Download This PDF File
Total Page:16
File Type:pdf, Size:1020Kb
Bengan / Isang Haraya ng Lambing 7 Isang Haraya ng Lambing: Ang Pagsikat ng Boys’ Love sa Pilipinas sa Panahon ng Pandemyang COVID-19 An Imagination of Tenderness: The Rise of Boys’ Love in the Philippines During the COVID-19 Pandemic John Bengan Unibersidad ng Pilipinas Mindanaw [email protected] Abstrak Pambihira ang biglang pag-usbong sa Pilipinas ng Boys’ Love, o mga palabas na kung tawagin ay BL. Maituturing na pantasya tungkol sa murang pag-ibig, tampok sa mga palabas ang kuwento ng mga binatang nag-iibigan. Pumatok ang BL sa maraming Pilipino mula nang ipinalabas sa YouTube ang 2gether the Series ng Thailand noong Pebrero 2020. Kasabay naman nito ang sapilitang pananatili sa kabahayan ng mga Pilipino matapos ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang malawakang lockdown, na itinuturing na isa sa pinakamatagal at pinakamahigpit na isinagawa sa buong mundo, bilang tugon sa pagsiklab ng 2019 novel coronavirus o COVID-19. Kung ang mga pelikulang science fiction ay talinghaga ng mga nakabaong pangamba (Sontag 220), pinupukaw naman ng mga BL serye ang isang haraya ng lambing. Ano ang nakakahumaling sa Thai BL, partikular na ang isang palabas na niyakap ng napakaraming manonood sa iba’t ibang bahagi ng mundo? Ano ang pangako ng harayang ito sa mga manonood? Anong ligalig ang nasa likod nito? Susubukang mailahad ng sanaysay ang mga nabanggit na may diin sa ugnayan ng pagsikat ng BL serye sa Pilipinas at ilang kaganapan sa bansa kamakailan lamang. The sudden popularity of Boys’ Love—also known as BL—in the Philippines is phenomenal. Read as a fantasy of young love, the TV series present stories of young men loving men. BL became a hit among many Filipino viewers since Thailand’s 2gether the Series premiered on YouTube in February 2020. Around the same time, Filipinos were forced to stay at home after President Rodrigo Duterte imposed a massive lockdown, which is considered as one of the longest and toughest in the world, in response to the spread of the 2019 novel coronavirus or COVID-19. If science fiction films are allegories of repressed horrors (Sontag 220), BL stirs an imagination of tenderness. What makes Thai BL so appealing, particularly a series well received by viewers from different parts of the world? What promise does it hold for audiences? What anxiety lurks behind this imagination? This essay will attempt to address these queries with an emphasis on the convergence of the rise of BL in the Philippines and recent events in the country. Mga Susing-salita Boys’ Love (BL), yaoi, COVID-19 pandemic, kulturang popular na Thai, manonood na Filipino Boys’ Love (BL), yaoi, COVID-19 pandemic, Thai popular culture, Filipino spectatorship Katipunan 6 (2020) © Ateneo de Manila University <https://journals.ateneo.edu/ojs/index.php/katipunan/index> Bengan / Isang Haraya ng Lambing 8 Tungkol sa May-akda Nagtuturo ng panitikan at malikhaing pagsulat si John Bengan sa Unibersidad ng Pilipinas Mindanaw. Nalathala ang kaniyang mga akda at salin sa Likhaan, Kritika Kultura, Cha, Words Without Borders, LIT, Shenandoah, at World Literature Today. Kasalukuyan siyang pangulo ng Davao Writers Guild, kasapi ng Pambansang Komite sa mga Sining Pampanitikan, at miyembro ng Film Desk ng Young Critics Circle. Katipunan 6 (2020) © Ateneo de Manila University <https://journals.ateneo.edu/ojs/index.php/katipunan/index> Bengan / Isang Haraya ng Lambing 9 1 Marahil hindi na misteryo kung bakit sa panahon na walang katiyakan bumabaling ang karamihan sa atin sa pantasya. Pambihira ang biglang pag-usbong sa Pilipinas ng Boys’ Love, o mga palabas na kung tawagin ay BL, lalo na ang mga serye mula sa Thailand. Maituturing na pantasya tungkol sa murang pag-ibig, tampok sa mga palabas ang kuwento ng mga binatang nag-iibigan. Matagal nang may mga mambabasa sa Thailand ng tinatawag nilang wai—mga nobelang isinulat ng mga babae para sa kababaihan, at pawang hango sa yaoi ng mga Hapon—ngunit unang naging tanyag ang BL bilang palabas sa Thailand noong 2014.1 Sa ngayon, maliban sa mga Hapon, may BL serye nang gawa sa South Korea, China, Taiwan, Vietnam, at maging sa Pilipinas. Patuloy na lumalago ang bilang ng mga tagahanga ng BL sa iba’t ibang bansa, dahil na rin sa mga streaming platform gaya ng Netflix at YouTube. Maaari na ring maakses kamakailan sa Pilipinas ang online app na Line TV ng Thailand na siya mismong prodyuser at nagtatanghal ng ilang BL serye. Sa Pilipinas, hindi na bago ang ganitong mga kuwento. Dati nang naisapelikula ang relasyon ng dalawang lalaki sa nakaraang mga dekada at kasabay ng digital independent film boom sa Pilipinas noong 2005, lumaganap ang tinatawag na “gay indie” (Baytan 74). Nanguna naman ang GMA 7 sa pagpapalabas ng My Husband’s Lover (2013) na tungkol sa lalaking may lihim na relasyon sa kaniyang kaibigang lalaki, at kauna-unahang teleseryeng tumatalakay sa nasabing paksa sa pambansang telebisyon (Cantor 424). Ngunit ngayon lamang ulit nagkaroon ng ganitong katanyagan sa mas nakararaming tagapanood ang kuwento ng pag-big sa pagitan ng dalawang lalaki. Kasabay naman ng pagsikat ng BL ang sapilitang pananatili sa kabahayan ng mga Pilipino matapos ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang malawakang lockdown bilang tugon sa pagsiklab ng 2019 novel coronavirus o COVID-19, na siyang itinuturing na isa sa pinakamatagal at pinakamahigpit na isinagawa sa buong mundo (Olanday). Sa kaniyang sanaysay tungkol sa mga pelikulang science fiction ng dekada 50, nahinuha ni Susan Sontag na ang mga nasabing palabas ay hindi tungkol sa siyensiya kundi hinggil sa tinatawag niyang imahinasyon ng sakuna (213). Ayon kay Sontag, inilalantad ng pagtatanghal ng pagkagunaw ng mundo at mga imahe ng pagkawasak sa mga pelikulang science fiction ang kinatatakutan ng mga manonood. Bukod dito, paraan din upang pumurol ang takot na may kinalaman sa mga pandaigdigang suliranin gaya ng mga kalamidad, sakunang nuklear, at digmaan ang pagkawili sa mga palabas hinggil sa kapahamakan (220). Kung ang mga pelikulang science fiction ay talinghaga ng mga nakabaong pangamba, pinupukaw naman ng mga BL serye ang isang haraya ng lambing: ang pagsuyo o pag-alo sa isang taong nagtatampo o nagmamaktol, mga ugaling palaging ipinapakita sa Thai BL, na hahantong din sa “lambingan”—ang matamis na pagdadaiti ng dalawang tao. Hindi ang kasariwaan ng kuwento ang hinahabol ng manonood kundi ang paano, sa pamamagitan ng ilang mga panuntunan, nabubuyo ang danas ng kilig o ang pagkasabik sa harap ng pag- iibigan. Bukod sa magagaan at hindi masyadong kumplikado ang mga kuwento ng Thai BL, 1 Hango sa nobelang Love Sick: The Series ni INDRYTIMES, ang Love Sick: The Series ay tungkol kay Phun at Noh, mga estudyante sa hayskul na nahulog ang damdamin sa isa’t isa nang magpanggap silang magkasintahan. Ayon kay James, sumibol mula sa nobela at palabas na ito na unang sumikat sa Thailand at Asya ang BL fandom na saklaw ngayon ang iba’t ibang sulok ng mundo. Katipunan 6 (2020) © Ateneo de Manila University <https://journals.ateneo.edu/ojs/index.php/katipunan/index> Bengan / Isang Haraya ng Lambing 10 palaging nakapaloob sa mga palabas ang lambingang kagyat, ang paghahangad sa diwa at giliw ng kapwa. Nagkakatalo lamang sa kung paano ito naibabahagi sa mga manonood sa iba’t ibang malikhain at mabisang paraan. Ano ang nakakahumaling sa Thai BL, partikular na ang isang palabas na niyakap ng napakaraming manonood sa iba’t ibang bahagi ng mundo? Ano ang pangako ng harayang ito sa mga manonood? Anong ligalig ang nasa likod nito? Susubukang mailahad ng sanaysay ang mga nabanggit na may diin sa ugnayan ng pagsikat ng BL serye sa Pilipinas at ilang kaganapan sa bansa kamakailan lamang. 2 Bilang panimula sa pag-aninag sa haraya ng lambing, babalikan ang ilang mga senaryo ng Thai BL. Makikisig na lalaki ang mga bida, ngunit kadalasang magkaiba ang kanilang mga katangian: maaaring ang isa ay mas maamo, at ang isa mas mapusok. Nanggaling ang isa sa kanila—o silang dalawa pareho—sa mariwasang pamilya, o hindi kaya’y gitnang- uri. Dati na silang nagkagusto sa babae hanggang bigla silang magtatagpo sa eskuwela o unibersidad. Minsan may kamalayan ang isa sa kanila sa kaniyang homoseksuwalidad. Minsan pareho nilang matutuklasan ang kanilang kakayahang magmahal sa kaparehong kasarian. Sa kanilang pagtatagpo napukaw ang di-inaasahan: ang pagkabihag ng loob sa isa’t isa. Susubukin sila ng karanasan sa magkakasunod na maliliit na krisis na halos lahat ay personal. Pagkainis sa isa’t isa, paulit-ulit na pakikipagtalo, pagkabagabag sa kung ano ang tingin ng iba at ng sarili sa sarili, at paninibugho. Larawan 1. Nanggaling sa mayamang pamilya si Phun (Nawat Phumphotingnam; kanan), samantalang si Noh (Chonlathorn Kongyingyong; kaliwa) ay sa gitnang-uri. Screenshot mula sa unang episode ng Love Sick the Series 2 (2015) sa 9 MCOT Official YouTube Channel. © MCOT Public Company Limited. Katipunan 6 (2020) © Ateneo de Manila University <https://journals.ateneo.edu/ojs/index.php/katipunan/index> Bengan / Isang Haraya ng Lambing 11 Selos ang maghahatid sa dalawa mula taltalan tungong landian. Hahantong ito sa pagbubunyag ng totoong damdamin. Ngunit selos din ang biglang lalagot sa lambingan. Selos ang isa sa pinakamabisang sangkap na nagpapatakbo ng kuwento dahil laging nakasandal ang BL sa kawalan ng kapanatagan ng mga pangunahing tauhan nito. Minsan may ikatlong tauhang magtatangkang wasakin ang pagsasamahan ng mga bida. Madalas babae ang nasabing tauhan, ngunit maaaring lalaki rin na malapit o lumalapit sa isa sa kanila. May matagal nang kasintahan na gagawin ang lahat kahit na humantong pa sa karahasan maangkin lamang niya ang isa sa mga bida. May matalik na kaibigan na may lihim palang pagtingin. May dating inibig na nagbabalik, at baka nga iniibig pa rin, o hindi kaya’y may masamang balak sa isa sa kanila. May bago at mas batang mangingibig na sa umpisa ay itinuturing na inosente.