapakahalugang residente ng Kalye Desiderata. Tinangka silang harangin ng balingkinitang pulis at ng dalawa nitong kasamahan, pero itinapon na ng mga residente ang paggalang sa awtoridad sa mabahong hangin. Ang mahalaga ay matighaw ang uhaw na kaytagal ipinatikim sa kanila ni Lorenzo Castriciones. Sa loob ng bahay na kaytagal namahay sa imahinasyon ng mga taga- Kalye Desiderata: sama-sama silang nahambal sa hindi inasahang kawalan ng ikahahambal. Tunay nga ang dila at hindi lamang binayaran para magsinungaling ang binatang nagrarasyon ng tubig. Walang kakuwenta- kuwenta ang loob ng bahay na kung ipagdamot ni Lorenzo Castriciones ay ganoon na lamang, na para bang may nakatagong mga bara ng ginto at kaban ng mamahaling hiyas sa ilalim ng bawat gamit: ang sofa ay

36 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. kalansay na yari sa itim na bakal, ang nakapatong na upuan at sandalan ay apat na kuwadradong kutsong balot ng makintab na pekeng balat ng hayop na kulay tsokolate; ang lamesitang katapat, nakapagitna sa sofa at telebisyong wala pang dalawampung pulgada ang lapad ng kaha, ay yari sa bakal na katerno ng sofa, at may malinaw na salaming nakapatong, parihaba ang hugis at sadyang binilog ang matulis dapat na mga dulo- dulo; ang hapag ay eksakto sa paglalarawan ng binatang nagrarasyon ng tubig, nandoon nga sa ibabaw ng pabilog na kahoy na umiikot ang malaking tasang namumuwalan sa plastik na saging, mangga, ubas, abokado, at ilang hakbang lamang ang layo mula sa malinis at maayos na kusina; ang kurtinang nakasabit sa mga bintana ay iyong matingkad na dilaw na puno ng maliliit na prutas, gayundin ang kurtina sa loob ng nag-iisang kuwartong pinasisikip ng aparador na walang salamin, malapad na kamang may asul na kobre at tatlong unan na terno-terno ang punda. Ang kakatwa lamang sa bahay ay ang napakabahong amoy na nanunuot sa ilong at kumakapit sa balat, buhok, tela at ang mga patak ng berdeng likido malapit sa paanan ng kahoy na paa ng kama ni Lorenzo Castriciones. Ang mga patak ng berdeng likido, na kung titipunin ay hindi hihigit sa dalawang kutsara, ang pinagmumulan ng masangsang na amoy ng nabubulok na laman ng tao, kaya ang lahat ng mga residente ng Kalye Desiderata ay ipit ng mga daliri’t palad ang ilong, kundi man kipkip ang bibig, nagpipigil sumuka. Kaya’t nang sumigaw si Ruben Prudencio ng “Layas! Lumayas kayong lahat! Huwag ninyong galawin ang mga ebidensya!” habang nakatutok sa kanyang nanggagalaiting mukha ang kamera ng isang istasyon sa telebisyon, walang imik na sumunod ang mga residente. Mababakas sa mukha ng bawat isa ang panghihinayang sa imahinasyong inaruga at pinataba sa loob ng siyam na taon, sa imahinasyong walang napala maliban sa pagkatagpo ng ilang patak ng berdeng likido, na inisip lamang ng lahat na katas ng nabulok na abokado. Hanggang sa huling pagkakataon, ipinagdamot ni Lorenzo Castriciones ang kasiyahan sa kanyang mga kapitbahay.

===

Matapos ang gabi ng kanilang pagpasok sa loob ng bahay ni Lorenzo Castriciones, naging kapansin-pansin ang pagkakaroon ng bahid na berde—pinalabnaw na kulay ng mga tipaklong—ang balat ng mga residente

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 37 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ng Kalye Desiderata. Ang kanilang mga mata, kapag natitigan sa sinag ng araw ay kababanaagan ng kulay na luntian ng dagat na puno ng halamang dagat sa ilalim. Pati ang kanilang hininga, bagaman walang kulay ay nakagpapaalala naman sa sinumang makaamoy sa simoy ng bagong gupit na kumot ng damo. Hindi maitatanggi ng sinuman sa mga residente ang lahat ng pagbabagong ito, maraming hindi taga-Kalye Desiderata ang pumansin ng pagbabago sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak na nakatira sa naturang kalye. Pero wala ni isa mang umamin sa mga taga-Kalye Desiderata tungkol sa pagbabagong nangyari sa kanila. Ni hindi nila ito pinag-usapan sa kanilang mga lihim at hayag na umpukan, kahit minsan. Kahit pa noong tahimik na kumalat ang tsismis ng unang pagtatalik ng lihim na magkasintahang Jeff Bolima at Loreta Navarro, at diumano’y nakita nila ang naiwang mga bahid ng berde sa kobre matapos ang kanilang pagniniig. Kahit pa isang gabi ay nakita ni Damian Estrella, na noo’y pinadudumi rin ang kanyang ingkong, kung paanong muntik atakihin sa puso sa gitna ng hardin ni Lorenzo Castriciones ang retiradong doktorang Erlinda Colayco matapos makita sa tulong ng pusyaw na liwanag ng buwan, ang matingkad na luntiang kulay ng dumi ng kanyang ipinagmamalaking asong hilaw na Aleman. Pagbalik sa bahay, nabalitang agad niyang tinawag ang anak na babaeng si Myrna na agad namang lumabas mula sa banyo at agad niyakap at iniyakan nang iniyakan ang balikat ng ina, isinusumbong ang pagkatagpo ng mga mantsa ng berdeng ihi sa inidorong katatapos lamang niyang upuan. Kahit pa makalipas ang isang buwan at natagpuan ang bangkay ni Romano Villaver na naliligo sa sariling berdeng dugo, at may hawak na sulat na naglalaman ng kanyang walang maliw na pagmamahal kay Lorenzo Castriciones, ang taong nagpakilala sa kanya ng “tunay na sarili,” isang gabing nagkasabay silang kumain ng adobong manok- baboy sa kantinang walang bubong ni Loreta Navarro. May dumating na namang mga pulis para mag-imbestiga sa pagkamatay ni Romano pero hindi himalang walang natagpuan ang mga ito ni isang patak ng berdeng dugo sa katawan ng bangkay o punit ng kanyang huling liham. Ayon sa mga testimonyang nakuha ng mga pulis, na muli ay pinamunuan ni Ruben Prudencio, nagpakamatay si Romano dahil ipinagpalit ito ng nililigawang si Adora de Leon kay Paolo Barros, kasamahan ni Jeff Bolima sa Liquid Dreams Mineral Water Station. Hindi na ipinagalaw sa mga

38 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. pulis ng pamilya Villaver ang bangkay, agad itong inilibing kinabukasan at maliban sa kanila, walang ibang dumalo sa libing. Kahit paminsan-minsan ay napapalakas ang ihip ng hangin at sumasalaksak pa rin sa pagsinghot ng mga residente ang nalalabing simoy ng berdeng likidong minsang natagpuan sa paanan ng kama sa loob ng bahay na nilisan ng mag-asawang baog na sina Agapito at Clarita delos Santos, hindi na muling pinag-usapan sa buong Kalye Desiderata ang misteryosong pagkawala ni Lorenzo Castriciones. Tunay na itinuring na nilang patay ang bahay na malapit sa bahaging pinagmumulan ng malansang bahang umaabot hanggang tuhod sa tuwing sumasapit ang Hunyo, kung kailan madalas ang malakas na ihip ng hangin at buhos ng ulan, at umaapaw ang palaisdaan.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 39 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

Tikbalang

Hindi, hindi ka nawaglit sa aking puso. Pero... kabisado na kasi kita. Kahit nakapikit, kaya kong libutin ang mga pasikot-sikot ng iyong katawan at isip. Hinding-hindi na ako maliligaw sa iyo, sa iyong masisikip na pasilyo, madidilim na eskinita, makalat at lubak-lubak na kalye, maluwang na kalsada—saulado ko na. (At iyon ang masakit sa akin, ang kasalukuyan kong pagtingin sa iyo: nasa ilalim ng aking mga paa. Hindi kita gustong tapakan. Pero ikaw ang humiga at humalik sa marurumi kong talampakan. Tinatanggap kita, sabi mo. Nakalimutan kong itanong: kasama ba sa pagtanggap ang paghalik sa paa?) Ganoon lang pala. Walang ipinagkaiba sa simula ng palasak na kuwento ng pagtatalusira: isang umaga. Isang umaga, nagising na lang ako at napagtantong tulad ng tumulong laway sa pagtulog, naiwan sa punda ng unan ang pagnanasa ko sa iyo. Tumayo ako noon sa kama na bitbit ang libog para sa iba, para sa bago: bigla, naging kapansin-pansin ang mga ugatang kamay at braso ng mga nakakasalubong sa daan, masel sa braso ng mga nakatayo sa bus, ang mga mabuhok na binti ng mga nakakasakay sa jeep, ang samyo ng pawis ng mga nakakadaiting katawan sa tuwing nakakatiyempo ng siksikang tren. Hindi, hindi ka nawaglit sa aking puso. Pero... masama bang pakinggan? Nanawa ako sa pinamihasnan. Kaya naghanap ako ng bago. Naakit sa mukhang hindi kilala. Nagnasa sa katawang hindi pa nahahawakan. Ginusto ko ulit maligaw. Manligaw. Magpaligaw. Sinundan ko ang tikbalang. Sa aligagang mall kami nagkita. Tumitingin ako ng mga lumang libro nang mahagip namin ng tingin ang isa’t isa. May hawak ako noong bulok na libro ng pilosopiya; ilang buklat na lamang ang nalalabi, madudurog

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 41 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. na ang mga pahina. Tangan naman niya ang isang mumurahing nobelang romansa. Ilang segundong napagkit ang aming mga mata bago sabay naghanap ng dahilan para malapit sa isa’t isa. Bahagya munang nagkiskisan ng mga siko habang kunwa’y nasa pinakatuktok ng mga iskaparate ang hanap na libro. Saka sumunod ang pagtatanong ng oras, kung sino ang kasama, kung ano ang magandang palabas na sine. Nabigla rin ako sa sarili, aaminin ko. Agad kong namalas ang malalalim na mata ng tikbalang ngunit hindi man lang ako nautal o sinagilahan ng kaba sa pakikipag-usap sa kanya. Naroon ang takot sa pagkalunod pero agad kong inilusong ang paa sa unang paanyaya ng kanyang malalim na boses. Ikahihiya mo ang sumunod na pangyayari. Matapos ang ilang taon ng pakikipagtalo sa iyo na walang mali sa relasyon natin, na hindi dapat ikahiya sa publiko ang pag-iibigan ng dalawang lalaki, natagpuan ko noon ang sariling sunud-sunuran sa pagkukunwari ng tikbalang. Sinundan ko siya papuntang sinehan na tila walang kiskisan ng sikong naganap sa loob ng tindahan ng mga gamit na libro. Nasa loob na kami ng sinehan nang muli kong marinig ang kanyang boses. Magkatabi kami sa pinakaitaas at kasuluk-sulukang mga upuan. Klasiko ang pambungad niya: may reputasyon siyang iniingatan. May kasintahang babae na ayaw saktan. Klasiko pa rin ang mga sumunod na linya: wala siyang bibitiwang pangako sa akin maliban sa panandaliang ligaya. Hahanap-hanapin ko raw ang ibibigay niya sa akin kaya dapat maghanda. Hawakan ko raw nang maigi ang puso upang hindi ito malaglag sa sahig at magkapira-piraso tulad ng mga puso ng ibang nakadaupang- palad niya. Mumurahin ang kanyang mga salita, mahal. Singmura, singbabaw at singhungkag ng mga katagang nasa mga pahina ng pipitsuging nobelang romansang bitbit niya nang una ko siyang makita. Hangal akong mamimili, mahal. Pinakyaw ko ang mga inilalako niyang kataga. At nakasumpong ako ng panibagong landas. Nabuhay ang aking dugo sa kanyang mabilis na pagtakbo. (Sinagad namin ang tatlong oras sa paghahabulan.) At nasundan pa iyon nang nasundan.

42 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Marami kasing mukha ang tikbalang. Kung saan-saan ko ito nakatagpo. Kung saan-saan ko ito hinabol (at inabutan). Mababaw man, mayroon namang kabaitan. Hindi ito marunong mag-usisa. Wala itong interes sa aking uuwian. Ang pakikipaghabulan ay tinatapos lamang sa paghingal: kaunting palitan ng salita, punas ng pawis, pagkuwa’y handa nang tumayo at bumalik sa landas na kinasanayan. Pero sa bawat engkuwentro ko sa kanya, hindi kita maalis sa isip: tuwing habol ang tikbalang, likod mo ang aking nakikita. Balat mo ang nahahaplos ko tuwing siya ay hinihimas. Sa bawat ungol na pumupuga sa kanyang lalamunan, impit ng boses mo ang aking naririnig. Buhok mo ang nakikilala ng aking mga kamay sa tuwing hinahawakan ko ang sa kanya. Ang tikbalang ang humukay ng bagong balon ng pagnanasa ko sa iyo, mahal. Dahil sa kanya, muli akong nakasasalok ng libog; sa paggaygay sa panibagong mga kalsada at eskinita, nagiging hindi pamilyar na teritoryo ka sa aking mga mata. Hindi, hindi ka nawaglit sa aking puso.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 43 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

Labingwalong Taong Gulang

Nang biglang mag-ingay ang nangulimlim na langit noong hapon na iyon, sumilip si Gabriel sa pagitan ng mga jalousie: tuyo pa ang basketball court. Isasara na niya ang bintana nang mapansin niya ang isang pusang nakasiksik sa pagitan ng mga paso. Nailang siya sa pagkakita sa hayop, tila inaabangan nito ang kanyang pagtingin. Kahit nasa kabilang gilid ng court ang mga pasong sinisiksikan ng pusang nahahawig sa tigre ang kulay, naramdaman niya ang titig nito. Mabilis na isinara ng guro ang bintana. Si Gabriel na lamang ang naiwan sa loob ng faculty room. Matapos salansanin ang mga papel na huling iwinasto, inilagay niya ang mga ito sa loob ng kanyang tokador. Pagkuwa’y inilabas sa bag ang dilaw na payong na de-tiklop. Lagi niyang dala ang payong na ito, kahit hindi umuulan. Pananggalang hindi lamang sa tubig mula sa langit kundi pati sa sikat ng araw. Madalas siyang pagtinginan sa tuwing gamit ito sa tanghali: isang patpating lalaki, hindi na maipagkakaila ang lampas apatnapung taon dahil sa mga namumuong pilegis sa mukha, partikular sa noo, gilid ng mga mata at sa palibot ng bibig, nangangalingasaw ang buhok na mukhang basang-basa dahil sa pomada, nakasuot ng polong madalas ay kulay kupas na rosas, asul o puti (mga paborito niyang kulay) na nakapaloob sa itim at malambot na pantalong nabibigkis ng itim ring sinturong gawa sa mumurahing balat kung kaya namumuti na ang mga bahaging pinakanahihiklat, habang naglalakad nang dahan-dahan o mas maigi sigurong sabihing mahinhin, may bahagyang paghampas ng balakang sa bawat hakbang ng mga paang nakasuot ng itim na sapatos na pudpod ang mga suwelas, may hawak na payong na lalong tumitingkad ang pagkadilaw dahil sa sikat ng araw. Pero wala siyang pakialam. Mas masakit at nakakatakot ang mga posibleng epekto ng matagal na pagkababad sa sinag ng araw kaysa mga pigil na hagikgik at mga mapanghusgang tinging patagilid na ipinupukol ng mga taong hindi naman niya kilala. Iniismiran niya lang ang mga

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 45 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ito. Kung mayroon man siyang pinakikisamahan, ito ay ang kanyang mga kapitbahay at alam ni Gabriel na alam na ng kanyang mga kapitbahay ang sagot kung kaya hindi na siya tinatanong ng mga ito kung bakit ganoon siyang maglakad at kung bakit hindi pa rin siya nag-aasawa gayong umabot (at lumampas?) na siya sa tamang edad. Kahit malayo mula sa kanyang tirahan ang terminal ng mga jeep na dumaraan sa pinagtuturuan niyang kolehiyo, mapayapang naglalakad si Gabriel sa lilim ng kanyang dilaw na payong tuwing tanghaling mataas ang araw at mayroon siyang klase ng ala-una. Bigla ang pagbuhos ng ulan. Kasabay nito ang pagguhit sa pusikit na langit ng puting liwanag na kasinghugis ng mga ugat ng puno matapos itong hugutin sa lupa. Hawak ang de-tiklop na payong sa kaliwang kamay, isinukbit ng guro sa kanang balikat ang strap ng kanyang bag at nagtungo sa pinto. Nag-ingay muli ang langit at muli siyang natakam sa malutong na malutong na chicharong baboy. Pinatay niya ang ilaw at nilamon ng dilim ang buong kuwarto. Habang naglalakad sa pasilyong patungo sa gate ng kolehiyo, hindi pa rin maalis ni Gabriel sa isip ang mga pangyayari. Alam niya ang mga posibilidad, pero umasa pa rin siya kahit paano na hindi mababahiran ng malisya ang lahat. Ganoon na lamang ang pagkabigla niya nang maramdaman ang pag-init ng mga pisngi nang magsimula ang hiyawan ng mga kabataan. Kilala naman niya ang mga kabataang humiyaw: walang mukhang iharap ang mga ito sa kanya sa tuwing tinatanong niya sa klase pero sa pagkakataong iyon, siya ang hindi makapag-angat ng mukha sa kanila. Nanatili siya sa pagkakatungo, hinihintay mawala ang dugong namuo na yata sa kanyang mga humpak na pisngi. Nang sumilip siya sa gilid ng mga mata at nakitang nagpipigil ng ngiti ang dalawang kabataang babaeng nakaupo sa harapan na kilala rin niya dahil panay ang taas ng mga ito ng kamay sa tuwing tinatanong niya ang mga kabataang walang mukhang maiharap dahil walang alam sa klase, lalong nanliit ang guro. Sa kauna-unahang pagkakataon, napilitang lumabas ng silid-aralan si Gabriel, ang mataray na guro sa Matematika, suko sa kapangyarihan ng mga kabataang kahapon lamang ay hawak pa niya sa leeg. Gusto niyang sisihin si Donny. Siya naman talaga ang dahilan ng lahat ng ito. Sana ay hindi na lamang niya nakilala si Donny. Si Donny na labingwalong taong gulang na pero nasa unang taon pa lamang sa kolehiyo, dahilan upang umangat siya sa paningin ng guro; ano pa ba

46 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. naman ang magiging epekto ng pagmalas sa isang grupo ng mga yayat at nagsisimula pa lamang lumaking kabataan na biglang hahaluan ng isang labingwalong taong gulang, na oo nga’t dadalawang taon lamang ang agwat sa edad ng karamihan sa klase ngunit ang mukha at katawan ay para nang sa isang lalaking nagtatrabaho? Hindi na maitago ng tetoron ang lapad ng kanyang mga balikat, ang pintog ng mga brasong hindi naman kaputian pero hindi rin naman sunog (mas malapit ang kulay ng balat ni Donny sa mamula-mulang kahoy na binarnisan), samantalang ang kanyang mga hita’y halos magkumawala sa loob ng pantalong khaki lalo na sa tuwing uupo siya at nahihigit ng kanyang mga pata ang tela at ay! ang kanyang mukha. Ilang gabing hindi pinatulog si Gabriel ng mukha ni Donny: ang malalagong kilay, malalaki at bilugang mga mata na tila nagkukulay- abo kapag nasisinagan ng araw, ilong na mabuto at may kalaparan, malalamang labing nakasuling sa mga mumunting buhok na dapat ay inahit kinagabihan. Ayaw mang aminin ng guro, nag-iinit ang pakiramdam niya sa tuwing sasagi sa isip ang mukha’t katawan ng labingwalong taong gulang na binata. At gayon nga ang nangyari: ipinatong niya ang isang hita sa ibabaw ng mesa upang suportahan ang katawang hindi na pinagkakatiwalaan sa tuwing nakikita si Donny na nagkataong sa pinakaharap na upuan pumuwesto nang araw na iyon. Katatapos lamang itanong ni Gabriel kung sino sa klase ang makalulutas sa equation na isinulat niya sa pisara. Inasahan na niya ang sabay-sabay na pagtungo ng mga ulo kaya ipinukol niya ang tingin sa bandang likuran ng kuwarto, kung saan nakaupo ang mga estudyanteng walang kainte-interes sa klase at siyang mga paborito niyang tawagin, isang paraan upang pilitin silang mag-aral pero hindi niya inasahan ang biglang pag-angat ng kanang kamay ni Donny sa hangin. Damang-dama ng guro ang pagtahip ng kanyang dibdib nang iabot niya ang chalk sa binata. Hindi rin nakatulong ang mahinang bulungan na nagsimula nang tawagin niya si Donny bilang Donny at hindi Martinez, na siyang apelyido nito (sanay kasi ang mga estudyante na apelyido ang gamit sa pagtukoy sa kanila) at nang malutas ni Donny ang equation at napabulalas si Gabriel ng Very good, Donny! na parang isang kolehiyalang nanggagagad ng isang guro o maaari ring baligtad, sumabog sa hiyaw ang klase. Uuuuy, sir! Kayo, ha! Donny pala ha! Sir talaga!

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 47 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Kung bitbit lamang niya ang kanyang dilaw na payong na de-tiklop, binuksan na niya ito at itinapat sa pagmumukha ng mga nakangiti at nang-uuyam na mga kabataan. Kung maaari lamang maging pananggalang ang kanyang payong hindi lamang sa ulan at sikat ng araw kundi pati sa kahihiyan, kahihiyang dulot ng kanyang kawalan ng moral. O gayon nga ba? Imoral bang maituturing ang magkaroon ng interes na sa una ay dulot ng kuryosidad at kuryosidad lamang, imoral ba iyon, ang makaramdam ng awa matapos masagot ang mga tanong na bitbit ng kuryosidad, ang makaramdam ng awa na lumao’y naging kakaibang afinidad para sa isang labingwalong taong gulang na hindi kapangitan ang hitsura at nakasisiguro siyang pati ugali pero nananatiling walang kaibigan? Tila hindi naman yata. Hindi naman imoral ang gayong pakikipaglapit ng kalooban sa isang kabataang lalaking nangangailangan ng kausap para mapagpaliwanagan ng katotohanang matagal na niyang nais ibulalas sa tuwing naririnig ang mga bulong-bulungan, ang katotohanang siya ay katulad lamang nilang lahat na gustong may marating sa buhay kung kaya ginagawa niya ang kanyang ginagawa kahit alam na hindi siya naiintindihan ng lahat at kung minsan ay pati mismo sarili niya pero ipinagpapatuloy pa rin ang ginagawa dahil alam niyang kailangan. Muli, napatotohanan ang bisa ng kasabihan: may pakpak ang balita, may tainga ang lupa: Aba, tuwing hapon sila nagkakasarilinan! Ang maganda kamong pag-isipan ay kung magkano ang bayaran, hindi ba? Maaaring pera o di naman kaya’y mga numerong mas mataas kaysa palakol. Baka pareho. Ang guro ay saksakan ng pangit at ito ay hula ko lang naman at hindi malayo kung tutuusin, marami na sigurong naipong pera at kalibugan, pasensiya na kung bastos, sa totoo lang naman. Habang naglalakad sa loob ng campus (sa lilim ng kanyang dilaw na payong) at lalo na sa loob ng faculty room—hindi siya kailanman naging popular sa mga kapwa guro—hindi maiwasan ni Gabriel ang pakiramdam ng isang tinatraydor. Hindi maipagkakamali ang alingawngaw ng mga boses na nagmumula sa lupa at hangin; walang tigil ang mga boses sa

48 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. paghuhuntahan, pagtatawanan, panghuhusga sa guro at estudyanteng hindi marunong magdalang-hiya sa mga sariling katawan, ni hindi man lang pinatawad ang kolehiyo bilang lugar na dapat igalang. Pero hindi naman totoo at wala naman tayong ginagawang masama, nag-uusap lang naman tayo di ba, makailang beses na sinabi ni Donny sa kanilang mga pag-uusap sa kantina. Makailang beses ring tumango at nagpigil ng luha ang guro para mapanatag ang loob ng kausap kahit ang sarili niyang kalooban ay nananatiling nag-aalimpuyo sa mga dilang walang tigil sa pagwawagwagan at sa sarili, dahil sa unti-unting pagkilala sa karupukang sugpuin ang pagnanasang nararamdaman para sa isang labingwalong taong gulang. Naging isang kasinungalingan ang kanyang pagkakontento sa kinalalagyang sitwasyon: ang kanyang mahigpit na pagtangan sa propesyon ay sapat nang dahilan upang bitiwan ang tawag ng laman, ang pakikipag- ulayaw sa mga tulad ni Donny, dahil kahit pa sabihing mga numero ang kanyang gamit sa pagtuturo at hindi naman relihiyon, dinibdib niya ang pagiging mabuting halimbawa, naniniwala siyang marapat na malinis na tao lamang ang naglalabas-masok sa silid-aralan. Sino ba namang guro ang maaaring humarap sa pulutong ng mga estudyante kung hindi siya makapagmamalaki ng bitbit na kaalaman at hindi man sa laki ng suweldo, kalinisan ng kalooban? Nararamdaman na ni Gabriel ang pagluwag ng kanyang hawak sa ipinagmamalaki niyang trabaho. Ang kanyang mga palad na halos paltusin sa paghaplos sa sariling laman ay naghahanap na ngayon ng ibang mahahawakan, ng bagong makakaulayaw sa bawat gabing may baong pangungulila. Isa kang hangal, hangal na matandang baklang pinaglipasan ng panahon, madalas sabihin ni Gabriel sa sarili sa tuwing nangangarap siyang makadampiang labi ang binatilyong hindi araw-araw nag-aahit ng nag-uumpisa pa lamang manigas na bigote. Lalong lumakas ang ulan nang makarating ang guro sa dulo ng pasilyo. Ilang hakbang na lamang ang layo ng gate pero nagdadalawang- isip siya kung susugod o maghihintay na lamang ng pagtila. Naibulong na ni Gabriel sa sariling bahala na at saka naibuka ang dilaw na payong na de-tiklop habang kipkip ang shoulder bag sa kanang kilikili nang maramdaman niya ang kamay sa kanyang balikat. Lumingon siya at nagulat sa pagpitlag ng dibdib at pagbilis ng pulso: si Donny.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 49 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Ser, pasabay na lang sa inyo. Magkasabay na naglakad patungo sa gate ang guro at ang kanyang labingwalong taong gulang na estudyante, nagsisiksikan sa ilalim ng dilaw na payong na de-tiklop na inaatake ng rumaragasang ulan. Sa paglangitngit ng bakal na gate ng kolehiyo, ramdam na ng guro ang pagkabasa ng kanyang kaliwang braso sa ulan pero hindi siya nilalamig bagkus ay pinagpapawisan pa nga dahil sa init ng singaw ng malaman ngunit malambot pa rin palang binata sa kanyang tabi. Nanatiling nakapako ang tingin niya sa aspaltong hinahagupit ng tubig nang magalang na magalang na nagpaalam sa kanilang dalawa ang nasisiguro niyang nagpipigil ng ngising guwardiya. Ingat po kayong dalawa, ser. Karaniwang nagbababa ng tingin ang guwardiyang ito sa tuwing bumabati sa umaga dahil nakatikim na ito ng katarayan ng guro: nagmarka sa guwardiya ang pagtataray na ginawa ni Gabriel noong unang araw ng pagbabantay nito sa kolehiyo, noong isang Lunes na nahuli siya dahil sa trapik at lalo pang nahuli dahil sa sapilitan at napakatagal na pag-iinspeksyon ng kanyang shoulder bag na natigil lamang nang sabihin niyang matagal na siyang guro ng kolehiyo at hindi niya naging ugali ang magbaon ng bomba para patayin ang mga estudyante, dahilan para pamulahan ng mukha ang guwardiya sa harap ng mga estudyanteng biglang naghagikgikan. Pero si Gabriel ngayon ang hindi makapag-angat ng mukha. Ang pakiramdam ng guro, may dala nga siyang bomba at alam ito ng magalang na magalang na guwardiya pero hindi na lamang siya sinisita, umaasa na lamang ito sa kapangyarihan ng konsensiya. Naunang dumapo ang kamay sa kaliwa niyang balikat; sumunod ang pagdantay ng matipunong braso sa kanyang likod. Hindi makapagsalita si Gabriel: ano ba ang dapat sabihin sa isang labingwalong taong gulang na kasukob sa isang payong habang bumubuhos ang ulan? Patuloy lang siya sa tinatantiyang paglalakad: hindi masyadong mabilis, hindi masyadong mabagal, para hindi masyadong maputikan ang likod ng pantalon at para hindi mahirapang sumabay ang patuloy na nagsusumiksik na kasukob. Ser, yung nangyari kanina– Wala yon. Pinisil muna ang kanyang balikat ng ilang saglit—mahigpit at may kasama pang himas—bago pinasadahan ng kamay ang payat niyang braso

50 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. at sumuot sa ilalim para gaygayin pati ang kanyang tagiliran bago ito tuluyang namahinga sa kanyang baywang. Nagtayuan na yata ang lahat ng balahibo sa katawan ng guro. Pasensiya na kayo, ser. Wala talagang magawang mabuti ang mga yon– Doon muna tayo. Laking pasasalamat ni Gabriel sa nakitang waiting shed. Biglang nagmadali ang guro sa paglakad, tila hinahabol ng mabangis na hayop. Nang makasilong sila, isinara niya ang payong at saka ipinagpag, ingat na ingat na huwag tumingin sa mukha ng kasukob kanina, ang kanyang kasukob na hindi pa rin pala inaalis ang kamay sa kanyang baywang kaya hinawakan niya ang makapal na pulso, tangkang alisin ang kamay na patuloy sa mahigpit pero masuyong pagkapit sa kanyang katawan. Noon lang niya naisip ang mga sasakyang nagdaraan: ano kaya ang magiging hitsura nilang dalawa, isang matandang bakla at isang matipunong binata, nasa lilim ng isang shed at tila naglalampungan? Tinabig niya nang malakas ang braso ni Donny. Galit ka ba sa akin, ser? Hindi sumagot si Gabriel, nagpatuloy siya sa pagpagpag ng kanyang dilaw na payong. Ser, kausapin mo naman ako. Tiningnan niya ang binata at muling naramdaman ang pangangalog ng tuhod: sa tulong ng ulan, lalong bumakat ang matipuno nitong katawan sa suot na puting polong sa tuwing nasisinagan ng ilaw ng mga nagdaraang sasakyan ay kababakatan ng dalawang munting pasas na naninigas sa lamig. Maraming gabing pinangarap ng gurong mahimas at malawayan ang mga munting pasas na iyon (ang hula niya’y kulay kapeng may kaunting gatas) at ngayon ay nasa harap na niya at parehong naninigas. Gusto niyang ipilig-pilig ang ulo para maalis ang mga mahahalay na imaheng matagal na niyang inaalagaan. Ser, gusto mo ba? Inasahan na ni Gabriel ang diretso at walang burloloy na tanong. Sinipat niya ang mukha ni Donny: alam niya kung ano ang ibig sabihin ng binata pero nais masigurong iisa ang iniisip nila. Sapagkat hindi

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 51 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. lamang ngayon nalagay sa sitwasyong ito si Gabriel, maraming beses na, noong bago pa siya nagdesisyong yakapin at pakamahalin ang pagtuturo at kalimutan ang sarili dahil sa mga pagkakataong umuwi siyang luhaan at nagsisisi. Marami na siyang nakilalang tulad ni Donny: may labingwalong taong gulang hanggang apatnapung mahigit ring tulad niya; may iilang halang ang bituka at ninakawan pa siya; karamihan ay mabait naman at maayos kausap; halos lahat ay may baong kuwentong makadurog-puso na nagsisilbing katwiran sa kanilang paraan ng pamumuhay at dahilan para mas bumilis at lumaki ang pagkakabuka ng kanyang pitaka. Batid na niya ang kahungkagan ng sasapitin ng mga ganitong usapan: kasama sa pagdantay ng hubad na laman at pagsirit ng init ng katawan ang paglipad sa bintana ng respeto sa sarili at damdaming parating sinusunggaban pero kahit minsan ay hindi nahawakan. Pero tila iba si Donny sa kanila; tila may dumadaplis sa mga palad ni Gabriel sa tuwing nag-uusap sila ni Donny tuwing pagkatapos ng klase sa kantina. O mayroon nga ba? Ser, ano? Magkaibigan na tayo, di ba. Magkaibigan. Magkaibigan pala tayo, ano yang ginagawa mo, itatanong sana ni Gabriel sa labingwalong taong gulang na binatang nasa harapan pero hindi niya ginawa. Gusto pa niyang mag-isip nang mabuti, baka kasi nagkakaiba ang lohikang gamit nila ni Donny ukol sa sitwasyon nila bilang magkaibigan, hindi niya malaman kung alin ang tama o mas mabuti yatang sabihin kung alin ang nais niyang paniwalaan dahil kung tutuusin, pareho namang lohikal ang maaaring maging katapusan ng kanilang pag-uusap na hindi magiging tunay na pag-uusap kung hindi siya sasagot kaya– Bakit, Donny? Anong bakit? Ser, napakarami nyong naitulong sa akin. Hindi ko kayang tumbasan ang lahat ng nagawa nyo. Ikaw ang nag-aral nang mabuti, Donny. Hindi ko binago ang mga grado mo. Hindi ko ugaling baguhin ang grado ng mga estudyante ko. Kung hindi dahil sa inyo, hindi ako papasa. Hindi pa rin humuhupa ang ulan, lalo pang lumakas ang hangin. Lumalagaslas ang tubig sa kanal na nasa gilid ng waiting shed kung saan nananatiling nakasilong ang guro at estudyante. Tumahimik si Gabriel,

52 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. kipkip ng kanang braso ang shoulder bag, nakalungayngay ang dilaw na payong na hawak ng kaliwa, pinagmamasdan ang mukha ng kausap na labingwalong taong gulang. Magkano ba ang– Wala namang ganyanan, ser. Sorry, akala ko kasi– Biglang tumakbo palayo ang binata, sinagasa ang ulan, nagpalamon sa dilim. Alingawngaw na lamang kay Gabriel ang inasahan niyang pag-uusap nila: sino ba ang papara ng taxi, ako na lang, saan ba tayo, may malapit dito, diyan lamang sa may likod ng department store, nasa basement ang elevator kaya walang makakakita, at wala naman sigurong makakakilala dahil kakaunti lang ang tao sa basement, mababait naman sila doon, hindi nambabastos ng mga kostumer, hindi magiging problema ang pag-uwi dahil Sabado naman kinabukasan, may sarili na naman siyang buhay, hindi naman siguro magtataka ang mga kapitbahay kung uumagahin ng uwi; hindi naman naninita ang tiyahin na may-ari ng bahay na pansamantalang tinutuluyan habang nag-aaral, parang ang trabaho at ang pag-aaral parehong pansamantala, balang araw ay makakakuha rin ng matinong trabaho, pero siyempre, hindi naman trabaho ang gagawin ngayong gabi, kaya huwag nang pag-usapan pa, lumalalim ang gabi. Sanay na ang taxi driver sa iba’t ibang klase ng pasahero at masyado itong nag-aalala sa pag-uwi kasi’y binabaha rin ang inuuwiang lugar kaya walang nabanaag na reaksyon ang guro sa mukha nito matapos banggitin ang lugar na gustong puntahan. Alam ni Gabriel, masyado pang maaga para bumisita sa naturang lugar kung saan ang mga lalaki ay sinasabing labingwalong taong gulang kahit na ang totoo ay tatlumpu’t walo, kung saan kayang pawiin ng giling ng katawan ang nangungulit na kalungkutan, kung saan nagtatagpo ang mga naghahanap at ang mga nagbibigay ng kaligayahan. Alam ni Gabriel, bandang hatinggabi pa iyon tinatao pero wala siyang pakialam, mas mahalagang pansamantalang kalimutan muna kung paanong maibabalik ang nasisiguro niyang nawala nang tiwala ni Donny. Pinagmamasdan ng guro ang mga sasakyang pinaliliguan ng langit, ang pagtalbog ng mga butil ng tubig sa mga bakal na katawan at ang

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 53 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. paglagos ng nakasisilaw na liwanag sa makapal na dingding ng tubig nang mapansin niyang wala sa kanya ang dilaw na payong na de-tiklop. Hiniling muna ni Gabriel na matagpuan sana ito at maging silong ng pusang kulay tigre bago nagpasalamat na sa loob ng matagal na panahon, kahit papaano, alam niyang may makakatabi siyang matulog ngayong gabi.

54 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Kumpisal

Sa simula’t simula, pag-aari iyon ng lahat. Sa akin, sa ibang tao, pati po kayo Padre, kung nanonood kayo, sa inyo rin. “Inyo po ang palabas na ito,” laging sinasabi ng paborito kong host. Kami ang bida. Kung nanonood kayo, tayo. Pero lalo na ako. Ako ang bida. Dahil ako ang pinakamatinding tagahanga ng palabas. Kahit nasa trabaho, nanonood ako. Kahit napapagalitan, nanonood pa rin ako. Ilang linggo ko ring hinintay ang pagdiriwang ng anibersaryo. Laksang gabing hindi ako pinatulog ng mga posibilidad. Hindi basta-basta ang mga papremyo. Hindi maaaring mapalunan sa mga nagkalat na pipitsuging perya sa telebisyon. Tunay na para sa amin, para sa akin, ang palabas. Maraming umagang gumising akong nangangalumata. Habang naninigarilyo bago pumasok sa trabaho, nilalaro ko sa isip ang kumakaway na realidad ng pagkakaroon ng sariling taxing puwedeng ipasada. Maaari ko nang sagutin ang buwisit kong amo, sa wakas. Ayoko na! Tapos magta- taxi na lang ako. Langit ang mababad sa lamig at musika kahit maghapong plastado ang puwit at ngalay ang mga binti at braso sa pagmamaneho kaysa pagsunod sa mga pabulyaw na utos ng makunat pa sa inuyat kong amo. Nagsasawa na rin akong harapin at pagtiyagaang kausapin ang panaderong parating pawisan at isupot ang mga minamasa niyang samut-saring tinapay na hindi naman maubos-ubos sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Ay. Paumanhin, Padre. Hindi ko sinasadyang gamitin ang pangalan ng Diyos. Talagang napupuno lang ako sa tuwing naalalang tindero pa rin ako sa panaderya matapos ang pitong taon. Hindi naman katayugan ang ambisyon ko, Padre. Taxi. Taxi lang kapalit ng pagtitinda ng tinapay. Ano ba naman yung taxi? Para sa pagiging masugid na tagasubaybay ng palabas, tinatanong kita Padre, ano ba naman yung hangarin kong manalo ng pampasadang kotse? Ang

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 55 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. bahay at lupa, hindi ko na masyadong inasahan. Kung lulubusin lang ang suwerte, ‘kako. Basta yung taxi lang ang sa akin. Sapat na sa akin ang pangungupahan sa bulok na kuwarto sa bulok na dormitoryo. Mabait naman ang kahera, parang kapamilya na rin ang turing sa akin. Tuwing alas-dose ng Sabado—ang bukod tanging araw na nakakapanood ako nang hindi nasisigawan dahil sa umaga lang nagtatrabaho sa panaderya—magkatabi kaming nanonood sa palabas na para sa amin, para sa akin. Hindi ako maramot, Padre. Alam kong akin ang mga papremyo ng palabas pero handa akong magbigay sa iba. Mas maraming nangangailangan nang higit pa kaysa akin. Pero hindi ibig sabihin, hindi na ako nangangailangan. Mahal ko ang Diyos, Padre. Pero Siya na rin ang maysabi, hindi ba: ibigay kay Cesar ang kay Cesar. Kinukuha ko lang kung ano ang sa akin. Dahil bida ako. Hindi kontrabida. Tingnan mo si Panday, halimbawa. Nag-iisa lang siya pero kinaya niyang paslangin ang lahat ng mga tauhan ni Lizardo at si Lizardo mismo. Sa disyerto, pinalibutan nilang lahat si Panday; sumuot pa sila sa buhangin bago lumundag at umatake. Pero hindi rin sila umubra. Namatay rin isa- isa. Dahil si Panday ang bida. Ang bida, hindi namamatay. Lakas-loob, nagpaalam ako sa among rumepeke na naman ang bibig noong hapon. Lahat ng masasakit na salitang binitiwan dahil sa kalahating araw ng hindi pagpasok, buong-buo, isinaksak sa lalamunan at saka nilunok, sa ngalan ng pagbabago ng kapalaran. Hindi pa nabubuhay ang araw nang magpunta ako. Unang beses ko iyon. Hindi ko naisip may mauuna pa pala sa akin. Buong akala ko, maaga na ang dalawang oras matapos ang hatinggabi nang gumising ako para maghanda. Ganoon na lang ang aking pagkahambal nang mabungaran ang bunganga ng kalyeng namumuwalan sa tao: lahat ay gustong makapanood at makiamot ng papremyo sa palabas na para sa akin. Popular ang programa, alam ko. Pero nakakapangilabot ang kapal ng mga katawang nagsisiksikan noong umagang iyon.

56 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Ikaw ang bida, bulong ko sa sarili. Para sa iyo ang palabas na ito, wala kang dapat ipag-alala. Kahit nagmukhang kilo-kilometro ang layo ng tarangkahan ng pagdarausan ng palabas gayong ilang hakbang lang naman ang tunay na distansiya mula bukana ng kalsada, kung saan ako nakatayo, hindi ko binitiwan ang kapangyarihan ng pagiging bida. Matiyaga akong nagtanong kung nasaan ang pila kahit halos lahat ay panay ingos ang itinugon. Walang pakialam sa kapwa, sarili lamang ang iniisip. Mga bastos ang mga taong ito, isip ko. Pero nagtiis pa rin ako, Padre. Nagpasensiya ako sa lahat ng mga bumangga sa akin na hindi nagpaumanhin. Binata ko ang gutom. Hindi ko nadukot sa bag ang ibinaon kong tinapay dahil hindi ko halos maigalaw ang aking mga kamay at braso. Alam ko Padre, hindi lang naman ako ang nahirapan ng ganoon. At sa aming lahat ang mga papremyo ng palabas. Dahil kami ang mga bida. Ako ang bida. Kampante na sana kaming lahat. Kahit ba sabihing kilo-kilometro nga ang layo ng tarangkahan mula sa kinatatayuan, pasasaan ba’t aabot pa rin doon. Bahagya pa lang ang sikat ng araw nang magsimula ang kaguluhan. Mula sa mga bibig na halos nakadikit na sa aking mga tainga, narinig ko ang nakakakiliting balita: bubuksan na ang tarangkahan. Inulit ko nang malakas ang balita: “Bubuksan na ang tarangkahan.” Narinig kong may nag-ulit ng aking mga kataga. May nag-ulit ng mga kataga ng huling nagsalita. At may nag-ulit ng mga kataga ng huling nagsalita. At may nag-ulit pa ng mga kataga ng pinakahuling nagsalita. Hindi nagtagal, naramdaman ko ang paggalaw ng dagat ng aming mga katawan. Dagat nga ang tamang salita, Padre. Nakakatangay ang mga alon. Hindi na ako kumilos dahil itinutulak ako—hindi nagtagal ay halos ipinaghampasan—ng mga katawang nakapaligid. Sumisigaw na ang ilan. Nasasaktan na raw sila. Sandali lang daw. Huwag naman daw masyadong magmadali at makakapasok naman kaming lahat. Pero walang tainga ang dagat, Padre. Lalo lang lumakas ang puwersang hindi malaman kung saan talaga nagmumula—sa kanan o kaliwa, harap o likod.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 57 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Ang layon lang ang sigurado: marating ang tarangkahan. Sa anumang paraan. Iyon na nga yata ang tarangkahan ng langit, Padre. At dumating ang bagong balita na higit nakakahilakbot kaysa nakakakiliti: may bomba! Inulit ko nang malakas ang balita: “May bomba!” Narinig kong may nag-ulit ng aking mga kataga. May nag-ulit ng mga kataga ng huling nagsalita. At may nag-ulit ng mga kataga ng huling nagsalita. At may nag-ulit pa ng mga kataga ng pinakahuling nagsalita. Hindi na lamang alon ang sumunod kundi daluyong na, Padre. Dumami ang sumisigaw at lumakas ang mga palahaw. Kung kanina’y puro pakikiusap ang maririnig, sa pagkakataon na iyon, puro pagmamakaawa na. Ako ang bida, panay ang bulong ko sa sarili habang pilit na lumalangoy–lumalaban–sa daluyong ng dagat ng mga katawan. Nasiko, naitulak, nadagukan–ininda kong lahat, makarating lang sa tarangkahan. Kung mayroon mang bomba, siguradong wala iyon sa loob ng pagdarausan ng palabas. Ipinagwalang-bahala ko ang mga matatandang babaeng naghandusay sa kalsada, ang kanilang mga mukhang natapak-tapakan, mga pustisong gumulong at halos naging pulbo, ang katawan ng mga paslit na nakaladkad at nabugbog sa sipa. Ang iba pang mga taong biglang nilampa ng takot sa bomba. Ligtas ako sa loob ng pagdarausan ng palabas. Napaibabaw ako sa likod ng ilang patong-patong na katawan ng mga nasubsob nang makita ko ang may kasalanan, Padre: isang lalaking may bigote. Panay ang hiyaw niya na may bomba, may bomba, tumakbo kayong lahat, habang nangunguna sa pagtakbo papunta ng tarangkahan. Umakyat ang dugo sa aking mukha, Padre. Ang mandarayang ito, isip ko. Napagtanto ko na noong wala namang bomba. Dahil kung tunay na mayroon, kanina pa sana iyon sumabog. Nakita ko na rin sa di-kalayuan ang mga nakauniporme. Pilit nilang pinakakalma ang biglang nag- alborotong dagat ng mga tao.

58 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Gumapang akong paalis sa ibabaw ng katawan ng mga nasubsob at sa gitna ng patuloy na hugos ng mga tao, nagpilit akong lapitan ang lalaking may bigote na sumisigaw kanina. Binigyan ko siya ng isang matinding suntok sa mukha. (Humingi naman po ako ng paumanhin, Padre, sa babaeng tinamaan ng aking siko sa mukha nang bumuwelo ako ng bira.) Pagkatapos ay dinaluhong ko siya at ginagap sa leeg. Wala namang pumigil sa akin. Walang nakialam sa away namin. Nagpagulong-gulong kami sa kalsada, sa tulong na rin ng pagsipa at panunuhod ng mga taong hindi ko na nakita ang mga mukha. Ilang beses sumalo ng suntok ang mukha ko pero hindi pa rin ako bumitiw sa leeg ng lalaking may bigote, Padre. Sa bawat suntok na pinakawalan niya, yinuyugyog ko siya sa leeg para humampas ang ulo niya sa semento. Nang hindi siya bumitiw sa pagsabunot, lalo kong hinigpitan ang hawak. Nalaman kong nalagutan na siya ng hininga nang lumupaypay ang kanyang kanang kamay. Nalaglag na lang ito basta. Bumitaw na ako sa mahigpit na pagkakataban sa leeg niya at saka muling nagpatangay sa mga sipa. Umaalingawngaw na noon ang mga sirena ng pulis. Napansin ko na rin ang tunog ng elisi ng helicopter na nasa ibabaw lang pala at nakatanghod, habang lahat kami sa baba ay natataranta. Pinatay ko na ang salarin, gusto kong isigaw sa lahat. Pinatay ko na ang kontrabida. Ituloy na natin ang palabas. Opo, Padre. Isa ako sa mga nakapasok sa loob. Isa ako sa mga umasang itutuloy pa rin ang palabas, ang pamimigay ng premyo, sa kabila ng lahat ng nangyari. Isa rin po ako sa mga hindi sumigaw ng pagsang-ayon nang sabihin ng paborito kong host na hindi muna itutuloy ang palabas dahil sa mga pangyayari noong umaga. Puro mura ang lumabas sa bibig ko, Padre. Tinadtad ko ng mura ang paborito kong host, pinaulanan ko ng sumpa ang matangkad na babaeng maputi na kunwari ay nanginginig pa ang boses sa pagsasabing mahal nila kami, na mahal niya ako. Na ako pa rin ang bida sa palabas nila.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 59 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Kung kami talaga ang mga bida, kaming mga naghirap para makapasok sa loob ng pagdarausan ng palabas, lalo na ako, dahil ako ang pumatay sa may kasalanan para lamang matuloy ang palabas, susundin nila ang gusto namin. Ang gusto ko. Itinuloy nila dapat ang palabas. Panay pa rin ang hiyaw ko ng iba’t ibang mura nang papilahin kaming lahat para lumabas. At isinusumpa ko, Padre—paumanhin po kung sumumpa ako, hindi ko po sinasadya. Gusto ko lang pong sabihin na totoo itong susunod kong sasabihin: lumingon sa akin ang host ng palabas. Narinig yata niya ang aking walang habas na pagmumura. Nang makita ko siya sa telebisyon kinabukasan, doon sa programa ng babaeng maputi na saksakan ng daldal at lalaking kalbong hindi ko maintindihan ang mga pinagsasabi, umiiyak na ang paborito kong host. Hindi na raw niya kayang ipagpatuloy ang pagiging masaya ng kanyang palabas pagkatapos ng lahat ng nangyari. At iyon po ang aking kasalanan, Padre. Sinaktan ko ang damdamin ng paborito kong host.

60 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Mga Kotse sa Airport

May nakadaklot na higanteng kamay sa ulo ni Gabriel. Tinakpan niya ng kanang braso ang mga mata para salagin ang pagsalakay ng liwanag, pero bumigay din siya nang magsimulang mamawis ang pagkiskis ng kanyang mabalahibong braso sa mga nakatiim na talukap. Dahan-dahan siyang umupo sa gilid ng kama, ingat na ingat na huwag kumilos nang mali na maaaring magbunga ng paghigpit ng pagkakadaklot ng higanteng kamay sa ulo. Habang hinanahap ng mga paa ang pares ng tsinelas sa sahig, sumilip sa mata ng isip ni Gabriel ang mga nangyari kagabi: pagkatapos malaman na tuluyan nang nasawata ang pagkakaroon ng unyon sa kanilang kompanya, dumating na rin ang positibong resulta sa pinag-aaplayan niyang trabaho sa Singapore, kaya nagkayayaan silang uminom ng kaibigang si Miguel. Papalubog pa lang ang araw nang lumapag ang unang tatlong bote ng beer pero ilang oras na lang ang natitira sa muling pagsikat nito nang maghiwalay silang dalawa. At ang unang tatlong bote’y nasundan pa ng apat na tatlo. Ang huling imaheng rumerehistro ay ang paniniwala niya sa pagsisinungaling ng drayber ng taxi. P130 ang basa niya sa metro pero ipinagpilitan nito ang halagang P160. Namimigat na ang kanyang mga mata at pumapalya na ang dila—hindi na mawawaan ng drayber ang kanyang pagpapaliwanag—kaya labag man sa kalooban, tinanggap na lamang ni Gabriel ang isinukling kulang ng drayber. Dumaplis sa kanyang ilong ang hanging may bitbit na bawang. Dahan- dahan siyang tumayo. Pinatay muna niya ang bentilador at hinugot ang pagkakasaksak ng kurdon bago lumabas ng kuwarto. Nasa harapan ng kalan ang kanyang lola. Naglalagay ito ng sinangag sa plastik na pinggan. Umupo si Gabriel sa kabisera. Nasa ibabaw na ng mesa ang plato ng piniritong hotdog at itlog. Basag ang pula ng itlog at humahalo ito sa mantikang may bahid ng pula na kumatas mula sa hotdog. Dinampot ni Gabriel ang nakapatong na kutsara’t tinidor sa gilid ng plato.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 61 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “Hindi mo na kinain ang ulam mo kagabi? Sayang, napanis,” sabi ng ng kanyang lola. “Madaling araw na ho ako nakauwi.” Inilapag ng matanda ang plato ng sinangag sa harapan ni Gabriel, pagkuwa’y muli itong lumapit sa kalan at bumalik na may bitbit na sariling pinggan na may sinangag. Tahimik silang kumain. Nakakamay lang kumain ang lola ni Gabriel kaya panay muna ang ihip nito sa sinangag bago ito daklutin at isubo. “Yun nga palang bill ng PLDT, apo, dumating na. Yung cable, pinaabonohan ko muna sa Tita mo. Saka malapit nang mag-exam ulit sila Diego—” “Iaabot ko ho. Tatapusin ko lang ’to.” Habang pinapanood ang pagtitimpla ng matanda ng kape, bahagyang nagsisi si Gabriel sa biglaang pakikipag-inuman kagabi. Magastos talaga ang paglabas-labas. Pero hindi, kontra niya sa sarili, kinailangan naman talaga ang pagdiriwang kagabi. Ilang linggo rin naman siyang nagdusa sa mga parinig ng kasamahan sa trabaho. Nariyang tawagin siyang espiya, taksil, tuta at iba pang masasakit na salita dahil lamang pinili niyang sabihin sa pamunuan ng kompanya na may nagpaplanong bumuo ng unyon. May nag-iwan pa ng mga kunwa’y nakikiusap pero kung lilimiin ay nagbabantang mga sulat sa kanyang mesa. “Hindi mo matatakasan ang katarungan,” sabi ng mga sulat. Pilit kasi nilang iniwasan ni Miguel ang direktang komprontasyon sa mga makukulit na katrabaho. Nag-taingang kawali na lamang siya at sapilitang tinatagan ang sikmura. Hindi lang naman ang matitigas ang ulo at walang utang na loob sa kompanya ang may karapatang manindigan. Hindi dapat sisihin ang kompanya at manghingi ng kung ano-ano pang karapatan, na kung tutuusin ay hindi naman mga karapatan kundi mga luho lamang. Kaya naman noong sisantehin kahapon ang mga natukoy ng kompanya na nagpasimuno ng pagtatatag ng unyon, lalo lamang tumatag ang paniniwala ni Gabriel na silang magkaibigan ang nasa katwiran: kanya-kanya lamang silang hila ng buntot. At kaya nga lilipad na siya pa- Singapore. Doon na siya makikipagsapalaran. Hindi dapat asahan ang kompanya para sa pag-unlad ng sariling buhay.

62 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Ilang araw na lang, matatapos na rin ang kanyang pagtitiis. Saka na lang din niya sasabihin sa kanyang lola ang mabuting balita. Malamang sa hindi, hihiling rin kasi ito ng selebrasyon sampu ng kanyang mga kasama sa bahay. Gastos na naman. Hindi pa nga niya tapos hulugan ang laptop na binili gamit ang credit card. Matapos magkape, tumigil ang pagdaklot ng higanteng kamay sa ulo ni Gabriel. Pero kinukutingting naman ng isang daliri nito ang palibot ng kanyang kanang mata. Doon naiipon ang kirot. Lumingon siya sa nakasabit na orasan sa dingding na malapit sa ref na katapat ng kalan. Ilang minuto pa at magigising na ang iba pang tao sa bahay: ang kanyang mga magulang, dalawang tiyahin, dalawang pamangkin, at ang kanyang lolo. Ang isang tiyahin niya’y asawa ng kanyang tiyuhin na bunsong kapatid ng kanyang ama, at ang isa nama’y matandang dalaga na panganay na kapatid ng kanyang ama. Ang mga bata ay anak ng kanyang tiyuhin. Pumunta siya sa sala. Binuksan niya ang telebisyon, agad na inapuhap ang remote control sa mga gilid-gilid ng impis nang kutson ng sofa nang biglang bulahawin ang bahay ng boses ng isang babaeng nagbabalita. “Baka magising ang Papa mo,” anang lola mula sa kusina. Nililigpit na nito ang maruruming pinggan at baso. Hininaan ni Gabriel ang telebisyon pero dinig na dinig niya ang balita. “...dalawang araw nang nakaparada sa parking lot. Hanggang ngayon ay wala pa ring nagke-claim sa mga ito. Sinubukan nang i-trace ng management ang mga nagmamay-ari ng mga sasakyan pero hanggang ngayon ay wala pa ring resulta. Ipapa-impound na raw ang mga sasakyang ito sa mga susunod na araw kapag wala pa ring pumunta dahil wala nang magamit na espasyo para sa iba pang mga sasakyan dito sa airport.” Sunod na ipinakita sa telebisyon ang tanawin na sa ibang araw at ibang sitwasyon ay maaaring ituring na ordinaryo: hile-hilera ng mga nakaparadang kotse sa parking lot ng airport. Makulay at organisado ang pagkakaparada ng mga sasakyan. Iba-iba ang kulay at laki ng kanilang nagkikintabang bubong. Tila sila mga matchbox na buong ingat na pinagtabi-tabi ng isang batang metikuloso sa kanyang mga laruan.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 63 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Agad niyang dinampot ang cordless phone na nakapatong sa ibabaw ng lamesitang nasa gilid ng sofa. Lalong kumirot ang palibot ng kanyang kanang mata nang kumiriring ang kabilang linya. “Hello.” “Puwede ho kay Miguel?” “Natutulog pa siya. Sino ito?” “Si Gabriel ho. Puwede hong pakigising? Importante lang.” Kumalantog ang linya at narinig ni Gabriel ang pagkaskas ng tsinelas ng sumagot. Hindi niya masiguro kung nagdadabog ito at sadyang ipinaririnig ang paglakad sa kanya o kung sensitibo lang talaga ang tainga niya ngayong umaga. Hinilot niya ang palibot ng kanang mata. Nagsasalita pa rin ang babae sa telebisyon pero hindi na ito maintindihan ni Gabriel. Narinig na niya ang mga boses ng dalawang pamangkin. Nagising na ang mga ito, at mukhang nag-aaway na naman. “Pare.” Garalgal pa ang boses ni Miguel. “Nanonood ka ba ng balita?” “Bakit?” “Puno ng kotse ang airport. Iniwan daw ng mga tao.” “O, tapos?” “Pare, ilang araw pa bago maalis lahat yon. Puno talaga.” “Asan daw yung mga may-ari?” “Wala. Hindi nga malaman kung nasaan. Basta iniwan lang yung mga kotse don.” “Talaga. Hindi yan. Makikita rin yan.” “Baka maapektuhan ang alis natin. Kailangan ko nang umalis, pare.” “Hindi yan. Cool ka lang diyan. O sige na, matutulog pa ako ulit. Masakit ang ulo ko. Ikaw din, matulog ka na ulit. Nerbiyoso ka masyado.” Ibinaba na ni Miguel ang telepono. Inilapag muli ni Gabriel ang cordless phone sa lamesita. Hindi pa rin nawawala ang pagkirot ng palibot ng kanyang kanang mata kaya naisipan niyang pumunta sa botika. Pinatay niya ang telebisyon, bumalik sa kuwarto para kumuha ng pera, at saka

64 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. lumabas ng bahay. Hindi na siya nagpaalam sa kanyang lola, baka may ibilin pa ito kapag nalamang pupunta siya sa botika. Katapat lang ng bahay nila ang bahay nina Mang Ato. Mula sa kalsada, nasisilip ng mga dumaraan ang kabuuan ng maliit na bahay nila Mang Ato dahil parating nakabukas ang kanilang mga bintana. Napansin ni Gabriel na bukas rin ang telebisyon nina Mang Ato. Tumawid siya para tingnan kung ano ang palabas. May isang babaeng nagsasalita. Parang iyon ding babaeng nakita niya sa balita kanina. Lumapit siya sa bintana ng kapitbahay at tumigil para makinig. Ilang salita lang ang nasagap niya: ...dalawang araw nang nakaparada...nagke- claim...sinubukan nang i-trace...ipapa-impound na...airport. Sinilip niya kung sino ang nanonood. Isang lalaki ang nakaupo sa sofa, may kausap sa isang cordless phone. Hindi niya makita ang mukha ng lalaki dahil hinihilot nito ang isang mata. Pagkatapos ibaba ang telepono, pinatay ng lalaki ang telebisyon at umalis sa sala. Dali-dali siyang bumalik sa loob ng bahay. Sinalubong siya ng kanyang lola, tinatanong kung saan siya nanggaling. Hindi niya sinagot ang matanda, sinenyasan lang ito na huwag mag-ingay. Muli niyang binuksan ang telebisyon para tingnan kung iyon pa rin ang palabas. At gayon nga, nandoon pa rin ang babaeng nagbabalita kanina. Gayon pa rin ang sinasabi: “...dalawang araw nang nakaparada sa parking lot. Hanggang ngayon ay wala pa ring nagke-claim sa mga ito. Sinubukan nang i-trace ng management ang mga nagmamay-ari ng mga sasakyan pero hanggang ngayon ay wala pa ring resulta. Ipapa-impound na raw ang mga sasakyang ito sa mga susunod na araw kapag wala pa ring pumunta dahil wala nang magamit na espasyo para sa iba pang mga sasakyan dito sa airport.” Nanghilakbot si Gabriel. Dinampot niya ang cordless phone para tawagan ulit si Miguel. Pero may dumaplis sa paningin niya: may nakasilip sa kanya sa bintana. Hindi na sila nagkahulihan ng tingin ng maninilip dahil dali-dali itong bumalik ng bahay nina Mang Ato. Pinatay niyang muli ang telebisyon at lumabas ng bahay. Dumiretso na siya sa bintana ng bahay nina Mang Ato para silipin kung ang lalaking nakita nga niya ang sumilip sa bahay nila kanina. Nakita niyang muli nitong binuksan ang telebisyon at kasalukuyang dinadampot ang cordless

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 65 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. phone sa gilid ng sala. Nang mapalingon ito sa bintana, biglang tumalilis si Gabriel at bumalik sa sariling bahay. Muli siyang sinalubong ng kanyang lola sa sala pero sinaway niya ito at sinenyasang huwag magsalita. Muli niyang binuksan ang telebisyon. Nang lumingon siya bintana, nakita nga niya ang inasahan: tumalilis ang lalaking muling naninilip. Dahan-dahan siyang lumapit sa binata. Tinanaw niya ang bintana ng bahay nina Mang Ato. Nakasilip din ang lalaki. Kinapa ni Gabriel ang kanyang kanang mata. Hindi pa rin ito tumitigil sa pagkirot. Kinapa rin ng lalaki ang kanang mata. Umalis si Gabriel sa bintana at muling binuksan ang telebisyon. Nandoon pa rin ang babae. Ganoon pa rin ang ibinabalita: “...dalawang araw nang nakaparada sa parking lot. Hanggang ngayon ay wala pa ring nagke-claim sa mga ito...” Napaupo si Gabriel sa sofa. Nang tabihan siya ng kanyang lola at yakapin nang mahigpit, naalala niya ang mga sulat. Tahimik siyang napaiyak.

66 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Ang mga Nawawalang Bangus

Ang Biktima Nagsimula ang lahat sa mga bangus ni Sonia. Sa loob ng isang linggo, apat na beses siyang ninakawan ng bangus. Tatlong beses sa hapunan, isang beses sa agahan. Mabilog na babae si Sonia, kahit noong bago pa ikasal, pero lumala ang kabilugang ito pagkatapos siyang iharap ni Godofredo sa altar. Dahil mahilig siyang magluto, araw-araw siyang naghahanda ng masasarap na putahe. Pero kahit pareho lang sila ng kinakain ni Godofredo, siya lang ang lumalaki. Gabi-gabi, hinihintay ni Sonia ang bana para sabay silang maghapunan. Noong una, umuuwi pa ito bago mag-alas-otso ng gabi. Naiintindihan naman ni Sonia na mahirap talaga ang trabaho ng arkitekto. Maliban pa sa mahirap din talagang mamasahe anumang oras sa Maynila, kaya nga ipinaghahanda rin niya ng sandwich ang asawa tuwing umaga. Para may kakainin ito kung sakaling abutin ng matinding trapik sa biyahe. Pero nang magsimula siyang lumintog, nagsimula na ring mahuli sa pag-uwi si Godofredo. Mula alas-otso, naging regular ang pag-uwi ni Godofredo nang alas-diyes. Tinatanggap lang niya ang paliwanag ng bana, kesyo maraming kailangang tapusing trabaho. Hanggang naging alas-dose, ala-una, alas-dos ng madaling araw ang pag- uwi ni Godofredo. Gabi-gabi na kung malipasan ng gutom si Sonia. Nasanay na siyang matulog sa sofa kahihintay. Hindi na rin sila nagkikita sa umaga. Dahil napupuyat sa kahihintay, tinatanghali si Sonia ng gising. Nakikita na lang niya ang mga bakas ni Godofredo sa umaga: ginamit na pinggan at kubyertos, maruruming damit na nakabalumbon sa likod ng pinto ng banyo, tumapong foot powder sa sahig. Sa kabila ng pagkalam ng sikmura gabi-gabi, hindi naman nangayayat si Sonia. Dumoble pa nga ang timbang niya. Binabawi niya sa agahan at tanghalian ang gutom sa magdamag.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 67 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Makalipas ang ilang buwan, hindi na naghintay si Sonia. Nasanay na siyang mamuhay nang mag-isa pero hindi mag-isa. Text na lang ang nag-uugnay sa kanya at sa bana. Ritwal na ang paghingi ng paumanhin ni Godofredo—Byahe nko baby, c u later. Lunch na po, kain na baby. Wag mko intay, OT pa. Luv u!—na sinasagot naman ni Sonia ng walang pagbabagong, OK baby, ingat ka. Luv u 2 muchmuchmuch. Mis u. Mwah! Naalarma lang si Sonia nang hindi na siya magkasya sa sofa. Napansin niya ang pamamanhid ng mga hita pagkaraan ng ilang minutong pag- upo. Sandali siyang nagduda kung may sira ang sofa, baka para itong mumurahing kamisetang umuurong habang tumatagal. Pero hindi niya maitanggi ang pagkikiskisan ng mga hita. Para silang mga tsismosang pumuputok sa balita, panay ang bulong sa isa’t isa. Sumigid rin sa isip ni Sonia ang text ni Godofredo noong isang umaga. Sa halip na “baby,” “babuy” ang nai-text ng bana. Sisitahin niya sana ang lalaki, pero agad din itong nag-text ng sorry, bako-bako raw ang kalsadang dinaanan ng FX, kaya nadupilas ang mga daliri sa keypad. Naalala rin niya ang panunukso ni Godofredo, isang Sabado ng hapon na huli silang magkasamang kumakain ng halo-halo. Sabi ng lalaki, hindi na kailangan ni Sonia ng kasama sa bahay. Dahil maliban pa sa pagiging ilaw ng tahanan, kaya na rin niyang maging haligi. Kasinglapad na rin kasi siya ng haligi. Umalis si Sonia sa sofa at sumalampak sa sahig. Naiyak siya sa awa sa sarili. Nangako rin siyang magpapayat. Bangus na lang ang uulamin niya sa araw-araw. Noong unang beses manakawan ng bangus na ihahapunan si Sonia, sinisi niya ang pumupurol na memorya. Baka nakain niya ang isda nang hindi namamalayan. Nang manakawan siya sa ikalawang pagkakataon ng hapunan, nag-init ang kanyang ulo. Nagprito siya ng dalawang bagong bangus bilang paghihiganti. Nagsisi nga lang siya kinaumagahan dahil napasobra pa ng kain. Nang mawalan siya ng ikatlong bangus na uulamin sa gabi, tinanggap na ito ni Sonia bilang mahiwagang mensahe ng uniberso. Kailangan na talaga niyang magbawas ng timbang. Noong gabing iyon, natulog siyang kumakalam ang sikmura, pero busog sa pag- asa. Kapag muli siyang nagkasya sa sofa, gigisingin na siya marahil ni Godofredo pagdating nito, isang madaling araw. Mawawala na ang takot niya sa unti-unting pagguho ng kanilang pagsasama. Nalagot ang pisi ng pasensiya ni Sonia nang mawalan siya ng bangus sa ikaapat na pagkakataon. Nagising siyang gutom na gutom dahil walang

68 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. hinapunan noong nakaraang gabi. Pagkatapos magprito, iniwan niya sa tabi ng paminggalan ang platong may isang buong bangus. Pumunta lang siya sa sala para tumawag sa Too Big For You. Napapadalas ang pagpapa-deliver ni Sonia ng mineral water dahil umiinom siya sa tuwing natutuksong kumain. Pagbalik niya sa kusina, wala na ang pritong bangus. Sumulak ang dugo ni Sonia. Hindi na baleng wala siyang hapunan. Hindi na baleng parang espiritu lang si Godofredo, nagpaparamdam pero hindi nakikita. Pero hindi niya matatanggap na simulan ang araw na gutom. Hindi niya maitutulog ang gutom na ito, dahil kagigising niya lang. Ang pakiramdam rin niya, dinusta siya ng magnanakaw. Mga pulubi lang ang sumasalubong sa araw na hungkag ang sikmura. At hindi siya pulubi. Asawa siya ng arkitekto! May bahid pa ng mantika ang pinggan. May munting tren na gawa sa tulo ng mantika sa tabi nito. Sinundan ni Sonia ang tren. Dinala siya nito sa bahagi ng bintanang nasa likod ng kalan. May mga puting balahibo sa pasimano ng bintana, napagkit sa alikabok at mantika. Noon dumapo kay Sonia na hindi pa siya nag-uulyanin, at walang mensaheng ipinararating ang uniberso. Noon din nabuo sa isip niya ang hitsura ng salarin. Kilala niya ito. Minsan na itong nagkaatraso, pinalampas niya lang. Pero hindi na sa pagkakataong ito. Dali-dali siyang nagpakulo ng tubig. “Humanda ka sa aking kriminal ka,” bulong ni Sonia.

ANG SUSPEK Walang alam si Corazon tungkol sa mga problema nina Sonia at Godofredo. Oo, napapansin niyang palaki nang palaki ang kapitbahay na babae, pero wala siyang sinasabi tungkol dito. Hindi niya ugaling batiin ang mga kakilala batay sa pagbabago ng sukat ng katawan. Sadyang tumalon lang palabas ang mga salitang unang hinatid ng dila—“HOY, BAKULAW!”—nang makita niya si Sonia sa kanyang bakuran. May bitbit na kalderong umaaso ang matabang babae, dahan-dahang lumalapit papunta sa mga talaksan ng lumang diyaryo at sako ng cat food kung saan himbing na himbing si Daga, ang puting pusang alaga ni Corazon. Sa gulat ni Sonia, sa kanang paa niya naibuhos ang mainit na tubig. Sinurot ng konsensiya at pandidiri si Corazon—alam niyang lolobo na sa ilang sandali ang balat ni Sonia sa paa—kaya nagkunwari na lang siyang

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 69 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. pinagagalitan ang alagang pusa at hindi man lang tinapunan ng tingin ang umaaringking na kapitbahay. Pansamantala rin siyang kinapos sa bokabularyo kaya paulit-ulit ang salitang nasungkit ng diwa. Ikaw talagang bakulaw ka! Napakabakulaw mo! Bakulaw ka talaga! Tumigil lang siya sa panlalait kay Daga nang hindi na niya matiis ang mga palahaw ni Sonia na parang baboy na kinukuryente. Ibinaba ni Corazon si Daga, lumapit sa kapitbahay, at sinampal ito nang ubod lakas. Saka niya ito inakay papunta sa bahay, habang ipinaalala sa sarili ang malawak na aplikasyon ng RA 8485, ang Animal Welfare Act. Bagong bili ang toothpaste na ibinigay ni Corazon kay Sonia. Gusto niyang ipahiwatig sa bisita na kaya niyang mag-aksaya ng toothpaste para sa namamagang paa ng mga mahaderang nambabanli ng pusa. Gusto niyang ipaalam na may pambili siya ng pagkain para kay Daga, kaya hindi ugali ng pusa niyang magnakaw ng isda sa kapitbahay. Gusto niyang ipagdukdukan sa mukha ni Sonia na walang alam si Daga kundi kumain, matulog, at mag-iwan ng patay na daga sa gitna ng sala bilang regalo sa amo. Pinalaki si Daga na pusang-bahay, sagana sa tubig na iniinom, at sa tubig mula sa atomizer kapag nagtatangkang lumabas ng tarangkahan. (Kung minsan, sagana sa tsinelas. Kapag mainit talaga ang ulo ni Corazon, nababalibag niya ng tsinelas ang alaga. Hindi naman niya nilalakasan ang pagbato at hindi rin siya asintado.) Ipinakapon niya ang pusa pagsapit sa ikaanim na buwan, kaya hindi inugali ng hayop na gumala kung saan-saan para maglandi. Tumatambay lang ito paminsan-minsan sa bakuran. Pero hindi siya makasingit kay Sonia. Sa pagitan ng pagngiwi at pagpapahid ng toothpaste sa nabanliang paa, bumubulwak ang mga akusasyon sa bibig ng babae. Si Daga raw ang nagnakaw ng mga bangus. Nakuha pa nitong hukayin ang tanging pagkakataon na nagkasala si Daga. Noong kuting pa ang pusa ni Corazon, nakapuslit ito, at napadpad sa bakuran nina Sonia. Nginatngat ni Daga ang tanim na tanglad ng kapitbahay. Dahil hindi rin naman talaga niya napagbayaran ang kalokohan ni Daga noon, nag-alok si Corazon na palitan ang mga bangus na nawala. Lalo lang nasilihan si Sonia, at pinaratangan si Corazon bilang iresponsableng amo. Na kesyo nagkukunwari pa siyang concerned sa endangered species (minsan, isang eksotikong loro na may baling pakpak ang sumadsad sa bubong ng bahay niya at naglibot siya sa buong Talong

70 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Punay para manghingi ng donasyon sa pagpapagamot nito), dumadampot ng mga ligaw na kuting at tuta, at ibinibigay ang mga ito sa animal welfare groups, pero hinahayaan naman niya ang alagang magnakaw ng bangus nang may bangus. Isang matinding kahayupan! Nasaling ang amor propio ni Corazon bilang animal rights advocate. Alam niyang mas mapagmahal siya sa hayop kaysa tao dahil kung may naghihingalong aso at karpintero, sigurado siya sa sariling uunahing tulungan ang aso. (Nag-aral siya ng dog first aid sa YouTube.) Nagbanta siyang idedemanda si Sonia ng trespassing, slander, at animal abuse. Nagbanta naman pabalik si Sonia na idedemanda siya ng theft, minor physical injury, at slander. “At kailan kita inislander?” tanong ni Corazon. Ilang sandaling nagpigil si Sonia bago bumulalas, “Tinawag mo akong bakulaw!”

ANG IMBESTIGADOR Dating tambay si Bree sa parlor ni Mamita. Nagkakapera lang kapag sinusuwerteng makaraket. Nandiyang magmasahe ng mga parokyano ng parlor o kaya naman ng mga kalandiang tricycle driver. Kapag tinatamad pumasok ang residenteng manicurista ni Mamita, si Bree ang humahalili. Natuto na lang siya sa panonood. Noong nakaraang eleksiyon, kasama ng iba pang tambay sa Barangay Talong Punay, na-recruit si Bree na maging tagapamahagi ng mga flyer ni Kapitan. Isang mainit na hapon, sa gitna ng pangangampanya sa Kalye Andal, hinimatay si Kapitan matapos pupugin ng halik ng isang matandang babae. Muntik nang mabagok si Kapitan, mabuti na lang at nasalo ng mga miron. Bubuhatin na sana papunta sa van si Kapitan nang umeksena si Bree. Dinaluhong niya ang kaliwang paa ng opisyal, hinubad ang sapatos at medyas, at saka kinagat ang malaking daliri sa paa. Agad namang natauhan si Kapitan, at pagkatapos uminom ng mineral water, umamin na Cebu lechon ang inagahan at tinanghalian. Pinagbawalan na siya ng doktor, pero hindi niya napigil ang paglamon. Gayon rin daw ang kanyang pagnanasang maglingkod sa Barangay Talong Punay. Masama sa kanyang kalusugan—hayan at hinihimatay na nga siya!—pero nakahanda siyang ipagpatuloy. Nakahinga nang maluwag ang kanyang mga tauhan.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 71 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Nakahinga nang maluwag ang matandang babaeng pumupog ng halik sa hinimatay. Nakahinga rin nang maluwag si Bree dahil nakalayo na siya sa maanghit na paa ng opisyal. Nanalo si Kapitan. Natuwa ito sa kawalang pakundangan ni Bree na mangagat ng daliri sa paa, kaya ipinapatawag siya sa barangay hall tuwing alas-tres ng hapon, pagdating ni Kapitan sa barangay hall. Nagpapamasahe ito sa likod, balikat, at batok hanggang antukin. Kapag naghihilik na ang opisyal, inuutusan si Bree ng sekretarya at iba pang staff na bumili ng soft drink. Nang maglaon, nagpapamasahe at nagpapalinis na rin ng kuko ang ibang staff. Nagsilbi rin siyang yaya (para sa mga staff na nagdadala ng anak sa trabaho), messenger, at janitor, hanggang sa italaga na lang niya ang sarili bilang receptionist ng barangay. Binigyan siya ng isang mesa malapit sa pintuan, at iyon ang nagsisilbing reception desk ng barangay hall. Naisip ni Bree na bagay sa kanya ang posisyon dahil siya naman ang pinakamaagang dumarating. Itinuring ni Bree na sariling opisina ang barangay hall. Walang nangunguwestiyon kung bakit siya biglang naging tagatanggap, dahil anuman ang iutos ni Kapitan at ng mga staff, ginagawa naman niya nang walang reklamo. Natutuwa ang lahat kay Bree dahil napapagaan niya ang trabaho ng iba. Kaya noong umagang dumating ang dalawang babaeng walang tigil ang repeke ng mga bunganga, at hinahanap si Kapitan para mamagitan sa kanilang pagbabangayan, inusal ni Bree na parang dasal na hindi niloloob, “Naglulugaw lang ho.” Saka siya nagpatuloy sa pagkain ng pandesal na isinawsaw sa kape. “Ano?” tanong ng iika-ikang matabang babae. Mukha itong kama na balot ng bulaklaking kobre. Masama ang tingin nito sa pandesal. Mabilis na nginuya at nilulon ni Bree ang kanyang pagkain bago ipinaliwanag na hindi makikita si Kapitan kung walang appointment. Nasa tarpaulin naman sa entrance ng barangay hall ang cellphone number para sa pagse-set ng appointment. Absent parati si Kapitan pero nagtatrabaho pa rin. Hindi nga lang sa barangay hall. Concerned lang talaga si Kapitan sa mga taong gutom. Concerned siya hindi lang sa nasasakupan niyang barangay, kundi pati sa iba pang barangay. Kasama raw si Kapitan sa walang katapusang feeding program ng paborito niyang konsehal. Hindi raw kasi nagsasawa sa libreng lugaw ang mga pamilya

72 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ng informal settlers na maraming bahay pero walang sariling pag-aari, at senior citizens na mahilig mag-organisa ng mga bowling competition at mga beauty pageant. Kaya hindi rin nagsasawang magpakain si Kapitan at ang konsehal. Mga alipin sila ng lugaw. “Hindi maaari yan! Barangay captain ang ibinoto namin, hindi maglulugaw!” sigaw ng babaeng payat. May bitbit siyang hawla na may puting pusa sa loob. “May lugawan ho ang pamilya ni Kapitan. Kung tutuusin, maglulugaw ho siya, misis—” “Miss,” sabad ng babaeng may pusa. “Wala pa akong asawa!” “Pasensiya na ho, mother, hindi pa gising ang utak.” “Wala pa akong anak!” “Sorry na nga, madam. Ngayon pa lang kasi ako nag-aagahan,” sagot ni Bree. “Mabuti ka pa, may agahan! Yung akin, ninakaw ng pusa!” bulyaw ng matabang babae. “Hindi magnanakaw ang pusa ko!” protesta ng babaeng payat. Inubos ni Bree ang natitirang pandesal, saka tinungga ang kape. “Sige ho, pag-usapan natin kung ano ang nangyari. Doon na lang ho tayo sa opisina ni Kapitan. Pasok ho kayo diyan sa unang pinto sa kanan.”

ANG IMBESTIGASYON, PT. 1: SA KUSINA NI SONIA Pinanood ni Bree kung paano maghanda ng bangus si Sonia: binudburan muna nito ng asin, paminta, at pinigaan ng kalamansi ang isda, bago pinagulong sa cornstarch at inilagay sa kawali. Pumisik ang mantika sa kawali nang ilapag ni Sonia ang bangus. Napapitlag tuloy siya at umalon ang mga taba sa buong katawan. Napangiwi rin at napaungol dahil napadiin ang pagtapak sa kanang paa. “Ipinaglihi kasi ako sa bangus,” sabi ni Sonia habang nagpupunas ng pawis sa noo. Ipinunas rin ng babae ang kamay sa kanang paa na nagmamantika rin dahil sa naghalong pawis at lusaw na toothpaste. Humigop ng kape si Bree. Nakakadalawang kape na siya mula nang dumating sa bahay ni Sonia. Hindi pa rin tapos magprito ang babae

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 73 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. dahil apat na kilo ang binili nitong bangus. Gusto raw bumawi mula sa hindi pagkain ng hapunan at agahan. Niyaya na rin siyang sumabay sa pananghalian. Galing sila ng barangay hall. Umalis muna sa poste si Bree para mapabilis ang pagresolba ng kaso. Ayaw kasing tumigil sa pagbabangayan ang dalawang babae. Hindi siya makasingit sa pagpapalitan ng mga bintang at banta ng demanda. Pagkaraan ng ilang minuto, hindi na nakapagtimpi si Bree. Nakisigaw na rin siya. Kahit nasa loob sila ng opisina ni Kapitan, tumatagos ang mga boses nila sa dingding. Naistorbo tuloy ang mga staff na nanonood ng YouTube at naglalaro ng Candy Crush. Humupa ang away nang pangakuan ni Bree ang dalawang babae na siya ang personal na mag-iimbestiga sa pagkawala ng mga bangus. Kaya nasa bahay siya ni Sonia. Gusto niyang tingnan ang lugar ng krimen. “Aah. Ipinaglihi ka sa bangus, kaya mahilig ka sa bangus?” “Hindi. Kaya ako maputi,” sagot ni Sonia. “E bakit puro bangus yata ang kinakain mo?” Hinango ni Sonia ang isang buntot at gilit ng bangus. “Nagpapapayat kasi ako. Ito lang ang kaya kong kainin araw-araw nang hindi ako nagsasawa.” Humigop ulit ng kape si Bree. “Okay. Saan nga ulit nawala ang mga bangus?” “Dito sa tabi ng kalan, saka diyan sa hapag. Yung pinakahuli, sa tabi ng paminggalan.” “Tatlong beses lang iyon, sis.” “Apat. Dalawang beses akong nawalan sa hapag. Kakainin ko na lang, nawala pa.” “Saan ka ba kasi nagpupunta bago kumain? Bakit lagi kang nasasalisihan?” “Yung unang beses, nagpunta ako sa banyo. Yung iba naman, may kinuha lang ako, ganyan.” “Ano ang kinuha mo? At saan?” “Kinuha ko ang cellphone ko sa kuwarto.” Itinuro ni Sonia ang kisame. “Yung huling beses, itong umaga lang, um-order ako ng mineral water. Tumawag ako sa sala.”

74 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Nilibot ni Bree ng tingin ang kusina at kainan. Iisa lang ang bintana, pero mahaba ito. Sakop ng bintana ang likuran ng kalan, lababo, at paminggalan. Ilang hakbang lang ang layo ng hapag sa kalan. Mas malayo ang sala. Mayroong dibisyon, dahil katabi ng sala ang hagdan. Hindi makikita mula sa kusina ang buong sala. Natatakpan ng hagdan ang mahigit kalahati ng tanawin. “Lagi bang nakabukas ang bintanang yan?” tanong ni Bree. “Oo, sira kasi itong exhaust fan.” Itinuro ni Sonia ang inaalikabok na exhaust fan sa itaas ng kalan. “Wala ka bang ibang kasama rito? Ang asawa mo?” “Nasa trabaho.” “Nasaan siya noong mga gabing nawala ang mga bangus?” “Nasa trabaho nga,” mabilis na sagot ni Sonia. “Kain na muna tayo.” Nagsimulang maghain ang babae. Ulo ng bangus ang ibinigay ni Sonia kay Bree. Gusto pa sanang ipagpatuloy ni Bree ang pagtatanong habang kumakain, pero walang kibo si Sonia. Buong-buo ang atensiyon nito sa paglantak sa isda at isa’t kalahating takal ng kanin. (Sagad na raw itong kanin para sa buong araw, sabi ni Sonia. Wala na siyang kanin mamayang gabi.) Tahimik na lang ding nananghalian si Bree. Lumangitngit ang pinto sa sala. Nasundan ito ng kalabog. Napatigil si Bree sa pagsipsip sa utak ng bangus. “Sonia, may tao sa sala,” bulong ni Bree. Nakatutok ang mata niya sa bahagi ng sala na walang tabing. May anino. Hindi siya pinansin ni Sonia. Abala pa rin ito sa pagkain. Gumalaw ang anino. Lumangitngit ulit ang pinto. “Huy, Sonia. May tao sa sala.” Patuloy lang sa pagnguya si Sonia. Gumalaw ang anino, mukhang may dinampot. Unti-unti na ito ngayong lumalakad papunta sa bahagi ng salang walang tabing. Tatayo na sana si Bree at kakalabitin si Sonia, pero lumitaw na ang bisita. Muntik na siyang mapasigaw. Ilang linggo na niyang nakikita sa kanto ang lalaking ito. Kung minsan, nagmamaneho ito ng pedicab. May mga pagkakataon naman, naninigarilyo lang ito sa sari-sari store na malapit sa barangay hall. Nagtanong-tanong

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 75 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. siya sa mga kalandiang tricycle driver. Ang sabi nila, nagtatrabaho raw ito sa kung saang bentahan ng mineral water. Nagtangka na siyang abangan ang lalaki sa sari-sari store, pero hindi niya matiyempuhan. “Saan po?” tanong ng lalaki. May bitbit itong galon ng tubig sa kanang balikat. Nakasuot ito ng sandong itim, kaya kitang-kita ang mga masel sa braso at ang mabuhok na kilikili. Sa wakas, nagbukas na ang mga tainga ni Sonia. Nilingon nito ang lalaki, pero inubos muna ang kalahating gilit ng bangus bago nagsalita. “Pakilagay na lang doon.” Inginuso ni Sonia ang espasyo sa tabi ng paminggalan. Habang naghihintay ang lalaki na magsalita si Sonia, ngumiti ito kay Bree. Ibinalik ni Bree ang ngiti, habang nilulunok ang sigaw na sumampa sa lalamunan niya kani-kanina lang. Nag-isip siya ng sasabihin. Pero inilapag na ng lalaki ang galon ng tubig, kinuha ang bayad mula kay Sonia at lumabas ng kusina, walang namutawing salita sa bibig ni Bree. Gusto niyang makita ulit ang lalaki. “Sonia?” “Mmm?” “Kanino ka nagpapa-deliver ng tubig?” “Sa Too Big For You,” sagot ni Sonia habang nginunguya ang kanyang ikaapat na gilit ng bangus.

ANG IMBESTIGASYON, PT. 2: SA SALA NI CORAZON Nakaupo si Corazon sa divan, kandong-kandong ang pusang si Daga. Nakatitig lang ang babae kay Bree, hindi kumukurap. Napatingin siya sa pusa. Walang kurap na titig din ang sumalubong sa kanya. Kinilabutan si Bree. Mukhang papatay ang mag-amo. “Uh, uulitin ko na lang ang tanong—” “Huwag na, narinig ko naman. Ang masasabi ko lang—at nasabi ko na ito nang paulit-ulit sa matabang bakulaw na elepanteng bintangera na yan na binibilbil ang buong katawan—indoor cat si Daga. Laging busog yan, dahil free feeding ang sistema ko,” sabi ni Corazon habang tinatapik ang ulo ng pusa. Nangudngod ang pusa sa lakas ng huling tapik ng amo.

76 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Namilog ang mga mata ni Bree. “Free? Hindi mo binibili ang ipinapakain mo sa pusa mo?” “Hindi,” sagot ni Corazon. “Ibig sabihin, laging may pagkaing nakahain para sa kanya. Wala siyang oras sa pagkain. Kahit kailan, puwede.” Napatingin si Bree sa divan. Mukha itong mamahalin, pero halatang luma na at gutay-gutay na sa kalmot ng pusa. Natutuklap na ang balat ng mga paa nitong gawa sa kahoy. Nakaluwa na ang kutson sa iba’t ibang bahagi. “Salamat sa pagpapaliwanag,” sabi ni Bree. “Walang anuman.” “Balikan lang natin yung itinatanong ko kanina. Sa pagkakatanda ko sa sinabi ni Sonia, nasa bakuran ninyo si Daga kaninang umaga. Tama ba?” “Oo, nasa bakuran siya. Doon ko nga nakita yang si Sonia na aktong babanlian ang pusa ko.” “Bakit?” tanong ni Bree. “Anong bakit? Bakit niya gustong banlian ang pusa ko? Hindi ba pinag-usapan na natin yan sa barangay hall—?” “Bakit nasa bakuran si Daga? Hindi ba nasa labas ng bahay yon? Kaya—” “Ano?” “—hindi talaga siya, ano nga ba ang tawag mo?” “Indoor cat.” “Oo, indoor cat. Pero di ba, kapag indoor, nasa loob? Kasi nga, in—” “Hoy, ang loob ng bakuran ko, loob ng bahay ko!” tumaas na ang boses ni Corazon. Kinuha rin nito mula sa kandungan si Daga at niyakap nang mahigpit. Mukhang hindi makahinga ang pusa pero hindi ito nagpakawala ng kahit munting ngiyaw. Muntik na niyang itanong kung natutulog rin ba si Corazon sa kanyang bakuran? O naliligo kaya? Pero alam niyang hindi matatapos ang kaso kung makikipagsabayan siya sa init ng ulo ng mga kasangkot. Nagpakadiplomatiko si Bree. “Nagtatanong lang naman ako. Hindi mo kailangang manigaw,” sagot niya.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 77 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “Kinakampihan mo si Sonia!” sigaw ni Corazon. “Hindi naman sa ganoon, Corazon—” “Sinasabi ko na nga ba. Kaya doon ka unang nagpunta dahil nasuhulan ka na! Mukha ka naman talagang bayaran! Kayong mga barangay tanod kayo, puro kayo bayaran! Nasasayang ang pera ng taumbayan sa inyo!” Napikon si Bree. “Hindi ako barangay tanod! Kayo na nga ng pusa mong chaka ang nang-aabala, kayo pa ang galit!” Bago pa siya makapagbitiw ng iba pang masakit na salita, tumingin na lang siya sa bintana, sa bakuran ni Corazon. Inihain na niya ang kaliwang pisngi para sa sampal. Pero sa halip na sampal ang dumating, isang pusa. Kulay puti. Halatang kabisado na ng hayop ang lugar. Ibinaling ni Bree ang kanyang tingin kay Corazon. Nakabalatay ang kaba sa pagmumukha ng babae. Nagkukumawala na rin sa pagkakayakap niya si Daga. Halatang gustong estimahin ang bagong dating. Naramdaman ni Bree ang kusang pag-angat ng kaliwang kilay. “Hindi mo nabanggit, may isa ka pa palang pusa?” Nilakasan niya ang boses para hindi madaig ang biglang nagsimulang duweto ni Daga at ng bagong pusa. “Hindi,” mabilis na sagot ni Corazon. “Hindi akin yan.” “Kaya nasa bakuran mo? Este, sa loob ng bahay mo?” Sumampa sa bintana ang puting pusa. Ilang sandali lang ang lumipas at nasa paanan na nila ang hayop. Wala pa ring tigil sa pagngiyaw. Pinalaya na ni Corazon si Daga. Nakikipaglaro na ito sa bisita. Mayamaya, nanawa sa pakikipagharutan ang puting pusa at biglang tumalon sa kandungan ni Bree. Noon niya napansin na magkaiba ang kulay ng mata ng pusang ito—isang dilaw at isang asul. Itinaboy ito ni Bree, pero sige pa rin sa pagkandong sa kanya. “Ano ba namang pusa ito, ang kapal ng mukha!” tili ni Bree. “Hindi nga akin yang pusang yan,” nayayamot na sagot ni Corazon. Pagkuwa’y tumayo siya at pumunta sa kusina. Paglabas, may bitbit nang platito na may catfood. Pumunta siya sa bakuran at sumutsot. Inilapag niya ang platito sa lupa at dinampot ang sumunod na si Daga, para hindi na makiagaw sa bisita. Dinaluhong ng puting pusa ang pagkain. Ilang minuto lang ang lumipas, dinidilaan na ng puting pusa ang platito. Tinapunan lang nito ng tingin si Corazon, bago tumakbo palabas ng bakuran.

78 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Ibinaba muna ni Bree ang kaliwang kilay bago muling nagsalita. “May gusto ka bang ipaliwanag, Corazon?”

ANG IMBESTIGASYON, PT. 3: SA TOO BIG FOR YOU Nagkakamot ng ulo ang lalaki. Nakataas ang kaliwang kamay nito at nakabuyangyang ang kaliwang kilikili. Kumikibot ang masel nito sa braso habang kinakalaykay ng mga daliri ang anit. Bahagya ring kuminig ang mga nakatinghas na buhok sa kilikili dahil sa mahinang pagyugyog ng kalamnan. Hindi agad napansin ni Bree na nakatanghod pala siya. Natauhan lang siya nang mapahigpit ang pagkakahawak sa plastik na bote ng mineral water. Bigla itong lumagutok, parang taong hindi napigil ang pag-ungol. Upang pagtakpan ang pagkagulat, nagkunwari na lang si Bree na sabik sa tubig. Tinungga niya ang natitirang laman at itinaktak pa ang bote sa ibabaw ng nakabukang bibig at nakasahod na dila. “Isa pa, ser?” tanong ng lalaking nag-deliver ng tubig ni Sonia. “Mukhang uhaw na uhaw kayo.” “Ang init kasi,” sagot ni Bree. “Sige, isa pa nga.” Hindi niya malaman kung alin ang pawis ng kamay niya at pawis ng bote ng tubig. Initsa niya ang bote sa basurahan, at agad pinahid sa pantalon ang mga basang palad. Dumiretso si Bree sa Too Big For You pagkatapos dumalaw kay Corazon. Hindi naman siya nahirapang hanapin ang water refilling station. Dalawang kanto lang pala ang layo nito mula sa barangay hall. Nasa pagitan lang ng talyer at karinderya, kaya hindi kaagad napapansin. At suwerte naman, dahil naka-duty ang lalaki sa counter, at wala pang tumatawag para magpa-deliver. “Eto po, ser.” Iniabot ng lalaki ang bagong bote ng tubig. “Thank you. Ano nga pala ang pangalan mo?” “Paulo,” sagot ng lalaki. “Kayo, ser?” “Bree.” “Kakaibang pangalan yan, ser, a.” “Brigido kasi ang pangalan ko. Para bumango-bango naman, ginawa ko na lang Bree.”

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 79 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “Ayos, a,” sagot ni Paulo habang tatawa-tawa at nagkakamot ng ulo. Lumitaw na naman ang malagong buhok nito sa kilikili. Hindi na nakapagpigil si Bree. Baka biglang may magpa-deliver ng tubig, at umalis si Paulo. Kailangan na niyang sunggaban ang pagkakataon. Lumapit siya sa counter, halos dumukwang, at inabot ang kaliwang kilikili ni Paulo. Sinuklay niya ang mangulot-ngulot na buhok sa kilikili ng lalaki at sinipit ng mga daliri ang ilang hiblang kulay puti. Nang makuha ang pakay na hibla ng buhok, inilapit ito ni Bree sa kanyang ilong. Inamoy- amoy, bago sinipat-sipat na parang kakatwang bagay. Manikit-nikit ang buhok na puti dahil sa naghalong pawis at nanigas na tawas. (Napatda si Paulo sa ginawa ni Bree. Wala siyang nagawa kundi magpaubaya sa walang paalam nitong paghimas at paglalaro sa buhok niya sa kaliwang kilikili. Wala pang kumakalikot nang ganoon sa kilikili niya, sa pribado o publiko mang lugar. Pero ang higit na bumagabag sa kanya, nabitin siya nang tumigil si Bree sa paghimas.) “Ubanin ka ba?” tanong ni Bree. “Ha?” “Tinutubuan ka ng puting buhok?” “Uh, ewan ko,” sagot ni Paulo. Makalipas ang ilang sandali, nabuo ang isip. “Parang hindi naman, ser.” Inamoy ulit ni Bree ang hibla ng buhok. “Saan galing ito?” Kinuha ni Paulo ang hibla mula kay Bree. Tiningnan ito nang maigi. Inamoy. Saka napangiti.

ANG SALARIN Alas-singko pasado na umalis si Bree sa Too Big For You. Napasarap kasi sa pagkukuwento si Paulo. Tatango-tango at sige lang sa pagngiti si Bree habang nakikinig, nagtatanong paminsan-minsan, para makuha ang gustong impormasyon at magpatuloy pa ang usapan. Ang totoo, maliban pa sa pakikinig, abala rin si Bree sa tahimik na pagpapasalamat sa kuto o lisa o anumang insekto na namumugad sa ulo ni Paulo. Kamot kasi ito nang kamot sa ulo habang nakikipagkuwentuhan, kaya laging nakalitaw ang kilikili. Halos nabilang na ni Bree ang bawat tupi ng balat at hibla ng buhok. Nagpaalam lang siya nang magsimula nang bumaba ang araw.

80 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Hindi na siya nagtangka pang bumalik sa barangay hall. Alam ni Bree na wala na siyang aabutan. Popular ang Honda sa mga staff ng barangay hall. Tanghali silang magsipasok sa trabaho, pero kung magsilayas, Honda dot. Bago umuwi, dumaan muna si Bree sa isang sari-sari store. Nagpa- load siya ng cellphone. Saka niya tinext sina Sonia at Corazon. Binilinan niya si Sonia na muling mag-iwan ng isang gilit ng bangus sa tabi ng paminggalan bago matulog pero magtabi ng kanyang kakainin para sa agahan. Pinagsabihan naman niya si Corazon na bantayan nang maigi si Daga. Huwag na huwag palalabasin ang pusa ng bahay. (At dahil iba ang depinisyon ni Corazon ng loob ng bahay, nilinaw rin ni Bree na sa sala o kuwarto patulugin ang pusa, huwag sa bakuran.) Inimbitahan niya rin ang dalawang babae na bumalik sa barangay hall. Tinext din niya si Paulo. Kinabukasan, iika-ika pa rin si Sonia nang pumasok, pero maaaliwalas na ang mukha. May kaingayan pa rin ito—umalingawngaw ang boses niya sa barangay hall nang batiin si Bree ng magandang umaga—pero hindi na nanggagalaiti. “Maganda ata ang gising mo,” bungad ni Bree. Ngumiti nang matamis si Sonia. “Siyempre naman. Nagtimbang ako kanina, at guess what? Nabawasan ako ng four pounds!” “Panalo ka diyan, sis!” sabi ni Bree. Nag-apir sila at naghagikgikan na parang mga kolehiyala. Pinagtinginan sila ng mga staff ng barangay, kaya sumenyas si Bree na hinaan ang usapan. Bumalik rin agad sa mga sariling pagkukuwentuhan ang mga staff—noong umagang iyon, mainit ang balitaktakan nila tungkol sa biglaang pagpapagupit ng buhok ng isang sikat na artistang babae. “Kumusta pala yung bangus na iniwan mo kagabi?” tanong ni Bree. Sumimangot nang bahagya si Sonia. “Nawala na naman.” “Baka naman kinain mo habang tulog ka,” sabad ni Corazon. Walang nakapansin sa pagpasok niya sa barangay hall at paglapit sa reception desk. “Huwag mong sirain ang umaga ko,” sagot ni Sonia. “Pati buhay mo, sisirain ko kung hindi ka titigil sa pagbibintang sa pusa ko,” sabi ni Corazon.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 81 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Pumagitna si Bree sa dalawang babae. “Kilala ko na ang magnanakaw.” Tumingin siya kay Sonia. “Walang kasalanan si Daga.” “E sino pa ang magnanakaw ng mga bangus ko, kundi yang alaga mong pusakal?” Tumaas na naman ang boses ni Sonia. “Malay ko! Basta hindi si Daga ang nagnakaw. Kasama ko siya buong gabi,” sabi ni Corazon. “Si Minerva. Si Minerva ang salarin,” sabi ni Bree. Bago pa maitanong ng dalawang babae kung sino si Minerva, dumating si Paulo. Nakasuot ulit ito ng itim na sando. Humangos si Bree papunta sa lalaki, at hinila ito papunta sa reception desk. “Paulo, sabihin mo sa kanila kung sino si Minerva.” “Ha?” tanong ni Paulo. “Sabihin mo sa kanila ang totoo. Yung pinag-usapan natin kahapon.” “Sabi mo sa text, kakain tayo?” tanong ni Paulo. “Oo nga, ililibre kita ng agahan at magkukuwentuhan tayo ulit. Pero aminin mo muna sa kanila na ang pusa mo ang nagnanakaw ng mga bangus ni Sonia.” “Hindi ko alam ang sinasabi mo, ser. Aalis na lang ako.” Bago pa makalayo, hinablot ni Bree ang kaliwang braso ng lalaki at iniangat ito. Tumambad sa dalawang babae ang mabuhok na kilikili ng delivery boy. May mga puting hibla ng buhok na nakahalo sa buhok sa kilikili ni Paulo. “Ito ang katibayan,” bulalas ni Bree. “Wala akong panahon para sa kababuyang ito,” sabi ni Corazon, sabay takip ng ilong. “Sandali lang, tingnan ninyo.” Kinuha ni Bree ang ilan sa mga puting buhok. “Buhok ito ni Minerva, ang pusa ni Paulo.” “Ginagago mo ba kami?” tanong ni Sonia. Ipinaliwanag ni Bree sa dalawang babae ang natuklasan niya sa pakikipagkuwentuhan kay Paulo: may alagang puting pusa ang delivery boy, Minerva ang pangalan. Dating pusang kalye si Minerva na inampon ni Paulo. Tuwang-tuwa siya kay Minerva, dahil likas na malambing at makulit. Dahil lumaki nga sa kalsada, lumalayas pa rin si Minerva at nakikipagbarkada sa ibang pusang kalye. Pero lagi pa rin itong bumabalik

82 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. kay Paulo. Sa katunayan, magkatabi silang matulog. Nakaugalian na ng pusa na sumiksik sa kaliwang kilikili ni Paulo kapag nasa kama. Nasanay na rin si Paulo, kaya iniuumang na niya talaga ang kilikili para sa alaga. Hindi niya alintana na dumidikit ang buhok ng pusa sa kilikili niya. Hindi natatanggal ni Paulo ang mga buhok pagkagising dahil tuwing gabi siya naliligo. Nagpapalit lang siya ng damit bago pumasok sa trabaho. Hindi rin basta-basta naaalis ang buhok ng pusa sa kilikili ni Paulo dahil lagi siyang nakasando sa trabaho. Paminsan-minsan, nakikita niya ito sa salamin, pero napagkakamalan lang niyang namuong tawas, kaya hindi na lang pinapansin. At kahit nagpapawis siya sa maghapon, masyadong makapal ang buhok sa kilikili ni Paulo kaya maraming nakakapitan ang mga buhok ni Minerva. “Pero paano mo nasigurong pusa nga niya ang nagnakaw ng mga bangus ko?” tanong ni Sonia. “Marami namang puting pusang nagkalat diyan. Gaya ng alaga nitong babaeng ito.” Inginuso niya si Corazon. “Si Minerva ang nagnanakaw sa iyo dahil nakita ko siya sa bahay ni Corazon,” sagot ni Bree. “E sabi ko nga, dati ko nang nahuli ang pusa niya sa bakuran ko,” pilit ni Sonia. Sasagot sana si Corazon pero sumenyas si Bree na siya na lang ang magsasalita. “Alam kong hindi lumalabas ng bahay si Daga. Kahapon, pinakain ni Corazon si Minerva. Umalis rin ito agad pagkatapos, pero ni hindi nagtangkang sumunod si Daga. Ni hindi siya nagkumawala sa pagkakabitbit ni Corazon.” “Pero hindi mo pa rin napapatunayan na si Minerva nga ang nagnakaw,” depensa ni Paulo. “Ang pagkakakuwento mo sa akin, makulit ang pusa mo at hindi mahiyain. Kumakandong kahit kanino. Lalo na kapag gutom. Sa mga pagkakataon na hindi niya naaabutan si Corazon sa bahay, nagpupunta siya sa ibang bahay. Ang pinakamadaling puntahan ay ang bahay na may bukas na bintana at may naghihintay na platong may bangus,” paliwanag ni Bree. “Kahit na! Paano mo nalamang si Minerva ang pusa kahapon, e hindi mo pa nga siya nakikita?” tanong ni Paulo.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 83 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “Dahil magkaiba ang kulay ng mga mata niya. Asul at dilaw. Hindi ba sabi mo, yun ang dahilan kung bakit mo siya inampon?” Natahimik ang lalaki. Mahina ang boses nito nang muling magsalita. “Pinapakain ko si Minerva. Hindi siya magnanakaw dahil binubusog ko naman siya.” “Pero hindi mo alam kung saan siya kumakain kapag nasa trabaho ka o kapag ginagabi ka ng uwi,” sabi ni Corazon. “Napapakain mo ba siya sa oras?” tanong ni Sonia. “Sigurado akong hindi,” sagot ni Bree. “Kung minsan, nakakalimutan ko. Busy kasi ako sa trabaho,” bantulot na sagot ng delivery boy. “Pasensiya na ho kayo.”

ANG RESOLUSYON Kinabukasan, dumalaw si Kapitan sa barangay hall ng Talong Punay. Limang buwan na ang nakalipas mula noong huli itong tumapak sa barangay hall, kaya nabigla ang lahat ng staff. Hindi sila nagkandamayaw sa pag-uulat ng lahat ng naganap habang wala ang kanilang pinuno. May nagbida na nag-Top Five ang anak niya noong nakaraang markahan sa Mataas na Paaralan ng Talong Punay. Mayroong nagmalaki na unti-unti na siyang gumagaling sa Flappy Bird. Mayroong nagsabi na gumagawa siya ng sariling mga hakbang para magkaroon ng sariling feeding program ang Barangay Talong Punay. (Binara ni Kapitan ang isang ito. Aba’y hindi raw ba higit pa sa sapat ang feeding program nilang dalawa ng konsehal? Sabay babala na masama ang pagiging adelantado. Maaari itong magbunga ng kawalan ng trabaho.) Hindi nakarating kay Kapitan ang ginawa ni Bree. Walang bumanggit na nagawa niyang resolbahin ang away ng dalawang residente ng barangay, sina Sonia Villafuerte at Corazon Reyno, tungkol sa mga nawawalang bangus. Walang bumanggit kahit nasaksihan ng buong barangay hall kung paanong nagbati ang dalawa, kuntodo nagyakapan pa, pagkatapos humingi ng paumanhin ni Paulo para sa kasalanan ng kanyang alagang si Minerva. Nagpalakpakan pa nga ang mga staff, nang sabihin ni Sonia na hindi sisingilin sa delivery boy ang halaga ng mga nawalang isda. (Maraming matang umikot nang marinig ang pamimilit ni Corazon kay Paulo na mangakong pakakainin sa oras ang kanyang alaga—kuntodo

84 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. pagtaas ng kamang kamay at pagkukrus ng dibdib—pero wala naman sa hulog kung babarahin nila ang babae, kaya nanahimik na lang sila at bumalik sa kani-kanilang pinagkakaabalahan.) Pagkatapos mananghalian, ipinatawag ni Kapitan si Bree sa loob ng opisina. Tulad ng dati, minasahe ni Bree ang opisyal. Habang namimigat ang mga mata, kinumusta siya ni Kapitan. Ano raw ba ang bago sa buhay ng kanyang paboritong receptionist? Natukso siyang ikuwento ang umuusbong nilang pagkakaibigan ni Paulo—natuloy pa rin naman ang agahan nila kahapon ng umaga, pagkatapos umalis ng dalawang babae—pero bago pa siya makasagot, nagsimula nang humilik si Kapitan. Itinuloy na lang ni Bree ang pagmamasahe, at kinimkim ang kilig sa napipintong paghimas sa kilikili ni Paulo kahit wala nang mga bangus na nawawala.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 85 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

Baha

Kakaunti lang ang mga damit na isinusuot ni Lola Tindeng sa araw- araw; kabisado ko na nga ang hitsura nilang lahat, pati ang pakiramdam sa tuwing nakikiskis sa aking mga palad, pero parati, sa tuwing nasisilayan, nakakaramdam ako ng kakaibang pagkaakit sa kanila. Hindi naman sila ang tipo ng damit na isusuot ng aking mga kaedad, kung may magtatangkang kaklase kong babae (lalo na kung lalaki, tulad ko) na pumasok sa paaralan na suot ang isa sa mga bestida, blusa o palda ni Lola Tindeng, malamang-lamang na hindi na siya makapasok ulit kinabukasan dahil sa matinding kahihiyang tatamuhin. Hindi, hindi naman kagimbal-gimbal ang hitsura ng mga damit ni Lola Tindeng. Hindi rin naman sila sobrang baduy dahil kung ikukumpara sa ibang babaeng kasabayan ng aking Lola sa edad, hindi naman sa pagbubuhat ng bangko: hindi magpapahuli ang Lola ko. Siguro, ang pinakaangkop na paglalarawan sa mga damit ni Lola Tindeng ay ang pagiging pangmatanda nila. Iyon na nga: hindi naman sila baduy o pangit o nakakahiyang isuot dahil mukhang pangkarnabal. Pangmatanda lang talaga sila. Ang katangian na iyon ang pinanggagalingan ng bisa ng kanilang pang- akit sa akin: mayroon na kasi silang kasaysayan. Tuwing pinapasadahan ko ng himas ang kanilang mga tela, iniisip ko kung gaano karaming kuwento ang nalalaman ng bawat isang butones, sinulid at hibla. Kahit na may mga bahaging nag-umpisa nang kumupas o magnisnis, kahit may paisa- isang butones na nawawaglit, kahali-halina pa rin sa akin ang mga damit pangmatanda ng aking Lola Tindeng. Kulay pula ang karamihan sa mga damit ni Lola. Sa tuwing mayroong okasyon o pagdiriwang, lagi siyang nakasuot ng pula sa katawan—puwedeng pulang blusa, bestida, palda, sapatos o kung wala sigurong nalabhan (konti nga kasi ang damit niya), kahit payong. Nang minsang tinanong ko siya kung bakit, ang sabi lang niya, iyon daw ang turo sa kanya ng lola

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 87 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. niyang Tsina: para anyayahan ang suwerte sa isang pagtitipon, kailangang magpula ang mga babae. Kapag lalaki naman daw, dapat nakadilaw. Laging ikinukuwento ni Lola Tindeng sa akin ang mga “mahuhusay” na turo ng lola niyang Tsina pero parati rin niyang sinasabing suwerte ako dahil hindi ako naging apo ng naturang matanda. Hindi raw kasi mahilig sa mga apong babae o anak na babae ang kanyang lola, kaya marami siyang naranasang kalupitan mula rito. Nariyang pabayaan siyang mag-igib ng tubig noong anyos pa lang siya at kadarating lang ng buwanang dalaw, samantalang ang kanyang kuya ay pinagpapahinga lang sa bahay. Nariyang kurutin siya sa singit dahil hindi niya kaagad natutuhan kung paano gamitin ang abakus (dating tindera sa Aranque ang lola ni Lola Tindeng). Ang pinakagrabe daw ay nang hagupitin si Lola Tindeng ng yantok matapos magsumbong na binosohan siya ng isang tiyuhin nang minsang maligo sa ilog. Siya raw ang may kasalanan, anang matandang Tsina, dahil siya ang nagbilad ng sariling katawan sa ilog. “E wala pa namang bra noon, ano ang gagawin ko? Saka hindi pa uso noon ang mga nangre-rape ng dalagita. Ano ba naman ang malay ko,” pangangatwiran sa akin ni Lola Tindeng. “Pero lalaki naman ako, Lola,” sagot ko nang minsang maikuwento ulit ni Lola ang kanyang lolang Tsina. Katatapos ko lang noong sabihin sa kanya na pula ang paborito kong kulay at gaya niya, gusto ko ring magsuot ng damit na pula sa tuwing mayroong okasyon at gumamit ng pulang abaniko sa tuwing naiinitan. “Masuwerte ka talaga apo, at ako ang lola mo,” sabi lang niya bago ako hinimas sa ulo. Napatunayan kong suwerte nga ako kay Lola Tindeng noong umagang dumating ang super bagyong si Pinang. Ilang araw pa lang bago ang aktuwal na pagdating ng super bagyo, nagbabala na ang PAGASA. Pinaghanda na ang mga tao para sa pakikipagtuos sa kalikasan. Pero tulad ng gawi ng mga bagyo, lalo na itong si Pinang na hindi basta-bastang bagyo dahil siya ay super, nagulantang pa rin ang lahat sa kanyang pagdating sa kabila ng naging paghahanda. (Paano nga ba magiging tunay na “handa” sa pagdating ng bagyo? Mamili ng mga de-lata? Tapalan ang mga butas ng bubong? Iyon lang ba?) Nahihimbing ang lahat nang magsimula siyang umihip at umiyak.

88 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Alas-siyete y medya ang pasok ko noon araw-araw at dahil may kalayuan ang aking paaralan—isang oras ang biyahe, kasama na sa kalkulasyon ang mabagal na trapik sa umaga—alas-singko y medya pa lang, ginigising na ako ni Daddy. Bata pa man, may kabagalan na talaga akong kumilos. Inis na inis si Daddy sa mga pagkakataong tinatanghali siya ng gising para gisingin ako dahil pati siya ay nahuhuli sa trabaho. Si Daddy na kasi ang naghahatid sa akin mula nang mamatay ang Mommy. Noong umagang dumating si Pinang, hindi na ako kinailangang gisingin nang maaga dahil sumapat na ang mga panimulang ihip ng hangin at sunod-sunod na pagbagsak ng mga paso ng halaman sa aming terrace (na katapat ng aking kuwarto) para idilat ko ang mga mata. Sa lagay ng panahon, alam ko nang imposibleng makapasok pa sa paaralan. Dahil hindi na rin naman makabalik sa naistorbong pagtulog, pumunta na lang ako sa kuwartong tinatawag naming “bodega”: nasa ilalim ito ng hagdanang nagdurugtong sa una at ikalawang palapag ng bahay, dito inilalagay ang mga damit na bagong laba at hindi pa napapaplantsa. Naisipan ko noong magpalipas na lang ng oras sa piling ng mga hinahangaang damit na pambabae (at pangmatanda) ni Lola Tindeng. Doon sa bodega sa ilalim ng hagdanan, habang isinusukat ang pulang bulaklaking bestida ni Lola Tindeng (iyong nakalobo ang mga manggas), narinig ko ang pagtatalong nagmumula sa nag-iisang kuwartong katapat ng sala. Nagtago ako sa likod ng bahagyang iniawang na pinto ng bodega at iniumang ang ulo: nakabukas pala ang pinto ng kuwartong katapat ng sala. (Mabilis akong nagpasalamat dahil hindi nasabat ang pagpuslit sa bodega.) Nasa tabi ng salamin sa loob ng kuwarto ni Lola Tindeng ang aking ama: parang tandang na tumatalak, sa halip na tumitilaok, sa umaga. “Nay, huwag ka na munang magtinda. Pakiusap lang. Tingnan nga ninyo, kahit si Melda ayaw kong payagang lumabas. Masyadong delikado. Sana naman, huwag matigas ang ulo ninyo!” Parang walang naririnig si Lola Tindeng habang nagpupusod ng buhok sa harap ng salamin. Halatang katatapos lamang niyang magbanyos at handa na siyang pumunta ng palengke. Nakasuot siya ng itim na paldang maraming pileges at kulay rosas na blusang nabubudburan sa paligid ng leeg at dulo ng mga manggas ng mumunting mga bilog na kulay puti. Hanggang sa bodega, umaabot sa pang-amoy ang bahagyang alingasaw ng natuyong mantika at binalatang bawang sa hangin sa loob ng kuwarto

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 89 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ni Lola Tindeng. Lagi kasi sa paanan ng kanyang kama at likuran ng pinto ang mga gamit pangkusina: timbang naglalaman ng mga sandok, kutsaron, siyanse, panipit, kutsilyo at sangkalan, dalawang maliit na kaldero, isang maliit na kawali, isang bayong na nasasapnan ng diyaryo kahapon ang loob. Kayamanan raw niya ang mga ito kaya hindi dapat inilalagay kung saan maaaring manakaw. (Kung sino naman ang magkakainteres na magnakaw, hindi ko alam.) Matapos magpusod, dumukot siya sa bulsa at naglabas ng manipis na bungkos ng pera. Pinanonood ko siyang magbilang nang saklutin ako ng gulat dahil sa boses niyang bigla-biglang umalingawngaw sa sala: “Ramon! Anong ginagawa mo diyan sa bodega?” Nasukol pala ako nang hindi man lang namamalayan, kaya walang nagawa kundi magdahilan: “May hinahanap lang akong damit, Lola. Tinitingnan ko kung nalabhan na.” “Wala ka bang pasok?” Hindi ako tuminag mula sa likod ng pinto ng bodega: hindi ko pa nahuhubad ang pulang bestida. “Meron po.” “Bakit hindi ka pa nag-aayos? Bilis-bilisan mo at malapit nang mag- alas-sais.” “Hindi ko na talaga papapasukin si Ramon, Nay,” sabad ni Daddy. Noon lang hinarap ni Lola Tindeng ang aking amang kanina pa nagbubusa. “Ikaw ba Carleng, alam mo ang ginagawa mo sa edukasyon ng anak mo? Aba, huwag ka na lang magbayad sa mamamahaling eskuwela kung ganyan ang gawa mo! Para kaunting ulan, hindi na papasok. Bakit mo tinuturuan ng katamaran ang bata?” ratrat niya habang namimilog ang mga mata. “Hindi lang yan ambon, Nay. Bagyo yan.” “May deklarasyon na bang walang pasok?” “Wala pa. Pero hindi ako nagtitiwala sa mga ganyang announcement. Ilang beses na ba silang pumalpak? At para namang hindi ninyo alam kung gaano katindi ang baha sa atin kapag ganitong panahon.” Umingos muna si Lola Tindeng bago iniwan sa tabi ng salamin ang kausap. Dinampot niya ang bayong sa likod ng pinto. Kumalansing ang mga sandok, kutsaron at siyanse nang tamaan ng tsinelas niya ang timba.

90 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Pero bago siya lumabas ng kuwarto, kahit ilang hakbang ang layo, hinuli niya ang aking paningin at tinapunan ako ng matamis na ngiti. Lalong nangulubot ang balat sa gilid ng mga mata ng aking Lola, nabanat ang kanyang mapuputlang labi, sandaling nanganib malaglag ang maluwag niyang pustiso. (Natunaw ang puso ko.) Nang tingnan ko si Daddy: namumula na ang mga tainga. Hindi ko naman talaga masisi ang aking ama kung magalit siya (at halata namang nagalit talaga siya). Nakatira kasi kami sa lugar na pamoso sa buong Pilipinas dahil sa pagiging bahain. Sa tuwing tinatanong ako ng mga guro kung saan umuuwi, parati kong naririnig: “Bumabaha sa inyo, di ba?” na para bang dayuhang konsepto ang baha sa kanila at hindi nila alam ang pakiramdam na mailublob ang mga sakong sa tubig na umapaw sa baradong kanal. (Ngayon ko lang naisip, siguro nga, hindi pa.) Umambon lang nang kaunti o magkamali lang sa pamimilog ang buwan, tinutubig na ang mga kalsada sa amin at naglulutangan na ang basura ng iba’t ibang barangay. Hindi na bago sa akin, sa aming lahat na tagarito sa bayang pamoso sa pagiging bahain, ang mga reporter sa TV na nakatayo sa harap ng aming munisipyo tuwing mayroong bagyong dumadalaw sa Kamaynilaan. (Noong umpisa’y ikinahihiya ko pa ang palagiang pagbanggit sa pangalan ng aming lugar sa mga programa ng balita, nang magtagal ay itinuturing ko nang insulto ang hindi pagbanggit sa amin kapag napag-uusapan ang mga “kritikal” na lugar tuwing tag-ulan.) “Lahat kami rito, tinubuan na ng hasang,” madalas sabihin ni Lola Tindeng sa mga bisita ni Daddy na nagtataka kung bakit hindi pa kami lumilipat sa magandang subdibisyon, lalo na at real estate pa mandin ang linya ng aking ama. Halos lahat sila ay nagsasabing hindi na bagay sa makipot at bahaing kalsada ang bahay naming may apat na palapag at maluwang na garahe. Sentimental value ang parating idinadahilan ni Daddy: lolo pa ng Lolo ko (at nasirang asawa ni Lola Tindeng) ang unang nagtayo ng bahay sa lupang kinatitirikan ng tinitirhan namin ngayon. Hindi lang masabi ni Daddy na natatakot siya sa maaaring gawin ng kanyang ina kung sakaling banggitin man lang niya ang paglipat.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 91 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Panggigimbal pa mandin sa mga bisita ang paboritong gawain ni Lola Tindeng, lalo na sa mga mayayamang kliyente ni Daddy. Tuwang- tuwa siyang masilayan ang pagngiwi ng mga ito sa mga kuwento niyang makapagpapangiwi talaga sa sinumang hindi sanay sa lugar na bahain: paglusong sa tubig na may naglulutangang patay na pusa, daga, tae, lumang sapatos, pakikisakay sa bangka sa kalsada, pagdalaw sa burol ng nakuryente sa tubig—masyado kasing napalapit sa posteng may depekto— kung saan ang lahat ng nakikiramay ay nakasuot ng itim na bota bilang pag-alala sa namatay (at dahil na rin baha sa loob ng bahay kung saan ginanap ang burol), pagtulong sa mga tinatangay ng rumagasang kanal. Nalaman ko lang ang sanhi ng ganoong asta ni Lola nang minsang mapasuka niya ang asawa ng isang kliyente ni Daddy. Kumakain noon ng hapunan. Biglang ikinuwento ni Lola Tindeng ang pagkatagpo niya sa napunit na anit na may buhok pa ng kapitbahay naming sinalvage sa timbang gamit sa pagligo. Kababanggit pa lang ni Lola sa anit na may buhok, bigla nang tumakbo si Mrs. Gochuico sa kusina at sumuka. Hindi niya malinis ang sarili pagkatapos dahil natatakot siya sa anumang maaaring lumabas sa gripo namin. Napabili tuloy ng bagong galon ng mineral water ang katulong naming si Melda nang wala sa oras (nawalan na ng tiwala si Mrs. Gochuico sa lahat ng likido sa loob ng bahay). Napaaga rin ang alis nilang mag-asawa. Pulang-pula rin ang tainga ni Daddy noon. Kinompronta niya si Lola. “Bakit ka ba ganyan, Nay? Ano ba ang napapala mo sa pamamahiya ng mga tao?” “Sino ang napahiya?” tanong ni Lola Tindeng. Ni hindi man lang siya natinag sa pagtataas ng boses ng nag-iisang anak. “Ako! Ipinahiya mo na naman ako sa ibang tao! Kliyente ko yon, pinagkukunan ko ng kabuhayan natin,” anang Daddy. Nagtaas na rin ng boses si Lola Tindeng. “Hoy Carlito, huwag mo akong pagmamalakihan na pinapalamon mo ako. Mayroon akong sariling hanapbuhay. Hindi kita pinipilit na pakainin ako. Kaya kong mabuhay mag-isa. Nang mamatay ang ama mo, pinalaki kita nang mag-isa. Huwag mo akong pagsasalitaan.”

92 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Biglang bumaba ang boses ng Daddy. “Sorry, Nay. I didn’t mean to be rude—” “Huwag mo akong Inglesin.” “Hindi ko sinasadya. Napahiya lang talaga ako.” “Napahiya ka dahil sinalvage si Minyong? Nakakahiya bang aminin na pinatay ang kababata mo dahil ayaw na niyang magtulak?” “That’s not the point—” “Sinabi nang huwag mo akong Inglesin! Ang nakakahiya, iyang pagkukunwari mong wala kang nalalaman sa mga pangyayari sa lugar natin.” Natahimik si Daddy. Kung ako si Lola, matapos magbitiw ng mga katagang nakapagpatahimik sa katunggali, aalis ako ng hapag. Pababayaan kong namnamin ng katunggali ang kanyang pagkatalo. Pero hindi ganoon si Lola Tindeng. Ipinagpatuloy niya ang pagkain ng hapunan, lalo pa nga yata siyang ginanahan sa pagkain. Mayamaya, nag-usap na ulit silang mag-ina. Parang walang sigawang naganap. Totoo naman ang sinasabi ni Lola tungkol sa pagkakaroon ng sariling kabuhayan. Ang ikapat na bahagi ng garahe namin ay tindahan niya. Nagtitinda siya ng lugaw at lutong ulam. At paminsan-minsan, kung may special order, pansit luglog. Sentimental rin ang dahilan kung bakit ayaw bitiwan ni Lola Tindeng ang pagluluto: ito ang nagtaguyod sa kanila ni Daddy matapos mamatay si Lolo. Hangga’t kaya niyang tumaban ng sandok, magluluto siya, parati niyang sinasabi. Hindi siya nagsasawang mamalengke tuwing madaling araw, magluto pagdating sa bahay, magbukas ng tindahan nang bandang alas-diyes, makipaghuntahan sa mga mamimili at magsara kapag malapit nang mag- alas-singko. Hindi naman kalakihan ang kinikita niya, sa totoo lang. Mga traysikel boy at kapitbahay na estudyante lang ang madalas niyang kostumer.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 93 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. (Reyna ng palengke, kung tawagin ng mga nagtatraysikel si Lola. Kakilala kasi niya halos lahat ng mga nagtitinda. Bibihira siyang tumawad. Galante rin sa pagbabayad ng pamasahe.) Pero unti-unti, nadama rin ni Lola Tindeng ang paghina ng kita, kaya madalas ay isa o dalawang putahe na lang ang naihahanda. Bibihira na rin ang nagpapaluto ng bilao ng pansit luglog. Lugaw na lamang ang pinakamabili, dahil sa mga estudyanteng umuuwi sa hapon. Pero sige pa rin siya. Pinagbibigyan na lang ni Daddy. Pero namumukod ang umagang iyon: nasubok talaga ang pagiging mapagbigay ni Daddy kay Lola Tindeng. Alam ko, hindi niya kayang payagan ang inang sumuong sa baha. Kung tutuusin, ilang taon na rin nang huling lumusong sa mataas na baha si Lola. (Ang pinakahuling naaalala ko ay nang minsang pasanin niya ako sa baha para ihatid sa paaralan noong Grade Two. Nasa Hong Kong si Daddy noon, may inaayos para sa kanyang trabaho.) Oo nga’t umuulan pa rin naman tuwing kalagitnaan ng taon, pero dahil pinataasan na ang kalsada namin, hindi na ito umaapaw sa tubig kanal. Ang pamosong bahang umaabot sa baywang (kung may katangkaran) at dibdib (kung may kaliitan), bukung-bukong na lang ang natitikman. Nakampante ang mga sasakyan habang nagdurusa ang mga tao sa loob ng kanilang mga bahay: sa halip na sa sementadong daan, sa loob ng mga bahay nagtutuloy ang tubig. Ordinaryong tanawin na lang ang mga pamilyang naglilimas ng kani-kanilang sala matapos ang ulan. May ilan pa ngang baligtad na ang naging gawi—nakasuot ng bota sa loob, nakasuot ng tsinelas kapag nasa labas—kahit kasi ilang araw na ang lumipas, patuloy sa pagpasok ang tubig-kanal sa loob ng kanilang mga bahay. Pero namumukod ang umagang iyon: super talaga ang bagyo dahil nagawa nitong muling paapawin ang mga kanal para diligan hindi lamang ang loob ng mga bahay kundi pati ang kalsada. Muli, magkasamang naghirap ang mga tao at sasakyan. Nang malingat si Daddy, sumilip ako sa bintanang malapit sa bodega. Pati ako ay nag-alala para kay Lola Tindeng: sa saliw ng garalgal at basang sipol ng hangin, sumasayaw ang makapal na buhos ng ulan at rumaragasa ang baha. Muli itong umabot sa baywang ng matatangkad at dibdib ng

94 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. maliliit. Walang dumaraang sasakyan dahil siguradong titirik agad sa pagkababad ng makina. Iilan lang ang naglalakad—mga takot mabawasan ang suweldo, panigurado. May mga batang naliligo sa baha. May dalawang mamang nakakapote, parehong may tangang supot para sa kanilang mga nabibingwit mula sa itim na tubig. Kahit hindi ko buksan ang TV, nasisiguro kong mayroon na namang reporter sa tapat ng munisipyo. Panibagong rekord na naman ito ng aming lugar: pinangangatawanan talaga ang reputasyon bilang susunod na Atlantis. (Kailangan kong banggitin siyempre, na hindi kasama sa mga pinapasok ng baha ang bahay namin. Mula nang umasenso si Daddy sa pagbebenta ng lupa, siniguro niyang hindi na ulit mababasa ng maruming tubig ang mga paa namin. Bukod sa pagdaragdag ng tatlong palapag at pagpapagawa ng garahe, ilang talampakan rin ang itinaas ng aming sahig. Kahit nitong huling pagpapataas ng kalsada, mas mataas pa rin kami nang dalawa o tatlong talampakan. May ilan nga akong kaklaseng nagsasabing malapit na raw maging mala-tore ang bahay namin dahil matarik ang hagdanan papunta sa pintuan.) Hinabol ni Daddy ang kanyang inang tumalilis sa kuwarto. Para namang bata ang Lola Tindeng at biglang binilisan ang paglakad. Hindi ko tuloy napigil ang humanga dahil kahit sa edad na lampas sitenta, may kaliksihan pa rin siya. Tangan ang bayong sa kaliwang kamay, humangos siya sa sala, papunta sa pinto. Agad niyang pinihit ang seradura. Nawala sa loob na suot pa ang pulang bestida, humangos ako sa sala. Naramdaman ko ang pagpasok ng basang hangin, agad namasa ang harapan ng suot-suot na damit. Nakita kong rumehistro ang gimbal sa mukha ni Daddy sa hitsura ko, kaya kahit nahila niya sa kaliwang kamay si Lola Tindeng bago ito nakahakbang palabas, hindi niya naman nahigpitan ang hawak. Nang bitiwan ni Lola ang kanyang bayong at sampalin si Daddy gamit ang kanang kamay, mabilis na umepekto ang karahasan: bumitiw sa pagkakahawak ang aking ama. Dali-daling dinampot ni Lola Tindeng ang kanyang bayong at lumabas ng bahay.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 95 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Kahit walang dalang payong, sinalubong niya ang malakas na buhos ng ulan at nilusong ang rumaragasang baha. Agad lumobo sa tubig ang suot niyang itim na paldang puro pileges. “Lola, ang palda mo!” sigaw ko. Basa na rin ako ng tubig ulan. “Nakasuot ako ng shorts!” sagot niya. “At ikaw! Ano yang suot mo?” sigaw naman ni Daddy sa akin. Wala akong maisip na isagot kundi: “Kay Lola ito, hindi sa akin.” Napatda ang aking ama sa gilid ng pinto, basa na rin siya ng ulan. Naglalawa na ang bukana ng sala. Pinanood naming mag-ama kung paanong nilabanan ni Lola ang pag-agos ng baha. Idinidiin niya ang pagkakatapak sa nakalubog na lupa, pilit na naninimbang. Nang hindi makayanan, biglang kumapit sa isa sa dalawang mamang nakakapote. Nagulat ang kinapitan at bahagyang napaigtad. Nang ngumiti si Lola (at natakot akong malaglag ang pustiso niya sa tubig), umalalay na lang ang lalaki sa balikat ng matanda. Biglang bumitiw ang Lola sa mamang nakakapote nang may lumutang na gulong. Agad niyang dinamba ang bilog na goma. Hawak ang bayong sa kaliwa at gulong sa kanan, sinimulan niyang bagtasin ang malakas na agos ng baha. Hindi pa siya nakakalayo nang magdesisyon ako. Bago pa man mapigilan ni Daddy, lumusong rin ako sa baha. Nakakagulat ang pagsalpok ng tubig sa dibdib. Mabilis na gumagapang sa katawan ang lamig. Madaling magpatangay kung lalambot-lambot. Pinanood kong umangat at sumayaw sa marahas na daloy ng tubig ang laylayan ng suot kong bestida at saglit akong natakot sa hirap na tinitiis ni Lola Tindeng para lang mamili sa palengke. Hindi pa gaanong nakakalayo si Lola kaya madali ko siyang inabutan. Hindi ko man lang siya nakitaan ng pagkagulat matapos niya akong masilayang suot-suot ang kanyang bestida. Mahinahon ang kanyang tanong: “O apo, bakit ka sumunod?” Gusto kong matawa noon sa hitsura naming dalawa: ang isa’y nakalabas ang anit dahil sa sobrang pagkabasa sa ulan, bumabakat ang puting sando

96 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. sa ilalim ng kulay rosas na blusa at halatang-halata ang panginginig ng labi, ang kasama’y isang binatilyong nakasuot ng pangmatandang bestida. Himalang hindi pa rin nalaglag ang pustiso ni Lola Tindeng, lalo na noong ngumiti siya sa isinagot ko: “Lola, lahat tayo rito, tinubuan na ng hasang.”

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 97 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

Ang mga Kuwento nina Gabriel at Alejandro

Gabriel at Alejandro

“Ilabas mo na yung mga pantalon,” singhal ni Alejandro. Nasa kuwarto na sila, nag-iimbentaryo ng mga nakaw sa isang buwan. Mainit na naman ang ulo ng lalaki. Alam ni Gabriel na alam ng kasintahan na napagpilian na niya ang mga damit na ibebenta nila sa kontak nilang may-ari ng isang ukay-ukay sa Bambang. Madalas nagagalit si Alejandro dahil gumagaan ang timbang ng mga damit at nalulugi sila pagdating sa timbangan at presyuhan. Ang katwiran naman ni Gabriel, may karapatan siyang pumili ng mga damit na napupusuan, dahil siya naman ang naghihirap pumili sa mga tinatarget nilang pagnakawan. Siya ang nagmamatyag at naglilibot sa lokasyon— hindi puwedeng magkakalapit ang bibisitahin nila sa loob ng isang buwan, umiikot siya sa tatlong lokasyon, treinta minutos hanggang isang oras ang layo batay sa biyahe ng jeep. Sabay-sabay ang panahon ng pagmamatyag sa mga lokasyon dahil hindi rin naman sila parating nakakapag-uwi ng mga damit, suwerte na ang tatlong bahay sa anim na tinatarget kada barangay. Paulit-ulit na pagsugal ang pagsampa sa mga bakod. Si Gabriel din ang humaharap sa mga tambay, ang nakikipaghuntahan sa mga tindero ng sari-sari, kunwa-kunwaring nagtatanong ng direksyon, naghahanap ng bahay ng imahinaryong kaklase sa elementarya. Kung kaya siya rin ang parating nakaambang idrowing ang pagmumukha sa iba’t ibang kanugnog na presinto at posibleng arestuhin, ikulong, at bugbugin ng mga pulis at mga kapitbahay na bayolente ang ideya ng pagmamalasakit sa kapwa. (“Puwede rin nila akong gahasain,” biro ni Gabriel kay Alejandro, noong nagsisimula pa lang sila sa tambalang pagnanakaw. Pero tumigil na siya sa pagbibiro nang minsan siyang mabagansiya at ma-detain nang magdamag sa isang presinto sa Pritil. Nang malaman ng nakaposteng pulis na bakla si Gabriel dahil sa mahaba niyang buhok at mahinhin niyang pag- aray matapos tanggalin ang mga posas, inabuso siya sa loob ng kulungan. Walang pakialam ang pulis kahit may isa pang tao sa loob ng kulungan, na sa dungis ng katawan, hindi malayong taong grasang napagtripan

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 101 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. lang bagansiyahin. Nahalata ni Gabriel na nagtutulug-tulugan lang ito dahil napangisi nang marinig ang magkahalong panunuyo at pagbabanta ng malibog na pulis. Labag man sa loob, sinunod ni Gabriel ang pulis. Itinuloy niya ang ginagawa, kahit nakita niyang bumubuka-buka ang mga talukap ng taong grasa. Hindi na niya tiningnan pa kung namumukol din ang harapan nito sa pang-aabusong sinasaksihan. Matapos ang lahat—pumiglas siya palayo. Pinalabas na rin siya ng kulungan. Hindi siya kinotongan ng pulis. Hindi na muling naghanap si Gabriel ng bibisitahing bahay sa Pritil.) “Ayun,” sagot ni Gabriel. Inginuso niya ang malintog na berdeng supot sa ibabaw ng tokador. “Apat na pares yan. Tatlong maong, isang slacks. Yung mga panlalaki, puro maong, nakabukod na rin. Yung isang sweater, isinama ko sa dalawang kumot.” Nagtapon muna si Alejandro ng matalim na tingin. “Sigurado kang kumpleto ang mga ito, ha?” Saka ito ngumiti, litaw na litaw ang malalalim na biloy sa magkabilang pisngi, parang manyakis na nakakita ng makurbang mestisang naka-maigsing shorts. O kriminal na nakakita ng tangang nagsusuot ng mamahaling relo habang namamasahe sa kamaynilaan. “Oo.” “Kapag kulang na naman ito, Bree—” “Tigil-tigilan mo nga ako, Ali. Ikaw ang may atraso. Muntik na tayong mapahamak kanina, a. Alam mo namang delikado, pero pinairal mo na naman yang kalibugan mo.” “Bakit ka kasi pumili ng malapit? Mamaya pala, naging pasahero ko na yon.” “E naisip ko, nasasayang yung malalapit sa atin. Saka minsan lang naman. Next year na ulit.” “Okey. Pero, sarap di ba?” “Oo na. Pero namputa, paano kung nagising si Cindy?” “Sinong Cindy?” “Yung babae.” “Ah.” Umiling-iling lang si Alejandro. Hindi pa rin ito nasasanay sa pagbibinyag niya sa mga taong binibisita nila. “Sarap na sarap ka nga

102 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. kanina, e. Kinailangan ko pang takpan yang bibig mo.” “Ulul.” “Teka, nasaan na nga pala yung mga panty at bra?” “Heto po. Katatapos ko lang isupot.” “Kumpleto rin yan, a?” Ibinato ni Gabriel sa mukha ni Alejandro ang asul na supot. Sinalag ni Alejandro ang supot—sumambulat ang mga laman sa sahig—saka dinaluhong ang kasintahan. Nagtangkang umiwas si Gabriel, pero huli na, nahablot ni Alejandro ang kanyang bewang, nagpagulong-gulong sila sa sahig. Napasuka na rin ang iba pang mga supot na nadaganan nila, nasapnan ang buong kuwarto ng mga panty, bra, kamiseta at pantalon ng kung sino-sinong taga-Sangandaan, Niyugan at Tinajeros. Nagmukhang bodega ng ukay-ukay sa unang araw ng bagsakan ang kanilang maliit na inuupahang kuwarto.

===

“Bwakananginamokang ibon ka! Tarantado!” sigaw ni Alejandro. Sige naman sa hagalpakan ang mga kabarkada nito, halos maghigaan na sa bangketa. Nandidilat ang mata ng mga lalaki, at halatang-halatang hindi ang tirik na araw ang dahilan ng matindi nilang pamamawis. Aliw na aliw sila sa pakikipagtagisan ni Alejandro sa mynah na walang ibang alam banggitin kundi mura. Iniumang talaga ni Mang Jaime, ang may- ari ng Pretty Pet Shop, ang kulungan ng ibon sa bangketa. Sa isip ni Mang Jaime, matatawa ang mga napapadaan kapag may hayop na biglang magmumura sa kanila, kaya maeengganyo silang pumasok sa pet shop, at bumili ng mga isdang ikukulong para lang titigan—angelfish, goldfish, arowana, at kung ano-anong baryasyon ng karpa. (Tinanong ni Gabriel minsan si Mang Jaime, bakit hindi na lang “fish shop” ang itawag sa pet shop. Tutal naman, maliban sa mynah—na hindi naman talaga ibinebenta dahil personal na alaga ni Mang Jaime—walang ibang hayop na ipinagbibili ang Pretty Pet Shop. Natawa lang ang matanda sa kanya, saka sinabing mas nababagay sa palengke ang ganoong pangalan ng tindahan. Pero makalipas ang ilang araw, pinadagdagan ni Mang Jaime ng Fish Only and Other Accessories ang signboard ng Pretty Pet Shop.)

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 103 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “Puwede ba, may mga kostumer kami rito,” singhal ni Gabriel. Galing siya sa loob ng pet shop, katatapos lang magbenta ng dalawang goldfish sa isang binatilyo. Nakita niya ang pagrehistro ng takot sa mukha ng binatilyong kostumer nang marinig ang alingawngaw ng pagmumura at paghahalakhakan mula sa bangketa. “Umalis na siya, o,” sagot ni Alejandro, saka inginuso ang binatilyong naglalakad palayo, bitbit ang supot na may tubig at dalawang goldfish. Naghabol pa ng tungayaw, “Hoy, mahihilo yung mga isda!” “Umalis na dahil sa inyo. Mga bastos kasi kayo,” sagot ni Gabriel. Napansin niya ang malalalim na biloy ng kausap. Parang ang sarap pisilin ng mga pisngi. “Ako, bastos? Anong tawag mo rito sa ibon niyo? Dumi nga ng bunganga neto, e.” “Una, tuka kasi ang meron yang ibon. Pangalawa, hayop yan. Ikaw, hayop ka rin ba?” pakli ni Gabriel. Sinabayan pa niya ng irap at hawi ng buhok na nalalaglag hanggang balikat. “Ang yabang mong bakla ka, a,” sagot ni Alejandro. Nag-angat ito ng baba, naglilis ng mga manggas. “Ano ba gusto mo?” “Tatawag ako ng pulis.” Narinig ni Gabriel ang panginginig ng sariling boses. Kinuha niya ang dustpan na parating nasa gilid ng pintuan ng pet shop. Iwinasiwas niya ang plastik na dustpan sa hangin na parang palakol. “Umalis na kayo rito, mga adik kayo!” Umepekto ang pagtatapang-tapangan. Isa-isang naglakad palayo ang mga barkada ni Alejandro, nagbubulungan habang pinupukol si Gabriel ng masasamang tingin. Si Alejandro lang ang nagpaiwan at hindi natigatig sa plastik na palakol. Hindi ito umalis sa kinatatayuan, kahit hinihila na ng isa sa mga kasama. Gaya ng matutuklasan ni Gabriel sa kanilang pagsasama, hindi pumapayag si Alejandro na wala sa kanya ang huling salita, parang mga bidang bandido sa mga pelikulang aksyon na kinakailangan munang sabihin ang titulo ng pelikula bago pasabugin ang mukha ng kontrabida. “Ang arte-arte mo, singlansa mo naman yang paninda mo. Manliligaw pa naman sana ako sa iyo, pero huwag na lang,” bulalas nito, bago naglakad palayo.

104 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Inilapag ni Gabriel ang dustpan, kumakabog pa rin ang dibdib. Pero sa kung anong dahilan, alam niyang hindi na ito dulot ng takot sa bandido. Umaalingawngaw pa sa mga dingding ng isip niya ang huling pahayag ni Alejandro. Kinagabihan, dumalaw si Gabriel sa Mamita’s Magixalon. Dati siyang nagtrabaho sa salon na ito. “Naligaw ka yata, ateng?” tanong ni Rene habang nagwawalis ng buhok. “Nangungumusta lang,” sagot ni Gabriel. “Gusto mong manghala, no?” tuya ni Benjie habang tinatapos ang French tip sa mga kuko sa kaliwang kamay ng isang matabang babae. Napansin ni Gabriel ang pagngiti ng babae nang marinig ang tanong ng manikurista. Tinapunan na lang din niya ito ng ngiti. Sanay na naman ang mga kostumer sa Mamita’s Magixalon sa usapan nilang tatlo. Sa tuwing binibiro siya nina Benjie at Rene na amoy isda sa harapan ng ibang kostumer, sinasabi na lang ni Gabriel na gayon talaga ang halimuyak ng mga tunay na sirena. “Kilala nyo ba yung mga tambay sa Barangay Adante?” tanong ni Gabriel. “Sino sa kanila?” tanong ni Rene. Humalakhak si Benjie. “Teritoryo ni Renata yan, Bree. Bakit mo naman naitanong? May kinakarir ka?” “Inuulit ko, sino sa kanila?” Tumigil sa pagwawalis si Rene. Namewang ito gamit ang isang kamay at hinawakan ang tambo na parang setro ng isang reyna. “Halos lahat ng mga iyan, minsan nang kumain sa mga palad ko. Hala, sige, Bree. Sabihin mo! Sabihin mo!” Tuluyan nang tumawa ang matabang babae, kuntodo yugyog ang buong katawan. Napapalatak na lang si Benjie dahil muntik na siyang magkamali sa paglalagay ng puting nail polish sa kuko sa hinliliit nito. Sinamantala ni Gabriel ang lakas ng tawa ng matabang babae. Hininaan niya ang pagtatanong, “Yung mga nagbabasketball sa dulo? Yung mga lasenggo?”

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 105 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “Ah, oo. Ingat ka sa mga yan. Muntik nang madale ng isa sa mga yan ang cellphone ko,” sagot ni Rene bago bumalik sa pagwawalis ng buhok. “Magaling humimas yang mga yan.” “Himas bago saksak! Aray!” tili ni Benjie. “May type ka?” tanong ni Rene. “Keri lang.” “Tinubuan ka bigla ng keps, te? Sabihin mo na,” sabi ni Benjie. Nagpunta na ito sa counter, sinusuklian ang matabang babae. Hinintay muna ni Gabriel na makalabas ang matabang babae bago muling nagsalita. “Gusto ko sanang makilala yung isa, yung maitim?” “Tangina mo, halos lahat yon, maitim. Pati budhi ng ilan sa mga iyon, maitim!” sagot ni Rene. “Yung may dimples.” “Aaay! Si Alejandro!” tili ni Rene. “Nakuha mo na yon?” tanong ni Benjie. “Di ko bet. Naglalaslas yon, e.” “Paano mo naman nalaman?” tanong ni Gabriel. “Bakla, hindi ako reyna ng Adante nang walang dahilan. Alam mo yan. Weirdo yon, basta. Pero kung gusto mo, ipapakilala kita.” “E weirdo kamo?” “Ayaw mo?” “Gusto.” “E di umamin ka ring bakla ka. Sandali lang, magte-text ako,” sagot ni Rene. “Powerful talaga ni Reyna Renata!” sabi ni Benjie. “Maghanda na ng budget,” sabi ni Rene. Nagsimula na ito sa pagpindot ng cellphone. Kinapa ni Gabriel ang bulsa. Hindi na rin naman bago sa kanya ang ganitong eksena. Sapat naman ang baon niya para sa limang lapad ng gin at dalawang litro ng soft drink na chaser. Sila Benjie at Rene na ang bahalang sumagot sa pulutan.

106 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ===

“Gusto mo ba ng tsaa?” tanong ni Alejandro. Kagagaling lang nila sa bahay ng kontak nila sa Bambang. Tumatawid sila sa Rizal Avenue, umiiwas na mabundol ng mga nagkakaskasang jeep, pero biglang tumigil sa paglakad si Gabriel. Hinawakan niya ang kanang balikat ng kasintahan at pinihit ito paharap sa kanya. “Ano?” “Gusto mo ba ng tsaa?” ulit ni Alejandro. Tumigil rin ito sa pagtawid. Naramdaman ni Gabriel ang haplit ng hangin mula sa biglang kumabig na jeep. Narinig din niya ang pahabol na mura ng driver. Itinulak niya ang balikat na pinihit kanina lang. “Doon tayo mag-usap. Huwag mo akong tinatanong ng ganyan kapag nasa gitna ng kalsada.” Pagsapit nila sa kabilang bahagi ng kalsada, dumiretso si Bree sa puwesto ng nagtitinda ng sigarilyo at kendi. Bumili siya ng limang pisong kendi. Ibinulsa niya ang apat, binuksan ang isa. “Hindi mo man lang ako aalukin?” tanong ni Alejandro. Umiling lang si Gabriel. Ninanamnam niya ang pagkalat ng tamis sa dila. Nagtitiwala siya na madadaig ng pinatigas na asukal ang asim na nag- umpisa nang ngumata sa kanyang sikmura. “Bree, yung mahal na tsaa ang sinasabi ko. Tea. May sago. Ililibre kita.” “May pera ka?” “Malaki-laki naman ang nakuha natin ngayon, a. Konti lang kasi kinupit mo sa mga stock natin.” Dalawang taon na rin mula nang umalis si Gabriel sa Pretty Pet Shop para gugulin ang panahon bilang propesyonal na magnanakaw. Dalawang taon na rin silang nagsasama sa iisang bubong ni Alejandro, na namamasada ng traysikel sa umaga, at kasama niyang nagnanakaw sa gabi. Sa dalawang taon na ito, nahuhulaan na ni Gabriel kung paano mag-isip ang kasintahan: sa tuwing nag-aalok manlibre si Alejandro, may bago itong plano. Nang manlibre ito ng kikiam, nang-snatch sila sa Divisoria kinabukasan. Si Alejandro ang nang-agaw ng bag sa isang mukhang

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 107 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. maykayang babaeng pababa ng escalator at nagpahabol sa mga pulis, si Gabriel ang nag-abang sa eskinita at nag-uwi ng bag. Nang manlibre naman ito sa isang pansitan sa Binondo, nangholdap sila ng taxi sa pier sa Navotas nang sumunod na linggo. Nag-abang sila ng taxi na maiipit sa pagitan ng mga trak. Nang makatiyempo sila, lumusob sila hangga’t hindi pa nagbeberde ang stoplight. Si Alejandro ang tumutok ng balisong sa leeg ng driver, si Gabriel ang nanindak sa pasahero. Inuuto pa siya ng kasintahan—“pinapadulas,” sabi nga nito, para sakto daw sa imahen ng puwit na papasukin—dahil alam nitong ayaw na ayaw ni Gabriel na makasakit ng kapwa. Natawa si Alejandro noong una niya itong sabihin, pero nanindigan si Gabriel. Hindi pananakit ang pagnanakaw dahil hindi naman nila inilalagay sa panganib ang buhay ng mga biktima. Magagawa ng mga ito na bumili ng mga bagong gamit. Na siyempre pa, hindi nila kayang gawin kung pati buhay ng mga ito ay kukunin nila. Hangga’t maaari, isinasabuhay ni Gabriel ang pilosopiyang ito at napahinuhod naman niya kahit paano ang kasintahan. Kaya nga mga damit lang ang ninanakaw nila at hinding-hindi sila nanloloob. Kaya nga pulos bubong, terasa, at likod-bahay lang ang nararating nilang dalawa. Paminsan-minsan, pumapatos rin sila ng maliliit na bagay, gaya ng bisikletang pambata at bote ng soft drinks, pero hanggang doon lang. Mahirap magtakas ng iba pang gamit, dadalawa lang sila. Pumayag lamang si Gabriel sa mga hiling ni Alejandro dulot na rin ng matinding pangangailangan. Noong nang-snatch sila, may sakit ang nanay ng kasintahan. Ilang araw na itong dumudura ng dugo, at nagsimula na ring mahirapang huminga. Hindi na tumatalab ang pagsinghot nito ng usok mula sa planggana ng mainit na tubig na may nilusaw na Vicks. Noong mangholdap naman sila ng taxi, pumayag si Gabriel dahil siya mismo ang nangailangan. Napaaway ang bunso niyang kapatid sa bilyaran. Nakipagsuntukan, nakabali pa ng dalawang tako at nakawala ng katakot-takot na pitsa. Ipinakulong ng may-ari ng bilyaran na maraming kaibigang pulis. Wala namang ipambabayad ng piyansa ang nanay nila. Awang-awa si Gabriel sa babaeng pasahero nang tutukan niya ito ng icepick sa mukha. Agad-agad, iniabot ng babae ang shoulder bag. Nagkusa na rin itong hubarin ang kuwintas at relo. Pagkuwa’y nanginginig nitong tinakpan ang dibdib at kandungan. Sumasaksak sa isip niya ang imahen ng sariling ina—hindi ito sumasakay ng taxi, pero paano kung nanay niya

108 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ang tutukan ng kung sinong gagong gusto ng madaliang kita? Kung hindi lamang siya sinigawan ni Alejandro na tumakbo na, dahil nakuha na rin nito ang pang-boundary ng matandang taxi driver, baka naibalik ni Gabriel ang mga gamit ng babae, sabay hingi ng paumanhin. Kaya ganoon na lang ang kabog ng dibdib ni Gabriel nang magbitaw siya ng tanong: “Anong plano mo?” Lumitaw muna ang mga biloy ni Alejandro bago nagsalita. “Kuha tayo ng TV.”

===

“Tagay mo na,” sabi ni Alejandro. Kung hindi lang niya nakita ang mismong pag-ikot ng baso, tatanggihan ni Gabriel ang tagay mula kay Alejandro. Dahil batay sa engkuwentro nila kaninang umaga, hindi siya magtataka kung dinuraan muna ng binata ang gin bago iabot sa kanya. Pero kanina pa sila nag-iinuman—ang barkada ni Alejandro, sina Benjie at Rene, at dalawang lalaking hindi kilala ni Gabriel, maliban sa “mga kaibigan ko rito sa Adante” na pakilala ni Rene—at walang kahit anong mababakas na galit kay Alejandro. Nagboluntaryo pa nga itong maging tanggero ng grupo. Nang magsimulang mamula ang mga pisngi, umupo pa sa tabi ni Gabriel. “Salamat,” sabi ni Gabriel. Inabot niya ang baso na may gin. Mataas ang tagay, pero inubos ni Gabriel sa isang lagok. Gumuhit sa lalamunan niya ang init. Sinundot na lang niya agad ng Coke. Nagulat siya nang may kamay na pumahid sa kanyang noo. Si Alejandro. Ipinunas nito sa harapan ng sariling kamiseta ang kamay na may pawis. “Pinagpapawisan ka na,” pakli ni Alejandro. “Sorry,” mahinang sagot ni Gabriel. “Ang tamis! Ang tamis ng Coke!” tili ni Benjie. Napapitlag si Gabriel. Nagtawanan ang mga kasama nila sa mesa. “Mahina ka palang uminom,” sabi ni Alejandro, nakangiti. Pagkalalim-lalim ng mga biloy nito sa pisngi. “Bree,” sabi ni Rene.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 109 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Tiningnan ni Gabriel nang masama ang kaibigan. “Ano?” tanong ni Alejandro. “Bree ang pangalan niyang kausap mo,” sagot ni Rene. Nagsimula nang mamungay ang mga mata nito. “Sabihin mo ulit, ‘Mahina ka palang uminom...Bree.’” Tumawa lang si Alejandro. “Mahina talaga yan, lalo na pagdating sa mga moreno,” sabad ni Benjie. “Kung meron pang dimples, lalong wala na. Tapos na ang laban.” Hagalpakan ang lahat. Nag-init ang mga pisngi ni Gabriel. “Tumigil ka nga, Benjie.” *** “Sige na, Bree,” ungot ni Alejandro. Ibinaba ni Gabriel ang plastik na baso ng milk tea. “Ayoko.” “Isipin mo. Dadalawa lang sila sa bahay. Pareho pang mahina. Hindi papalag ang mga yon. Kung pumalag man sila—” “Ano? Papatayin natin?” “Sobra ka naman, Bree. Magnanakaw lang ako, hindi ako mamamatay- tao.” “Bunganga mo,” mahinang singhal ni Gabriel. Lumingon-lingon muna siya bago ulit nagsalita. “Puwede naman nating pag-ipunan yang punyetang TV na yan.” “Last na to.” “Sinabi mo rin yan nung niyaya mo akong mangholdap.” “Pagkatapos nito, itutuloy ko na yung pagwe-waiter. Napapagod na rin ako sa mga bisita natin. Saka ikaw, tumigil ka na rin. Noong isang linggo, naging pasahero ko si Mang Jaime. Kinukumusta ka. Umalis na naman daw yung katiwala niya sa pet shop. Pinapasabi niya, kung interesado ka raw bumalik.” “Bakit ako maniniwala sa iyo ngayon?” Mula sa kabilang bahagi ng mesa, inabot ng binata ang kamay ni Gabriel. Nahantad ang mga keloid nito sa braso. “Seryoso na ako, Bree.”

110 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ===

“Alam ko namang bibigay ka rin,” sabi ni Alejandro. Tinampal nang mahina ni Gabriel ang pisngi ng binata. “Ang kapal mo.” Pagkatapos ng ilang sandali, “Naaalala mo pala yung away natin.” “Akala ko, hahambalusin mo talaga ako ng dustpan.” Gusto niyang sabihin kay Alejandro kung gaano kaampaw ang mga salitang binitiwan niya, lalo na noong mga sandaling napansin niya kung gaano kalalim ang mga biloy nito sa pisngi, kung gaanong kakapal ang mga kilay nito, kung gaano kaaya-ayang tingnan ang umbok nito sa braso at dibdib—na noong mga sandaling iyon ay napatunayan na rin ni Gabriel kung gaano kaperpekto, dahil naghahalo ang tigas at lambot, hindi parang bato, pero hindi parang unan. Pero naumid ang dila ni Gabriel. Hinihimas na lamang niya ang pisngi ng binata na tinampal niya kani- kanina lang. Hindi niya alam kung ilang oras na silang nagsisiksikan sa makitid na kama ni Alejandro. Hindi na rin niya maalala kung sino ang unang nagyaya kanino—mahigpit pa rin ang pagkakahawak ng higanteng kamay na nagsimulang sumaklot sa ulo niya sa huling tagay na tinanggap niya sa binata. Basta napansin na lang ni Gabriel na panay na pala ang paghawak niya sa tuhod ni Alejandro, hanggang sa yayain siya nitong itulog na lang ang hindi na maitatangging kalasingan—muntik nang madapa si Gabriel sa paghahanap ng posteng iihian—at iyon na nga, sumapit silang dalawa sa makitid na kama ng binata. Pumasok na ang sinag ng araw sa nakangangang bintana, mainit na humahalik sa kanilang mga paa. Narinig na ni Gabriel ang mga kaluskos ng umaga sa manipis na dingding ng kuwarto ni Alejandro. Kumalas siya sa pagkakayakap sa binata, umupo sa kama, at nagsimulang mag-ayos ng sarili. “Salamat ha,” sabi ni Gabriel. “Dito ka muna.” “Baka hinahanap na ako sa amin.” “Hahampasin kita ng dustpan.” Lumabas na naman ang mga biloy. Humiga ulit sa kama si Gabriel at sumingit sa pagitan ng mga naghihintay na braso ni Alejandro. Napapaso na si Gabriel sa sikat ng

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 111 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. araw na patuloy pa ring humahalik—humihimod—sa kanyang mga paang nakaumang sa bintanang nakanganga. Pero hindi na lamang niya ito ininda. Sa halip, sumiksik si Gabriel sa leeg ng binata at sinimsim ang singaw ng katawan nito—na sa kung anong dahilan ay nagpapaliyo sa isip niyang saklot pa rin ng pagkalango. Naaalala niya sa singaw ng balat ni Alejandro ang mga sanggol: hindi kailangan ng mga ito ang mga kemikal. Naaalala rin niya sa singaw ng katawan nito ang mga katawan ng mga lalaking dati na niyang nakasama. Amoy anghit na hindi. Maasim na hindi. Amoy gatas na natapon, at malapit nang mapanis. Pero iyon na nga, hindi pa panis. Kung hindi maselan, puwede pang dilaan sa kung saan mang rabaw tumapon.

112 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Boylet

“Ano, Bree, gusto mo, sagutin ko? Sasabihin ko, ‘Sorry, busy pa siya. Kasama pa niya boylet niya.’ Ano, gusto mo?” At naisip ni Gabriel na kakaiba ang gabing iyon. Kakaiba, dahil sa masuyong paggamit ni Alejandro ng “Bree,” ang kanyang palayaw na tanging silang dalawa lang ang nakakaalam, at ang halos pagpapahayag ni Alejandro na si Gabriel na ang nagmamay-ari sa kanya. May init na namuo sa sikmura ni Gabriel na umakyat sa dibdib, papunta sa lalamunan, kumalat sa buong ulo. Para maitago ang nasisigurong pamumula ng mga pisngi at tainga, lalong nangunyapit si Gabriel sa binata. Sumubsob siya sa leeg nito, at saka yumakap nang mahigpit. “Bakit naman boylet?” tanong niya habang kinikiskis ang mga labi sa leeg ni Alejandro. Natatakot siyang mag-angat ng mukha at mabunyag ang pagmumurang kamatis. Higit pa, hindi niya mapigil ang pagsimsim sa leeg ng binata. (Sumusulpot ang pagmumuni sa amoy sa tuwing nagkakatabi sila sa kama at halos hindi na siya bumitaw sa binata. Kaya nga ganoon na lang din ang bungisngis ni Gabriel nang sabihin ni Alejandro noong ikatlong beses nilang pagtatagpo, at bigla-bigla na lang siyang sumiksik sa kilikili ng binata, “Para kang baby.”) Patuloy pa rin sa pag-iingay ang cellphone. “Wala lang. Para nakakatawa. Puwede rin, ‘Kasama pa niya lalaki niya!’ Gusto mo yon na lang, Bree?” Bumubungisngis na rin si Alejandro. “Ikaw talaga,” sagot ni Gabriel. Pinupog niya ng halik ang leeg ni Alejandro. Napapapitlag ito sa kiliti, pero nagpapaka-macho. Tinitiis ang kiliti. Bahagyang humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. Kahit hindi siya sumulyap sa kisame, alam ni Gabriel na mukha silang magtiyuhin na naglalambutsingan. Kaya hangga’t maaari, iniiwasan niyang mahagip ng mga mata ang salamin. Ipinagwawalang bahala rin niya ang

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 113 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. madalas na pagtitig ni Alejandro sa kisame. Natatakot siyang malaman kung ano ang iniisip nito habang pinapanood siyang magsumiksik na parang dalagang bagong donselya sa nobyong nagsisimula pa lang gumulang ang mga buhok sa katawan. (Aliw na aliw si Alejandro sa mga buhok niya sa dibdib. May ritwal na nga sila. Magtatanong si Alejandro kung dapat ba niyang ahitin ang dibdib. Sasagot naman si Gabriel ng “Huwag, huwag. Bagay nga sa iyo. Ikaw pa lang ang nakilala ko na may ganyan. Bihira yan sa Pinoy.” Aangat ang dibdib ni Alejandro. Parang tandang na nagyayabang. Kikiligin naman si Gabriel. Hihimasin ang dibdib ng binata. Buong ingat niyang ipapadaan sa mga daliri ang mga buhok, parang naglalaro ng mga buhok na yari sa ginto. Kahit pa sing-itim ng gabi ang mga buhok, bagay na bagay sa balat ni Alejandro na halos kulay ebano.) Nagbigay ng mga dahilan si Alejandro: Sabihin mo wala kang load, o nagloloko ang signal. Nasa labas ka pa kaya hindi mo naririnig ang ring. Naiwan mo yung cellphone sa loob ng CR, o pinahawakan mo muna sa ibang tao. Nasa loob ng bag mo, natatakot kang ilabas, dahil maraming mukhang snatcher sa paligid mo. Namangha si Gabriel sa pagiging malikhain ni Alejandro. Sa pagkabihasa nitong magsinungaling sa murang edad. Kung isasalang siguro ito sa lie detector test, kalmado ang pagkilos ng mga linya sa graph. Bagaman dumapo rin agad sa isip niya ang kaipokrituhan ng reyalisasyon: kung hindi eksperto si Alejandro sa pagsisinungaling, matagal na silang nabuko. Naalala ni Gabriel ang hindi pagte-text ni Alejandro noong isang linggo. Nangako itong magte-text kapag nagawi sa mall na malapit sa bangko kung saan nagtatrabaho si Gabriel. Magkakape sana sila. Napapagod na rin kasi siya sa mga lihim na pagkikita. “Kahit naman kape lang, ayos na sa akin,” sabi niya kay Alejandro. “Hindi naman kinakailangan na lagi tayong nag-aanuhan.” Ngumiti muna si Alejandro bago sumagot, “Mahirap na. Nag-iingat lang ako.” Kaya hayun, sa matinding pag-iingat, nagsiuwian na ang ibang teller, naisara na niya ang bangko at lahat, walang dumating na kahit isang text mula kay Alejandro.

114 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Nang magkita sila ulit, ang sinabi lang nito, walang signal sa loob ng mall. Naniwala naman siya kaagad. Kahit pa ilang beses na rin siyang nagpunta sa mall na iyon at hindi nagloko kailanman ang signal ng cellphone niya. Isa pa, mahirap makipagtalo kay Alejandro, mabilis itong magdamdam. Lalo itong hindi magre-reply sa text kapag galit. Mahirap makipagtalo kay Alejandro, lalo na at katatapos lang nitong maghinga ng sama ng loob dahil nag-away na naman sila ni Corinth, o “Cynth.” (Naiinis si Gabriel sa palayaw ng babae dahil hindi niya maitama-tama ang pagbigkas. Hindi niya malaman kung “sinch,” “sint,” o “sinth.” Wala ring tulong si Alejandro dahil maigsi ang dila nito. Nagbabagong-anyo ang palayaw ng babae—thinth, thint, thinch. Biro nga niya sa binata, kung naging ahas ito, matutunugan kaagad ng tutuklawin dahil sa natatanging tunog ng paswit.) Parating naglalakad sa gilid ng bangin si Gabriel sa tuwing nagkukuwento si Alejandro tungkol kay Cynth. Parati siyang nangangamba na malaglag, mabasag ang bungo, kumalat ang utak sa lupa at sa gayon ay makita ni Alejandro kung ano ang tunay na laman ng ulo: selos, inseguridad, makasariling pagnanasa at, kung minsa’y sinusurot ng hinala si Gabriel, obsesyon. Halos ganon nga ang nangyari minsan—nalaglag siya sa bangin—noong unang beses na malungkot ang kuwento ni Alejandro. Pinagalitan ito ng mga magulang dahil bumagsak sa tatlong subjects. Lalo tuloy naging atrasado sa kolehiyo: isang taon na naman siyang magiging third year. Pagkatapos magsumbong ng binata, nagbigay ng payo si Gabriel. Simple lang naman, parang over the counter na hatol ng doktor: mag-aral ka nang mabuti, bawasan ang pagbabarkada, ang paglalaro ng online games, ang pagbababad sa Internet. Pero sa halip na magpasalamat o tumango-tango lang, nagsalubong ang makakapal na kilay ni Alejandro. Wala raw karapatang makialam si Gabriel, dahil wala siyang alam sa mga nangyari. Saka biglang tumayo nang padabog. Habang pinapanood ang binata na magsamsam ng mga gamit sa knapsack, umasa si Gabriel na magkukulong lang ito sa banyo. Nalaglag ang panga niya nang dumire-diretso ito sa pintuan. Pinatayan pa siya ng general switch. Napasinghap siya nang balutin ng dilim ang paligid.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 115 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Nanghinayang si Gabriel sa perang ibinayad, kaya nagpaiwan siya sa kuwarto. Isang oras siyang nagmukmok, isang oras na nagplano kung paanong aamuin ang batang kalaguyo. Pagkatapos ng dalawang araw, tinext niya si Alejandro. Niyayang magkita ulit. Binilhan niya ng dalawang bagong graphic novels bilang peace offering. Tinanggap naman. May kasama pang mahigpit na yakap pagkatapos. Nagpa-extend pa ng dalawang oras. Gusto pa raw manood ng TV. (Mas napagastos si Gabriel, pero ayos lang. Ang mahalaga, bati na sila.) Mula noon, kapag malungkot ang kuwento ni Alejandro, nakikinig na lang siya. Hinihintay lang niyang matapos ang litanya ng mga hinaing, at saka niya yayakapin nang mahigpit ang binata. Mas higit yata silang nagkakaintindihan sa ganoong paraan. Kapag naman masaya ang kuwento ni Alejandro–tipong nanood sila ni Cynth ng sine at sabay na kinilig dahil nakita ang mga sarili sa pelikula, o kaya naman ay nakakuha ng mataas na grade sa isang exam ang babae—ngumingiti si Gabriel habang nakikinig, nagtatanong nang masigla ang boses, sapat para ipakita ang interes at pakikibahagi sa galak ng magkasintahan. Kahit pa ang totoo, mas gusto pa niyang pag-usapan kung paanong maipapaliwanag sa pamamagitan ng mga fossil mula sa Mesozoic era ang pagka-extinct ng mga dinosaur. Pero hindi naman niya mabanggit-banggit ang mga dinosaur, kahit pa noong nakatiyempo sila minsan ng dokumentaryo tungkol sa mga ito sa National Geographic Channel. Umaalingawngaw sa mga dingding ng isip ni Gabriel ang munting boses na nangangantiyaw na hindi man makaliskis ang balat, halos wala siyang ipinagkaiba sa isang velociraptor: dinosaur ka na, ateng! Labinglimang taon ang tanda niya kay Alejandro. Beinte anyos pa lang ito, ni hindi pa tapos sa pagkuha ng BS Medical Technology. Ano ba naman ang fifteen years? tanong ng isang kaibigan ni Gabriel na walang alam tungkol kay Alejandro. Tumitingin lang sila ng mga magazine noon. Headline ang relasyon ng dalawang sikat na doktor. Mas matanda ang babae. Higit pa nga sa tanda ni Gabriel kay Alejandro. (Labingwalo? Dalawampu?) Nakasilip siya ng oportunidad para sa isang hypothetical na tanong: Paano kaya kung magkaroon ako ng boyfriend na bata? Gaano kabata?

116 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Beinte anyos, ganyan. At least, legal age naman, di ba? At iyon na nga: ang pagtatanggol ng kaibigan sa agwat ng edad. Mas lalo pa itong napamahal kay Gabriel nang banggitin ang katunggaling imahen ng dinosaur: certified cougar ka kapag nangyari yan, girl. Kaya sa tuwing nanonood sila ng telebisyon at sinasampal siya ng agwat ng edad nila ni Alejandro, hindi niya kilala ang mga bagong banda, wala siyang alam tungkol sa mga usong TV commercials at mga anime na hilig nung isang panoorin; iniisip na lamang ni Gabriel na isa siyang higanteng pusang ilahas: matanda na, pero kaakit-akit pa rin. Kung minsan nga, natutukso na siyang ngumiyaw nang talaga. Mapanindigan na lang. Hindi na bale kahit may limitasyon ang katotohanan ng mapaglarong metapora. Hindi na bale kahit na ang dating ay siya ang nangangaso at lalapain niya lang si Alejandro, kahit nakasanayan na ni Alejandro na manghingi ng “allowance” sa tuwing nagkikita sila, kahit na may girlfriend si Alejandro at patago lamang ang mga pagkikita nila sa kung ano-anong motel na ilang oras pa ang dapat ibiyahe mula sa mga bahay nilang dalawa, para siguradong wala silang makakasalubong na kakilala. Hindi na baleng kahit sa bawat pagtatapos ng kanilang mga pagtatagpo, siyang tinaguriang pusang ilahas ang umuuwing duguan at bigo. Walang iniuuwing huli, kundi ang pag-asam na papayag pa rin si Alejandro na makipagkita muli. Sa wakas, tumigil na rin sa pagri-ring ang cellphone. “Sino ba kasi iyon?” tanong ni Alejandro. “Barkada ko. Galing Scotland. Magdi-dinner kami ngayon.” Hindi na niya sinabing may isa pang kasama ang barkada. May ipapakilala ito kay Gabriel. Nag-alala ang kaibigan niyang taga-Scotland nang malaman nitong kabit siya ng isang beinte anyos. You deserve someone much better! tili nito sa Skype. At iyon na nga, naisipang kalampagin ang isa pang kaibigan na wala pang karelasyon. Doktor. Kuwarenta anyos. “Wow, Scotland.” “Oo.” “Nakita na kaya niya si Nessie?” “Puwede.” Hindi napigil ni Gabriel na mapabungisngis. Kilig na kilig siya dahil, isip niya, ilang beinte anyos ba ang nakakakilala ngayon kay Nessie? “Boyfriend mo?”

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 117 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Napangiti si Gabriel. Apat na buwan na rin silang nagtatagpo, ngayon lang nagpakita ng selos si Alejandro. Nakaramdam siya ulit ng pagsirit ng init mula sikmura patungo sa dibdib, lalamunan, hanggang sa mukha, pero hindi na siya nagtangkang magkubli. Kung umuusok lang ang balat nang dahil sa matinding kilig, pihadong naubo na si Alejandro sa usok sa mga sandaling iyon. Himalang hindi nautal si Gabriel sa pagtatanong. “Nagseselos ka ba?” “Asa ka,” sagot ni Alejandro. Dinampot nito ang remote control. Inilipat sa Tagalog movie channel. Love story ang palabas. “Wow, gusto ko ’to! Tapusin natin ito, ha?” Kinuha ni Gabriel ang relo sa mesitang katabi ng kama. Kalahating oras na siyang huli sa natanguang hapunan. “Baka magalit na yung barkada ko.” “Sige na, Bree, please? Pleasepleaseplease, Bree?” sabi ni Alejandro. Pilit winalis ni Gabriel sa isip ang sumulpot na imahen ng mga pamangkin kapag lihim na nagpapabili ng tsokolate. “OK, sige.” Lumakas ang loob ni Gabriel. Hindi lang basta kakaiba ang gabing ito, isip niya. Espesyal ang gabing ito. Inalihan siya ng kapangahasan. Alam niyang hindi komportable si Alejandro sa kanyang gagawin, pero hindi ba’t ang binata na rin ang nagdeklara ng relasyon nila kanina? Legal na ang pagiging ilegal nila. Inilapit ni Gabriel ang labi niya sa mga labi ni Alejandro. Halos maiyak siya sa tuwa nang bumuka rin ang mga labi ng binata. Bahagyang inilabas ni Gabriel ang kanyang dila, naghahanap ng katunggali. Pero ang dila ni Alejandro, papuslit-puslit lang, parang pakipot na dalaga kung umasta. Sumasalubong pero bigla-biglang umuurong. Naging mas agresibo sa paghalik si Gabriel. Hinawakan niya ang mga pisngi ni Alejandro, at nilusob ng dila ang bibig ng binata. Pumiglas palayo si Alejandro. “Huwag ganyan, Gabriel. Parang nababastos ako, e.” “Sorry.” Lumayo na rin si Gabriel. Umupo siya sa gilid ng kama. Tumingala siya para pigilin ang pagbagsak ng luha. Nakita niya ang sarili sa kisame. Mukha siyang batang pinagalitan. “May sasabihin ako,” sabi ni Alejandro. Nakahiga pa rin ito sa kama.

118 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Alam na pala ni Cynth ang lahat. Hindi siya tinext ni Alejandro noong hapon na magkikita sila dapat sa mall dahil nabasa ni Cynth ang text ni Gabriel. (Hinalughog ni Gabriel ang isip: “Gud am papi. mit tau later ha. txt me pag mall ka na. amishu.” Gusto niyang kainin ng lupa.) Pero hindi naman daw sila nag-away. Naiintindihan daw ni Cynth ang lahat. Lalo na nang banggitin niya ang “allowance.” Basta huwag lang daw siyang babastusin ni Gabriel, walang kaso kay Cynth. Sa katunayan, alam nga ni Cynth na magkasama sila noong mga sandaling iyon. Nagpaalam nang maayos si Alejandro sa girlfriend. Tiningnan ni Gabriel si Alejandro. Prenteng-prente pa rin ito sa kama. Nakaunan ang ulo sa mga kamay. Matiwasay ang pag-alon ng dibdib nitong mabuhok habang nagsasalita. Hindi malaman ni Gabriel kung maniniwala kay Alejandro o hindi. Napakahusay naman nitong magsinungaling talaga. Ang sigurado lang ni Gabriel noong mga sandaling iyon, wala namang nagpatay ng general switch pero nabalot ng dilim ang kuwarto.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 119 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

Kapre

Hindi naman sila talagang nagtatago, pero hindi naman sila nangangalandakan. Parang puno ng acacia, nandiyan lang at nakabaon sa lupa. Parang mayang nakahapon sa kable ng poste ng kuryente. Pero matapos lumitaw ang kapre, hindi na nakabawi sina Gabriel at Alejandro. Lalo na si Gabriel, na napansin lamang ang pagsablay ng mga pangyayari nang sa kalagitnaan ng pagtumpit ng kanyang palahaw na hindi nakikita pero nasisigurong gumuhit sa hangin ng perpektong parabola, napansin niyang mag-isa na lang siya sa paglikha ng ingay. Hindi lang naman si Gabriel ang pumunta noong hapon na iyon sa basketball court na malapit sa istasyon ng traysikel, sa sari-sari store ni Aling Minda at sa baleteng napagkasunduan na lang tawagin ng lahat bilang Berto o paminsan-minsan ay Berting (kung susumpungin ng paglalambing sa higanteng ugat na tinubuan ng mga dahon) kundi marami pa, marami pang gaya ni Gabriel na handang gasgasin ang lalamunan para lang makisaya sa bawat bolang naibubuslo ng koponang sinusuportahan. Sa katunayan, namumutiktik nga sa katawan ang paligid ng basketball court. Sandamukal ang mga naglisaw na mukhang noon lang nakita ni Gabriel, mga dayo mula sa kung saan-saang barangay. Gaya ni Gabriel, tagaktak din sa pawis ang mga mukhang ito, ilang segundong nauunang bumati ang singaw ng katawan sa ilong ng bawat nakakagitgitan bago susugan ng mga kilay na saglit kumakandirit o mga babang bahagyang lumulukso para magpahayag ng rekognisyon bilang kabarangay, kamag- anak o simpleng kapwa tagahanga, tagamiron. Agos ang pawis ng madla kahit hindi naman sila ang mismong nakikipagtakbuhan, nakikipagbalyahan, at nakikipag-agawan sa bola. At tila ba nagbanyuhay sila bilang higanteng lalamunan noong maalinsangang hapon na iyon, lalamunang masunurin at buong giliw na gumaganap bilang koro sa misa ng bolang kahel na yari sa goma: umaawit, humihiyaw,

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 121 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. pumapalakpak, at kung minsan, pumupukol ng tungayaw sa mga manlalarong naiwan yata sa kasilyas ng bahay ang kakayahang maglaro. Kaya hindi talaga maitatatanggi ni Gabriel na noong 4th quarter, kung kailan dikit na dikit ang laban, kung kailan walang ibang naririnig sa buong court kundi ang kabadong timpani sa mga dibdib ng mga napalaki ang taya sa ending at alingawngaw ng paulit-ulit na pagtalbog ng bolang goma sa semento, nawala talaga siya sa hulog. At sino ba naman ang hindi ang mawawala sa hulog, sukdulang humiwalay sa agos, lumihis sa daan na pinili ng nakararami, mahilo- hilong bulong ng isip ni Gabriel bilang tahimik na tugon sa mga tanong na umulan sa kanya makalipas ang ilang minuto, paano’y hindi magkamayaw ang mga tao sa mga partikularidad ng pangyayaring bumulaga sa kanilang lahat: anopaanobakitsaan? Pero walang mahuhugot na matinong sagot, dahil may matinong sagot bang maibibigay na titighaw sa kuryosidad kung ang totoo’y ang lahat ay parang multong dumaan lang nang saglit, pero nag-iiwan ng kilabot na nabubuhay nang paulit-ulit sa bawat muling pagsasalaysay, kahit pa iyong nagbibida sa mismong naratibong salimbibig ay wala nang buhay? Sumiksik sa isip ni Gabriel ang gayong pangangatwiran sa reaksyong sumira sa momentum ng misa noong mga sandaling dinudumog na siya ng mga kapwa manonood na hindi naman kilala, noong ang pakiramdam niya, nasapol niya nang panandalian ang ubod ng hilakbot sa puso ng tauhang si Elsa sa , ang unang pelikulang napanood niya sa telebisyon noong may isip na siya, o mas nararapat yatang sabihing noong panahon na nag-umpisa na siyang matutong kumilala ng ilohika at irasyonal sa mga pangyayari: gayon pala ang pakiramdam na malagak nang hindi inaasahan sa gitna ng umaalimpuyong pandemonyo. Pandemonyo. Oo, iyon nga ang salitang parang kamay na sumasaklot sa sitwasyon na parang bola ng basketball, iyong uri ng pagsaklot na irereklamo ng mga nanaghili bilang madaya dahil sikretong pinagkit ng epoxy ang palad bago sumalang sa laro kahit ang totoo ay hindi naman, sadyang natural na natural ang pagdaiti ng goma sa balat: hindi ba’t maysa demonyo naman talaga ang nakita niyang nilalang? Maysa demonyo naman talaga ang ugat ng lahat ng pagkakagulo? Maysa demonyo dahil isa ito sa mga kilala ng kahit na sino bilang isa sa isangkatutak na pininsan ng anghel na isinumpa ng Langit dahil sa labis na kayabangan?

122 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Paa ang unang lumitaw. Itim na itim ang talampakan nitong nangingipalpal sa kalyo, gumagasgas sa mata, hindi kayang duwendehin ng basta-bastang distansiya, at lalong-lalo pang mukhang naghuhumindig sa perspektiba ni Gabriel noong hapon na iyon na biniyayaan ng liwanag na galit sa mapaglihim na pusikit. Lumawit na lang basta ang paa mula sa isa sa mga madahong sanga ng baleteng si Berto, tigmak ng dumi, libag, putik—imposibleng kakitaan ng nunal sa talampakan, pero paniguradong paa ng layas. Sunod na sumulpot ang binti na sa mata ng nagmamadali ay puwedeng ipagkamali bilang katawan ng isa sa maraming kapatid ni Berto sa kung anong bakawan, iyong mga hindi nilalambing, iyong mga walang pangalan. Maliban na lang sa hindi ito kailanman tutubuan ng mga dahon, lalo’t higit pa ng dilaw na prutas na puwedeng maasim o matamis, kundi tanging mga buhok lamang—itim, kulot, nangangalirang. At galis! At mga galos! Samu’t saring galos, may mga naglalangib, may nakanganga pa, naglalaway ng dugo, inaagasan ng nana, para bang katatapos lamang magtatakbo ng may-ari ng binti sa parang na pawang nagtatalimang talahib lang ang naninirahan. Pagkuwa’y lumitaw na ang kabuuan ng hita—mas malaking bersiyon ng binti, mabuhok, sugatan, nagngangalit ang kalamnan na pakiwari ni Gabriel, kung tititigan ay hindi na dapat pagtakhan kung ginagapangan din ng mga ugat na singlintog at singberde ng mga hose na ginagamit ni Aling Minda sa pagdidilig ng mga palumpon ng halaman na patuloy niyang inaalagaan kahit hindi naman namumulaklak. Sumunod ang buong katawan. Braso. Mukha. At iyon na nga: ang makalusaw-tutuling tili ni Gabriel. Lumikha ng espasyo ang tunog: nag-urungan ang iba pang mga manonood na nakapalibot sa may-ari ng babagtingang biglang nanginig. Saka na lamang nalaman ni Gabriel, noong balikan na siya ng himasmas, na nagpulasan ang mga katabi niya nang marinig ang palahaw na may kanya-kanyang multong binuo ng takot sa ingay na sumulpot—may mga nag-akalang may sunog, may mga nag-isip na nagsimulang mabiyak ang lupa, may mga nagsuspetsang nagkakanakawan na pala ng cellphone, may

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 123 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. mga nag-isip na may bulalakaw na bumubulusok at tutupok sa buong basketball court. Noon napatunayan ni Gabriel na totoo ang dila ng sinumang matandang nagpakalat ng kasabihan: may taglay na biyaya ang kawalan ng muwang. Dahil oo, pansamantalang nagbalik sa kamusmusan si Gabriel nang lumitaw ang kapre, hinatid siya ng nanlilimahid na higante sa nakaraan, partikular doon sa panahon kung kailan walang ibang kinikilala ang sanggol kundi ang mukha ng ina, at tanging mga tahimik na lawiswis ng dugo at tinunaw na pagkain sa samu’t saring ugat sa loob ng katawan na hindi kayang unawain sa anumang uri ng bokabularyo ng matatanda pero kasimbisa ng alinmang wika sa mundo ang kinakasangkapan sa komunikasyon. Gayunman, iba ang mukhang dumulog kay Gabriel sa sandali ng kanyang pagpalahaw bilang muling-sanggol: maitim ang kutis, makapal ang kilay, malamlam ang mga mata, matangos ang ilong pero maaaring mapagkamalang pango dahil sa bilugang tungki, makapal na labi na pinapayungan ng bigoteng papatubong muli, matatambok na pisnging napapalamutian ng naglalalimang biloy. Para bang nagkaroon ng eklipse ng mga Biblikal na imahen: natakpan ang mukha ng demonyo ng maamong mukha ng isang morenong arkanghel. Si Alejandro. Bumilis ang kanyang pulso, tumahip ang dibdib, nalukob siya ng kilig pero sa halip na mapagod ang puso dahil sa pagkabog sa kaba, tila ba binalot pa nga ito ng payapa. (Hanggang sa huling sandali, nang balikan ni Gabriel ang alaala ng mukha ni Alejandro noong hapon na iyon, bumilis ang kanyang pulso, tumahip ang dibdib, at nalukob pa rin siya ng kilig. Gayunman, hindi naman nangahulugan ang replikasyon ng pisikal na lugod na muli siyang bumalik sa pagiging bata: sa halip, noon nga naramdaman ni Gabriel ang wagas niyang pag-abot sa rurok ng pag-iral.) Tunay nga, kung bibiyakin ang dibdib ni Gabriel noong mga sandaling iyon, ilang minuto—segundo?—lamang ang pagitan mula sa pagpapawala niya ng sigaw na sumira sa sustenidong sarap ng panonood ng madla, paniguradong walang ibang masasaksihan kundi ang hitsura ng pusong kinokombulsyon pero hindi nababahala.

124 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Naramdaman na lang ni Gabriel ang pagsapo ng malalagkit na kamay ni Alejandro sa magkabila niyang pisngi, at parang kumpol ng mga dahong nalaglag sa puno na winalis ng hangin, naglaho ang kanyang mga bagabag, lalo na nang itanong ng binata, Bree, anong nangyari? Kapre. Mahina ang pagbigkas ni Gabriel sa salita, kaylayo sa taas ng boses niya nang masilayan ang pagbaba ng kapre mula kay Berto, pero parang inulit lang niya ang pagsigaw na parang wala nang bukas. Trumiple pa nga yata ang lakas batay sa naging epekto: isang salita lang ang gumulong sa kanyang dila, pero agad itong sinapo, pinagpasa- pasahan hanggang ang kaninang manonood lamang na mga naglisaw ay nakalikha ng sarili nilang uri ng palakasan gamit ang salita bilang bola: umugong ang basketball court, may mga naghiyawan sa takot, may naghagalpakan, pero halos lahat, tumungo rin sa pag-uusisa kay Gabriel, walang tigil sa pagpapasa-paghahagis-pagpapatalbog sa semento ng mga opinyon, tanong, kuru-kuro tungkol sa baklang sumigaw na lang nang basta-basta habang nasa kainitan ang laro ng mga binata ng barangay. Doon, doon sa kumot ng ingay na iyon, habang nararamdaman niya ang pagbuhat sa kanya ni Alejandro, sumingit sa agaw-malay na isip ni Gabriel ang naging kapalaran ni Elsa, ang bulaang propeta. Saka nagdilim ang lahat. ===

Sa sariling sala na nagkamalay si Gabriel. Nakahiga siya sa sofa. Nasa kusinang katapat ng sala si Alejandro, nakahalukipkip sa harapan ng kalan, nakatitig sa takoreng nakasalang. Dalawang taon na ang nakararaan noong huli niyang makitang ganito ang postura ni Alejandro. Natalo ang koponan ng binata sa paliga ng kabilang barangay, at nagkamaling biniro ni Gabriel si Alejandro bilang “primero bangkero”: nakalimang foul kaagad ang binata sa 2nd quarter ng laro dahil masama ang gising at inilabas na lang ang init ng ulo sa pambabalya ng mga kalaban, kaya hindi na pinasali ng coach hanggang matapos ang laro. Sinurot ng takot si Gabriel.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 125 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Nanatili na lang siya sa pagkakahiga sa sofa, pinanood ang panonood ng binata sa takore, pinakinggan ang mahinang ugong ng bulung-bulungan mula sa labas. Kahit hindi na sumilip, batid ni Gabriel na naglisaw sa labas ang mga kapitbahay na nakasaksi sa eksenang pinagbidahan niya sa basketball court kani-kanina lang. Sadyang nararamdaman ng balat ng bawat pinanonood ang paghimod ng mga matang namboboso: napalingon si Alejandro kay Gabriel. Kumusta, tanong ni Alejandro. Gising ka na pala, hindi ka man lang nagsasalita. Nakahalukipkip pa rin ang binata. Ayos naman, sagot ni Gabriel habang bumabangon. May masakit ba sa iyo? Ititimpla kita ng kape. Sandali lang itong tubig. Sorry, ha. Sumipol ang takore. Pinatay ni Alejandro ang kalan, dinampot ang takore, isinalin ang laman nito sa termos. Pagkuwa’y kumuha ito ng isang mug na may nakasawsaw nang kutsara, sinalinan ito ng tirang mainit na tubig mula sa takore, pumitas ng isang sachet mula sa kadena ng 3-in-1 coffee na nakasabit malapit sa kalan, binuksan ang sachet gamit ang ipin, itinaktak ang laman sa mug, hinalo ang pinulbos na kape at tubig gamit ang kutsara, saka lumapit kay Gabriel. Kape. Ali, sorry. Hindi ko naman sinasadya. Nakita ko talaga yung kapre. Sabi ko, kape. Hindi kapre, sagot ni Alejandro. Nakita ko. Nakita ko yung kapre. Inumin mo na lang yan. Para tubuan ka naman ng nerbiyos. Kung ano-ano ang pinagsasasabi mo. Gusto pang magpaliwanag ni Gabriel, pero ayaw na niyang makipagtalo pa. Hinigop na lamang niya ang kape. Alam niyang para sa mga tamad ang kapeng ito at kaagad nang timplado ang tamis, pero hindi gayon ang sumalubong sa kanyang dila: nadaig ang tamis na artipisyal ng pait na dulot ng tanawin sa kusina; bumalik na roon si Alejandro, nakahalukipkip at nakatuon ulit ang atensiyon sa kalan kahit sa pagkakataong iyon, wala nang takoreng nakasalang. Pinili ni Gabriel na isiping ilusyon ang pait ng kapeng timplado ang tamis. Hindi totoo ang sensasyong inihahatid ng dila sa kanyang utak.

126 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Ang tanging totoo, ang sensasyong inihatid sa kanya ng mga balintataw kanina sa basketball court: ang kapre. At ito ang inulit-inulit niya kay Alejandro. Inulit-ulit din niya ang paghingi ng tawad. Hindi na nga siguro maaalala pa ni Gabriel ang eksaktong bilang ng pag-uulit niya ng paghingi ng tawad, basta sapat nang naubos niya ang kape—wala nang laman ang mug, pero nabasa ang sahig, nanlagkit rin ang harapan ng kanyang kamiseta—at natagpuan na lang niya ang sarili sa kusina, nakayakap nang mahigpit kay Alejandro, na nananatili namang nakahalukipkip at nakatitig sa kalang walang nakasalang na takore. Sorrysorrysorrysorrysorrysorrysorry. Walang ibang naririnig si Gabriel noong mga sandaling iyon kundi ang sariling nagmamakaawang tinig at ang nanunumbat na pagbuntong hininga ni Alejandro, pero hati ang isip ni Gabriel sa posibilidad ng hindi pagtanggap ng binata sa paghingi niya ng dispensa at sa katotohanan na malamang kaysa hindi, nagpipigil sa paghagikgik ang mga taong nananatili sa labas pero pinanonood sa kanilang mga isip at tainga ang dramang nagaganap sa loob ng bahay. (Pinilit sabihin ni Gabriel sa sarili sa gitna ng kahibangang dulot ng paulit-ulit na pagrorosaryo ng kapatawaran sa bigla-biglang sinantong lalaki: hindi siya dapat mabagabag. Dahil dapat niyang maintindihan, papalit-palit lang naman silang lahat ng papel sa sariling barangay, sa kabilang barangay, kahit saang barangay. Wala pang isang buwan ang nakalilipas, siya mismo ang gumanap sa papel ng usisero, noong gabing magwala si Tetchie, ang kabit ng isang matipunong tanod na tubong Camarines Sur: ipinaghahagis na lang ng babae sa kalsada ang kung ano-anong gamit sa kusina. May nabasag na mga plato at mangkok, nagkalansingang kubyertos, sumalipadpad na mga kaldero. Isa si Gabriel sa mga nagbilang ng mga platong nabasag, pumulot ng mga naligaw na kubyertos, nagtawa sa kung ano-anong hugis ng pagkakayupi ng mga kalderong mumurahin lamang pala. Ginawa nila ito habang patuloy na ngumunguyngoy sa loob ng bahay niya si Tetchie. Alam na alam ni Gabriel na alam din ni Tetchie na nasa labas siya, sampu ng iba pang kapitbahay, nagkukunwaring may pakialam sa

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 127 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. pamamagitan ng walang pakialam na literal at di-literal na pamumulutan sa mga literal at di-literal na pagkakalat na ginawa ng isa sa mga popular na kabit sa barangay.) Hindi maitaboy ni Gabriel ang isiping iyon—ang pagtatawa ng mga taong kilala at hindi nila kilala ni Alejandro at oo nga, mayroon naman talagang kinalaman sa buhay nila, pero walang karapatang manghusga sa kanila, at sa kung anumang mayroon sila, walawalawala—ang isiping iyon, na amihang umihip at nagpalala sa pagsuka ng usok ng kanyang pagmamakaawang noon ay kasalukuyang sinisiga. Alam mo namang maraming tao, ingos ni Alejandro. Sorrysorrysorrysorrysorrysorrysorry. Alam mo naman na nandoon si Corinth. At napunit ang kumot ng tahimik na ugong na dulot ng sariling tinig na humihingi ng dispensa. Natunugan naman ni Gabriel ang lahat. Sa katunayan, hindi lang noong hapon na iyon ang unang beses na nakita ni Gabriel ang babae, kahalubilo ng iba pang mga nanonood ng laro ng koponang kinabibilangan ni Alejandro. Iyon na ang pangatlong beses na nakita ni Gabriel ang babae, at noon din niya napatunayan na tama nga ang kanyang mga hinala. Noong unang dalawang beses, ipinagwalang-bahala lamang ni Gabriel ang mga pag-aalinlangan. At kahit pa may nadama nang kurot ng kaba si Gabriel noong makita niya rin ang babae kahit hindi naman naglalaro ng basketball si Alejandro—nasa basketball court ang babae, sa tapat ng tindahan ni Aling Minda, malapit sa baleteng si Berto, nakikipag- umpukan kasama ni Alejandro at ng iba pang kabataan, ang ilan ay kilala ni Gabriel at karamihan ay hindi, pihadong mga kaibigan ng babae na niyakag pa mula sa kabilang barangay o kung saan mang lupalop—pinili pa rin ni Gabriel na walisin ang mga agam-agam. O mas marapat yatang sabihin na pinili niyang manangan sa kapangyarihan ng multiplisidad ng posibilidad. At bakit naman hindi? Bakit naman hindi niya pipiliing tagpasin ang umuusbong pa lamang na talahib ng takot sa puso? Ilang manlalaro ba ang kasamahan ni Alejandro sa koponan? Ilan ba sa mga manonood na

128 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. kasabay niyang tumitili sa bawat laro, ilan ba sa mga ito ang pumupukol kay Alejandro ng mga tingin na hitik sa pagnanasa? Kung kukuwentahin ni Gabriel ang lahat ng posibleng kuwento na maaari niyang mahugot mula sa kung tutuusin ay wala namang batayang mga suspisyon na hindi maikakailang lumilisaw-lisaw pa rin sa kanyang isip sa gabi, lalo na sa mga gabing hindi niya katabi sa kama si Alejandro. Sa apat na taon nilang pagsasama, umuuwi pa rin naman si Alejandro sa mga magulang kahit si Gabriel na ang tumutustos sa pag-aaral ng binata. May matitira pa ba siyang oras para namnamin ang ligayang dulot ng sariling pagtili para sa lalaking piniling irugin? At higit pang mahalaga, may matitira pa ba siyang oras para sa sarili? (Nakikita ni Gabriel ang nakikita ng iba kay Alejandro. Naiintindihan niya kung bakit nagkakaroon din ng interes ang iba sa binata. Siya man, paminsan-minsan ay napapalingon sa iba—manlalaro ng basketball, guwardiya sa bangko, waiter sa restaurant, estudyante sa kolehiyong tumutubo pa lamang ang bigote—pero alam ni Gabriel na hindi nanghihingi ng aksiyon ang gayong mga pagsulyap: mata lamang ang nababatubalani, hindi ang puso.) Batid ni Gabriel, kailangan niyang panindigan ang pilosopiyang nakaugalian na niyang ipamarali sa mga kaibigan na tulad niya, pinili ring magmahal na hindi lamang nakabukas ang puso, kundi pati bituka, at lalo na ang pitaka. Kailangang hindi matinag sa presensiya ng babae, sa hindi maitatangging lutong ng paghalakhak nito sa mga biro ni Alejandro, kuntodo may kakambal pang masuyong paghampas sa braso, pagpapapungay ng mga mata, paghawi ng mahabang buhok. Ito na ang pagkakataon ni Gabriel na patunayang hindi lamang ampaw ang mga salitang namutawi sa mga labi ni Alejandro—wala akong pakialam sa mga tawag-tawag na yan, hindi ko alam kung ano ang dapat itawag sa kung anuman ang mayroon tayo, ang mahalaga lamang sa akin ay mahalaga ka sa akin, at mahalaga rin ako sa iyo, wala naman akong dapat ipaliwanag sa kanilang lahat—dahil sinasambit ito sa kanya ng binata kahit walang pag-alalay ng alkohol, lalo na sa mga sandali na inaatake si Gabriel ng pagdududa, ng paniniwala sa kapangyarihan ng mga kategorya, pero napapawi naman ang pagdududang ito, lalo na at makailang ulit din namang pinatunayan ni Alejandro ang katapatan sa

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 129 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. mga salita sa pamamagitan ng masuyong paghalik at mainit na pagyakap kay Gabriel. Kahit pa nga sa pamamagitan ng pakikipagsuntukan: noong minsang nagawi silang dalawa sa palengke at may lalaking nagkamaling mangutya sa paraan ng pagsasalita ni Gabriel, sa hindi maitatangging pagkulot ng boses niya habang nakikipagtawaran sa isang tindera ng mga panlalaking kamiseta, na para bang walang karapatan ang sinuman na magsalita nang gayon sa publiko at ang sinumang magtangka ay karapat- dapat parunggitan, pamukhaan ng kaibahan, ng kaibahang sang-ayon sa batas na pinaniniwalaan ng bastos na lalaki at ng iba pang bastos na gaya niya ay dapat bukalan ng matinding kahihiyan ni Gabriel. Sinalya ni Alejandro ang nambastos na lalaking iyon, saka binigyan ng wagas na bigwas sa kaliwang pisngi. Oo, ginawa ito ng binata sa harapan ng lahat, itinapon nito sa sahig ang anumang maaaring isipin ng mga tao sa mga nakapaligid na tiangge, maipagtanggol lamang ang dangal ni Gabriel, maipakita lamang sa lahat na walang karapatan ang sinuman na hiyain si Gabriel, siyang kasama ni Alejandro na bagaman walang pinapasukang kategorya ay itinuturing naman pala talagang mahalaga. Ito na rin ang pagkakataon na patunayan ni Gabriel na hindi lamang pipitsuging hangin sa bibig ang mga salitang binitawan niya sa iba’t ibang okasyon na umiyak ang sinuman sa kanyang mga kaibigan dahil sa matinding pagseselos—matinding pagseselos na madalas kaysa hindi, ay naging dahilan ng pagmamarakulyo ng bakla, panunumbat sa lalaki, panunumpa sa babae, pag-aaway nilang tatlo, pamimili ng lalaki, pagwawagi ng babae na nangangahulugan at nangangahulugan lamang naman ng iisang bagay: paghihiwalay ng lalaki at bakla, ano pa ba. Hindi tayo kailanman mananalo sa ganyang sitwasyon, sabi ni Gabriel. Ang tanging magagawa natin ay umunawa. Ikaw na lang ang umunawa nang umunawa, ang madalas marinig na sagot ni Gabriel sa mga kaibigan. Pagod na kami, gusto na namin ng kapwa bakla. Gusto namin ng tunay na pagmamahal. Iyong pagmamahal na hindi lamang puro pagkabig ang alam gawin ng iniibig. Pero pagkatapos ng galit na bunsod lamang ng paunang sakit, madalas kaysa hindi, nagreresulta ang litanya ng pagdurusa sa matiim na deklarasyon ng pagtanggap ng baklang tumatangis na umupo sa trono ng talunan: ke lalaki o bakla, mamamatay at mamamatay tayong sawi sa larangan ng pag- ibig. Mabuti pang mag-alaga na lang ng hayop. Kahit pa halaman.

130 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Makailang beses niyang ipinaliwanag sa mga kaibigan: walang ipinagkaiba sa pag-akyat sa Golgota at pagpapako sa krus ang pagtingin sa pakikipagrelasyon na inaasahan na sa simula’t simula pa lamang ang kalunus-lunos na katapusan—baka nga kinasasabikan pa, kaya’t lalong nagmumukhang isang uri ng perbersiyon ang pakikipagrelasyon na ikinukubli lamang sa katawagang pag-ibig. Wika ni Gabriel, ang kailangan lamang nilang gawin ay kilalanin ang katotohanan ng kinapapaloobang sitwasyon—ang pagmamahal ay pagmamahal—walang ipinagkaiba sa pagsasabing puti ang isang kamiseta kung wala talaga itong taglay na anumang kulay: hindi dapat husgahan dahil walang dapat ibigay na panghuhusga sa gayong uri ng pahayag. Sa pamamagitan at sa pamamagitan lamang ng matapat na pagkilala mababalaho ang anumang uri ng pagdududa sa rasyonalidad ng romantikong relasyon. Oo, romantiko, sagad sa kaibuturan ng salitang romantiko ang romansa sa kanilang mga relasyon, igigiit ni Gabriel sa lahat ng pagkakataon. At napatunayan naman niya ang paninindigan: walang lugi-lugi, lahat ay tumutubo, lahat ay kumikita, hanggang sa katapusan. Kahit sa katapusan. (Ironiko ngang maituturing na ang pagdidiskurso sa pag-ibig na para bang magkapatid ang mga salitang pinansiyal at romantiko ay doon mismo sa tindahan nabanggit ni Gabriel, doon mismo sa harapan ni Aling Minda, ang babaeng ang relasyon sa buong barangay ay nakabatay sa pera. Pero hindi ba’t nararapat lamang, si Gabriel na rin ang mismong nagtatanong at nagbibigay ng katwiran sa gayong pangyayari, dahil kung tutuusin namang tunay—ang anak ay binibigyan ng baon, ang mag-asawa ay nag-iimpok nang sabay, nagpapalibre sa isa’t isa ang magkaibigan, nagreregalo ang manliligaw sa nililigawan, binibilhan ng pagkain ng amo ang kanyang alaga—aling relasyon ba ang hindi nakalublob sa usapin ng salapi?) Mauuna na ako, sabi ni Alejandro. Kumalas ang binata mula sa pagkakayakap ni Gabriel. Pupuntahan ko lang si Corinth. Hindi na sumagot si Gabriel. Tinanggap na lamang niya iyon bilang senyal na siya naman ang dapat tumingin sa kalan na walang takoreng nakasalang. At gayon nga ang ginawa niya: humalukipkip at itinuon ang pansin sa kawalan sa ibabaw ng kalan.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 131 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Ilang segundo lang ang lumipas bago umakyat ang tubig sa mata ni Gabriel, na nagsanhi ng pagbabara ng kanyang ilong at maging mga tainga, na nagsanhi ng kawalan niya ng kakayahang makarinig at makadama ng hiya sa paghuhubad ng emosyon sa sariling pamamahay kahit pa nang buksan ni Alejandro ang pinto at hindi lang ang ingay ng mga bulung-bulungan ang pumasok, ingay na likha ng mga walang modong naghahagikgikan, sabik sa pagkapit sa pagkakataon na pataasin ang sariling ihi sa pagtuntong sa mga taong kasalukuyang nakadapa, kundi pati amoy ng mga katawang nagpapawis sa ilalim ng matinding sikat ng araw, mga kilikili at leeg na nagsisibulaan, makasagap lamang ng tsismis, at siyempre, ang mga matang hindi nakapagpigil na sumilip, bagang-bagang pagmasdan ang sinapit ng baklang naging dahilan ng pagkaudlot ng larong iniibig ng lahat. Noon din dumapo ang desisyon kay Gabriel, ilang sandali pagkatapos umalis ni Alejandro, ilang sandaling sumiguro na hindi na malalaman pa ni Alejandro kung anuman ang mangyayari sa bahay ni Gabriel, maliban na lamang kung pipiliin ng binatang lumingon, pero marunong namang magkuwenta si Gabriel, at sigurado siyang nasagad na ang panahon na pipiliin ng binatang lumingon, lalo’t naipaalam na sa kanya ni Alejandro ang pakiramdam ng pagpapaalaman nang hindi naman pinagpapapaalaman talaga, sa halip ay pinagkukublihan pa nga, dahil sa pagbibitiw ng pagpapaalam na nagbabalatkayo bilang pansamantala lamang, may pupuntahan lamang, pero wala namang pangako ng pagbabalik, wala naman, wala, kaya hindi na kinuwestiyon ni Gabriel ang pagdapo ng desisyon, hindi na baleng makita nilang lahat ang mga pisngi niyang tigmak ng luha, ang ilong niyang inaagusan ng uhog, ang mga labi niyang unti-unti nang namamalirong, parang dalawang pinagpatong na piraso ng chorizo na paboritong agahan ni Alejandro, kasama ng binating itlog, dinurog na kamatis at sinangag. Lumabas ng bahay si Gabriel. Tunay nga: nandoon ang mga kapitbahay, mga bubuyog na nagkumpulan sa bahay ni Gabriel na nagbanyuhay bilang pulut-pukyutan na pinupupog ng mga usiserong naging mga insektong walang konsepto ng kahihiyan, walang ibang alam kundi sumugod, at iyon nga ang ginawa nila noong hapon na iyon na pinili ni Gabriel na harapin ang noon lamang din niya napagtantong lohikal na konklusyon ng mga pangyayaring nagsimulang gumulong nang pakawalan niya ang palahaw

132 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. sa gitna ng basketball court, lalo’t higit dahil nagawa na ni Alejandro ang pagtatanggol sa kanya doon sa Divisoria, at ang pagsalo sa kanya kanina, ang pagbitbit sa kanya tungo sa kaligtasan ng bahay ay hanggang doon na lamang, hanggang doon na lamang, anumang paghingi pa ng higit pa roon ay maaari nang makasakit pa, nandiyan na si Corinth, at sapagkat kaylayo naman talaga ng agwat ng lalaking bastos sa kahila-hilakbot na kapreng nagmula sa balete, walang punto para ikumpara ang dalawa, labag sa batas ng kalikasan, imoral pa ngang maituturing kung ipipilit: sinugod ng madla si Gabriel, sinugod nila si Gabriel gamit ang kanilang mga mata, sinuyod nila ng tingin ang buong katawan ng bakla, nilamon nila ang imahen ni Gabriel na lumabas ng bahay, naglakad pabalik sa basketball court, at doon, doon sa espasyong nababatid ng lahat, doon sa lugar na malapit sa istasyon ng traysikel, malapit sa sari-sari store ni Aling Minda at malapit sa baleteng napagkasunduan na lang tawagin ng lahat bilang Berto, doon tumayo si Gabriel nang walang kaimik-imik, ni walang pinakawalan kahit isang impit, kahit noong lumitaw muli ang kapre, na noon lamang talaga nasilayan ng lahat, at tunay na bumakas ang sindak sa kanilang mga matang nangagbilugan halos sabay-sabay, noon lamang din nila nasinghot ang sangsang ng higante, na sumulasok sa kanilang mga ilong na isa-isang nagsikunutan, napabahing pa nga ang ilan, tila kiniliti ng mabantot na tambo ang mga butas ng ilong na parang butas ng ilong ng mga kabayong sumisingasing, pero hindi sila nagpatinag, nanaig ang tindi ng pagnanasa nila sa ispektakulo, iyong ispektakulo na paulit-ulit nilang tatangkaing muling buhayin sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsasalaysay sa isa’t isa sa mga darating na araw, linggo, buwan, taon, hanggang sa mga susunod na henerasyon, hanggang sa patuloy ang pananalig at walang puknat na pagdalo nilang lahat sa misa ng bolang kahel na yari sa goma, gagawin nila ito, kahit na magkaroon na ng bagong basketball court, gagawin nila ito, kahit wala nang basketball court, gagawin nila ito, silang mga sumaksi sa naganap noong hapon na iyon, kung kailan napako ang buong madla sa kinatatayuan, nawalan ng kapangyarihan, walang nagawa kundi pagmasdan kung paano dinampot ng kapre si Gabriel, binuhat na parang babaeng naka-trahe de boda, at saka isinama ng higante paakyat sa balete, sa ilalim ng mga dahon, sa ilalim ng tirik na tirik na araw.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 133 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

Sigbin

Pawis na pawis ang bote ng soft drink sa mesa. Ito sana ang magsisilbing chaser ng gin. Binuksan niya ito at tinungga. Apat na taon, bulong ni Gabriel sa sarili. Apat na taon na mula nang humalili siya sa sigbin. Hindi ngayon ang panahon para maging mahina. O maging tanga, at itapon ang lahat nang dahil lang sa babae. Tumingin siya sa orasang nakasabit sa dingding. Alas-otso y medya. May kalahating oras pa bago dumating si Corinth. Pumunta si Gabriel sa kusina at isinalang sa kawali ang sisig. Habang hinihintay na kumatas ang sariling mantika ng tinadtad na lamang-loob ng baboy, nagbukas siya ng pakete ng mani, at nagkutkot sa harap ng kalan. Binalikan ni Gabriel sa isip ang imbentaryo ng gawain: alak, pulutan, kuwentuhan. Kapag lumalim na ang gabi at humalo na ang alkohol sa dugo ni Corinth, maglilitanya na naman ito ng takot sa pagtandang mag- isa. Kapag nagsimula na itong bumirit ng kantang tungkol sa sawing pag- ibig, pauuwiin na ni Gabriel. Ihahatid sa pintuan, hahalikan sa pisngi, gugusutin ang buhok, saka ipapakilala sa pader. Isang matinding umpog para pagbakasyunin ang malay-tao. Tiwala na si Gabriel sa kakayahan ng braso. Timplado na niya ang paggamit ng lakas. Magkakalamat ang bungo ng biktima pero hindi mababasag. Walang dugong maiiwan sa pader. Mahalaga ang huli, para wala nang lilinisin. At lalo na, dahil ayaw ni Alejandro ng makalat na pagkain. “Sa bibig dapat kumatas ang dugo, hindi sa sahig,” madalas nitong sabihin. (Nasinghalan siya ni Alejandro noong simula, dahil sa pagbibigay ng makalat na pagkain. Hindi nakapangatwiran si Gabriel sa takot na sa kanya maibaling ang gutom ng , kaya hindi niya nasabi na wala pa kasi siyang karanasan sa pagpatay ng mga biyudang may hindi inaasahang lakas sa pagpupumiglas.)

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 135 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Kapag bumagsak na sa sahig si Corinth na parang manikang nilaspag, maingat niya itong babalutin ng kumot at hihilahin papunta sa unit ng kasintahang aswang. Sa loob ng apat na taon, nakabuo na si Gabriel ng sistema sa pagbakante ng mga unit. Hindi niya hinahayaang mabakante ang mahigit sa dalawang unit sa isang palapag sa loob ng isang buwan. Hindi rin niya binabakante ang mga unit na magkakatabi o may mga tenant na malapit sa isa’t isa. Walang makakahalata sa pagkawala ni Corinth. Magiging isa lang siya sa maraming tenant na nagkamaling mangupahan sa apartment compound ni Alejandro, iyong mga tenant na kunwari ay hindi na nakabayad ng upa, kaya lumipat nang hatinggabi, habang nahihimbing ang lahat. Dinampot muli ni Gabriel ang bote ng soft drink. Magtiyaga na lang siya sa pait ng gin. Mabuti nga at ibibigay pa ang kapritso niya sa pagkain at alkohol bago siya mamatay.

===

“Ano ba ang nangyayari sa iyo?” tanong ni Alejandro. Nasa may fire exit sila. “Mainit,” sagot ni Gabriel. Bahagya siyang tumingala, pinipigil ang napipintong pag-iyak. Narinig niya ang malalim na buntonghininga ni Alejandro bago ito muling nagsalita, “Ako na lang ang magliligpit ng kalat.” “Ako na lang.” “Pahinga ka na. Naiintindihan ko naman.” “Ako na nga sabi! Huwag kang makulit.” “Halika nga rito.” Kinabig siya ni Alejandro. Nalasahan ni Gabriel ang dugo sa bibig ng kasintahan. Naramdaman niya ang pag-akyat ng maasim na likido sa lalamunan, kaya ipinako ang atensiyon sa kumikiwal na dila ni Alejandro: labas-masok sa kanyang bibig, ginagalugad ang kanyang mga gilagid, hinihimod ang kanyang mga ipin, sinisilo ang kanyang puso.

136 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Gaya ng dati, kasama ng laway na pinagsasaluhan nilang dalawa sa bawat pagtatapos ng hapunan ng kasintahang aswang, nalunok niya ang mga pangamba. Napalitan itong muli ng nag-uumapaw na tapang. At pag- ibig. Handa na siyang gawin ang hiling ni Alejandro.

===

Iisa lang ang programang nasasagap ng radyo ni Corinth, pero hindi niya maitapon-tapon ang pipitsuging appliance. Wala kasi siyang telebisyon. Hindi rin siya makabili ng bagong radyo dahil tinitipid ang maliit na suweldo bilang pang-umagang call center agent. Ang bulok na radyo ang pangunahin niyang aliwan kapag nasa apartment, pero hangga’t maaari, umiiwas siyang makinig sa gabi. Lalo na kapag balita ang nasa programa o anumang may kinalaman sa pulitika. Binubuksan niya lang ito kapag tapos na ang mga balitaktakan ng mga komentarista at oras na ng mga programa tungkol sa pag-ibig. (Ang mga payo tungkol sa mga romantikong relasyong nasa bingit ng pagkawasak, na sinasabayan ng mga kantang tungkol sa pag-ibig ang naghehele kay Corinth gabi-gabi. Nakakatagpo siya ng ginhawa sa kaalaman na hindi siya nag-iisa sa pag-iisa.) Tumigil si Corinth sa pakikinig sa mga panggabing programa ng balita matapos mapakinggan ang isang sosyolohista. “Sila ang mga makabagong zombie,” sabi ng sosyolohista. “Kahit daan-daan ang nakakausap nila araw-araw sa telepono, wala silang nabubuong makahulugang relasyon. Nahihiwalay sila sa kanilang esensiyal na pagkatao. Dahil sa pagkawalay na ito, maihahalintulad sila sa mga patay na buhay. Walang emosyon na dapat asahan mula sa kanila. Impormasyon lang. Bawal silang magalit, bawal magpakita ng tuwa kapag may kababayang nakakausap, bawal magkasakit, bawal maniwala sa Diyos! Aba’y oo! Alam mo bang bawal silang mag-‘God bless you?’ Oo, mahusay silang magsalita, mataas ang suweldo, pero ang totoo, kaawa-awa ang mga kababayan nating ito. Kaya ang sinasabi ko sa iyo Julius, iyang gobyerno—” Hindi na maalala ni Corinth ang iba pa, dahil pinatay na niya ang radyo. Mula noon, pagkatapos maghapunan—nagsasalitan lang sa kanin at lutong ulam na binili sa karinderya sa kanto, tuna o sardinas na de-lata,

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 137 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ilang pakete ng instant noodles—pinapatay ni Corinth ang oras habang hinihintay ang pagtatapos ng mga programa ng balita. Kinukutingting niya ang cellphone, nakikipagkulitan sa kung kani-kaninong contact sa Facebook at Twitter hanggang maubos ang prepaid data. Sa mga araw naman ng peligro—ang mga araw bago ang suweldo at ang tanging pera sa bulsa ay nakalaan na sa pamasahe at pambili ng kanin at ulam sa jolly jeep—tinitiis ni Corinth ang katahimikan. Nang may lumipat sa kabilang unit, sinubukan ni Corinth ang pakikinig sa mga teleserye. May pagkabingi yata ang kapitbahay dahil makapal man ang pader, tumatagos pa rin sa unit ni Corinth ang mga tunog. Ilang linggo din siyang nakisubaybay hanggang tumigil ang mga tunog. Wala na palang tao sa kabilang unit. Nang magkaroon ng bagong tenant, wala rin siyang napala. Daig pa nito ang mongha. Kasabay ng pagkagat ng dilim ang pagtahimik ng unit. Nagkaroon siya ng iba pang kapitbahay, pero hindi na inulit ni Corinth ang pakikinig sa telebisyon. Kung nakakainis makinig sa radyo na nagbo- broadcast ng mga opinyon ng mayayabang na sosyolohista, nakakainis ding mabitin sa pakikinig sa mga teleseryeng natutunang subaybayan. Sa walong buwan na pangungupahan ni Corinth, walong beses na siyang nawalan ng kapitbahay. Pagkawala ang ginagamit niyang salita dahil hindi man lang niya naramdaman na may naglilipat. Nalalaman ni Corinth na bakante na naman ang kabilang unit kapag bigla itong tumahimik, parang radyong hinugot ang kurdon sa saksakan. Nagtaka lang siya sa pagkawala ng una, iyong mahilig manood ng telebisyon. Kahit pa sa ikalawa. Pero naalarma na siya nang mawala ang ikatlong kapitbahay. Pumunta siya sa unit ni Alejandro, ang kanyang landlord. Wala naman siyang balak gawin kundi magtanong. Ano ba ang mayroon sa katabing unit niya at walang makatagal nang higit sa isa o dalawang buwan? Hindi maabut-abutan ni Corinth si Alejandro. Ilang beses siyang dumaan sa unit ng landlord pero wala talagang nagbubukas, gaano man niya katagal pindutin ang doorbell. Kaya napilitan siyang maghanap ng sagot. Natagpuan niya ito sa isang taga-Samar na beterano ng World War II. Madalas bumangka sa mga huntahan ang beterano. Walang sumeseryoso sa mga kuwento nito, lalo kapag nagbibida na ito tungkol sa

138 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. tunay na lokasyon ng Yamashita’s treasure, pero wala rin namang tahasang makapagpatigil. Nagkasundo na lang ang lahat ng mga suki ng karinderya na pagbigyan ang matandang Waray sa ilusyon nitong nagpupunta ang mga tao sa karinderya hindi lang para sa ulam kundi para sa kanyang mga kuwento. Hindi nahirapan si Corinth nang lapitan niya ang matanda. Unang banggit pa lang niya ng apartment compound na pag-aari ni Alejandro, naghain na ito ng bomba. “Ah, doon ka pala nakatira? Bahay ng aswang yon,” sabi ng matanda.

===

“Ano ba ang nangyayari sa iyo?” tanong ni Corinth. “Bilog kasi ang buwan,” sagot ni Gabriel. “Magbabagong-anyo na ako.” Pasimple nitong pinunasan ang butil-butil na pawis sa noo. “Ah, umamin ka na rin sa wakas. Matagal mo nang dapat ginawa yan.” “Tseh. Maupo ka na,” sabi ni Gabriel. Dumiretso ito sa kusina at nagsalin ng kung anong pagkain sa pinggan mula sa kawali. Tiningnan ni Corinth ang mesa. Nandoon ang lahat ng kailangan para sa kanilang regular na inuman o “basagan” tuwing Biyernes ng gabi. (Hindi naman nila ito opisyal na napagkasunduan, napansin na lang nila ang pangungulila ng bawat isa sa pagtatapos ng linggo. Kaya ang minsang huntahan sa pasilyo ay naging inuman, hanggang nakasanayan.) Sa loob ng walong buwan, nakilala na rin kahit paano ni Corinth si Gabriel. Mag-isa lang ito sa buhay, ulila na sa mga magulang. Nag-iisang anak at hindi malapit sa ibang kadugo. Magaling magbenta ng real estate. Suma-sideline din bilang ahente ni Alejandro. Alam niyang si Gabriel ang dahilan kung bakit patuloy na nagkakaroon ng mga bagong tenant ang iba’t ibang unit sa apartment compound. Alam din ni Corinth kung gaano katindi ang pagiging metikuloso ni Gabriel. Wala itong nakakalimutang detalye. Kapag iinom sila ng mojitos, nakahanda parati ang shot glass, mga hiwa ng dayap, at asin. Kapag beer, hindi nauubos ang yelo. Kapag naman wine, nandiyan kaagad ang cork screw at wine glass. Pero noong gabing iyon, walang chaser.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 139 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “Bree, saan mo inilagay ang chaser natin?” Lumapit si Gabriel, may bitbit na plato ng sisig. “Ay, sorry. Nakalimutan kong bumili.” “Paano natin iinumin itong gin?” “Straight.” Inilapag ni Gabriel ang pinggan sa mesa. Dumampot ito ng pakete ng mani, naglagay sa bibig ng ilan. “Masyadong mapait.” “Tiisin mo na lang,” sagot ni Gabriel habang ngumunguya ng mani.

===

Mabuti na lang, mababaw matulog si Gabriel. Agad siyang naalimputangan nang may kumaluskos sa bintana. Nasa ulunan ng kama ang alaga ni Alejandro. Minsan na itong nakita ni Gabriel, isang mainit na hapon at aksidenteng napasilip siya sa loob ng unit ng landlord. Nagduda pa nga siya sa nasilayan. Aso nga ba? Kambing? Kangaroo? (Kung paanong magkakaroon ng kangaroo sa isang siyudad ng bansang tropikal, sa sala ng isang apartment compound sa Malabon, hindi muna niya naisip.) Mag- uusisa pa sana siya, pero agad isinara ng landlord ang pinto at iniba ang usapan. Napatunayan ni Gabriel na mali ang kanyang mga hula. Halimaw ang alaga ng landlord. Baligtad itong maglakad, nasa pagitan ng mga biyas sa likod ang ulo. Kumikibut-kibot ang puwit at nakanganga naman ang bibig, tumutulo ang malapot na laway sa gilid. Dumampot si Gabriel ng unan at ibinato ito sa ulunan ng kama. Sinalubong ito ng sagpang ng halimaw, mabilis na winasiwas sa gilid. Tumakbo siya papunta sa pintuan. Tumalon mula sa kama ang halimaw, humahabol. Sa pagmamadali nito, nasagi ang salamin sa gilid ng kama. Bumagsak ito sa likod ng halimaw. Sumambulat ang mga bubog sa sahig. Dinampot ni Gabriel ang isang malaking piraso ng salamin, pinuntirya ang butas ng puwit. Halos kalahati ng salamin ang bumaon. Umungol ang halimaw. Bago pa nito masagpang ang kamay ni Gabriel, hinugot na niya ang piraso ng salamin at buong lakas na itinarak nang paulit-ulit sa katawan ng impakto. Hindi siya tumigil kahit humapdi na ang kamay

140 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. dulot ng mahigpit na pagtangan sa piraso ng salamin. Pinigilan siya ng isang malakas na bugso ng hangin. Tumilampon si Gabriel at humampas ang likod sa dingding. Mula sa bintana, bitbit ng hangin, pumasok si Alejandro sa kuwarto. Lumapag ito sa tabi ng duguang alaga. “Sigbin ko!” Maliban sa dalawang salitang iyon, tinakasan na ito ng wika. Umiyak na lang ang lalaki habang yakap ang bangkay ng halimaw. Walang tunog ang pag-iyak na ito, pero masakit sa tainga. Tahimik pero nanunuot sa konsensiya. Parang atungal ng taong durog ang panga. Tumayo si Gabriel mula sa sahig. Tipid siya sa pagkilos, tinantantiya kung ano ang gagawin ni Alejandro. Walang pakialam sa kanyang paligid ang aswang. Patuloy lang ito sa pag-iyak at paghalik sa sigbin, tila nabaliw na deboto ng santo entiero. Dahan-dahan, lumapit si Gabriel sa tumatangis. Ipinatong niya ang isang kamay sa yumuyugyog na balikat. Napapitlag siya nang bitiwan ni Alejandro ang bangkay. Itinatag ni Gabriel ang sarili para sa sakit ng kamay na mapuputol. Sa halip, ang malambot na mukha ni Alejandro ang kanyang naramdaman. Inilapat ng aswang ang pisngi sa palad ni Gabriel. Naramdaman niya ang mainit nitong luha at narinig muli ang pangungulila nito sa alagang napaslang, “Sigbin ko!” Bumulwak ang awa sa dibdib ni Gabriel. Lumuhod siya sa tabi ng aswang. Tiningnan ang mukha nito. Wala siyang mabakas na anumang uri ng balasik. Sinurot siya ng konsensiya. Kinailangan niya ba talagang patayin ang halimaw? Tinitigan niyang muli si Alejandro. Humingi kaya siya ng dispensa? Pero wala nang nasabi si Gabriel dahil siniil na siya ng halik ng aswang.

===

“Ano ba ang nangyayari sa iyo?” tanong ni Gabriel. Naiilang siya kay Corinth dahil sa sunod-sunod nitong paglagok ng gin na walang chaser. Isang oras pa lang silang umiinom pero sinisinok na ito.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 141 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “Gusto ko nang mamatay,” sagot ni Corinth. Alam na niya ang susunod na sasabihin ng babae, pero kailangang magpatay mali. “Bakit?” “Natatakot ako, Bree.” “Napag-usapan na natin yan, di ba. Hindi mo alam ang mangyayari.” Hindi mo alam na lalapain ka ng aswang mamaya, bulong ni Gabriel sa sarili. “Oo nga. Pero Bree, narinig ko na naman yung salita kanina,” sabi ni Corinth. Tumabi ito kay Gabriel at nangunyapit, parang batang nagsusumbong dahil tinukso ng mga kalaro. Nakadama si Gabriel ng munting suntok sa dibdib. Kaibigan na ang turing niya kay Corinth. Maraming beses na niyang iniwasan ang unit nito. Maraming beses na rin niya itong nilasing, para hindi na magtanong tungkol sa mga kapitbahay na bigla-bigla na lang lumilipat. “Saan? Kanino?” “Sa jeep. May nagkukuwentuhan, dalawang estudyante. May pinagtatawanan silang ale. Mukha raw matandang dalaga.” “Ikaw ba yung ale?” “Hindi.” “E ano yang inaarte mo?” “Wala lang asawa, nakakatawa na?” “Corinth.” “Sa tingin ba nila, gusto ng mga tumandang dalaga na tumanda nga silang dalaga? At kung oo, ano naman ngayon?” “Tama na.” “Alam mo, mas gusto ko pa yung Ingles, ‘spinster.’ Konti lang ang nakakaalam. Saka parang laging may ginagawa. Ikot siya nang ikot! E yung matandang dalaga? Parang nilalagay sa istante. Parang inaalikabok na poon.” Gustong yakapin ni Gabriel ang kaibigan. Gusto niyang sabihin na naiintindihan niya ang pinagdaraanan nito. Kilala niya rin ang takot na sumasaklot dito sa tuwing sumisilip ang posibilidad nang pagtanda mag-

142 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. isa. Mabuti na lang at nakilala niya si Alejandro. Si Alejandro lang ang muling nagbigay sa kanya ng pag-asa. “Alam mo, umuwi ka na lang.” “Kailan mo balak gawin yung utos ni Alejandro?” Biglang pinakuluan sa paombong ang mga lamang-loob niya. “Ano?” “Wala. Eto na, uuwi na.” Itinuro ni Corinth ang kisame. Saka tumawa habang sinisinok. “Hindi ka nakakatawa,” sagot ni Gabriel. “Hindi naman ako nagpapatawa.” “Lasing ka na. Sige na, umuwi ka na. Ihahatid kita.” Inagaw ni Gabriel ang baso ng gin mula kay Corinth. Ipinatong niya ito sa isang tray, kasama ng iba pang baso, plato, at tasa. Kinuha rin niya ang halos wala nang lamang bote. Pumunta siya sa kusina, ipinasok sa ref ang bote ng gin at inilagay sa lababo ang mga hugasin. Nagsasalita pa rin si Corinth mula sa sala. “Bree, makinig ka. Mas matagal kayong magkakilala ni Alejandro, pero ako ang tunay mong kaibigan. Tutulungan kita.” “Ano ba ang sinasabi mo?” “Huwag ka nang magmaang-maangan.” Hindi nakasagot si Gabriel. Ilang segundo ang lumipas bago niya naisipang buksan ang gripo. Kumuha siya ng isang baso at sinimulan itong sabunin. “Alam kong aswang siya.” Nabitawan niya ang baso. Pumasok na pala ng kusina si Corinth. Nasa harap ito ng ref, hawak na ulit ang bote ng gin. “Corinth, umuwi ka na.” Dinampot ni Gabriel ang baso, tiningnan kung napingasan ito ng pagtalbog sa stainless. Hindi naman. Muli niya itong itinapat niya sa tubig, kinuskos, bago inilagay sa paminggalan. “Sandali na lang,” sabi ni Corinth. Tinungga nito ang bote. Hinintay muna ni Gabriel na masimot ng babae ang bote ng gin bago ito inakay palabas ng kusina. “Halika na.”

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 143 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Hindi tumutol si Corinth. Sumunod lang ito sa marahang pagtulak ni Gabriel. Gaya ng dati, nagsimula itong kumanta. Tungkol na naman sa sawing pag-ibig. (Kung sa ibang gabi nangyari ito, sasabay si Gabriel. At hindi lang basta sasabay, makikipagtagisan siya ng pagbirit kay Corinth. Kung sakali mang may kapitbahay na mangahas magreklamo, ito ang sunod niyang ihahain sa kasintahang aswang.) Pagdating sa tapat ng pinto, hinawakan ni Gabriel ang buhok ni Corinth. “Kaya mo ba ang sarili mo?” Tumango lang si Corinth. Kumakanta-kanta pa rin. “Sigurado ka?” tanong ni Gabriel. Nakaposisyon na ang kamay niya. Isang malakas na tulak lang, tapos na ang problema. “Yung sinasabi ko nga pala kanina—” Pikit-mata, dinaklot niya ang ulo ng babae.

===

Kinaibigan ni Corinth ang beterano sa karinderya. Pagkatapos makinig sa samu’t saring kuwento ng pakikipagsapalaran ng matanda bilang sundalo, mula Samar hanggang Bataan, pinatunayan ng matandang Waray na hindi lang pang-karinderya at pang-barbero ang kanyang mga kuwento. Binigyan nito si Corinth ng isang prasko na may lamang espesyal na uri ng langis. Kumukulo raw ang langis kapag may aswang sa paligid. Pagkatapos bumili ng pagkain sa karinderya, dumaan si Corinth sa unit ni Alejandro. Sampung metro pa ang distansiya mula sa pintuan ng landlord, halos bumulwak na ang langis sa loob ng prasko. Kinagabihan, nag-abang si Corinth sa puno ng acacia. Matatanaw mula sa ilalim nito ang loob ng unit ni Alejandro. Nahindik siya sa nasaksihan. Binuksan ni Alejandro ang pinto. Pumasok si Gabriel sa loob ng apartment na may hilang malaking bagay na nababalot ng kumot. Ipinatong ng kaibigan ang malaking bagay sa ibabaw ng mesa at tinanggal ang kumot. Bangkay ang nasa loob. Lumapit si Alejandro kay Gabriel. Nagyakapan sila nang mahigpit. Naghalikan. Pagkatapos, lumapit sa hapag si Alejandro, at nilantakan ang bangkay.

144 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ===

“Ano ba ang nangyayari sa iyo?” tanong ni Alejandro. “Wala,” sagot ni Gabriel. “Bakit namumutla ka pa rin?” “Pasensiya ka na, kaibigan ko kasi ang kakainin mo ngayon, e.” Hindi nakikita ni Corinth ang mukha ni Gabriel, pero nadinig niya ang katotohanan ng galit sa boses ng kaibigan. Tutupad ito sa usapan. Napangiti si Corinth sa ilalim ng kumot. Humigpit ang hawak niya sa kutsilyong nakalapat sa dibdib. Mabuti na lang at nakayuko siya kaagad nang magtangka itong iumpog siya sa pader. Mabuti na lang at hindi siya ang napagdiskitahan nitong patayin pagkatapos basahin ang palitan nila ng text messages ni Alejandro. Napaiyak pa nga si Gabriel nang marinig ang plano ng aswang: pagsasabungin silang dalawa para malaman kung sino ang mas karapat- dapat na maging sigbin. “Halika nga rito,” sabi ni Alejandro. “Pahalik muna.” “Mamaya na yan,” sagot ni Gabriel. “Tumabi ka. Ilalagay ko na ito sa mesa.” Naramdaman ni Corinth ang mga braso ni Gabriel sa ibabaw ng kumot. Ingat na ingat ito sa pagbuhat. Nang ilapag siya nito sa ibabaw ng mesa, naisip ni Corinth ang pakiramdam ng magulang na marahang inihihiga ang sanggol sa kuna. Walang kaalam-alam ang magulang sa sakit na idudulot ng pagkasuwail ng anak balang araw. “Tanggalin mo na ang takip, nagugutom na ako.” Halos tumigil na ang daloy ng dugo sa mga kamay ni Corinth sa pagtangan sa patalim. “Sandali lang. Akala ko ba, hahalikan mo ako?” tanong ni Gabriel. “Kanina, aayaw-ayaw...” “Sorry na.” Narinig ni Corinth ang pag-usog ng upuan, pagkuwa’y ang tunog ng mga labing naghihinang. Iyon na ang hudyat. Inalis ni Corinth ang

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 145 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. kumot at bumalikwas mula sa mesa. Pinatid ni Gabriel ang paa ng aswang. Lumagapak ito sa sahig. Dinaluhong ni Corinth ang katawan ni Alejandro, inasinta ang dibdib. Pinaulanan niya ito ng saksak. Ang mga nandidilat na mata ng aswang ang huling nakita ni Corinth bago siya nahilam ng dugo at luha.

===

Pagkatapos masaksihan ang paglamon ni Alejandro sa bangkay, hinintay ni Corinth na sumikat ang araw. Saka siya sumugod. Sa lakas ng pagbagbag sa pinto at sa pagsigaw niya sa pangalan ng landlord, nabulabog ang ibang tenant. May mga sumilip. Mayroon ding lumabas at pinanood si Corinth na magtatarang. Padaskol na binuksan ni Alejandro ang pinto, at hinila si Corinth papaloob. Nagbabaga ang mga mata nito. Nangangatog siya, pero pilit niyang ginagad ang kilos at pananalita ng matatapang. Tinawag niyang aswang ang landlord. Pinagbantaan itong isusumbong sa barangay, sa pulis, sa media, sa simbahan. Pinaulanan niya ito ng malalagim na senaryo ng pagkamatay sa kamay ng taumbayan. Pero binigyan niya rin ito ng pagkakataong sagipin ang sarili. Ang pananahimik ni Corinth, sa isang kondisyon: hindi na siya sisingilin ng renta. Alam niyang puwede siyang lapain ng aswang noon din. O kung hindi man, anumang gabing hindi siya handa. Nagtiwala na lang siya sa pag-eeskandalo kanina. Kaduda-duda kung mawawala siya pagkatapos makipag-away sa landlord. Inasahan niya ang pagpayag ni Alejandro, pero higit pa ang ibinigay nito. Nagmakaawa ang lalaki. Nandiri si Corinth sa kawalan ng gulugod ng landlord. Ganoon lang pala kadaling manakot ng halimaw? Pero sa kung anong dahilan, hindi matanggihan ni Corinth ang halina ng mukha nitong biglang umamo. Mukha itong tutang naligaw, at naghahanap ng bagong amo. Kaya hindi niya pinigilan si Alejandro nang lumapit ito sa kanya. Hindi niya ito pinigilan nang yumakap ito sa kanya. Hindi rin niya ito pinigilan nang siilin siya ng halik. ===

Sa pelikula niya lang dati nakikita ang ganitong eksena, kapag tapos na ang lihim na pagtatalik ng mga bida. Malamlam ang ilaw mula

146 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. sa isang bedside lamp. Nakabalot ng kumot ang katawan ng babae, makinis na balikat lang ang nakalitaw. Nakahubad ang lalaki, tahimik na naninigarilyo. Sa kaso ni Corinth, ang ilaw ay nagmumula sa gamunggong ilaw na pula ng lumang radyo. Maliban pa sa sigarilyo, nagbabaga rin ang mga mata ng lalaki habang nasa dilim. At ang totoo, ayaw na niya sa eksenang ito. Nginangatngat na siya ng konsensiya. Sa tuwing nalalasing siya sa harap ng kaibigan, takot na takot siyang umamin sa kasalanan. Kaya inilalabas na lang niya ang damdamin sa kanta. Mas sawi ang pag-ibig na inilalarawan, mas malakas ang kanyang boses. Naaawa na siya kay Gabriel. Wala itong tigil sa paghahanap ng mga bagong tenant sa Internet, sa pagsalag sa tanong ng mga tenant na nag- uusisa tungkol sa mga kapitbahay na biglang nawawala, sa pagpatay ng kung sino-sino. (Nakakabilib ang sipag ng kanyang kaibigan—isang beses sa isang linggo kung mawalan ng tenant sa buong apartment compound. Paano kung dumating ang panahon na may makatapat siyang tenant? Iyong malakas, at si Gabriel mismo ang mapaslang?) “Hindi ko siya pinipilit. Siya ang may gusto niyan,” sagot ni Alejandro nang banggitin niya ang pag-aalala para kay Gabriel. “Parang ikaw.” “Anong ako?” “Kundi dahil sa akin, may papatol ba sa iyo? Pasalamat ka, pumapatol ako sa matatandang dalaga.” Para siyang dinuraan sa mukha. “Teka, gusto mo ba, ikaw na lang ang gumawa ng trabaho ni Bree?” “Bakit hindi ikaw ang maghanap ng pagkain mo?” “Pinalaki ako ng mga magulang kong may sigbin. Hindi ako sanay pumatay.” Ilang sandali ang lumipas bago muling sumagot si Corinth. “Sige. Ako na lang ang papalit.”

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 147 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

EX pt. 1

May alikabok na naman ang salamin. Parati naman niyang isinasara ang mga bintana, kuntodo naka-venetian blinds pa nga ang mga ito para masarap matulog kahit tanghaling tapat ng Sabado at Linggo, pero nakakapasok pa rin ang alikabok na tila ba itiniwangwang lamang niya ang mga bintana buong maghapon at magdamag. Humugot si Gabriel ng dalawang double-ply tissue mula sa kulay gintong tissue holder na nasa ibabaw ng kanyang tokador at pinunasan ang salamin. Nag-iwan ng mga bakas ng pagkakadiin ng kanyang mga daliri ang kanyang pagpahid. Muli siyang humugot ng dalawang beses sa tissue holder at pinunasan muli ang salamin. Binawasan niya ang puwersa, pero nasipsip na rin ng mga naunang ipinamunas na tissue ang pawis mula sa kanyang kamay at mga daliri, kaya may mga mugmog na naiwan. Umirap si Gabriel sa hangin at saka hinipan ang salamin para itaboy ang mga mugmog.

===

Nakatanggap na siya ng tawag mula sa apat na call center mula nang mag-apply siya dalawang linggo na ang nakakaraan. Naghahain na ng trabaho ang isa, kailangan na lang niya ng huling interbyu para sa isa pa, pasado na siya sa inisyal na interbyu sa huling dalawa. At kanina lang tumawag, halos magkasunod, ang iskedyul para sa kanyang dalawang ikalawang interbyu. Makailang beses siyang pinagsabihan ng malalapit na kaibigan na gawing huling hantungan ang pagtatrabaho sa call center dahil nakakapurol raw ito ng isip at masasayang lamang ang kanyang pinag-aralan pero nanindigan siya. Hindi pa kasi nararanasan ng mga kaibigan niya ang masikil—na para sa kanya ay mas malaking trahedya kaysa posibilidad ng pagpurol ng isip. Kung tutuusin, wala rin namang ipagkakaiba ang sitwasyon ng isip niya dahil hindi rin naman eksaktong nakakatalas ng isip ang walang katapusang pagbabalanse sa pera ng kung sino-sinong Poncio Pilato sa dati niyang pinamamasukang bangko.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 149 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Mas mapag-iisa pa nga siya sa pagtatrabaho sa call center. Maikukulong niya ang sarili sa cubicle nang ilang oras, kukunin lang ang order ng mga banyaga—thank you for calling, may I know your order please, which is the toppings did you prefer, sir, OK thank you so much for that information, sir, now can I get your full name and address please, sir, thank you very much, sir, your pizza would be at your doorstep within thirty minutes tops, if it will arrived a minute later than that, and then and only then we would be more than happy to pay your bill, sir, thank you very much again sir, and may you have a nice one, sir, goodbye now, scoot—pagkatapos uuwi na, manonood ng telebisyon para magpaantok, kapag tinamaan ng antok, matutulog, pagkagising alis na ulit, sagot ng telepono, uwi ulit, tulog. Makakaiwas na siya sa walang katapusang tsismisan sa opisina, hindi na niya kailangang makipagplastikan pa—o siguro pagmamalabis ito, mababawasan lang siguro, pero mabuti na iyon kaysa naman sa dati. At higit sa lahat, wala nang maninita sa kanyang kilos at hitsura. Alam niyang hindi lang siya nag-iisa sa alinmang call center na papasukan niya, may mga nakilala na rin siyang kawangis ang pagkilala sa sarili, at ayon pa sa mga ito, maliban sa basbas ng kalayaan sa pagpapakita ng tunay na sarili o sa pagkilala ng tao sa kanyang sarili, walang kisameng hadlang sa pag-angat ng posisyon dahil sa kilos, hitsura, edad o kasarian. Nakasalalay lamang daw sa kakanyahan, husay, at propesyonalismo ang magiging kapalaran ng sinuman sa kompanya. Kalokohan. Pero sa mga panahong ito, susunggaban na muna niya ang kalokohan.

===

Ang isa pang kalokohan, astrology. Hindi siya naniniwala rito. Paanong mangyayaring iisa ang hulma ng mga pangyayari sa milyon-milyong magkakaibang buhay? Pero napaisip siya sa kanyang posisyon nitong nakaraang linggo matapos niyang mabasa ang kalokohang horoscope ng Virgo sa Libre habang nakasakay sa LRT 1. Sa ilalim ng hanay na Career, mayroong limang bituin. Sa ilalim naman ng Love, mayroong limang puso. Anang horoscope sa Career: “Magkakandarapa sila sa iyong beauty and brains.” Sa Love: “Mapapaso ka. Sa old flame mo!” Papunta siya noon sa kanyang inisyal na interbyu sa ikatlong call center na pinagpasahan ng resume. Naging matagumpay ang kanyang interbyu dahil hindi na siya

150 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. tinadtad ng tanong ng nag-i-interbyu. Wala pang sampung minuto ang naging pag-uusap nila, agad na siyang kinamayan nito at pinangakuan ng tawag. Para ipagdiwang ang tagumpay, naisipan niyang dumaan sa isang mall at bumili ng bagong blusa. Nakita niya ang job fair habang naglalakad papunta sa paborito niyang bilihan ng damit, iyong ini-endorso ng anak na babae ng sikat na artistang napakataba na ngayon at parating naglalapot sa pawis sa tuwing lumalabas sa telebisyon dahil panay ang tawa sa mga bagay na hindi nakakatawa, at dahil parati naman siyang may baong extra resume na may larawang 2x2, naisipan niyang magpasa na rin at ipagpaliban muna ang paggastos. Wala namang mawawala sa kanya, maliban siguro sa ilang oras na pagpila. Dagdag na rin ito sa puwedeng mapagpilian. Iniabot niya ang resume sa babaeng nakatayo sa gilid ng booth ng Visionary Limited, pagkuwa’y tumungo sa pulutong ng mga monobloc na itinuro nito. Umupo siya sa pagitan ng isang babae at lalaki na mukhang magkapatid dahil mukhang nagmula sa iisang matris na kompanya, parehong yuppie-type, iyong tipong hindi maipagkakamaling indibidwal kapag naglakad na ang batalyon ng mga empleyado sa kahabaan ng Ayala, at sa likuran ng isang lalaking may edad na nakasuot ng guhitang polo na kulay dilaw at berde, halatang walang pakialam sa kung ano ang uso, at ang tantiya niya, may apat na anak na. Alam niyang hindi maglalakas-loob mag-apply ang mamang ito kung hindi ito call center. Inilabas niya ang kanyang PSP mula sa kanyang shoulder bag na pekeng Michael Kors, regalo niya sa sarili noong nakaraang Pasko. May kamahalan din ito para sa pekeng bag, kaya hindi siya nahihiyang iparada, lalo na at hindi hamak na mas palasak at ang talaga namang saksakan ng baduy ay ang mga gumagamit ng pekeng Louis Vuitton. Sino lang ba ang may kilala kay Michael Kors? Malay ba ng mga tao kung alin ang orihinal na Kors at hindi. Habang ikinukuyakoy ang paang sagad sa pagtingkayad dahil sa suot na sapatos, naglaro si Gabriel ng kasalukuyan niyang paboritong game, ang Tekken: Dark Resurrection. Pinili niya ang paboritong tauhan na si Nina Williams. Si Kazuya Mishima ang kanyang kalaban.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 151 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ===

Binubugbog na niya si Mishima nang marinig niyang hinagis sa hangin ang kanyang pangalan. Pinasikad muna niya si Nina para umigpaw patalikod si Mishima bago niya pinatay ang PSP at isinilid ito sa loob ng kanyang Michael Kors. Tumayo siya sa upuan at nakiraan sa iba pang nakaupo. Nakita niya kung paanong tila nasa isang konsyerto ng sayaw, sabay- sabay na pumihit ang mga ulo ng mga kapwa niya aplikante nang siya ang tumayo matapos tawagin ang pangalang Gabriel Macanlalay. May narinig siyang hagikgik mula sa likuran, isang boses ng lalaking nanaway sa mga humahagikgik. Hindi na siya nagtangkang lumingon pa, dahil sapat na ang reaksyon ng mga mukhang nasa kanyang bista: nagpatay-mali ang kambal na yuppie at nandilat ang mata ng mamang nakasuot ng guhitang polo. Panay ang kiskis nito ng siko sa braso niya kanina pa. Hinayaan lang ni Gabriel sa pagkiskis ng siko ang mamang mukhang pamilyado hindi dahil bastusin siya, kundi dahil masarap naman talaga ang makipagkiskisan ng balat sa balat. Sa kaso nga lang ng mamang ito, mabuti na lang at abala siya sa paglalaro ng Tekken at hindi na niya kailangang tingnan ang mukha ng may-ari ng balat na kumikiskis. Naiilang pa rin siya talaga sa tuwing tinatawag sa tunay na pangalan. O mas marapat sabihing dating pangalan. Pero alam niya kung ano ang totoo, at sigurado siyang hindi lang siya ang unang nakitang transgender ng mga taong ito—at kung siya man ang una, e ganoon talaga ang buhay, una-una lang yan, puwes, hindi na kayo mga birhen ngayon, halina sa tunay na mundo—kaya taas-noo siyang naglakad papunta sa mesa kung saan may lalaking naghihintay para muli siyang kamayan at pangakuan ng tawag. Habang naglalakad, napansin niya ang lalaking mag-i-interbyu sa kanya. May hitsura ang HR na ito. Bagay na bagay sa lalaki ang puting polo na may mahahabang manggas na itinupi hanggang sa siko. Maigsi ang buhok nito, mukhang alaga sa gupit kada dalawang linggo. Makinis ang mukha, hindi malangis, pero walang mababakas na pulbo, napapalamutian lang ng papatubong bigote at balbas. Malinis na may dumi. Nagrerelo pa sa kanang kamay. Ibig sabihin kaya nito, kaliwete siya?

152 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Napangiti siya sa loob nang hindi agad makapagsalita ang lalaki pagkatapos niyang umupo. Nakatitig lang ito sa kanya, parang batang lalaking may koleksyon ng matchbox na sa unang pagkakataon ay nakakita ng totoong sportscar. May narinig pa siyang bulong ng kaba nang simulan na nito ang pagtatanong.

===

“Well sir, I would preferred that you called me Gaby.” “I want to ask you something.” “Well sir, that’s OK. But as I said, I would preferred that you called me Gaby.” “OK, Gaby.” “Well, sir? The question is? Or was, I mean?” “Can you remember, uhm...” “Hmm?” “Are you really Gabriel?” “Of course, sir.” Ano ba? “But as I said a while ago, I really would preferred to be called Gaby by people I meet and interact with.” “Gabriel? Ako to, si Alejandro.”

===

Dinampot ni Gabriel ang paborito niyang MAC lipstick. MAC red. Habang tutok ang mga mata sa repleksyon ng sarili sa salaming wala nang mugmog, maingat niya itong ipinahid sa kanyang mga labi, sinisigurong walang umaabot sa palibot. Pagkatapos, binilog niya ang makikipot na labi, isinubo ang hintuturo, at dahan-dahang hinugot palabas ang daliri, panigurong walang maiiwang lipstick sa kanyang ipin. Muli siyang humugot ng double-ply tissue at pinunasan ang kumapit na lipstick sa hintuturo. Ilang lalaki na rin ang nagsabi kay Gabriel na ang mga labi niyang mapintog at hugis-puso ang agad napapansin sa unang pagtunghay

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 153 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. sa kanyang mukha. Kaya sinisiguro niyang pulido ang paglalagay ng lipstick. ===

Ilang linggo pa lang sila noon sa Dampalit, Malabon. Galing sila sa Santa Rosa, Laguna kung saan pinakahuling nadestino ang tatay niya. Ito ang namuno sa pagpapalawak at renobasyon ng pabrika doon ng Coca Cola. Tumira sila sa kalye Andal sa Marville Subdivision, sa isa sa mga apartment na nakahilera malapit sa mga palaisdaan. May konsiderasyon naman ang kanyang mga magulang dahil parating itinataon ng mga ito na kapag bakasyon lamang sa paaralan sila lumilipat sa tuwing nalilipat ng destino ang kanyang tatay. Oo nga, wala siyang nagiging kaibigan, wala siyang naitatanim na mga ugat, pero marami naman siyang nagiging bagong kakilala. Hindi sumasama ang loob niya sa tuwing lumilipat sila ng bahay. Noong unang beses lang siya talagang tinamaan ng lungkot, noong unang paglipat nila na may malay na siya. Sa lumang bahay na may dalawang kuwarto at kahoy na tarangkahan sa Tanauan, Batangas siya tinubuan ng isip. Mga anim na taon siya noong umalis sila. Panay ang palahaw niya habang tinatanaw ang bahay na may kahoy na tarangkahan, hanggang sa unti-unti itong lumiit at mawala na sa kanyang paningin dahil sa mabilis na takbo ng pick-up truck ng kanyang tatay. Pero mula noon, halos naging taon-taon na ang paglipat nila, kaya nasanay na rin siya.

===

Ilang linggo pa lang sila noon sa Dampalit. Nakilala niya si Alejandro isang hapon, habang naglalaro siyang mag-isa ng holen sa tabi ng mga lambat. Naging magaan kaagad ang loob niya dahil kapwa niya ito estranghero sa Dampalit. Taga-Bayan talaga ang pamilya nito at dumadalaw lang sa kanyang tiyahing matandang dalaga tuwing bakasyon. Pasensyoso ito at hindi napipikon sa mga pang-aasar ng ibang bata, kahit parati siyang tinutukso ng mga ito dahil sa katabaan, lalo na kapag naglalaro na sila ng monkey monkey annabelle, freaky dam, mataya-taya o anumang larong kinakailangang magtatakbo. Laging nababalagoong si Alejandro, kaya madalas, sa pagdadalang-awa, inililigtas niya ito, kesehodang siya na ang

154 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. maging balagoong. Idinadahilan na lang niya na papasumpong na ang hika kapag tinatamad na siyang manghabol ng mga kalarong panay ang hagikgikan kapag may kapwa batang nagmumukhang tanga. Kahit noon pa man, napansin na niya ang kahinhinan ni Alejandro. Malaking bulas pero parang malinggit na dalagita kung kumilos. Mahahaba ang mga daliri na parating nakatikwas, parang anahaw na pumapaypay sa hangin, lalo na kapag nasa kainitan ng pagkukuwento. Gayunman, hindi ito tinutukso ng mga kalaro na bakla. Masyado kasing mabait. Siguro, pati ang mga ibang bata, naaawa. Siguro, alam nilang kapag tinukso nila ito at napikon, posibleng hindi na ito sumali sa pakikipaglaro at wala na silang magiging balagoong. Kakailanganin na nilang makipagkumpetensiya sa isa’t isa. Isang beses lang niya itong narinig na sinabihan ng “babakla- bakla” ng isang matabang kalaro nila, iyong taga-kalye Adante. Nadapa si Alejandro sa paghabol sa isang kalaro, at iyon nga, bumulong ang matabang bata. Narinig niya ang pagbulong nito kaya niyaya niya ng suntukan. Hindi siya pinatulan ng batang mataba, tumingin lang ito nang masama at hindi na niya muling naringgan ng anumang panunukso sa kahinhinan ni Alejandro. Mabuti na lang rin, dahil tiyak na kayang-kaya siyang pitpitin ng batang iyon.

===

Hindi rin naman niya alam kung bakit niya ginawa ang kanyang ginawa. Parang iyon kasi ang pinaka-akmang gawin noong mga oras na iyon. Iyak nang iyak at tumatapon ang mga hikbi ni Alejandro pagkatapos dambahin at pagkakahulan ni Brooke Shields. Kaya naisipan niyang dilaan ang pisngi ng kaibigan. Parang aso, para nakakatawa. Tapos hindi na lang siya kinausap ni Alejandro hanggang umuwi sa Bayan. Hindi niya maintindihan ang naging reaksyon ng kaibigan. Kinakain nga ni Gabriel ang sariling kulangot noon. Kung hindi siya nagkakamali, naikuwento niya pa ito kay Alejandro minsan, isang hapon habang kumakain sila ng halo-halo. Naalala niyang ikuwento dahil mukhang kulangot ng may sipon yung mga nabasang pinipig. Hindi rin niya maisip kung ano ang pagkakaiba ng pagdila sa pisngi sa mga pinaggagawa nilang dalawa ni Alejandro sa dulo ng kalye ng Andal, doon sa mga lambat, sa mga hapong silang dalawa lang ang magkasama at nagsusumiksik sila sa pinakadulong poste sa kanan, iyong

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 155 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. napaliligiran ng matataas na talahib, iyong kapag binaybay nang tuluyan ay tumatagos sa dulo ng kabilang kalye, ang kalye Adante. Si Alejandro ang madalas magpasimuno. Napanood daw niyang pinapanood ng mga magulang niya sa telebisyon, isang gabi na inakala ng mga itong himbing na si Alejandro: isang babae at lalaki, magkayakap, parehong mukhang nasasaktan, lukut na lukot ang mga mukha. Ginaya ni Alejandro ang ginagawa ng lalaki. Mag-isa muna. Hindi naman masakit. Sinubukan niya rin, tinuruan siya ni Alejandro kung paano. Hindi nga masakit. Basta kapag may lumabas nang parang luha, tapos na. (Hindi maalat ang luha, gaya ng kay Alejandro. Tinikman na rin niya ito minsan. Pinilit niya si Alejandro pero ayaw ng kaibigan.) Noong unang beses niyang makita ang paglabas ng luha, naalala niya ang isang pelikulang napanood noon. Sa pelikula, naghahanap ng ang bidang lalaki. Nag-abang ang bidang lalaki sa ilalim ng isang puno ng saging. Nang sumapit ang hatinggabi, itinapat nito ang nakabukang bibig at nakalahad na dila sa ilalim ng puso ng saging na bigla namang lumuha. Lumakas ang bidang lalaki pagkatapos niyang matanggap ang agimat na tinatawag ring mutya ng saging. Kaya niyang ibalibag ang naglalakihang kontrabida, kaya niyang bumunot ng mga poste ng kuryente at ipanghambalos ang mga ito sa mga sumusugod na tangke. Pero para kay Gabriel, kapag lumabas na ang luha, napapalungayngay siya. Nakakapagod. Saka parang may mali. O hindi naman siguro mali. Parang dapat, iba. Hindi niya dapat nakikita ang luha. Wala dapat luha. Wala dapat luha.

===

Alam na niya noon pa man na iba siya. Pero hindi pa niya alam na darating ang araw na nanaisin niyang tawaging Gaby sa halip na Gabriel. Ang sigurado lang niya, alam na niyang mali ang katawan niya noon pa man. Hindi pa niya alam noon kung ano ang mali, pero sa tuwing napapatingin siya sa salamin, parang may nangingiliting hinlalato sa tungki ng kanyang ilong at sa butas ng kanyang tumbong kaya hindi siya mapakali. Noon pa man, hindi na siya komportable sa tuwing umiihi. Sa tuwing nakikita niyang umiihi ang kanyang nanay, nakaupo ito at hindi nakatayo. Sa isip niya, pareho sila ng nanay niya, kaya naguguluhan siya

156 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. dahil kailangan niyang umihi nang nakatayo. Alam niyang dapat siyang umihi nang nakatayo. Hindi lamang dahil ito ang itinuro ng nanay niya. Kaya kahit walang nakatingin at umiihi siyang nakaupo, parang may mali pa rin, hindi siya komportable. Sinubukan niyang umihi nang patayo, pero hindi rin naman siya komportable. Naroon pa rin ang hinlalato― nangingiliti, nang-iinis. May hindi maghugpong-hugpong sa paggagap ni Gabriel sa sariling katawan at sa kung ano ang palagay niyang dapat niyang maging katawan.

===

“Ganyan talaga sa simula. Masakit,” sabi ng isang baklang kasabay niyang nagbibihis sa sala ng hermana mayor. Suot na nito ang damit ng Reyna Sentensyada, bestidang masikip sa bandang dibdib, halos paluwain ang gaga-santol na mga bukol, sabay biglang luluwag mula sa ilalim ng mga suso, hanggang sa laylayan na humahalik sa lupang kinatatayuan: mukhang buntis ang Reyna Sentensyada kahit hindi naman. Naglalagay na lang ito ng karagdagang kolorete sa mukha, pinag-iinitan ang pagpapaliit sa malaki at makapal na labi: ginuhitan ng munting puso ang pinakagitna at saka pinulbusan nang matindi ang buong paligid, kapantay ng kulay ng pulbo sa mukha. Mukhang geishang nilaos ng digmaan ang resulta. Mainit sa loob ng buong bahay, nakasara ang lahat ng bintana na tinakpan ng mga lumang diyaryo at ng makakapal na kurtina para masigurong walang makakasilip. Nangangalingasaw ang sangsang ng pabango ng bawat isang sagala, naglisaw naman ang kung sino-sino—mga baklang naglalagay ng kolorete sa mukha, nagsusuot ng masisikip na gown, mga alalay na naghahagilap ng suklay, hair rollers, eyebrow pencil na nalaglag sa ilalim ng sofa o naggugulungan sa ibabaw ng mga lamesita. Unang beses ni Gabriel noong gabing iyon—unang beses na tinawag na Gaby, unang beses na humarap sa mga tao bilang babae, unang beses na naranasan ang hirap ng pagiging babae. Naluha si Gabriel nang hilahin niya paitaas ang full-control na pantyhose. Nakaipit na ang kanyang ari—hinila papunta sa puwit hanggang sa masapad ang harapan na ahit na ahit pinakaipit-ipit sa pagitan ng mga hita at wala na ring buhok na mga singit—pero may kirot pa rin nang mabigla niya ang pagsusuot sa masikip na pantyhose. Tiim-bagang niyang tiniis ang sakit, lalo na nang dumukwang siya para damputin ang gown na nakalatag sa may kababaang

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 157 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. sofa. Wala siyang kasamang alalay, kaya isa siya sa pinakamatagal magbihis. Mabuti na lang at nagmagandang loob ang Reyna Sentensyada na isara ang zipper sa likod ng kanyang gown.

===

Ipinaglaban niya sa kanyang mga magulang ang pagsali sa santakrusan. Hindi siya kinibo ng ama nang malaman nito ang kanyang gagawin. Pero pinanindigan niya ang kanyang desisyon. Kahit pa halos mamugto ang mga mata ng kanyang ina noong malaman nitong dadayo pa siya sa Bagong Barrio, Kalookan para sumagala. Nagsusulsi noon ng mga butas na punda ang kanyang ina, hinahayaan lang ang pagtulo ng luha sa nangungutim nang pundang kalong-kalong. Ilang beses inulit ni Gabriel na hindi siya pipitsugin, dahil siya ang Emperatriz, pero nanatiling humihikbi ang kanyang ina. Pinapayagan ka naman naming maging ganyan, bakit gusto mo pang hiyain ang sarili mo? tanong nito sa pagitan ng mga hikbi. Alam ni Gabriel na may bahid ng katotohanan ang sinabi ng kanyang ina. Nakapanood na rin siya ng sagala ng mga talyada—sagala ng mga bakla noong bata pa siya. Para siyang nanood ng parada ng mga kakatwang nilalang mula sa karnabal, dahil ang mga tao—hiyaw dito, hiyaw doon: Ay, baklaaa! Ang ganda, mukhang babae! Ay, ang lalaki ng suso! Papisil nga! Tanginamo, hindi ito San Lazaro! Doon ka tumakbo! Miss, miss, pa-kiss naman! Wala pa akong syota, tayo na lang! Hindi niya naiintindihan noon kung paanong napapanatiling pagkit ng mga baklang rumarampa ang kanilang mga ngiti habang umaalingawngaw ang pagtutungayaw ng mga miron. Kaya siguro lalong napuno ng paghanga ang kanyang dibdib sa ganda ng mga talyada. Para silang mga diwatang hindi sumasayad ang mga paa sa lupa. Angat sila sa lupa, angat sila sa ibang tao, dahil kaya nilang magbagong-anyo. Hindi sila tinatablan ng anumang uri ng panlilibak. Kaya kahit tila nanunumbat ang kalong-kalong na punda ng kanyang ina na halos matigmak ng luha ang laylayan, sinabi niyang kailangan niyang sumagala dahil ito ang kanyang deklarasyon na tunay siyang babae. Babae lang ang tinatawag na sagala, babae lang ang tinatawag na talyada. Babae si Gaby.

158 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. ===

Lumabas si Gabriel mula sa mainit na bahay ng hermana mayor, kasunod ng Reyna Sentensyada. Napausal siya ng munting dasal nang hagkan ng malamig na hangin ang kanyang noo, pisngi, leeg, balikat, mga braso. Naglaho ang takot niyang humulas ang mukha. Mula sa gilid, lumapit sa kanya ang itinalagang konsorte ng Emperatriz: kabataang may katangkaran, makakapal ang kilay, may katabaan, pero kusang ngumingiti ang bukas ng mukha. Inalalayan siya nito sa paglalakad patungo sa naghihintay na arko na napaliligiran ng mga batang nagsisindihan na ng mga hawak nilang kandila. Ilang hakbang pa lang sila ng konsorte nang marinig niya ang unang tungayaw: Amputi, parang labanos! Kaso may tite naman yan, wag na rin! Hinanap ni Gabriel ang pinanggalingan ng panlalait: isang hubad- barong lalaki sa tapat ng sari-sari na malapit sa bahay ng hermana mayor. Tinapunan niya ito ng matamis na ngiti at saka tinanguan. Ngumiti rin pabalik ang lalaki, sinamahan pa ng kaway at bulyaw: Ang ganda mo, kaso lalaki ka! Sayang ka, pare! Pero nakalayo na si Gabriel, kasabay ng kanyang konsorte, malapit na sila sa naghihintay na arko at pulutong ng mga paslit na mag- iilaw sa kanilang daraanan. Pinakiramdaman niya ang pagkakaipit ng ari sa pagitan ng mga hita at saka sinabi sa kanyang sarili: Babae ako, bobo.

===

Hindi naman siya nahirapan sa pagsisinungaling kay Alejandro noong interbyu. May bahagyang dumapong awa sa dibdib niya nang magsimula itong bumulong-bulong tungkol sa aso. Biglang tumalon sa bintana ang pagiging propesyonal at nagmukhang paslit na nagpipilit makuha ang gusto, dinadaan sa inaakala niyang lohikal na argumento pero sa totoo lang, sa tainga ng matanda at mas nakakaintindi, ay napakasimplistiko. Wala pa ring ipinagkaiba ang dating kalaro. Hanggang ngayon, kayang-kaya pa rin niya itong gawing balagoong, kung gugustuhin lamang niya. Pinanindigan ni Gabriel ang pagsisinungaling. Wala siyang responsibilidad na sagipin ang dating kalaro. Wala siyang dapat ipaliwanag,

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 159 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. pangatwiranan, kumpirmahin. Isa pa, marami na siyang inaasahang trabaho. Hindi niya kailangang himurin ang tumbong ni Alejandro para lang magkaroon ng trabaho. “I really didn’t know, I have no idea about what you are saying, sir.” “Oh-kay. Sorry. We’ll give you a call soon, er, Gaby. Thanks for your time.” “No, thank you for your time for me.” Mamasa-masa ang palad ni Alejandro. Bakit kaya ito napasma? Tumayo si Gabriel at naglakad palayo, habang halos umiikot ang mga balakang at tila idinadabog ang mga paang nasasapnan ng sapatos na nakamamatay ang takong. Sinikap niyang gumawa ng sariling hangin para pumaypay nang kusa ang kanyang buhok habang naglalalakad- nagdadabog. Isinaloob niya ang alaala ni Naomi Campbell at ang lahat ng mga modelong napapanood niya sa Fashion TV. Lahat sila, mukhang gutom, mainit ang ulo, nagdadabugan habang naglalakad sa rampa. Siguro, hiniharaya nila ang sitwasyon na may nangungulit kaya laging ganoon ang hitsura nila kapag naglalakad. Noong mga sandaling iyon, nakalutang pa ang palaka. Pero nang sumapit ang gabi at matanggap ni Gabriel ang text message ni Alejandro, dinaig na rin siya ng awa. Sinagot niya ito. Nang magyaya ito ng pagkikita, pumayag na rin siya.

===

Siguro nga, nasaktan siya sa biglang pag-iwan sa kanya ni Alejandro noong mga bata pa sila. Oo, hindi lang naman si Alejandro ang nang- iwan sa kanya. Lagi naman siyang bahagi ng dula ng pag-iwan. Nag-iiba lang ang mga gumaganap sa papel ng nang-iiwan. Masyado nang pamilyar ang sitwasyon at damdamin ng pag-iwan kaya tuluyan nang pumurol ang talim at hindi na magsanhi ng sugat. Pero si Alejandro lang ang bukod- tanging bumalik sa lahat ng nang-iwan sa kanya. Parang iyong palaka sa Dampalit, nahilo lang pala si Alejandro. Nahilo lang pala ang damdamin niya kay Alejandro. Dahil ngayon, ngayong nakabawi na ng lakas ang palaka, bumalik ito at panay ang lundag.

160 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Gayunman, iba na ang sitwasyon. Hindi na siya ang Gabriel na minsang tumira sa Dampalit. Siya na si Gaby. Si Gaby ang haharap sa palaka. At siyempre, sa paghaharap nila, dapat maganda siya. Paglabas niya ng bahay, narinig na naman niya ang sipol ng kapitbahay niyang paminsan-minsang namamasada ng traysikel. “Sa’n ba lakad natin ngayon, Gaby?” “Pakialam mo?” Pinapungay niya ang mga mata. “Ansungit talaga. Haha. Sige na, hatid kita.” “Wala akong barya. Mag-aabang na lang ako ng taxi.” “Sus. Kailan ba kita siningil? Sakay na. Mas maraming taxi sa tapat ng simbahan.” Umangil ang traysikel. Ngumiti si Gabriel, at saka nagdabog papunta sa naghihintay na kapitbahay. Maingat siyang pumasok sa loob ng traysikel. Kipkip ang kanyang pekeng Michael Kors, umupo siya nang patagilid, halos nakaturo ang kanang pata sa kalsada, naka-krus ang dalawang binti. Bago umandar ang traysikel, pinagmasdan ni Gabriel ang balbong hita at binti ng drayber. Pagkuwa’y napatingin siya sa sariling mga hita, at sa dibdib na nagsisiksikan sa masikip na pang-itaas. Naalala niyang malapit na palang maubos ang iniinom niyang hormones. Kailangan nang bumili ulit para sa susunod na linggo. Palihim niyang pinisil-pisil ang magkabilang suso, pahabol na pagtatangka para palambutin ang mga ito at maging maaldag habang nagbibiyahe.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 161 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

EX pt. 2

Isinara ni Alejandro ang zipper ng kanyang bag at saka ito isinukbit sa kaliwang balikat. Sinapo niya ang puwit nito, tinatantiya ang posibilidad ng pagkasira ng korte, baka masyadong mabigat at malaki ang mga inilalagay niyang kung ano-ano sa araw-araw. (Sumagi sa isip niya ang paghimas sa dambuhalang sawa sa Malabon Zoo noong isang buwan, matapos humiling ang kanyang lola na gusto nitong makakita ng mga hayop na napapanood lang niya sa Discovery Channel.) Naiilang pa rin si Alejandro sa hitsura ng kanyang bag. Mukha talagang pambabae sa mga mata niya. Kung hindi lamang magaling mambuyo ang saleslady na umasikaso sa kanya noon, dagdag pa ang parati niyang naririnig na proklamasyon ng kung sino-sino sa telebisyon na marapat daw paniwalaan dahil awtoridad sa kung ano ang uso at hindi, hindi naman niya ito bibilhin. Pero dahil ang pangkalahatang desisyon ay uso na raw ngayon ang man bags, e di sige. Habang naglalakad sa labirintong likha ng mga dibisyon sa espasyo ng opisina, hindi na sinikap ni Alejandro na silipin isa-isa ang mga cubicle para magpaalam sa mga katrabaho. Alam niyang iilan na lamang silang naiwan, at ang iilang nasulyapan niya ay nangakasubsob pa sa harapan ng computer. Madilim na ang langit na sumalubong kay Alejandro paglabas niya ng gusali. Mamasa-masa ang hangin na humalik sa kanyang balat. Kinapa niya ang kanyang man bag, sinigurong nandoon ang payong na giveaway ng kanyang kompanya. Nagpasalamat siya dahil lumang sapatos na balat ang suot niya noong araw na iyon, hindi masakit sa loob na ipanlusong sa baha na siguradong maghihintay sa kanya sa Malabon kapag natuloy ang pagbuhos ng ulan. Habang naglalakad papunta sa pulutong ng mga traysikel na nasa dulo ng parking lot, kinumusta ni Alejandro ang kalsada. Ganoon pa rin naman ang hitsura nito, maalikabok at sementado, mababakas ang pagod sa mga linyang lalo yatang lumalalim habang nagtatagal.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 163 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Lagi niyang kinukumusta ang kalsada sa pag-uwi mula sa trabaho dahil iniiwasan niyang mag-angat ng ulo at mahagip ng tingin ng mga katrabaho o kakilalang may sariling kotse. Ayaw na ayaw niyang makisakay. Nahihiya siya dahil wala pa siyang sariling kotse, sa kabila ng matagal na panahong pagtatrabaho. Nang minsang mapilitan siyang sumabay sa isang batambatang kaopisina na niregaluhan ng mga magulang ng segunda- manong Honda City, umuwi siyang lugmok ang loob. Labis siyang naawa sa sarili.

“Sa Ministop, boss?” tanong ng drayber ng traysikel. “Hindi, sa overpass ho tayo ngayon,” sagot ni Alejandro. Habang lulan ng maingay na traysikel, inisip ni Alejandro kung ano ang layon ng pagtupad niya sa kasunduang biglaang napagyarian noong isang linggo, na posibleng ipinanganak habang nag-i-interbyu siya ng mga aplikante sa isa sa maraming job fairs na dinadaluhan ng kanilang kompanya at biglang lumaki’t nagsalita nang makarating siya bahay. Sanay na siya sa mga naghahanap ng trabaho na tiwalag ang identidad sa piping papel at nagsasalitang katawan. Sanay na siya sa dami ng kanyang mga nainterbyung aplikante, lalo na’t liberal naman ang kompanya nila sa dress code. Pero matapos basahin nang malakas ang pangalang Gabriel Macanlalay, pumitlag ang puso ni Alejandro. Kinabahan siyang bigla sa pag-iisip ng mga itatanong, kahit alam na naman niya kung ano ang mga dapat itanong. Pagkuwa’y masuyo siyang sinundo ng alaala ng kabataan. Partikular na nanundo iyong pumpon ng alaala sa Malabon ng kanyang kabataan, iyong pumpon na naganap sa lumang bahay ng ikalawang bana ng kanyang lola, noong huling tag-init na nagbakasyon siya sa Dampalit, dahil ikaanim na baitang sa elementarya na siya sa darating na pasukan at hindi na siya nagkainteres pang maglaro noong mga sumunod na bakasyon. Ang pumpon ng alaala na naganap doon sa bahay na pinamamahalaan ng matandang dalagang si Tiya Luz, ang panganay na kapatid ng kanyang ama, sa isang subdibisyon sa Dampalit na abandonado na ngayon dahil humahalik na ang baha sa kisame sa tuwing may dumadalaw na bagyong malakas o sa tuwing nasusumpungang sumpungin ng buwan kaya umaapaw ang tubig sa ilog at mga palaisdaan.

164 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Parati niyang hinihiling sa kanyang tatay na hayaan siyang magbakasyon sa bahay na pinamamahalaan ng kanyang Tiya Luz dahil doon sa subdibisyon na iyon lamang niya nagagawang makipagtakbuhan sa kalsada. Sa subdibisyong iyon rin kasi nakatira ang ilan sa kanyang mga pinsan at ang mga ito ang kanyang nagiging kalaro. Maglalabingdalawang taon na siya noon pero haling pa rin sa paglalaro sa lansangan. Malaki siyang bata, madalas asarin dahil sa kanyang naglalakihang hita, pero wala siyang pangingiming makipaghabulan sa mga kababatang tila nililipad ng hangin sa tuwing naglalaro ng mataya-taya. Noon niya nakilala si Gabriel.

Nakilala niya si Gabriel dahil sa isa sa kanyang mga pinsan na mahilig mangapitbahay, isang mainit na hapon ng bakasyon sa paaralan at naghahanap sila ng makakalaro. Pinapataasan noon ang unang palapag ng katapat na bahay ng bahay na pinamamahalaan ng kanyang tiyahin, (nagpapataas ng sahig ang mga may-ari bilang antisipasyon sa bahang paniguradong ihahatid na naman ng paparating na panahon ng tag- ulan) at nagmamakaawang maging sityo ng laro ang dalawang bundok ng buhangin at graba sa gilid ng kalsada. Nilakad nila ng kanyang pinsan ang buong kalye Andal para maghanap ng makakalaro. Ang plano lang nila, tingnan kung may batang nakasilip sa bintana at senyasan ito para lumabas. Nagsimula sila sa kanto, malapit sa istasyon ng mga traysikel na naghahatid sa sinumang gustong lumabas ng subdibisyon, pero lumampas na sila sa puno ng niyog na ipinagpapalagay nilang palatandaan ng gitna ng kalye, wala pa rin silang nakikitang namimintanang bata. Nawawalan na si Alejandro ng loob pero nagpilit pa rin ang pinsan niyang maglakad hanggang sa dulo, malapit sa palaisdaan, kung saan may mga pader na gawa sa lambat. Sa tapat ng mga lambat niya nakita si Gabriel, mag-isang naglalaro ng mga holen. Nakaluhod ito at sinisipat ang lalandasin ng pamatong holen patungo sa bungkos ng mga holen na wala pang isang metro ang layo. Aktong ihahagis na nito ang pamato nang tawagin ng kanyang pinsan. “Hoy, Gabriel!” Biglang naihagis ni Gabriel ang pamato. Lumihis ito at hindi tumama sa bungkos ng mga holen na inaasinta niya kanina. Halata ang pagkainis sa mukhang iniangat nito sa kanilang magpinsan.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 165 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Magsasalita sana ang pinsan niya pero inunahan na ito ni Alejandro. “Sorry. Gusto mo laro na lang tayo,” sabi niya. “Saan?” tanong ni Gabriel habang naglalakad papunta sa gilid ng mga damo na nasa paanan ng mga lambat kung saan napadpad ang pumaltos na pamato. “Doon sa tapat ng bahay namin.” Itinuro ni Alejandro ang dalawang bundok ng buhangin at graba. Nanatiling tahimik si Gabriel. Pinulot nito ang pamato at ang mga holeng nakabungkos at saka ibinulsa. “Dalian mo,” sabi ng pinsan ni Alejandro. Mahigit dalawang oras silang naglaro noong hapon na iyon: nag- langit-lupa, nagmataya-taya, nagkunwaring mga superhero, nag-holen. Tumigil lang sila nang magsimula nang dumilim at kumalam na ang kanilang mga sikmura.

Naulit pa ang pakikipaglaro niyang iyon kay Gabriel noong mga sumunod na araw. At palagi, gaya noong unang beses silang magkita, sinusundo niya ito sa tapat ng mga lambat. Bagong lipat lang kasi ang pamilya ni Gabriel sa Dampalit at wala pa rin itong gaanong kakilala, maliban doon sa mga batang gala gaya ng kanyang pinsan na madalas napapagawi sa dulo ng kalye Andal, doon sa hilera ng mga apartment na pag-aari ng may-ari ng palaisdaan.

Isang hapon ng Abril, gumawa ng mga chicken lollipop ang kanyang Tiya Luz para sa kanilang magpipinsan at magkakalaro. Inimbitahan silang lahat na kumain at manood ng telebisyon pagkatapos maglaro. Mabilis natapos kumain ang kanyang mga pinsan at kalaro. Nagmamadali ang mga ito dahil gustong manood ng tagalized na bersyon ng Peter Pan na ipinapalabas tuwing alas-kuwatro ng hapon. Nahuling matapos si Alejandro dahil pinipilit niyang huwag maging makalat sa pagkain ng manok habang nakakubyertos. Ginagaya niya kasi si Tita Munoz na paboritong artista ng kanyang Tiya Luz. Anang tiyahin, si Tita Munoz ay “totoong sosyal” dahil tila hindi raw narurumihan ang mga kamay nito kapag kumakain. “Ang mga labi lang niya ang namamantikaan, hindi ang mga daliri,” dagdag pa nito.

166 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Si Gabriel na lang ang kasama niya sa mesa dahil nagboluntaryo itong maghintay. Nakasalampak nang lahat sa sahig at nakatanghod sa harapan ng telebisyon na nagpapalabas ng tagalized na Peter Pan ang kanyang mga pinsan at kalaro. “Ayaw mo bang manood ng Peter Pan?” tanong ni Alejandro. “Nakakatamad naman yun, e.” “Nood tayo pagkatapos ko. Bibilisan ko na lang.” “Sige.” “Ang galing mong kumain.” “Ha?” “Para kang nanay ko, laging nagkukutsara.” Gumapang ang init mula sa mga pisngi ni Alejandro patungo sa kanyang mga tainga. Alam na niya noon na hindi siya katulad ng ibang mga bata. Masyado kasi siyang mahilig makinig sa usapan ng mga matatanda, lalo na iyong mga tungkol sa mga artista na kung pag-usapan ng mga matatanda ay para bang kilala nila sa personal (nangunguna sa ugaling ito ang kanyang Tiya Luz), kahit ang totoo’y nakikita lang naman nila sa telebisyon o napapanood sa sinehan. Ilang beses na siyang napahiya sa tuwing nagbabanggit ng mga bagay na hindi naman naiintindihan ng mga kalaro, gaya noong bigla niyang isigaw habang recess sa paaralan na gusto niyang lumipad gaya ni Darna at pumatay ng mga higante, parang si sa Darna and the Giants. (Hindi kasi siya makasingit sa pagbili ng pagkain sa canteen, nakahambalang ang mga estudyante sa high school na di hamak na mas matangkad sa karamihan sa kanilang nasa elementarya.) Blangko ang mga mukha ng kanyang mga kaibigan na inasahan pa mandin niyang mga unang sisigaw ng “Lipad, Ali, lipad!” Natawa naman ang isang tindera at narinig niyang bumulong sa katabi nito, “Ay, bakla!” Kaya nahihiya siya nang aminin kay Gabriel na gusto niyang makatulad si Tita Munoz. Noon niya nalamang iba rin si Gabriel. Hindi ito natinag. Interesado pa nga itong nagtanong kung sino ba si Tita Munoz. Kaya nagkuwento naman siya. Hindi na sila nanood ng Peter Pan noong hapong iyon. Hindi na rin sila nanood nang mga sumunod na hapon noong bakasyon na iyon. Natigil na ang pagsundo niya sa tapat ng mga lambat kay Gabriel, dahil

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 167 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. hindi na lamang pagsundo ang layon niya sa pagpunta roon tuwing hapon. Doon na sila naglalaro. Silang dalawa na lamang.

Maliban pa sa paglalaro, napadalas at napahaba rin ang pagkukuwentuhan nina Alejandro at Gabriel. At hindi lamang sina Tita Munoz, Vilma Santos, at ang mga higante ang ikinuwento ni Alejandro sa kalaro. Ikinuwento rin niya kay Gabriel na iisang anak lang siya, kaya madalas matatanda ang nakakasama. Ikinuwento niya ang kanyang buhay sa paaralan, kung sino ang kanyang mga kaibigan, kung sino ang mga crush ng kaibigan niya, kung kanino siya itinutukso ng mga ito. (Nang sabihin niya kay Gabriel na kaklaseng babae ang itinutukso sa kanya ng mga kaibigan—na pulos babae rin—inabangan niya kung may mababakas siyang pagseselos sa mukha nito, pero wala siyang maalala kung may nakita siyang senyal ng pagseselos.) Kinuwentuhan din siya ni Gabriel. Nag-iisang anak lang din ito. Madalas silang magpalipat-lipat ng bahay dahil sa iba’t ibang lugar nadedestino ang kanyang amang inhinyero. Nakatira na siya sa Quezon, Laguna, Zambales, Cavite, at Bataan. Dahil dito, kakaunti ang kanyang nagiging kaibigan. Iyong iba niyang kaibigan, nakikipagsulatan sa simula, pero pagkatapos ng isa o dalawang sulat, hindi na sumasagot. Siya rin mismo, tinatamad nang sumagot. Wala rin kasi siyang maikuwento, at ipinapakiusap lang niya sa kanyang nanay ang paghuhulog ng sulat sa koreo.

Nagbago lamang ang lahat isang Huwebes ng hapon. Inutusan si Alejandro noon ng kanyang Tiya Luz na pakainin ang asong si Brooke Shields. Palisaw-lisaw ang aso sa likod-bahay. May kaharutan ang aso, lalo na kapag gutom. Parati itong nilalaro ng mga pinsan ni Alejandro, pero iniiwasan naman niya. Natakot na sa aso si Alejandro simula nang makita niyang kagatin ng gutom na aso ng kapitbahay nila sa Bayan ang isa sa mga pinsan niya roon. Nagpasama siya kay Gabriel. Pinakiusapan niya itong hawakan ang kolyar ni Brooke Shields habang inilalagay niya ang tirang pagkain sa kinakainan nitong plastik na plato. Pumayag naman si Gabriel at sinabi pang huwag siyang matakot, dahil nalalaman ng mga aso kapag may

168 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. natatakot sa kanila kaya lalong nananakot ang mga ito. Nainis si Alejandro sa sinabi ng kalaro dahil lalo siyang pinanghinaan ng loob, pero wala siyang sinabi. Siya na nga ang nakiusap na magpasama, magagalit pa siya. Si Gabriel ang unang lumapit sa aso. Malikot ito at panay ang pagkahol, halatang gutom na. Hinawakan ni Gabriel ang kolyar nito, habang hinihimas mulo ulo hanggang buntot. Dahan-dahang lumapit si Alejandro sa harapan ng aso para kunin ang plastik na plato. Dali- dali niyang itinaktak ang tirang pagkain mula sa hawak niyang tasang babasagin. Nang mailagay na ni Alejandro ang lahat ng tirang pagkain sa plato ng aso, sumigaw siya at saka tumakbo. Agad pinawalan ni Gabriel ang mahigpit niyang hawak sa kolyar ni Brooke Shields. Pero sa halip na dumiretso sa plato, kumaripas ito papunta kay Alejandro at dinamba siya sa dibdib. Nanigas si Alejandro. Nabitawan niya ang tasa. Naramdaman na lang niya ang ilang piraso ng bubog na tumalsik sa kanyang kaliwang paa. Panay pa rin ang kahol ng aso at sige lang ito sa pagdamba sa kanya. Dali- dali namang lumapit si Gabriel at nilaro-laro si Brooke Shields bago ito unti-unting dinala papunta sa plastik na plato na puno ng tirang pagkain. Habang nanginginain ang aso, nilapitan ni Gabriel si Alejandro. Sininop nito ang basag-basag na tasa sa isang tumpok gamit ang hinubad na tsinelas. Pagkuwa’y hinawakan, hinimas at saka dahan-dahang pinisil ni Gabriel ang kaliwang balikat ng kaibigang tigmak sa luha ang mga pisngi at kasalukuyang nag-uubos ng latak ng hikbi. “Tahan na. Hinarot ka lang nung aso.” “Akala ko kakagatin ako.” “Hindi ka naman kinagat, di ba? Tahan na sabi, e,” sabi ni Gabriel. At saka biglang dinilaan ang pisngi ni Alejandro. Parang may nagtapal ng bulak sa daluyan ng mga luha ni Alejandro. Hindi siya agad nakaimik. Tatawa-tawa lang si Gabriel. “Ayan, wala ka nang luha.” Pareho silang napapitlag nang marinig ang boses ni Tiya Luz, kasabay ng pag-ingit ng tarangkahan. Tinatawag silang dalawa, nagyayayang kumain ng mais con hielo.

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 169 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Nagpatiunang maglakad si Alejandro. Hindi niya nilingon kung sumunod pa si Gabriel o hindi na. Sumagi sa isip niya ang posibilidad na nakita sila ng kanyang tiyahin. Kahit hindi naman niya alam kung bawal o hindi ang pagdila ng pisngi, hindi siya komportable sa ginawa ng kaibigan. Tahimik silang kumain ng mais con hielo. Nang dumating ang kanyang mga pinsan at iba pa nilang kalaro, nagmeryenda rin ang mga ito at nagkuwentuhan tungkol sa katatapos lang nilang pagpa-patintero. Nagyaya rin ang mga ito na manood ng Peter Pan pagkatapos maubos ang mais con hielo. Sumama si Alejandro papuntang sala. Hindi niya niyaya si Gabriel, pero sumama rin ito. Magkatabi silang nanood ng Peter Pan habang nakasalampak sa sahig pero hindi sila nagkibuan. Nang matapos ang palabas, nagyaya ang ibang bata na maglaro ng langit-lupa. Nagkunwari si Alejandro na walang gana. Nagpaalam siya sa mga kalaro na sasamahan na lang ang kanyang Tiya Luz na noo’y nagsisimula nang mamalantsa. Habang nagpapaalam, hindi niya tinitingnan si Gabriel. Napatingin lang si Alejandro sa kaibigan nang tapikin siya nito sa balikat, bago ito lumabas ng bahay, kasunod ng mga maglalaro ng langit-lupa.

Iyon ang huling pagkakataon na nakasama niya si Gabriel. Hindi dahil hindi na ito nakipaglaro sa kanya, kundi dahil patapos na rin noon ang buwan ng Mayo at kailangan na niyang bumalik sa bahay nila sa Bayan. Pinilit pa niyang magpaalam sa kanyang tatay nang sunduin siya nito na dadaan muna siya sa bahay nina Gabriel sa dulo ng subdibisyon bago umuwi, pero hindi na ito pumayag. Nagmamadali na raw sila at marami pang kailangang bilhin sa palengke. Dumalaw siya nang ilang araw noong sumunod na bakasyon, bago siya mag-unang taon sa high school para tulungang mag-empake ang kanyang Tiya Luz, pero wala na sila Gabriel. Lumipat na ng bahay, sabi ng pinsan niyang gala.

“Hanggang dito na lang, boss,” sabi ng drayber ng traysikel. Nakita ni Alejandro ang dingding na salamin ng Ministop. Dumukot siya sa bulsa ng bag kung saan niya inilalagay ang mga baryang pamasahe at iniabot ang bayad sa drayber. Pagkuwa’y naglakad papunta sa sakayan ng jeep.

170 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Sa harap, sa tabi ng drayber ng jeep siya umupo. Pandalawang tao na ang ibinayad niya para walang makatabi. Sapat na ang pagsisiksikan ng mga tanong sa kanyang isip, mga tanong na gustong ipukol kay Gabriel sa kanilang muling pagkikita. Nakulong kasi silang dalawa sa mga tanong at sagot ng pormal na interbyu noong isang linggo.

“Ang alat ng luha, ano?” ang tanong na gusto sanang ipukol ni Alejandro kay Gabriel nang muli silang magkita sa job fair. Pero hindi kasi siya puwedeng managalog bilang interviewer at hindi rin niya sigurado kung ang Gabriel Macanlalay na kaharap niya ang Gabriel na minsang tumikim ng kanyang luha.

Hindi siya iniwan ng imahen ni Gabriel hanggang sa bahay. Sinikap niyang gawing aligaga ang sarili. Kahit hindi pa araw ng paglalaba, naglaba siya. Nagsaing siya ng kanin at nagluto ng adobo manok baboy habang nagpapatugtog nang nakatodo ang speakers ng iPod. Pagkatapos kumain ng hapunan, pinatay niya ang speakers. Pumunta siya sa kuwarto at binuksan ang telebisyon. Pinilit niyang matawa sa pagbibiro ng Amerikanang lesbiyanang TV host. Pinilit niyang makasunod sa kung ano-anong anekdotang isinalaysay ng kausap nitong sikat na itim na rapper. Pero tumutunog pa rin sa isip niya ang matataas na takong ng sapatos ni Gabriel. Panay ang halik ng mga takong sa sahig ng kanyang isip, parang suot ng mga paa ng isang aktor sa isang pelikula kung saan gumaganap ito bilang lalaking malapit nang maging tatay kaya pabalik- balik, paikot-ikot, parang pusang hindi maihi sa pasilyo ng ospital, sa labas ng operating room kung saan kasalukuyang umiiri, umiiyak, at kung nagpapatawa ang direktor, nagmumura ang aktres na gumaganap naman bilang ina, habang nanganganak. Nagtataka rin siya sa iginagawi. Ano ba naman ang pinagsamahan nila, kung tutuusin? Isang buwang mahigit? At ilang taon lang ba sila noon? Dinilaan lang ang pisngi niya, hindi na niya makalimutan. Nang matapos ang palabas ng Amerikanang lesbiyana, sunod na umere ang programang nagtatampok sa mga kabataang babae na nagnanais maging pinakasikat na modelo sa Amerika. Pinilit pa ring manood ni Alejandro. Habang iniaanunsyo nang pabulong ng negrang dating sikat na modelo ang matatanggal na contestant para sa linggong iyon, hindi

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 171 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. na nakapagpigil pa si Alejandro. Tumayo siya sa kama, dinampot ang kanyang bag, hinalughog ito, at kinuha ang kanyang company-issued na cellphone. Sinave niya roon ang cellphone number ni Gabriel na nakuha niya mula sa resume na ipinasa nito. Sumayaw ang mga daliri niya sa keypad: “Gud pm Gabriel. Alejandro here. Are you rili sure dat u dont know who i am? Im sori if dis is weird but i thnk ure who i think u r. Juz tel me d truth, i wouldnt mind. I just wanna know. And im rili sori if dis is weirding u out.” Halos lumukso palabas sa kanyang dibdib nang tumunog ang cellphone pagkatapos ng ilang minuto. Sumagot si Gabriel sa kanyang text message at kinumpirmang oo, siya nga ang Gabriel na iniisip ni Alejandro, na hindi pa niya nakakalimutan kung sino si Brooke Shields, at maging ang mga pangyayaring naganap noong minsang nakasama nilang dalawa ang aso sa likod-bahay sa subdibisyon sa Dampalit. Nagkasundo silang magkita. At doon nga siya papunta, sa McDonald’s sa Quezon Avenue. Maghahapunan, magkakape siguro pagkatapos. Nagtalo pa nga sila noong una kung aling McDonald’s ang tinutukoy, matapos niyang imungkahi ang McDo sa Quezon Avenue. Inakala ni Gabriel na ang tinutukoy na fastfood ay iyong malapit sa Aberdeen Court. Nang sabihin ni Alejandro na hindi, hindi iyon ang McDonald’s Quezon Avenue, kundi iyong malapit sa paanan ng ikalawang istasyon ng MRT, may inis ang sagot na text message ni Gabriel: “Di yan mcdo qav. Mcdo PANAY AVENUE YAN.” Nag-text na lang si Alejandro na mabuti na lang at nagkalinawan sila habang maaga, pero isiningit pa rin niya sa huli na McDonald’s Quezon Avenue rin ang McDonald’s Panay Avenue lalo na at may mga kakilala rin siya na gayon din ang tawag dito. “OK if u say so. Nytie. C u” na lang ang natanggap niyang reply mula sa dating kalaro.

Nahawa na ng kanyang kalituhan sa topograpiya ng alaala ang pagkilala niya sa dati-rati namang pamilyar na topograpiya ng lungsod.

Inaasahan naman ang pagbabago sa hitsura ng tao sa paglipas ng mga taon, pero ibang-iba talaga ang hitsura ng kaharap niya ngayong Gabriel. Milya-milya mula sa Gabriel ng kanyang kabataan. Naalala niya kung paanong paulit-ulit na umaalingawngaw sa isip niya ang pagtutol: hindi,

172 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. hindi ito ang posibleng kinahinatnan ng patpatin, makapal ang kilay at may mukhang kinagat ng ipis at hugis-pusong mga labi, hindi ito ang lumaki nang batang lalaking minsang dumila sa kanyang luhaang pisngi.

Babae ang nasa harapan ni Alejandro. O kung ano ang karaniwang inaasahang hitsura ng “babae.” Si Gabriel Macanlalay, aplikante: dalagang nakasuot ng walang manggas na blusang mahigpit ang kapit sa halos umalagwang dibdib, hapit na hapit na maong na nagpapakita ng hubog ng balakang na medyo kinapos sa lapad, sapatos na nagpapasilip ng mga gilit ng daliri sa paa at may bakal at maninipis na takong na parang sa sahig. May kolorete siya sa mukha, pero hindi nagsusumigaw gaya ng sa payaso, mukha lang naglakad sa init ng araw dahil mamula-mula ang mga pisngi pero hindi pinagpapawisan at naghuhulas, mukha pa ngang mabango. May mga hikaw rin siya na terno sa pulseras sa kaliwang braso, singsing na may asul na bato, nasa hintuturo ng kanang kamay, at malaking bag na itim, gawa sa balat, isinusukbit sa kaliwang balikat, at mukhang mamahalin. Maingat siyang lumakad, parang may mga bubog na iniiwasang matapakan. Mahinhin siyang umupo, parang babae. O mas maingat pa kaysa ibang babae. Pagkalapat ng kanyang bilugan at matambok na puwit sa puting monobloc sa harapan ng maliit na mesa ni Alejandro, maliksi niyang idinikuwatro ang kaliwang binti sa ibabaw ng tuhod ng kanan pagkatapos tanggalin sa balikat ang pagkakasukbit ng bag na balat at kandungin ito. Nang ipihit niya kay Alejandro ang maamong mukha nang bahagyang nakadilat ang mga mata at nakatusok ang hugis- pusong mga labi na kulay pula, ilang sandali ang lumipas bago naisip ni Alejandro na handa nang sumagot sa mga tanong ang kaharap. Dinampot ni Alejandro ang plastik na bote ng mineral water sa ibabaw ng kanyang mesa at mabilis na uminom. Tumikhim muna siya bago nagtanong habang may nakapaskil na ngiting inaasahan niyang nanatiling mukhang propesyonal: “So, Gabriel. Can you tell me something about yourself?” Tiningnan niya ang address sa resume. Taga-Quezon City. “Uhm, I’m a graduate of Accountancy, I love watching movies and reading magazines. Ay, and also, I also watch a lots of documentaries, especially the documentaries of the National Geographic channel. And lastly, I would preferred—” “Is your family—”

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 173 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. “—if you call me Gaby.” “—from Malabon?” “Yes, sir.” Ito na nga yata. “Why did you ask, sir?” “I live there.” “Really, where?” “Bayan.” “I see. Well, you’re right. Did you saw me there? My family used to lived also there, sir.” “Where in Malabon?” “In Dampalit, sir.” “Are you really Gabriel?” “Of course, sir. But as I said a while ago, I would preferred to be called Gaby.” “Gabriel? Ako to, si Alejandro.”

Nanatiling blangko ang mukha ni Gabriel. Napalingon ang katabi niyang recruitment specialist nang marinig ang pangungusap sa Tagalog. Agad ibinalik ni Alejandro ang linya ng pagtatanong na inaasahang magtatasa sa husay ng aplikante sa wikang Ingles. Sa buong interbyu, walang rumehistro sa mukha ni Gabriel na maaaring magpahiwatig na nagkukunwari lang itong hindi siya kilala. Ni hindi man lang ito nagulat nang bulungan niya ito noong malapit nang matapos ang interbyu at nang malingat ang kasamahan niyang recruitment specialist ng “Hindi mo ba naalala? Si Brooke Shields?” Ngumiti lang si Gabriel nang marinig ang pangalan ng bida sa Blue Lagoon, pero hindi pa rin ito nagbigay ng anumang pahiwatig ng rekognisyon. Maliban sa pagtatangkang magpakilala ni Alejandro, natapos ang interbyu na walang ipinagkaiba sa ibang interbyu. Pinangakuan niya si Gabriel ng tawag habang kinakamayan ito.

174 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. Pagkatapos ni Gabriel, mahigit tatlumpung tao pa ang ininterbyu ni Alejandro. Pero nalalambungan ng nagtatalong alaala ng luma at bagong Gabriel ang isip niya. Nang matapos ang job fair at makita ng kasamahan niyang recruitment specialist ang listahan ng mga aplikanteng inaprubahan ni Alejandro para muling tawagan at isalang sa pangalawang interbyu, nagulat ito. “Seventeen! Ang gagaling yata ng mga nakausap mo today, ha.” Noon lang napansin ni Alejandro na nagpabaya nga yata siya sa pag-iinterbyu. Sanay na kasi siya at ang iba pang recruitment specialists sa kakaunting nakakapasang aplikante sa dinami-rami ng job fairs na pinupuntahan nila buwan-buwan sa iba’t ibang lugar: isa lang ang pumapasa bawat limang aplikante. Nadudurog ang puso niya sa tuwing may nakakausap na mga aplikanteng sali-saliwa ang subject-verb agreement, nagsasampalan ang tenses at nagtataguan-pung ang mga preposition, pero wala siyang magawa kundi ibagsak sila. Alam ni Alejandro na kahit ipasa niya ang mga aplikante, babagsak rin ang mga ito sa mga susunod na interbyu, at kung sakaling makalusot pa rin, hindi rin sila uubra kapag nakarating na sa floor at tumanggap na ng mga tawag. Mabubulyawan lang sila ng mga kostumer, masasabon ng team leader, pagtatawanan ng mga taga-Quality Assurance. Napahinga siya nang malalim. Marami yata siyang naipahamak. Pero hindi naman siguro si Gabriel. Puwede pang maayos ang mga baluktot nito. O baka sinadya niyang mabingi sa naghuhumiyaw na maling gamit ng past tense ng dating kalaro. “Well, puwede naman silang i-train pa,” pagsisinungaling niya sa katrabaho.

Tumigil ang jeep sa tapat ng waiting shed na malapit sa tindahan ng mga halaman. Bumaba si Alejandro. Bumili siya ng limang pisong Mentos sa matandang babaeng nagtitinda ng mga sigarilyo at kendi sa waiting shed. Nagbukas siya ng dalawa at saka sabay itong nginata. Kung totoo lang ang sinasabi ng mga komersyal sa telebisyon, matapos ngatain itong mga Mentos, siguradong magiging maayos ang pagkikita at pag-uusap nila ni Gabriel, kahit pa hindi naman niya talaga alam ang pag-uusapan nila, dahil hindi rin naman nila nalinaw sa isa’t isa ang dahilan ng pagkikita. Hindi niya alam sa kababata kung bakit ito pumayag. Hindi naman ito nagtanong kung bakit. Siya rin, hindi na nagtanong kung bakit. Ngayon na

© Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House 175 No part of this file may be reproduced or redistributed for sale. lang pumalaso sa isip niya ang salitang ito, ngayon na lang ito nanghihingi ng sagot. At hindi pa niya ito mahugot dahil hindi pa rin niya alam ang tugon. Habang naglalakad sa overpass, napatingin si Alejandro sa higanteng billboard ni . Nakataas ang mga braso nito, kita ang kilikiling mabuhok. Napaisip siya kung tinutubuan pa ba ng buhok sa kilikili si Gabriel—o Gaby—dahil parang wala siyang naalalang itim na mga hiblang sumusungaw sa ilalim ng mga braso nito noong interbyu, kahit pa wala namang manggas ang suot nitong blusa. Tatanungin niya na lang ito kapag nagkailangan na sila. Icebreaker ba.

176 © Chuckberry J. Pascual • First published in 2015 by the UST Publishing House No part of this file may be reproduced or redistributed for sale.

Ang May Akda

Si Chuckberry J. Pascual ay lumaki sa Malabon. Sa kasalukuyan, nakatira siya sa Mandaluyong, kasama ang kanyang mga pusang sina Padma, Kuro, at Pip. Pataksil na isinalaysay ni Chuckberry Pascual ang buhay ko. At tinawag niya itong mga kuwento—makakapangyarihang kuwento!—upang maging ligtas sa aking pang-uusig. Narito ako sa koleksyon. Pwedeng isa sa mga Gabriel, o parang ako si Donny, o maaaring isa sa kustomer ng Mamita’s Magixalon. Namaybay rin ako sa baha; isa rin akong bata sa Camanava na laki-sa-lugaw. Narito ang bawat isa sa atin. Dapat mo lamang hanapin ang pahina, ang parirala na tutukoy sa iyo. Dahil tulad ko, pataksil din siguradong isinalaysay ni Chuckberry ang iyong buhay dito sa kaniyang “Kumpisal.” At tinawag niya itong kuwento upang maging ligtas sa iyong pang-uusig. Tara, sabay-sabay tayong magsiyasat.

Joselito D. Delos Reyes Awtor ng Istatus Nation at Paubaya

Oh, bathala ng prosa, paanong nagawang muling maikwento ng koleksyong ito ang mga kwentong matagal nang napagkukwentuhan sa mga pondahan, barberya, parlor, kanto, eskenita, kalyehon at lansangan ng gunita ng bansa? Eros S. Atalia May pwesto ng palmistry sa Quiapo

UST Authors Series Books by the Resident Fellows of the UST Center for Creative Writing and Literary Studies

University of santo tomas PUblishing hoUse españa, manila

University of santo tomas PUblishing hoUse