Tomo I 2014 Departamento Ng Filipino Unibersidad Ng Santo Tomas
Total Page:16
File Type:pdf, Size:1020Kb
OpisyalHASAAN na Journal sa Filipino ng Unibersidad ng Santo Tomas Tomo I 2014 Departamento ng Filipino Unibersidad ng Santo Tomas Maynila Ang HASAAN ay isang interdisiplinaryong refereed journal na inilalathala ng UST Departamento ng Filipino Karapatang-ari ng mga awtor at mga editor 2014 Reserbado ang lahat ng karapatan Maaaring kopyahin, halawin o gamitin sa pananaliksik KUNG MAY NILAGDAANG PERMISO ng mga awtor at publikasyon. HASAAN Opisyal na Journal sa Filipino ng Unibersidad ng Santo Tomas Departamento ng Filipino Unibersidad ng Santo Tomas, Maynila ISSN 2362-3790 Lupon ng Editor Punong Editor: Wennielyn F. Fajilan Kawaksing Editor: Crizel P. Sicat Tagapangasiwang Editor: Jonathan V. Geronimo Mga Kasapi: Roberto D. Ampil, PhD Alvin Ringgo C. Reyes Reynele Bren G. Zafra Konsultant: Jovy M. Peregrino, PhD Disenyo at Lay-out: Ronald Verzo Inilimbag ng Paragon Printing Corporation 182 Aurora Blvd., 1500 San Juan, Metro Manila HASAAN: Opisyal na Journal sa Filipino ng Unibersidad ng Santo Tomas Ang Hasaan ay isang taunang interdisiplinaryong refereed journal sa Filipino ng Unibersidad ng Santo Tomas sa pangangasiwa ng Departamento ng Filipino. Tampok dito ang mga artikulong nakatuon sa Filipino bilang larangan ng kaalaman mula sa mga mananaliksik at iskolar sa bansa. 1. Maaaring maging bahagi ng journal ang mga pananaliksik ukol sa anumang paksa na may kinalaman sa mga napapanahong usapin at konsepto sa Filipino kaugnay ng iba pang disiplina/konsepto gaya ng: relihiyon, teolohiya, edukasyon, panitikan, agham panlipunan, ekonomiya, pilosopiya, sining, mass media, agham, arkitektura, politika, wika, kultura, sikolohiya, globalisasyon, identidad, kasarian, pamamahala, teknolohiya, komunikasyon, ideolohiya, agham at teknolohiya. 2. Ang papel ay nararapat na magtaglay ng sumusunod na katangian: a. napapanahon, interdisiplinaryo at makabuluhang paksang makapag- aambag sa diskursong Filipino na maaaring makapagpayaman sa mga kurso sa pananaliksik sa Filipino. b. may sapat na lawak at lalim ng pagtalakay sa paksa batay sa mga matitibay na ebidensya, angkop na metodo at masinop na pagkilala sa mga sanggunian. c. tuwiran at malinaw ang pagtalakay sa paksa ayon sa pamantayan ng mahusay na akademikong publikasyon. 3. Ang mungkahing papel ay maaaring bahagi ng gradwadong tesis, disertasyon o presentasyon sa isang kumperensiya o anumang pananaliksik na hindi pa nalalathala sa anumang anyo. 4. Ang haba ng papel ay hindi hihigit sa 6,500 salita. Kalakip nito ang 250-300 salitang abstrak at limang susing salita sa format na Times New Roman 12, doble-espasyo, Microsoft Word 97-2003. 5. Ang dokumentasyon ay estilong parentetikal-sanggunian ayon sa format ng MLA Seventh Edition. 6. Tungkulin ng awtor na kumuha ng permiso para sa anumang materyal na may karapatang-ari at isumite ito sa Lupon ng Editor. 7. Tuwing Hunyo 30 ang deadline ng pagsusumite ng papel. 8. Para sa sabskripsyon at iba pang katanungan, makipag-ugnayan sa Lupon ng Editor sa [email protected]. MENSAHE Mahalaga ang ambag ng HASAAN Journal sa pagpapalaganap ng mga usaping pang-ademiko na sumasaklaw sa mga larangang may kinalaman sa wika, edukasyon, etnograpiya, kultura, pilosopiya, politika at iba pa. Mainam ang pagtalakay sa mga paksa tulad ng kapangyarihan ng tsismis sa lipunan; ang papel ng wika sa eksklusyon sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas; ang pagbuo at paghubog ng mahabang kasaysayan sa pagkataong Pilipino; ang pagsusuri sa larong basketbol upang maipakita ang halaga ng wika, etika, at ng pilosopiya ng gilid-gilid; ang kinalaman ng kultura ng bayan sa relihiyon; ang paghahambing ng mga gamit ng iba’t ibang dayalekto; at ang ugnayan ng pag-iisang dibdib sa kultura ng pamayanan. Ang mga pag-aaral na nabanggit ay patunay lamang ng patuloy na pagyaman ng kultura ng pananaliksik sa unibersidad. Tinatalakay ng bawat sanaysay ang mga bagay at karanasan na may kinalaman sa ating kamalayang Pilipino. Mahusay at masusi rin ang paghahanay ng mga isyu at datos sa mga na- sabing sanaysay. Sa unang edisyon ng HASAAN Journal, pinatutunayang buhay na buhay ang gawaing akademiko sa unibersidad. Malugod kong ipinaaabot ang aking pagbati sa Departamento ng Fili- pino ng Unibersidad ng Santo Tomas sa pamumuno ni Dr. Roberto Ampil sa paglulunsad ng kauna-unahang isyu ng HASAAN Journal. FR. HERMINIO V. DAGOHOY, O.P. Rektor MENSAHE Katulad ng tubig na patuloy na dumadaloy sa ilog, ang wika ay patuloy na dumadaloy sa iba’t ibang henerasyon ng mga gumagamit nito at iba’t ibang panahon na kinakatawan nito. Hindi maiiwasang may mabago. Hindi maikakailang may pagbabago. Dahil dito, ang patuloy na paglinang at pagpapayaman ng wika ay isinusulong ng isang institusyong akademiko hindi lamang sa pamamagitan ng pagtuturo o pagdaraos ng mga eksibit, patimpalak sa wika, at pagpupulong. Habang natututo ang ating mga mag-aaral sa wika, magandang maitanong rin natin sa ating mga sarili kung ano ba ang ating itinuturo? Ano kaya ang maidaragdag natin sa mga kaalamang dati na nating ibinabahagi? May mga katanungan bang dapat nating hanapan ng kasagutan? Paano natin mabibigyan ng kasagutan ang ating mga tanong? Marahil, ang ganang maghanap ng mga kasagutan at ibahagi ang mga ito ang nagtulak sa ating mga gurong-mananaliksik upang maging kasama ng unang labas ng HASAAN, ang opisyal na journal sa Filipino ng Unibersidad ng Santo Tomas. Bagaman ilang taon pa lamang ang nakalipas mula nang muling itinatag ang UST Departamento ng Filipino, narito na ang HASAAN na maglilinang hindi lamang ng wikang Filipino kundi ng kakayahan ng mga gurong mulat na sa kaisipang ang itinuturo, ang pagtuturo at ang nagtuturo ay yayabong lamang sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral at pananaliksik. Isang mainit na pagbati sa Departamento ng Filipino! Mabuhay ang mga gurong-mananaliksik! Mabuhay ang HASAAN Journal! PROP. CLARITA D. CARILLO, PhD Bise Rektor sa mga Gawaing Akademiko MENSAHE Ang kailangan ng isang isda na gutom at naghahangad na makabilang at makasabay sa mga nilalang sa karagatan ay sapat na pagkain, pag-aalaga at pagsasanay upang makalangoy nang simbilis, kung hindi man mas mabilis, sa isang mas malaki at mas mapagsubok na dagat. Hindi nito kailangan ng mga bagay na pipigil sa mga hangarin nito. Hindi nito kailangang makulong sa isang palaisdaan kung ang nais nitong malipol ay ang karagatan. Tulad ng isang isda, ang Departamento ng Filipino ay hindi dapat malugmok sa kaisipang wala na itong maaaring pagharian maliban sa apat na sulok ng UST, na wala na itong ibubuga sa labas at liban sa lugar na ito. Mapanghamon ito, malakas at matibay ang loob, determinado na suungin ang malawak at mapagsubok na mundo. Nakikita ko na kung paano ito ngayon nakatayo sa may dalampasigan at tila tinatanaw at iniisip kung ano ang mayroon sa mga lugar sa ibayo, at kung ano ang kaya nitong ihandog sa mundong nasa kabilang dulo ng karagatang ito. Bagaman, apat na taon pa lamang muling naitatag ang departamento ng Filipino, hinangad na nitong makisabay kundi man lagpasan ang nagawa ng iba pang departamentong nauna. Mula sa HASAAN Pambansang Komperensiya ngayon ay isinilang ang HASAAN Journal upang mapatunayan na ang guro ay hindi lamang nagtuturo sa klase kundi isa ring mananaliksik. HASAAN ang pangalan ng opisyal na journal sa Filipino ng Unibersidad ng Santo Tomas. Gaya ng pangalan nito ang mga saliksik ay hinasa upang maging matalim na armas na magagamit sa pag-aaral at pagtuturo ng pananaliksik. Inaasahan na ang journal na ito ay magsisilbing daluyan ng mga kaalaman at karunungan ng mga mag- aaral, guro, mananaliksik at manunulat. Mabuhay ang HASAAN! Mabuhay ang Wikang Filipino! Mabuhay ang Kulturang Filipino! ASSOC. PROF. ROBERTO D. AMPIL, PhD Tagapangulo, UST Departamento ng Filipino TALAAN NG NILALAMAN Paunang Salita Hasaan Tungo sa Mapagpalayang Pananaliksik: Kalakaran at mga Hamon I Lupon ng Editor Tungo sa Paghitik ng mga Bunga: Isang Sipat sa Kasaysayan ng Pambansang Wika sa Unibersidad ng Santo Tomas VII Wennielyn F. Fajilan Introduksyon: Mula Tsismis Hanggang Panata: Filipino Bilang Multidisiplinal at Interdisiplinaryong Larangan XIII Crizel Pascual Sicat Mga Pananaliksik Kaya Nakikinig ang Lupa at Lumilipad ang Balita: Ang Tsismis at ang Tunggalian ng Uri sa Lipunang Pilipino 1 Mar Anthony S. Dela Cruz Ang Paggamit ng Inklusibong Wika sa Filipino tungo sa Pagtamo ng Inklusibong Edukasyon 19 Jane K. Lartec, Sheila D. Dotimas, Carren Mae R. Maraño, Mary Ann P. Pitas, Jonabeth L. Polido at Kristine L. Senio Betad Pedlegamit: Isang Pag-aaral sa mga Varyasyon ng Wikang Subanen sa Zamboanga Peninsula 34 Julieta A. Cruz-Cebrero Ang Diyalektika ng Pilosopiyang Filipino batay kay Theodor Adorno 53 Jovito V. Cariño Si Roque Ferriols, Wika at Ang Larong Basketbol 66 Emmanuel C. De Leon Desposoryo: Katekesis sa mga Mag-iisang Dibdib sa mga Gilid-gilid at Suluk-sulok ng mga Bayan ng Malolos, Paombong at Hagonoy, Bulacan 83 Arvin D. Eballo Pasubo bilang Panata: Pagbabalik, Pagtatagpo at Pagdiriwang sa Pook-Pangkalinangan ng Pateros 106 Voltaire M. Villanueva Tala ukol sa Lupon ng Editor 122 PAUNANG SALITA Hasaan Tungo sa Mapagpalayang Pananaliksik: Mga Kalakaran at Hamon Lupon ng Editor Ideolohikal ang pananaliksik. Usapin ng pagkiling sa mga nagtutunggaling ideolohiya ang pamimili ng wika, konteksto at paksang sasaliksikin. May malaking kakulangan sa kritikal na pagtataya ng kalagayan ng pananaliksik sa Filipino ang kasalukuyang daluyong ng elaborasyon at estandardisasyon ng wika sa mga multidisiplinal na pananaliksik. Tila patas ang tingin sa iba’t ibang wika at at may malabnaw na pagtingin sa usapin ng kapangyarihang bumabalot dito. Sa tunggalian, nasa posisyong mapaggiit pa rin ang maka-Filipinong pananaliksik. Kakikitaan ito ng hindi pa nagaganap na tagumpay ngunit hindi rin napapatdang lakas upang itanghal ang pagiging esensyal nito sa loob at labas ng akademya. Sa pagkiling ng mananaliksik sa nagtatalabang puwersa, nagaganap ang tungkuling sosyal ng pananaliksik. Ang pamimili ng isang iskolar sa wika at paksang gagamitin sa pananaliksik ay malinaw na pagkiling sa mga nagtutunggaliang ideolohiya sa loob ng akademya. Dinanas ni Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at isang Tomasino, ang tunggalian sa pamimili at pagkiling.