Bengan / Isang Haraya ng Lambing 7 Isang Haraya ng Lambing: Ang Pagsikat ng Boys’ Love sa Pilipinas sa Panahon ng Pandemyang COVID-19 An Imagination of Tenderness: The Rise of Boys’ Love in the Philippines During the COVID-19 Pandemic John Bengan Unibersidad ng Pilipinas Mindanaw
[email protected] Abstrak Pambihira ang biglang pag-usbong sa Pilipinas ng Boys’ Love, o mga palabas na kung tawagin ay BL. Maituturing na pantasya tungkol sa murang pag-ibig, tampok sa mga palabas ang kuwento ng mga binatang nag-iibigan. Pumatok ang BL sa maraming Pilipino mula nang ipinalabas sa YouTube ang 2gether the Series ng Thailand noong Pebrero 2020. Kasabay naman nito ang sapilitang pananatili sa kabahayan ng mga Pilipino matapos ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang malawakang lockdown, na itinuturing na isa sa pinakamatagal at pinakamahigpit na isinagawa sa buong mundo, bilang tugon sa pagsiklab ng 2019 novel coronavirus o COVID-19. Kung ang mga pelikulang science fiction ay talinghaga ng mga nakabaong pangamba (Sontag 220), pinupukaw naman ng mga BL serye ang isang haraya ng lambing. Ano ang nakakahumaling sa Thai BL, partikular na ang isang palabas na niyakap ng napakaraming manonood sa iba’t ibang bahagi ng mundo? Ano ang pangako ng harayang ito sa mga manonood? Anong ligalig ang nasa likod nito? Susubukang mailahad ng sanaysay ang mga nabanggit na may diin sa ugnayan ng pagsikat ng BL serye sa Pilipinas at ilang kaganapan sa bansa kamakailan lamang. The sudden popularity of Boys’ Love—also known as BL—in the Philippines is phenomenal. Read as a fantasy of young love, the TV series present stories of young men loving men.