Ang Papel Ng Kabataan at Mga Tungkulin Ng Anakbayan Sa Pambansa-Demokratikong Pakikibaka
Total Page:16
File Type:pdf, Size:1020Kb
ANG PAPEL NG KABATAAN AT MGA TUNGKULIN NG ANAKBAYAN SA PAMBANSA-DEMOKRATIKONG PAKIKIBAKA Mensahe para sa ika-6 na Kongreso ng Anakbayan 16-18 Mayo 2011 Ni Jose Maria Sison Tagapangulong Tagapagtatag Kabataang Makabayan Malugod akong nakikiisa sa pamunuan at kasapian ng Anakbayan. Sa diwa, kalahok ninyo ako sa inyong ika-6 na Kongreso. Malaki ang aking tiwala na maisasakatuparan ninyo ang mahahalagang layunin ng kongreso. Paghusayin ninyo ang pagtatasa ng kalagayan at karanasan at ang pagbubuo ng mga resolusyon, panibagong patakaran at programa at ang pagsasaayos sa pambansang organisasyon ninyo. Napakahalaga ang mahahango ninyong mga aral sa paglalagom sa 12-taong karanasan ng Anakbayan at ang pagpapataas ng kalidad ng mga saligang dokumento ng organisasyon tulad ng Konstitusyon, Oryentasyon at Programa. Karapatdapat na alamin ninyo ang mga obhetibo at suhetibong sangkap ng mabilis na paglaki ng Anakbayan magmula 1998 hanggang 2001 at ang pagdausdos ng kasapian hanggang sa taong ito. Naging malaki ang papel ng Anakbayan at alyansang kabataan sa pagpapatalsik kay Estrada mula sa kapangyarihan noong 2001. Mahalagang suriin din ninyo kung bakit nakapanatili si Arroyo sa kapangyarihan sa napakahabang panahon sa kabila ng kanyang pagbaho at ng matinding pagkamuhi ng bayan sa kanya. Nasisiyahan akong may determinasyon kayong mangibabaw sa mga kahirapan, lutasin ang mga problema, ibayong magpalakas at isulong ang kilusang kabataan. Tumpak na tugon sa mga hamon ang tema ng kongreso: Sulong sa Daluyong: Sumalig sa rebolusyunaryong aral at solidong lakas ng masa! Mapangahas na magpalawak at magpalakas tungo sa panibagong antas ng pambansa-demokratikong pakikibaka! Salamat sa paglalahad ng Kilusang Mayo Uno sa lumalalang krisis ng pandaigdigang kapitalismo at ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Sa gayon, maliwanag ang pangkalahatang batayan ng pagtalakay ko sa makasaysayang papel ng kabataang Pilipino, mga kasalukuyang tungkulin ng kabataan at hinaharap ng pambansa-demokratikong pakikibaka ng kabataan at sambayanang Pilipino. Batay sa aking kaalaman sa kaysaysayan at sarili kong karanasan, mahalaga at mapagpasiya ang papel ng kabataan sa pagrerebolusyon o pagsusulong ng makabayan at progresibong kilusang masa. Katangian ng kabataan ang kasiglahan ng pag-iisip at pagkilos, ang kahandaan na tumanggap ng mga bago at rebolusyonaryong ideya at pamamaraan, ang kapangahasan sa paglaban sa di-makatarungang sistema, ang kagitingan sa paglahok sa rebolusyon at ang pagnanasang makalikha ng maningning na kinabukasan. Sa lumang demokratikong rebolusyon, halos kabataan lahat ang pamunuan at kasapian ng Katipunan at ng mga ibinunga nitong rebolusyonaryong gobyerno at hukbo. Sa bagong demokratikong rebolusyon, sadyang itinatag ang Kabataang Makabayan bilang komprehensibong organisasyon ng kabataan para iugnay ang mga estudyante sa mga kapwa nilang kabataan sa mga uring anakpawis at ibat ibang sektor ng mga saray ng petiburges at gitnang burges. Mulat sapul inspirado ng Katipunan at ng lumang demokratikong rebolusyon ang Kabataang Makabayan. Subalit batay sa mga kondisyon sa panahon ng makabagong imperyalismo at pandaigdigang rebolusyong proletaryo, itinuring ng KM ang sarili bilang katulong ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa pagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Naging mabilis ang paglaganap ng KM sa buong Pilipinas. Dahil nabulid sa rebisyonismo ang lumang partido ng pinagsanib na partido komunista at partido sosyalista, naging bahagi ang mga komunista sa loob ng KM sa pagbubuo ng bagong rebolusyonaryong partido ng proletaryado. Sumama sa kanila ang mga beteranong tapat sa Marxismo-Leninismo hanggang Maoismo. Agad nagkaroon ang bagong partido ng katangiang pambansa at nakaugat sa uring anakpawis dahil sa lawak at lalim ng organisasyon ng KM. Pinagbuhatan ang KM ng maraming kasapi ng Partido at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Sa panahon ng pasistang diktadura, kumilos ang KM nang palihim sa mga kalunsuran at kabayananan. Kinilala ng Partido ang KM bilang Liga ng Komunistang Kabataan. Nagparami ito ng kasapian sa hanay ng mga estudyante, mga manggagawa, mga magsasaka, mga maralitang tagalunsod, mga propesyonal at iba pang sektor ng petitbuges and gitnang burges. Naging mapagpasiya ang papel ng KM sa pagsusulong ng lihim at lantarang kilusang masa para ibagsak ang pasistang diktadura. Patuloy na mahalaga at mapagpasiya ang papel ng organisasyon ng kabataang tumatahak sa linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon, tulad ng Anakbayan. Walang tigil at lumulubha ang pagsasamantala at pang-aapi ng dayuhang monopolyo kapitalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa kabataan at sambayanang Pilipino. Palala nang palala ang palagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema, laluna ngayong niyayanig ng krisis na katulad ng Malaking Depresyon ang sistema ng pandaigdigang kapitalismo. Ang mga kabilang sa uring anakpawis, gayundin ang sa gitnang saray ay nagdaranas ngayon ng matinding hirap. Laganap ang kawalan ng trabaho. Hindi tumataas ang kinikita at laging bumabagsak ang tunay na halaga nito dahil sa mabilis ang pagtaas ng mga presyo ng pagkain, langis at iba pang batayang kalakal na kailangan ng masa. Isinailalim sa pribatisasyonang mga serbisyo sosyal tulad sa edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pa; at pinalubha ang panghuhuthot ng tubo mula rito. Sa mga natitira pang serbisyo sosyal mula sa reaksyonaryong gobyerno, mataas ang singil samantalang pasok na ang mataas na buwis sa presyo ng mga batayang kalakal. Ipinagpapatuloy at pinapalala ng rehimeng Aquino ang masasamang patakaran at programang diktado ng mga imperyalistang pinangungunahan ng US. Patuloy at palala ang pagtiwangwang ng ekonomya sa mga dayuhang monopolyo para magsamantala sa anakpawis at sa likas nayaman ng bansa at para magkamal ng malalaking tubo. Patuloy at palala ang pagsasamantala ng mga panginoong maylupa sa mga magsasaka at manggagawang bukid. Patuloy at palala ang korupsyon ng mga nasa kapangyarihan sa reaksyonaryong estado. Laganap at umaalingawngaw ang karaingan ng masa. Subalit panunupil ang sagot ng estado sa kanila. Alinsunod sa utos ng imperyalismong US, nagsasagawa ang rehimeng Aquino ng brutal at madudugong kampanya ng panunupil sa mga makabayan at progresibong pwersa ng kabataan at sambayanang Pilipino. Ang karahasan ng mga militar, pulis at paramilitar ay sinasabayan ng pakunwaring negosasyon sa kapayapaan at itinuturing ang mga operasyong militar bilang operasyon ng kapayapaan at kaunlaran. Dumarami ang patunay na palulubhain ng US at rehimeng Aquino ang gera sibil sa ating bayan. Magpakahusay kayo sa paghihimok at pagmumulat sa kabataang Pilipino sa linya ng pambansang demokratikong rebolusyon. Pag-alabin ninyo ang kanilang damdamin at pataasin ang antas ng kanilang kamalayan sa pamamagitan ng ibat ibang paraan ng ahitasyon, propaganda at edukasyon. Sa bawat isyu, dapat kagyat na maabot ang nakapakaraming kabataan sa pamamagitan ng ahitasyon at propaganda. Dapat ipalaganap ang pamphlet ng Konstitusyon at Programa ng Anakbayan at ang Q & A na nakakatulong sa mabilis na pagsapul sa mga nilalaman, laluna sa hanay ng mga kabataang hindi mataas ang pormal na edukasyon. Alamin mula sa kabataan ng ibat ibang aping uri, saray at sektor ang kanilang kalagayan, hinaing at kailangan. Sa gayon, tumpak ninyong mahahango ang mga islogan at ideya na ipinapalaganap sa kanila. Sa gayon, mapapadali at mapapalalim ang pag-ugat ng mga balangay ng Anakbayan. Sa inyong pagkilos, harapin ang mga problema ng mga estudyante kapag nagtatayo ng balangay sa eskwela, ang mga problema ng kabataang manggagawa kapag sa mga pabrika, ang mga problema ng kabataang magsasaka kapag sa kanayunan, mga problema ng kabataang maralita kapag sa mga komunidad ng maralitang lunsod at ang mga problema ng kabataan propesyonal kapag sa hanay ng mga propesyonal. Gamitin ang mga tradisyonal na paraan ng ahitasyon, propaganda at edukasyon na hindi kailanman mawawala, tulad ng talumpati, sulat kamay, inilimbag na publikasyon, polyeto, sulat pader, poster, mga awit, tula, dula at pagtatanghal-sining. Gamitin din ang mga makabagong paraan na bunga ng teknolohiya ng elektronika, tulad ng e-mail, website, blogging, social media, video, texting, twitter at iba pa. Sa mga pamamaraang ito, dapat malayong maging mabilis ngayon kaysa rati ang gawaing ahitasyon, propaganda at edukasyon. Sa panahon ng aking kabataan, ang hirap maghanap ng mga akdang rebolusyonaryo dahil sa pagbabawal ng mga imperyalistang Kano at mga reaksyonaryong papet nila alinsunod sa Anti-Subversion Act. Ngayon nasa internet ang ibat ibang tipo ng materyal para sa pag-aaral ng pambansa-demokratikong rebolusyon at Marxismo-Leninismo- Maoismo. Dapat mabilis kumalat ang mga rebolusyonaryong ideya at mas madali kaysa rati ang pagpapasiklab sa damdamin at pagpapataas ng kamalayan ng kabataan at sambayanang Pilipino. Magpakahusay kayo sa pag-oorganisa sa mga kabataan. Sayang kung hindi narerekluta ang malaking bahagi ng mga kabataang inaabot ng ahistayon at propaganda at napapalahok sa mga mobilisasyon ng masa. Batayang tungkulin ng bawat kasapi na magrekluta ng bagong kasapi sa araw-araw na takbo ng gawaing masa at sa mga okasyonal na pagtitipon ng masa. Magrekluta sa hanay ng mga estudyante, manggagawa, mangigisda, maralitang lunsod, magsasaka, manggawang bukid, mga propesyonal at mga petiburges sa lunsod. Pwede ring mangalap ng mga kasapi ang Anakbayan mula sa ibat ibang tipo ng organisasyon at mula sa hanay ng mga kasapi at boluntir ng