SAGAD SA BUTO:HOSPITAL DIARY AT IBA PANG SANAYSAY (2009) Romulo P. Baquiran, Jr.

Para kay Rene O. Villanueva, mahal na guro at kaibigan

2 NILALAMAN

Personal na sanaysay: pagtatapat lang naman 3

Hospital Diary Pagkahulog 4 Kakosa 6 Lipat-ospital 7 Bagong Silid 9 Huwag Lahatin Diskurso ni Dok 11 Operasyon 12 Celecoxib at Novain 13 Room Mates at Bantay 14 Buryong 15 Mga Matang Uhaw 17 Pasyenteng Pasaway Checkout 18 Hello Papaya 19 Sariling Silid 20 Nabawasan 22 Langgas 23 Wheel Chair at Sakong Nelson, The Terminator 24 Kaila, The Apo Maker Tsarap-tsarap 25 Napabayaang Pusa Anak 26 Showdown sa Pilikmata at Bituka 28 Cement o AirCast? 30 Dota & Los Angeles Thugs 31 Therapy 32 T-Back Na Lang 34 May Lalaki sa Ilalim ng Kama Ko Isaksak Mo Utang Mo Ginalaw Ka Na Ba? Krimen sa Gabi, Krimen sa Araw 35 Langis ng Buhay Balik Akwatiko Dahil sa Skelan 37 Eskabetse ni Papa Jack Open House Sa Antipolo Sinuwag ng Motor 38 Si Sais, Si Singko; Si Onse, Si Diyes Tumayo Ka

Mga Tahanan Minsan Ko Lang Niyakap Ang Aking Ama 40

Tungkol sa May Akda 46

3

Personal na sanaysay: pagtatapat lang naman

Inspirado si Rene O. Villanueva ng mga sanaysay ni Lamberto E. Antonio. Ako naman, inspirado ng mga sanaysay ni Rene O. Villanueva, lalo na ng kaniyang Personal na kababasahan ng mga karanasang nakakatuwa at kung minsan nakakaiyak sa panahon ng paglaki niya sa La Loma. Malihim akong tao at marami sa aking mga kaibigan ang hindi alam ang personal kong buhay. Mahiyain din kasi ako. Pakiramdam ko, hindi magiging interesado ang sinuman sa pinagdaanan kong buhay. Sa mga kuwentuhan, hindi ako nagboboluntaryo ng impormasyong personal. Marami akong nalalaman tungkol sa ibang tao pero wala silang nalalaman sa akin.

Pero noong maaksidente ako at naospital nang matagal, nagdesisyon akong maisulat ang kahit kaunting pagsilip sa interyor na buhay ko. Sa mga kurso kasi sa malikhaing pagsulat, mahalaga ang pagbabahagi ng prosesong dinaanan ng manunulat. Makakatulong sa ibang interesado kung paano ba ginagawa ang sanaysay, tula, o kuwento.

Sa koleksiyong ito, walang akademikong layunin. Gusto ko lang magkuwento ng karanasan ko sa pagkakaospital sa paraang hindi seryoso. Hindi ko naman unang ginustong magpatawa pero nang binabalikan ko ang nangyari, marami ang absurdo. May elemento ng pagka-eksaherado ang estilong lumabas. Parang nag-astral projection ako at tiningnan ang eksena mula sa punto de bista ng manonood.

Bida ang katawan dito, lalo na ang paa. Pagsubok kasi ang nangyari sa akin. Parang isang yugto sa impiyerno. Sa pagpapagaling, unang dapat gawin ay kalimutan na ang trawmatikong aspekto ng sakit o sakuna. Habang nagmumukmok kasi ay lalong lamang lumulubog. Hindi naman maiiwasan ang desperasyon pero ayaw kong magpatalo. Ang pagsusulat ay pagpapagaling din.

Isang pakikipagbuno sa diyos ng kalusugan itong karanasan. Nag-iba ang tingin ko sa mundo. May perspektibo na ng may kapansanan. Parang napaaga ang pagtanda ko. Sa ilang buwang pagtigil sa bahay, nakaramdam ako ng eksena sa pagreretiro. Ayaw ko mang aminin pero sa bawat paghakbang ko at nararamdaman ko ang kirot sa sakong at bukong-bukong, nagbabalik ang pait kung bakit nangyari ito. Pero ganoon din naman, may pakiramdam ng kasiyahan kasi nagpatuloy na mabuhay at nakakalakad kahit paika. Namimis ko nga lang ang pagtakbo pero hayaan mo na ang sabi ko sa sarili. Ganyan naman talaga ang buhay. Kung may sakit, may sarap. Nagbibiro ang kapalaran at kailangang makitawa. Kung mapikon ka, talo ka.

Mahaba-habang mga sanaysay ang “Mga Tahanan” at “Minsan Ko Lang Niyakap Ang Aking Ama.” Pagkatapos ng “Hospital Diary” naisulat ang una samantalang matagal-tagal nang nagawa ang pangalawa. Pero may afinidad ang mga ito dahil nasa estilo ng pagtatapat. Isang kunwang sulat ito sa amang pumanaw na. Isang uri ito ng ekspresibong teksto na mas seryoso sa mga kasamang sanaysay pero mayroon pa ring komikong elemento. Isang walang kurap na pagtingin ito sa nakaraan hindi para manumbat kundi para maitala ang isang karanasang binabalikan nang may pagmamahal.

Romulo P. Baquiran, Jr. 22 Marso 2009

4 Ang pinakaimportanteng bagay kapag may sakit ay huwag mawalan ng pag-asa. - Lenin

PAGKAHULOG Puwedeng mabago ang lahat sa buhay ng isang tao sa isang . Ganoon kabilis ang nangyari sa akin noong Agosto 2008, magdidilim na ang gabi. Ang munting pagkadupilas sa dyip ay humantong sa napakasamang pagkahulog: grabeng pagkabiyak ng sakong, pagkahiwa ng pagitan ng kaliwang hintuturo at palasingsingan, at seryosong pagkapilay ng kaliwang paa ko. Nangyari ang lahat sa Commonwealth malapit sa Manggahan. Galing ako sa pagbisita sa isang kaibigan sa Montalban at bahagyang naliyo ng serbesa.

Nang mahulog ako, agad kong sinubok tumayo pero napakasakit na ng dalawa kong talampakan at hindi ko na kayang ituwid ang mga tuhod ko. Pumaligid ang ilang tao para ako usyosohin. Nang makitang duguan ang aking mga kamay at kandaiyak na ako sa sakit, nagsori ang drayber at tumawag ng taxi sa aking hiling. Sinamahan ako ng isang Samaritano at sumugod sa isang ospital sa Quezon City.

Hindi ko naman sineryoso ang nangyari sa akin nang oras na iyon dahil maaga kong tinanggap na aksidente ang lahat. Okey lang na dumaan sa mabusising gamutan. At gastusing kasama ng pagpapaospital.

Ngayon lang muli ako maoospital. Noong katorse ako, nabalian ako ng kaliwang kamay dahil sa pagkahulog sa puno mula sa taas na trenta piye. yun sa totoo lang. At Nanay ko ang nagsugod sa akin sa Banawe Hospital kasama ng manliligaw ng aking Ate, matapos akong i-mouth-to-mouth resuscitation ng isang maagap na kapitbahay. First time kong mahalikan ng isang lola! Ewan ko ba bakit ganoon ang ginawa samantalang nawalan lang ako ng malay. Walang masyadong problema noon sa ospital. O hindi ko lang alam ang problema.

Ang tingin ko sa ospital ay kanlungan. Santuwaryo ng mga may sakit at nasakuna. Hanggang sa mag-iisang oras na ay walang pumapansin sa akin sa emergency room. Panay ang tulo ng dugo sa kamay ko, tumatagas sa bulak na isiniksik ng attendant. Sabi ko kay Barry, ang mamang tumulong sa akin na medyo malamya kumilos, na tanungin bakit hindi ako inaasikaso samantalang nakabulagta naman sa rolling bed.

May dalawang pasyente sa tabi ko: isang tinedyer na nakabenda ang binti at lolong may dextrose sa braso. Itong una ay pinalo ng mga kaaway na durugista kaya nadurog ang binti. Taga-Payatas. Inatake naman sa puso si lolo na kapitbahay ko pala sa Krus na Ligas. Sabi ng asawa niya, “Sir kilala ko kayo. Bumibili kayo ng gulay sa akin.” Tinawag ko ang mukhang nars, si Ms. C., na intern doctor pala. Pero masungit na sumagot nang “Hindi pa naman kayo nagbabayad ng x-ray, paano kayo maaasikaso.” Anak ng putsa, wala namang instruction na ibinigay sa amin. Dito ko naramdaman na walang kuwentang tao ang hospital staff na ito. Ito ba ang itinuro sa kanila sa mga medical school? At consistent na masungit siya. Walang lugar ang awa sa emergency room kung saan ito kailangang-kailangan. Puwede na palang mamatay nang hindi ka inaasikaso dahil hindi nagbayad ng x-ray. Tinanong ko siya kung magkano ang x-ray. Pasimangot na nagsabi ng P800. Iaabot ko sana sa kaniya ang halaga at baka bumait kahit paano. “Hindi, pumila kayo sa cashier.” At tumalikod ang nakaputing intern. Ibinigay ko kay Barry ang pera at ang request for x-ray na nasa bulsa ko. Iniwan ako at akmang pupunta sa cashier. Dumaan ang intern at tinanong ko kung nasaan ba ang cashier’s office. “Dun, dun ang cashier.” Ang bastos talaga. Natagalan bago nakabalik si Barry. Mahaba daw ang pila. Malaking problema. P900 ang bill kasama ang iba pang kagamitang medikal para sa diagnosis. P800 lang ang dala ko. Naisipan kong utangan ang tinderang suki pero nakalabas na nang hindi ko napansin. Panic time. Nakitext ako sa cellphone ni Barry. Humiling sa isang kaibigan na puntahan ako at tulungan dito sa ospital. Pero mamaya pa daw siya makakapunta. Okey lang. Sabi ko kay Barry pahiramin na lang niya ako at babayaran ko siya pagdating ng kaibigan ko. Buti na lang at mayroong ekstra si Barry.

5 Finally, nakapagbayad na ako at pumunta sa dulo ng pila ng mga nagpapa-xray. Husto na namang dumadaan si Ms. C, at tinanong ko kung tama ba itong pinilihan ko. “Oo, maghintay lang kayo.” Talagang cold-hearted ang doktor. Bakit ba kasi niya naisipang pumasok sa kaniyang propesyon kung galit siya sa pasyenteng naliligalig? Sa isip ko, isinumpa ko siya na hindi, hindi siya magtatagumpay sa pagiging doktor niya.

Napakalamig ng x-ray room. Nangaligkig ako. Tumulo sa kamay ko ang dugo at kumalat sa sahig. Sabi ko pasensiya na. Cool naman ang dalawang radiologist. Malalaking braso ang x-ray machine. Pagkaraan ng 20 minuto, ibinalik ako ni Barry sa emergency room. Naghintay nang kaunti at inasikaso sa wakas ni Ms. C. Nilinis niya ang sugat ko, tinurukan ng anestisya at sinimulang tahiin ang sugat. Hindi ko pa alam na saliwa ang pagkakatahi niya (magmumukhang paa ng pato ang kamay ko) pero sandaling pinatawad ko siya sa aking sumpa. Tinanong ko siya kung saan nag-aaral. Pero hindi ko matandaan kung anong eskuwelahan ang sinabi niya.

Hindi pala siya ang attending physician ko kundi si Dr. D. Mabuti na lang. Paglapit ni Dr. D. hawak ang x- ray ko, tinanong ako kung ano ang nangyari. Naaksidente ang sabi ko. Pero ayaw niyang maniwala. “Naaksidenteng paano? Magsabi ka ng totoo? Hindi kita gagamutin!” Ano ang pinagsasabi nito? “Kailangan ang operasyon diyan. Mga trenta mil. Me pambayad ka ba?” Sabi ko, may insurance naman ako at propesor sa pamantasan. Nang marinig ito, biglang bumait si Dr. D. Sinabi ang iskedyul ng orthopedist. Magkano ang doctor’s fee. Puwede naman daw akong lumipat sa PGH. Kakaiba. Porke ba mukha akong gusgusin (naaksidente nga at gumulong sa daan ano pa kayang itsura niya ang hinahanap niya) at nagkataong mukhang wala pera (totoo naman) ay minaltrato ako? Sanay na sanay na mang-api ng mga taga-Payatas at Krus na Ligas itong mga doktor na ito.

Paano na lang kaya ang mga walang P800 at mauutangan ng P100?

6 KAKOSA Habang naghihintay sa emergency room, may isa pang pasyenteng ipinasok nang naka-stretcher. Sa akin itinabi ang duguang lalaki. May nakabantay na dalawang pulis sa ulunan. Sino ang guardian angel sa kanila?

Naghintay din nang matagal ang mamang nasa 25 anyos bago naasikaso. Mas limahid sa akin ang itsura. Marumi ang buhok. Makutim ang balat. Payat pero mukhang batak ang katawan. May maliit na tattoo ni Kristo sa kanang braso. Nakangiwi ang mukha ng lalaki.

“Ang sakit!”

Hindi ko napigilang kausapin.

“Ano ang nangyari sa iyo?”

“Nabaril ako. Tinamaan ako dito.” Inginuso ang singit.

“Ha? Bakit naman?”

“Tumatakbo ako. May humahabol sa akin.”

“Sino?” Hindi kaya itong dalawang pulis?

“Atraso. Ang sakit! Nasa loob pa ‘yung bala.”

Maya-maya, may dalawang attendant na umasikaso sa duguang mama. Walang anumang ibinaba ang shorts at brief, lumitaw ang bulbol at kanang bayag ng mama. At sinimulang tahiin ang sugat sa singit. Paano kaya ang bala? Siguro naman sinungkit na ng dalawang mediko. Nakatambad ang operasyon sa mata ng lahat ng nasa emergency room na gustong tumingin. Hindi man lang kinurtinahan. Kanina ganyan din ang ginawa sa akin. Sa singit nga lang ng dalawang daliri. Tinurukan siguro ng anestisya ang pasyente pero namimilipit pa rin sa sakit.

Hindi ko na kayang manood. Himatáyin ako kapag nakakita ng dugo. Kinausap ko na lang ang tinedyer. Sabi sa akin, “Alam mo Itay, 50 mil daw ang kailangan para maibalik nang deretso ang binti ko. Wala kaming ganoong pera. Nahihiya ako sa Nanay,” pagtatapat ng binatilyo.

Sabi ko, “Wag ka nang mahiya. Pera lang ‘yun. Bayaran mo na lang ‘pag nakapagtrabaho ka. Ang kapalit niyan kapag hindi mo inasikaso, komang na paa.” Nge, sa kamay pala yun. Pero puwede naman yata. Baluktot na lakad. Baka ganito rin ang kahantungan ko. Pilantod. Gagasta rin ako para lang maisaayos muli ang lakad ko. Kikitain ang 50 mil pero hindi maibabalik ang dating galaw ng paang pinabayaan.

Konsolasyon na hindi ako namatay. Walang malaking halaga ang makapagbabalik ng buhay na napugto sa daang Commonwealth. Hindi puwedeng mangyari sa akin ito. Marami pa akong gustong gawin.

Sa gitna ng mga nabendahang sugat at nakadispley na patak ng dextrose, hindi pa rin ako makapaniwalang narito ako sa emergency room. Panaginip lang sana ito.

Pero makirot na makirot ang mga talampakan ko at ang singit ng mga daliri ko. Konsolasyon nang hindi ko dama ang pamimilipit ng nasa stretcher sa kaliwa at ang pagngiwi ng nasa stretcher sa kanan. Mga kakosa sa emergency room.

7 LIPAT-OSPITAL Sa pangit na trato ng ospital, nagdesisyon akong lumipat sa PGH. Pero dahil hatinggabi na, mahirap nang mangggulo ng mga kaibigan. Nagpasiya akong matulog na lang muna sa ospital na iyon at kinabukasan ng alas-siyete na lang mangalampag ng dapat kalampagin. Sabi ko sa doktor, sa charity ward na lang ako patulugin dahil anim na oras na lang naman at lilipat na ako ng bagong ospital. Wala na akong pera talaga. Ayaw kong magastahan pa. Dumating din ang kaibigan kong gabing-gabi ang labas sa trabaho. Dinala ang cellphone sa akin. At nagbigay ng pera. Pero wala na akong ganang magtext. Kaliwete akong magtext. Malaki ang sugat ko sa kaliwang kamay. Gusto ko na lang matulog.

Dinala ako sa parang basement. Tabi-tabi ang mga pasyente. Halo-halo. May dalawa o tatlong natutulog sa isang kama. Walang nagbabantay sa akin at pinauwi ko na lang ang kaibigan ko dahil may pasok pa siya. Sa sobrang pagod ko, nakatulog ako agad. Nakaset sa alas singko ang alarm ko sa cell phone.

Paggising ko sa umaga, ang una kong naramdaman ay pagnanais na umihi. Pero putsa, wala akong bedpan. Oo nga pala, charity ang pinili ko. Wala akong mautusang mag-abot ng puwedeng orinola. Naisip ko ang lata ng coke. May dumaang attendant na babae. Mahihiya pa sana ako pero sobrang sasabog na ang pantog ko kaya kinapalan ko na ang mukha ko sa paghingi ng bote o lata. Walang ekspresyon sa mukha ang attendant. Parang sanay na sa mga kakulitan ng pasyente. May nakita siyang ginupit na plastik ng dextrose sa sulok at iyon ang iniabot sa akin. Tiningnan ko muna kung may makakakita sa aking pagtutubig. Wala naman kaya inilabas ko na si batotoy. Hay sarap umihi. Mahirap palang umihi nang patagilid habang nakahiga. At nakakaasiwa na itabi sa sulok ang dilaw na dilaw at mapanghing likido.

Diyos ko, ilang araw kayang ganito ang mangyayari. Ayaw na ayaw ko pa namang mangmolestiya ng ibang tao at ngayon tiyak na kailangang humanap ako ng mag-aalaga sa akin. Ano ba itong nangyari sa akin? Mabuti naman akong tao. May ginawan ba ako ng masama? Pumasok na ang kapraningan sa umaga.

Tinext ko ang best friend kong si Ate Beni. Sabi ko, puntahan ako ng alas-siyete sa ospital at naaksidente ako. Sabi ko dalhan ako ng breakfast. Pero ang tumatakbo sa utak ko “Paano kung gusto kong maebak? Paano akong pupunta sa CR? Paano maliligo?”

Kalaban ang baldadong katawan. Pero sasagot ang katawan “Ikaw ang may kagagawan ng nangyari sa akin, alagaan mo ako para bumalik sa dati.” Oo nga naman. Kailangang harapin itong healing process.

Unang concern ng dumating si Ate Beni ay saan kukuha ng pera. Ano pa nga ba kundi kailangang mag-loan. Sige na. Walang magagawa kundi iyan. Habulin na lang ang Philhealth. Umalis si Ate Beni para asikasuhin ang papeles. Nagtext na ako sa ilang malalapit na kaibigan. May nag-offer ng sasakyan. Ala-una ng hapon may sundo na ako patungo ng PGH. Pero grabe naman ang pila ng bayaran sa ospital na iyon. Inabot ng alas-kuwatro ang kaibigan ko bago ako nailabas.

At inilipat ako ng ward (charity pa rin) ng isang attendant bandang alas-otso ng umaga kasi mga pneumonia patient pala ang kasama ko sa magdamag at baka daw mahawa ako. Baka nga sabi ko. Baka nahawa na. Diyos me katitipid ko mapapahamak ako. Kuripot kasi.

Sa matino ba ako inilipat? Bakit puro may tattoo ang mga katabi kong pasyente? Hmm. Napasok ako sa ward ng mga kasangkot sa gang. Mga literary gang lang ang alam ko. Sabi agad ni Manong sa katabing kama na itago ang maganda kong cellphone at baka nakawin. Sa loob ng ospital? Okey, inilagay ko sa bulsa ang phone.

May darating na mga asawa ang mga kabataang gang. Mga aburidong babae na may tatawagan sa cell phone at mag-uusap tungkol sa pera. Tapos, aawayin siya ng asawang lalaki at pagsasabihan na mahinang dumiskarte kaya hindi makakuha ng pera. Anong diskarte kaya? Ibenta ang puri? Mga ganito ang drama ng

8 mga katabi kong pasyente. Kunyari hindi ako nakikinig sa kanila. Kakaibang buhay ang hindi ko sinasadyang malaman.

Darating ang attendant at sinaksakan ako ng anti-tetanus vaccine. Tinurukan din ako ng allergy indicator. Dalawang masakit na iniksiyon. Nagtalo ang dalawang attendant kung allergic ba ako sa gamot na gagamitin o hindi. Umalsa kasi ang tinurukang balat. Hindi naman yata, sabi ng isa kaya ginamitan ako ng Zegen vial. Allergic pala ako doon at sa loob ng trenta minutos namaga nang bahagya ang mga mata ko. Lalo pa akong sumingkit. Ang sagwa ng pakiramdam ko. Gutom na hindi naman makakain. Masaya na hindi masyadong grabe ang nangyari sa akin pero laging nagtatanong bakit nangyari iyon? May nagawa ba akong masama? Gusto kong ngumalngal pero hindi ko kaya. Mga kapraningan ang pumapasok sa utak ko. Pinilit kong matulog. May gumising sa akin. Ang isa ko pang kaibigan na may dalang bakpak ng mga damit at personal na gamit. Nagpaalam din agad. Tulog ulit. Pero ang init! Wala man lang bentilador dito. Hay, charity ward nga pala ito.

Sa wakas, dumating ang alas-kuwatro at lumitaw kasabay si Ate Beni. Ang haba daw kasi ng pila sa bangko at sa billing section. Humiling ng assistance sa paglabas at sabi ng attendant “Sandali lang po” pero alas singko na ay hindi pa bumabalik. Humatak si Ate Beni ng wheel chair, pinasakay ako, at tumulak palabas. Doon lamang lumitaw ang attendant para papirmahin ako sa mga releasing paper. Sabi sa papel, “I have transferred on my own accord and the hospital is not responsible for any untoward consequences.”

May ganoon pa?

Para lang makaalis, pirmang doktor ang lumabas sa hawak kong bolpen.

9 BAGONG SILID Ang unang hiningi ng PGH Registry Office ay ang pagpirma sa form na parang bio-data. At ang deposit fee na trese mil. Na-upgrade ng ospital at ang unang indikasyon ay pagtaas ng singil. Wala na ako sa charity. Malakas ang loob dahil may discount.

Pero kumbaga sa eroplano, economy class ang room ko. Six to a room. Malaking silid. Bagong-bago. Nasa Building Four-A. Proyekto daw ni GMA. May bagong paayos na erkon. Pero ayaw ko nang masyadong malamig.

Walang ibang pasyente. Ang lungkot sa RM 436. Malalaki ang mga kama na hubad at parang nilimot ng panahon.

Sa unang gabi, tinext ko na ang pamilya ko. Buhay binata ako sa loob ng halos labing-apat na taon. Bihirang umuwi sa kanila. May sarili akong karera sa pamantasan. Nakatira sa barungbarong sa KNL. Buhay ispartano at bohemyo madalas. Ito ang pinili kong buhay at okey naman. Walang masyadong responsibilidad. Sarili ko lang ang iniisip ko. Tapos heto, bigla akong mangangailangan. Hirap nito. Kung puwedeng wala na ito.

Sabi ng Ate, ipapadala daw niya ang pamangkin kong nars para magbantay sa akin bukas. Okey bukas pa. Nagpaalam na kasi si Ate Beni na uuwi na muna dahil napagod ang lolang ito sa maghapong pakikipagnegosasyon. Bukas daw ipapadala niya ang pamangkin niya. Diyos ko, dalawa ang bantay ko bukas pero mukhang walang magbabantay sa akin sa unang gabi ko sa PGH.

Wala nga talaga. Kasi ang isa ko pang kaibigan ay hindi rin puwedeng magpuyat. Eksaktong alas dose ay sumara ang pinto ng RM 436 at naiwan akong mag-isa at nakataas ang mga namamagang paa sa adjustable bed.

Hindi naman ako eksaktong nag-iisa dahil labas-masok ang mga attendant. Kada ikalawang oras ay kukunan ka ng temperatura, presyon ng dugo, tatanungin kung umihi, dumumi. Pero walang nagtatanong kung kumusta ako at kung ayos ang pakiramdam.

Bakit matabang lagi at hindi masarap ang pagkain sa ospital? Kasi mas gusto ng katawan mo ang dextrose na deretso na sa sirkulasyon. Hindi na kailangang ngumuya. Mas gusto ko pang uminom ng mga milk chocolate na nasa tetrapak. Dutch Mill na istroberi pleybor. Hindi kaya may melamine? May mga Chinese ideogram kasi sa gilid.

Agad, nasanay na akong umihi sa discarded dextrose plastic bottle. Himala hindi pa ako nakakaramdam ng pagnanais dumumi.

Sinimulan ang halinhinan ng pagturok ng antibiotics, antipain, at antitetanus kasabay ng dextrose. Buti hindi na kailangang sa ugat lagi iturok ang mga ito. Pero ang sakit pa rin sa ugat kapag pumapasok na ang mga dagdag na likido. May mahabang bulating sumisiksik sa braso.

Alas dos ng madaling araw nang ilipat ako ng mabait na attendant sa stretcher para ma-x ray at ECG (muli, kasi hindi mahagilap ang doktor sa unang ospital para makuha ang x-ray at ECG) sa first floor. Pero dahil matagal ang proseso, bigla akong gininaw, nahilo, at naduwal kaya ibinalik muna sa silid. Natulog na lang muna. Mga alas otso kinabukasan na ako matagumpay na na-xray at ECG.

Mga alas diyes nagdatingan ang mga ismarteng intern na padala ng attending physician ko. Kinuha ang blood pressure, temperature, at pulso ko. Wala ang hinahanap kong “Kumusta ang pakiramdam ninyo?”

10 (Ang arte ko naman yata.) Kung sabagay, noon lamang nila ako nakita. Hindi naman nila ako kilala, bakit naman ako kukumustahin. Mukha na siguro akong okey.

Nagkukuwentuhang lumabas ang mga batang doktor. O magiging doktor.

Mabuti na lang, dumating na din ang mga bantay kong may dalang mainit na quaker oats at prutas.

11 HUWAG LAHATIN Nang mabalitaan ng mga kaibigan ko ang masamang karanasan ko sa mga doktor at ospital ng gobyerno, marami ang sumang-ayon. Talagang masama ang ugali ng marami sa kanila. Karaniwang pangyayari na ang ginawang kapabayaan sa akin. Sabi ng isa, sumulat daw ako sa direktor ng ospital at isumbong ang pasaway na mga doktor.

Itong munting pahirap sa akin ay sintomas lang ng halagahan at mga kalakaran sa ating mga ospital. At kung palalawakin ang sakop ng pakahulugan, mikrokosmo ito ng kalakaran sa ating lipunan. Mababa din ang sahod ng mga doktor. Pagod din sila sa dami ng pasyenteng dumadaan sa kanilang pangangalaga. Natural na maging masungit minsan (sana nga paminsan lamang ang naranasan ko).

Kung may kasumpa-sumpang doktor, mayroon ding marangal at kapuri-puri sa kabila ng kakarampot na pasahod. Saan mang larangan, may makakaengkuwentrong ganito. Gurong salbahe, gurong mabait. Drayber na mapanlamang, drayber na magiliw. Mayor na corrupt, mayor na hindi corrupt (Talaga, mayroon nito? Nasaan?) Pangulong makabayan, pangulong makasarili (Saan kasama ang Pangulo ngayon?)

Sa tingin ko, malaking factor na may koneksiyon. Kapag may kilala ka. Dahil estranghero ako sa unang ospital, wala talagang pakialam ang mga doktor. Dito sa ikalawa, may referral ng kaibigan ng kaibigan. Mas malambot tuloy ang pagtrato. Pero iyon nga ang isyu, bakit kailangan munang may koneksiyon bago maging makatao ang trato? Porke hindi kilala, bahala ka na muna diyang mamatay.

Sa mga eskuwelahang publiko, bakit nauunang mabigyan ng item ang kamag-anak ng prinsipal bago ang karapat-dapat na faculty? Sa mga intern sa ospital, bakit ang kaibigan ng kaibigan ang narerekrut at hindi ang matagal nang boluntaryo sa paglilingkod sa mga pasyente? Bakit? Dahil sa simpleng may koneksiyon ang mapalad na anak ng Diyos.

At walang anak ng Diyos ang ipamimigay ang grasyang natanggap niya. O kung pasaning krus ang natanggap niya, baka iyon pa ang ipamigay niya. Siyempre, wala naman nang gustong bumalikat noon kapag ipinasa na. Sino ang nagsabing kambing ang scapegoat? Sino ang nagsabing pusa ang salimpusa? Maraming nagkalat na taong ini-scape goat at isinasaling-pusa lang kahit sa totoo lang, sila ang karapat- dapat sa trono ng simple at pang-araw-araw na grasya.

Maraming kahunghangan sa mundo. Marami sa mga ito ang aksidente lamang at random. Tulad ng pagka- aksidente at pagkaospital ko (bagamat may kahunghangan din naman siguro). Pero hindi aksidente at lalong hindi random kung mabuti ang pagtrato sa naaksidente. Nasa ganap na kontrol ito ng tao. Ang tanong: Bakit pinipili ng tao ang magpakahunghang? Isa sa mga sagot: Wala lang. Gusto kasi niya. Kakainis.

12 DISKURSO NI DOK Mahusay na doktor si Dr. Lai. Iyan ng kaibigan ng kaibigan kong nagrekomenda sa kaniya. Kung pasyente ka, dapat mong paniwalaan ang doktor mo.

Orthopedic surgery ang specialty ni Dok. Very professional ang dating. Sa teorya ni Foucault, swak na swak siya sa power discourse. Ang kilos, ang delivery ng diagnosis, ang tindig, ang salamin. Susunod ka sa kaniya at maniniwala sa sinasabi niya.

Tiningnan niya ang x-ray at hindi masyadong maganda ang lagay ng sakong ko. Kakailanganin ang metal plates sa operasyon para maghinang muli ang nadurog na buto. Kailangang maghintay ng limang araw para humupa ang pamamaga ng kalamnan. Bubuksan ng parang letrang L ang gilid ng paa para maayos ang loob na nabasag.

Sana pediatrician na lang ang ipinadala. May dalang papet na pang-aliw mas maganda. Ayaw ng tao ang sobrang katotohanan, sabi nga. Pero dahil matanda na ako, kailangang harapin ng tiim-bagang itong operasyon.

Business side agad. “Magkano po ang badyet Dok?”

“Hmm, professional fee 20k, anesthesiologist 10k, metal plates 10k, plus medication and laboratory fees.”

Mga 50k ang tantiya ko. Ang gastos pala. “Salamat po Dok,” ang nasabi ko na lang. Diskurso ng walang kapangyarihan.

Nang kunin ng attendant ang blood pressure ko, sabi nito “Itay, ang taas po ng dugo ninyo.” Itay ka diyan. Siyempre, sino ang hindi mate-tense sa nag-aabang na gastos para sa operasyon.

At kabado na ako sa trauma na idudulot ng mismong operasyon. Hindi na panaginip ito.

13 OPERASYON Sa araw ng operasyon, hindi ako mapakali. Pabiling-biling sa umiinit na kama. Bagabag ang nararamdaman ko. Mabuti na lang dinalaw ako ng co-teacher na si Viojy na may mga anekdotang nakabawas kahit paano sa pag-aalala ko. Huwag ko daw masyado indahin itong nangyari. Karaniwan na raw itong mga freak accident. May kilala nga siya na grabe rin ang tinamong kapansanan dahil sa pagkatimbuwang sa gym. Paano’y may nakapag-iwang naka-on sa isang treadmill. Tapos hindi napansin ng kaibigan niya na tumatakbo na ang aparato kaya nang tapakan ito, natumba ang kawawang nagpapayat. Nalinsad ang kasu-kasuan ng gym addict na lumagapak sa sahig.

Tapos, si Viojy mismo ay dumaan sa iskalpel ng doktor. Operado na siya sa puso. May itinuturok daw na anim na pulgadang karayom sa gulugod para maiiniksiyon sa katawan ang anestisya. Nang umepekto na ang droga, binuksan ang kaniyang dibdib, at binuksan at inayos ang kaniyang puso. Hindi ba masakit, ang tanong ko. Huwag daw ako mag-alala at napakaepektibo ng pampamanhid. Sana nga hiling ko. Nahimasmasan ako sa pang-aalo ng kaibigan ko. Naitanong ko tuloy sa kaniya na nang lumantad ba ang kamara de amor niya, kaninong pangalan ang nakaukit doon? Hindi pa daw siya umibig noon kaya wala pa.

Sa akin siguro tadtad na ng ukit. Hindi ko na mabilang ang inibig ko.

Nang isakay ako sa wheeled stretcher, pakiramdam ko palaka ako na titistisin sa laboratoryo. Matapos pasuotin ng damit-ospital, sabi ng nars, tanggalin ko lahat ng suot na pang-ilalim. Palaka talaga.

Pumikit na lang ako at kung ilang palapag ang binaybay ng stretcher, ilang koridor ang dinaanan, bago pumasok sa laboratoryo na parang may ingay ng abalang kusina. May kalampagan ng malalaking kaserola. May lumalagapak na sandok yata at mga metalikong kagamitan. Siguro, nag-iisterilays ng mga gamit sa operasyon. Malamang. Oo, iyon na iyon. Pero naisip ko ring kung kusina nga ang dinaanan ng stretcher, baka malaking palaka ang lulutuin.

Minaskarahan o piniringan ako kaya wala akong nakitang kahit sino sa nag-opera sa akin. Palaka sa balon. Pinalipat ako sa kamang metaliko. Pinahiga nang parang fetus. May inisprey sa ibabang likod ko. Namanhid ang pakiramdam ko. Maya-maya, parang may isinisiksik sa isa sa mga vertebrae ko. Diyos ko, yung six inches nail na iyon! Maya-maya, may isiniksik na namang matulis na bagay sa gulugod ko. Pero wala akong naramdaman. Salamat sa anestisya. Pagkatapos isinabit ang binti at hita ko sa sling. Ugoy-ugoy style.

Hindi maganda ang pagkakasabit at agad akong nangalay. Pinilit kong nagsalita para magreklamo pero wala nang boses na lumalabas sa bibig ko. Ito pala ang pakiramdam ng sedated. May kaibigan kasi akong pinatulog ng gamot at tumatak na tanong sa isip ko kung ano ang pakiramdam ng nase-sedate. Antok na antok ka. Gusto kong matakot pero kahit ito nabubura ng anestisya.

Ang huling kong naramdaman ay malakas at sunod-sunod na pukpok sa talampakan ko pero kataka-takang walang akong naramdamang sakit. Ang eksena naiisip ko ay sapaterong gumagawa ng bagong sapatos. At ang paa ko ang hubugang ginamit. Inisip ko na lang si Buddha, nakangiti nang mahinay. Inisip ko na lang si Kristo, nakatitig nang tumatagos. Tapos, kompletong dilim. Nagdaraan ako sa libis ng kamatayan, inakala ko.

Alas diyes ng umaga nagsimula ang operasyon. Natapos ng alas tres. Nasa waiting area ako mula alas-tres hanggang alas-otso. Nagising nang alas-siyete. Sampung oras na walang malay.

May mga kaibigang naghintay sa akin, sina Nick Pichay at Elmar Ingles; pero dahil sa tagal ng operasyon, at mga abalang tao ang dalawang ito sa NCCA, at hindi na rin naman na ako matinong makakausap, nagpasiya silang sumulat na lamang ng love note sa akin at tuluyan nang umalis.

14 Ang una kong naramdaman nang magising: pagnanais na umihi habang lubog na lubog ang katawan sa pakiramdam ng napakabigat na pagkalastag. Hinahanap ko ang ginhawang karaniwang nadarama sa karaniwang araw. Pero hindi nga pala ito karaniwang araw.

Pinakamakapangyarihang tao sa mundo ang attendant na padaan-daan pero hindi pinapansin ang munti kong pagtango para ipahiwatig na nagbalik na ako mula sa isang napakahabang pagkahimlay. At gusto ko lang namang humingi ng patapong bote ng dextrose para sa tawag ng kalikasan, para sa tawag ng muling pagkabuhay.

15 CELECOXIB AT NOVAIN Partner ko ang matinding kirot sa kanang paa sa loob ng isang buwan pagkatapos ng operasyon. Kada otso oras ang turok ng anti-pain. Pinakagrabeng parte ang ikapitong oras matapos ang medikasyon. Diyan umaatake ang sakit. Dama ko ang malaking hiwa sa paa. Pumipintig na parang malaking puso. Biyak na puso. Sagad sa buto ang sakit. Sabagay, talagang buto ang napuntirya ng aksidente.

Ang sarap ngumalngal. Sa kabilang kuwarto, isang oras nang bumibirit sa iyak ang isang sanggol. Tinanong ko sa attendant kung ano ang nangyari sa bata. May kanser sa utak. Kawawa naman ang bata. Ang kirot nga ng sakong ay parang nasa loob ng utak paano pa kaya kung utak mismo ang masakit? Isipin mo ang sakit ng ngipin, gawin mong limampung beses, ganoon ang nararamdaman kong pintig sa hinimay na paa. Ang bata? Doble ng nararamdaman ko? Tama si Elaine Scary, hindi mo mararamdaman ang kirot ng ibang tao. Puwede mo lang ma-imagine pero hindi mo gugustuhing maramdaman. Nariyan ang posibilidad ng sarap ng awa o sarap ng pag-torture.

Kaya sino ang hindi maaadik sa kontra-kirot na gamot? Sa ikalawang gabi, sa ikapitong oras, hiniling ko na iturok na ang gamot. Novain. Laking ginhawa. Pero may side effect. Halusinasyon. Bad trip. Psychedelic visions. Ang pangit-pangit. May kasama na akong ibang pasyente sa room at medyo maingay ang ilan sa kanila. Buong angkan kasi ang dumalaw. May nanonood ng Dyesebel. May nagkukuwentuhan. Parang radar ang tainga ko. Naririnig ko ang lahat. At ang naririnig ko nagkakaroon ng interpretasyong biswal; dumilat o pumikit man ako. Ganoon pala iyon. Humuhulas ang lahat ng visual tableau kada microsecond. May nakikita akong cake na nagiging sirena, sirenang nagiging buwaya na nagiging dinosaur, bakulaw, at kung ano-ano pa. Mga visual effects ng napanood kong pelikula na naghalo-halo.

Magandang tingnan sa totoo lang pero nakakahilo! Pagkaraan ng sampung microseconds, ayaw ko na. Visual overload. Para kang nanoood ng MTV o Channel V nang naka-fast forward mode.

Dilemang malaki kung aling opsiyon ang pipiliin: Visual nirvana o hellish pain? Parehong ayoko.

Sabi ng Ate, isipin ko na lang na parang kagat ng langgam ang kirot. Ang kaso, iyong langgam sinlaki ng Tyrannosaurus rex na ipinagwawagwagan ang sakong ko.

Doble dosis na lang ng Celecoxib na walang side effect ang ibinigay ng nars sa ikapitong oras.

16 ROOM MATES AT BANTAY Hindi ako nakapag-asawa. Iyan ang trahedya ko. Sa kabilang kama, maghapong halos magbangayan ang mag-asawang matanda. Iyon ang trahedya nila.

Live ang teleserye sa Room 436. Na-stroke si Manong. Pangalawa na niya iyon. Malapit na maparalisa ang katawan. Hindi mapakapagsalita. Puro ungol lang ang lumalabas sa bibig. Pero mind reader si Manang at alam ang anumang ibig sabihin ni Manong kahit sa muwestra at tinginan lang. Sa tagal ng pagsasama nila, bawat kibot ng katawan ng asawa, alam na ni Manang. Madaldal si Manang at parang drama sa radyo ang usapan. Monologo pala. Aburido si Manang. Ang kulit kasi ni Manong. Gustong magpapasyal palagi kay Manang sa wheel chair electric chair. Hirap kayang itulak noon. Gusto pa ni Manong pumunta sa first floor. Mas maluwag kasi doon sa ibaba. Kasi dito sa fourth floor, sa loob ng dalawang minuto ay nalibot mo na ang lahat ng sulok.

Isang umaga tumili si Manang.

“Ang libog-libog mo. Kaya ka inaatake!”

Dinakma pala ni Manong ang suso niya. May romansa pa ang dalawa. Kainggit. Ako malamig na unan lang ang laging kayakap. Wala akong madakma kundi ang pumipintig na paa. He he.

Pero maya-maya, tigas naman ang pagmamalaki ni Manang na siya ang legal wife. Mukhang babaero si Manong.

“Isusumbong kita sa Nanay mo!” Tumawag sa cell phone si Manang. Nasa linya bigla ang mother dear ni Manong. Mukhang pinagalitan. Nagsenti. Umiyak si Manong.

“Ayan kasi. Iiyak-iyak ka ngayon.”

Kinahapunan, dumalaw ang mismong Nanay ni Manong. Magkamukha sila. At nagkaroon ng moment of silence ang pamilya.

Samantala, doon naman sa dulong kama, walang maririnig sa lolo, na mahal na mahal ng pamilya, kundi malalim at paminsan-minsang pag-ubo. May katabing makina na monitor sa fluctuation ng tibok ng kanyang ritmo ng puso. Isang gabi, tumili na naman si Manang kasi napansin niyang napayukyok ang lolo at hindi pinapansin ng bagets na bantay dahil abala sa pagpindot-pindot sa Playstation. Takbuhan ang mga attendant.

Maya-maya, walang puknat na sermon ang inabot ng binatilyo sa mga tiyahing biglang nagdatingan. “Papatayin mo ang lolo! Tarantado ka!”

Sa ikatlong kama, tahimik na inaalagaan ng isang ina ang anak na binatang biktima ng dengue. UP Intarmed student. Saan nakuha ang mikrobyo? Sa kagat ng lamok sa kampus ng UP Manila. Katakot naman. Ilang araw nang pabagsak ang blood platelet count ng pasyente. Buti na lang sabi ng Nanay na hindi bumaba sa otsenta ang bilang. Ito daw ang kritikal na hanggahan. Kapag bumaba pa diyan, tepok ka. Matiyaga ang nanay. Ipinagpilitan sa ospital na imonitor ang kondisyon ng anak. Pagkaraan ng apat na araw, may lumitaw na malaking pantal na kakulay at sinlaki ng mabolo sa puson ng anak. Indikasyon iyon na tagumpay ang laban ng katawan sa dengue. Wala daw gamot sa sakit kundi ang malakas na resistensiya ng indibidwal. Saludo ako kay Nanay nang sabihin niya na ang isang malaking factor sa pagkaligtas ng sinumang may sakit ay ang tiyaga, husay, at pagmamahal ng nagbabantay.

17 Hay, saludo ako sa mga bantay kong sina Ate Beni at mga pamangkin niya, pamangking kong si Nelson, at ang hugos ng mga kaibigang dumalaw at nanggulo sa akin sa Room 436. Dahil sa inyo, di masyadong mahirap ang nangyari sa akin.

18 BURYONG Umaatake ang desperasyon sa pasyenteng napakaraming oras na gugugulin sa meditasyon. Hindi makontrol ang takbo ng utak. Sanga-sanga at kung saan-saan pumupunta. At ang isang parang haywey ay patungo sa kawalang pag-asa.

Bakit ba nangyari sa akin ito? Parusa ng kung sino? Kabayaran sa hedonistang buhay? Siyempre alam kong random event lang ito sa uniberso ng tao.

Kahawig ng isang bilanggo ang may kapansanan. Dito nga sa Room 436 ay wala ako ni isang dipang langit na matanaw, di tulad ni Ka Amado. Pero nararamdaman kong parang nagiging ang gagamba ako sa kaniyang tula. Humabi ng sapot na sa wakas siya rin ang pinuluputan ng sariling sapot. (Gagambino ikaw ba iyan?)

Nagmumula sa makapal na kamang goma ang init. Parang bágang sinasalab ang likod ko na maya-maya ay maliligo sa pawis at kati. Kung may kasumpa-sumpang kagamitan sa ospital walang iba kundi ang kama. Sa harap naman, bumubuga ang hangin ng erkon. Sala sa init, sala sa lamig. Daig ko pa ang planetang Merkuryo. Miss ko ang bentilador at comforter ko sa bahay. Kahit malamok sa KNL mas gusto ko na doon. Puwedeng magkulambo.

Itong wheelchair sa Room 436 kasumpa-sumpa din. Ang tigas ng kasu-kasuan. Ayaw gumulong ang isang gulong. Mukhang electric chair pa sa bigat. Puro bakal kasi. Buwiset.

Niregaluhan ako ng rosaryong pulseras ni Prop. Lilia Antonio. Parang mga black pearl ang mga bolita. Aba bumalik ang pagka-Katoliko ko. Huling rosaryo ko ay dekada na ang nakaraan. Feeling atheist kasi ako. Sa oras ng pagkaburyong may espritwalidad na umusbong. Bumalik ang pagbulong ng “Hail Mary.” Natatawa akong di ko malaman. Asiwa naman itong ginagawa ko. “Brother Joey, ikaw ba iyan?” Oo! Magtigil ka.

E dinalaw pa ako ng bagong kaibigang pari, si Fr. Nilo Mangusad ng EDSA Shrine. Nagdala ng meryendang Thai na pinagsaluhan namin ng kaibigang classical singer, Ms. Josephine Gomez na maepal na tumawag sa doktor ko para bigyan ako ng discount sa doctor’s fees. Baka lalo akong taasan ng singil, makulit kasi itong mang-aawit. Pero mabait.

Nagbabanta ang metanoia sa utak ko. Inspirado tuloy ako tumula. Naalala ko ang masugid na pari noong hay-iskul pa ako at inimadyin kong dinalaw niya ako sa gitna ng kaburyungan.

ANG PARI

Para siyang balumbon ng ulap na lumilibot sa mga ward tuwing alas-sais ng umaga. Ibinabadya ng taginting ng kampanilyang ikinakampay ng sakristang pupungas-pungas ang kaniyang lumalakad na pagdalaw, kasabay halos ng rasyong kape't pandesal sa mga pasyenteng nakikipagbuno sa bangungot ng magdamag sa limahid na kubrekama ng lungkot. Walang palya, walang sawa ang pagbendisyon sa lulugo-lugo, buryong, abandonado, ulyanin, mabaliw-baliw, at naghihingalo.

19 At parang pinagpag ng biglang pagdapo ng mga kalapati sa pasemanong hindi pa napapalisan ng alabok, magliliparan ang mumunting ligalig na namamahay sa balat ng lahat. Bitamina ang mahinay na sinag ng araw na umaagos sa bintana. Ang mga muta, ang mga langib ang mga buntunghininga't pagkangalay ay tila nililinis ng lumilipad na hamog mula sa kaniyang mga daliri. Umiimbay siya kipkip ang salteryo at umiimbay din ang sutanang sa tama ng umiinit na araw ay sumisilaw kahit sa matang nakapikit sa biyaya ng pag-asang bago at nariyan, nariyan lamang. Babagtasin niya ang kuwarto, at marahang huhupa ang taginting ng kampanilyang sumikdo sa tainga, at maiiwan ang yabag ng pari sa sahig na napatakan ng banal na tubig.

20 MGA MATANG UHAW Dahil sa nakulob ako nang halos isang linggo, excited akong makita ang nasa labas ng Rm. 436. Ginaya ko lang naman si Manong na gustong mamasyal sa mga koridor.

Tulak ni Nelson ang wheelchair electric chair, umikot-ikot ako sa fourth floor. Narealize kong wala namang makikita doon. Pinasok namin ang tila plasa na nasa gitnang bahagi ng gusali. Actually, bubong pala iyon. Doon naiipon ang ulan. Kita sa vantage point na ito ang mga silid. Sinilip ko ang Rm. 436 at nakita ko ang aming CR. Wala namang kapansin-pansin. Basyo ang pakiramdam ko. Pagtingala ko, nakita ko ang langit sa takipsilim Wala pang bituin. Payak na abuhin. Eksakto ganiyan ang pakiramdam ko. Paghahari ng kawalan.

Nang mapadako kami sa koridor kung saan tanaw ang LRT sa Taft Avenue, nangibabaw ang karatulang neon ng Yakult. Iyon ang napagdiskitahan ng mata ko. Tanawing puwedeng-puwedeng maituring na bangkete pagkatapos nang matagal na pagtitig sa kisame. Kahit ano basta maiba sa kaburyungan ng mainit na kama.

Nang umuwi ako sa bahay, grasya ang magpainit sa umaga sa gitna ng mga bougainvillea, cactus, gumamela, at masetas sa hardin. Binantayan ko ang pamumukadkad ng mga bulaklak. Nakabilang ako ng mahigit sandosenang klase ng bubuyog at paruparong dumalaw sa mga halaman. Ang dami palang insektong papalit-palit sa pagsipsip ng nektar sa isang klase ng violet sa hardin. Pagdating ng alas-nuwebe halos tapos na ang almusal ng mga kulisap. Nagkalat ang mga lagas na petalya sa paanan ng halaman. Hindi napapansin ng matandang asong natutulog doon, si Watcher. Samantala, busog na busog ang balat ko sa agos ng sinag ng araw.

Makikita ako ng kapitbahay na si Manding. Dadayuhin ako sandali para makipaghuntahan. Galing pala siya ng Qatar. Umuwi pagkatapos ng kontratang dalawang taon. Pero ayaw na niyang bumalik. Hindi naman sinusunod ng mga kompanya ang nasa kontrata. Nagtitiis lang siya kasi naroon na at walang punto na bumalik agad sa Pinas nang walang kita. Nagsara na ang Jacinto Steels na dati niyang pinapasukan. May resesyon pa ngayon kaya hiráp siyang maghanap ng bagong trabaho. Pero hindi na talaga siya babalik ng Qatar. Mang-aapi daw ang amo niya. Nakita kong may kaunting apoy ng hinanakit sa mata ng kapitbahay ko. Flash forward nang ilang linggo: Mababalitaan ko na lang na nagbalik na siya sa Qatar. Sana naayos na ang mga kondisyon sa kontrata kaya nahikayat na muling mag-OFW si Manding. Kung hindi, patuloy lamang ang pang-aapi sa Pinoy.

Samantala, naghihintay ako ng muling pagbabalik sa piling ng mga katrabaho sa eskuwelahan. Masarap magbilang ng bubuyog at paruparu, pero mas masarap makipaghuntahan sa mga kaibigan. Gaya ng huntahan sa hardin sa sinag ng pang-umagang araw.

21 MGA PASYENTENG PASAWAY Hindi lang naman ang mga empleyado ng ospital ang pasaway. May mga pasyente din. Ang sabi ng kaibigan kong kumukuha ng kursong narsing, isang uri na rin ng sakit ang pagtakas ng mga pasyente sa responsibilidad ng pagbabayad. Kapag nalingat ang mga attendant, lalabas ang pasyente nang hindi pumupunta sa billing section.

Ang nakausap kong dentista, nagbunyag na marami daw nagpapabunot ng ngipin o nagpapapasta nang hindi nagbabayad nang tama. Mga tatlo ang ipapabunot tapos isa lang ang babayaran. Palusot ng pasyente, kulang ang dala niyang pera. Kaso nabunot na iyong mga ngipin. Mas mahirap namang isauli pa ang mga iyon sa pinagmulang maitim na gilagid. Dahil mabait si Dok, hinahayaan na lang niya ang drama ng mga walang konsiyensiyang pasyente. Naku kung ako iyon, bubunutin ko na lang lahat ang ngipin nang libre at walang anestisya para habang buhay na silang bungal. At para wala na silang madenggoy na iba pang doktor. Ang mga lumalaboy na bampira, dapat tanggalan ng pangil!

Marami diumano ang tumatakas sa pagbabayad lalo na sa maternity ward. Ayaw akuin ng magulang ang pagpapalaki sa kawawang mga bata. Sabi ng kaibigan kong nars, sa sobrang kahirapan, iniiwan na lang sa ospital ang bata. Sino ang maghihinalang tatayo ang bagong panganak na ina para takasan ang bayad at para takasan ang sariling anak? Kapag ganyan ang nangyari, ang mga madre o DSWD na ang papasok. Ilalagay sa programa ng pagpapaampon ang bata. Aalagaan muna ang sanggol at pagkaraa’y ihahanap ng lehitimong foster parent.

Kaya nga hindi ako nag-asawa. Ayaw na ayaw kong pumasok sa mga ganyang sitwasyon. Ibig kong sabihin iyon mismong panganganak at kahit ang pag-aampon. Bakit ka pa susubok na mag-ambag sa gene pool ng sangmadlang sangkatauhan kung napakahirap buhayin ang katawang tao sa panahong ito?

Hindi naman siguro talagang gustong tumakas ng mga magulang na iyon. Wala lang talaga silang pera. Mabuti-buti nga sila at inilabas nang buhay ang bata. Ang iba diyan ay walang pakundangan na lang na ipinapalaglag ang bata. (Mga ungas na matapos magpasarap, papatayin ang bunga.)

Hindi naman ako pasyenteng pasaway. Wala akong ilalaglag dahil ako nga itong nalaglag. Kaya masama ang loob ko na pangit ang trato sa akin doon sa unang ospital. Wala akong balak tumakas sa sisingilin sa akin. Alam ko, karma lang ang aabutin mo doon.

22 CHECKOUT Tulad sa unang ospital, matagal ang inabot bago mag-check out sa PGH. Matagal akong nakatanga sa Room 436 habang naghihintay na maproseso ang mga papeles. Ako ang unang pumasok dito sampung araw na ang nakakaraan. At ako ang huling lalabas.

Habang naghihintay, inambush ako ng chief nurse. Puwede daw ba akong modelo. Wow okey iyan. Modelo ni GMA. Walang akong magawa dahil nakasakay ako sa wheel chair. Okey lang din naman. Kasi may media sa labas ng gumagawa ng video presentation tungkol sa kontribusyon ni Pangulong GMA sa pagtatayo ng bagong gusali ng PGH. Walang occupant sa mga room para sa solong kuwarto at tamang-tama puwede akong kunwang pasyente doon. Akting na masaya ako sa serbisyong hatid ng ospital. Ang Direktor ng PGH ang mismong umasikaso sa akin. Hindi ko naman napakinabangan ang first class amenities ng ospital tapos endorser pa ako ngayon. Sige sakay na lang. Centennial naman ng U.P. Ito na lang ang kontribusyon ko. Potek.

Kinuwentuhan ako ng Direktor na noong panahon niya sa Diliman, 10 sentimos lang daw ang pamasahe sa Ikot. Mga late 1950s siguro iyon. Ngayong 2008, P6.50 na ang pamasahe. Tapos, nang makakuha na ng footage, sibat na ang Direktor. Pati ang camera man. Dramatic silence ang sumunod. Mga 10 minutos na iniwan ako ng mga kumag. Kundi ba naman. Pagsasamantala sa may kapansanan! Insidental lang na may pumasok na janitor sa kuwarto. Nagpahatid ako pabalik sa totoong kuwarto ko.

Natagalan si Ate Beni sa pagproseso ng papeles sa paglabas. Nataranta dahil nag-debit ang kaniyang ATM. Pahihiramin niya kasi sana ako. Mukhang bulilyaso. Ako naman ang nataranta. Tumawag ako sa kaibigan ko (user friendly ang drama ko) na si Mam Gaying para utangan. Mabuti naman at handang magpautang ang mayaman kong kaibigan.

Kaso hindi pa rin ako makakalabas kahit may pambayad. Kasi ang nakalagay sa record ay Romulo Baquiran. Tatay ko iyon. Mukhang natupad ang hiling kong sana ay panaginip lamang ang lahat ng ito. Hindi ako ang naaksidente at naospital. Nagpapanggap lamang ang nakaupo sa wheel chair.

Mabuti na lang ginarantiyahan ako ni Blessie, ang staff ng isang opisina sa PGH. Pero sa kondisyong salary deduction ang sistema. Ibig sabihin, si Blessie ang magbabayad ng bill ko. Nakakahiya naman.

Sobrang lakas ng ulan noong gabing pauwi ako. Biglang bumaha ang mga daan sa pasikot-sikot ng village na dinaanan namin sa Fairview. Umalsa ang mga estero at nagkabuhol-buhol ang trapiko. Parang ayaw akong pauwiin ng kalikasan. Ano na naman ang kasalanan ko (praning na talaga).

Pero nakauwi rin sa wakas. Inabot nga ng alas nuwebe. Ang sarap matulog sa sariling bahay. Parang hinehele ako ng buhos ng ulan. Balde-balde sa bubong na yero. Parang grasya matapos ang desgrasya.

23 HELLO PAPAYA Sa mga dumalaw sa akin, prutas at gatas ang madalas na bitbit. Okey na okey sa akin ang prutas. Nakakasawa lang kaya hindi ko pinapansin. Ayoko na ng mansanas. Ayoko na ng saging. Ayoko na ng ubas. Ayoko na ng ponkan. Sa totoo lang, ayaw ko na ng kahit ano.

May melamine scare pa noon kaya nag-aalangan naman akong inumin ang Anlene. Tapos, sabi pa ni Ipat Severino hindi para sa tao ang gatas ng baka. Inaagawan natin ng pagmamahal ang batang baka. (Lilitsunin pa ng tao ang batang baka. May lulupit pa ba sa tao?) Sa sobrang dami ng protina ng gatas, natatangay lang palabas sa katawan ang calcium. Sayang lang daw.

Marami ring estrogen ang gatas ng baka na nakakaistorbo sa natural na balanse ng hormone sa katawan. Ito raw ang malamang na dahilan kaya maraming nababakla sa henerasyong ito. Hindi rin ganoon kaligtas sa impeksiyon ang gatas. Posibleng nahaluan ito ng nana ng baka. Uh! Ayaw ko na ng gatas.

Saan naman ako magmimina ng calcium ngayon?

Alternatibo ng gatas ang soya milk. Para lang umiinom ng taho at tokwa. May mga flavored version. Masarap. Mas mahal nga lang sa gatas.

Marami daw pagkain ang Pinoy na magandang pagkunan ng calcium. Natural na nahahatak palabas ng sampalok o iba pang pang-asim ng sinigang ang calcium na nasa buto ng nilulutong manok o baboy. Kaya tuwang-tuwa ako ng nangako si Ipat na ipagluluto ako ng sinampalukang manok. (Tinupad ito ng star lawyer at life partner ni Howie Severino ilang araw bago ako lumabas).

Kung magagawa ko daw, puwede kong ipunin ang tinik ng sardinas. Calcium rich iyon. Sori muna sa alaga kong si Miming, babawiin ko muna ang one year supply niya ng Ligo at Hakone.

Sabi naman ni Ms. Josephine Gomez maganda ang papaya. Sige payag ako sa papaya. Makakababa pa ng libido. Pero sa kirot na nadarama ko, nawawala na iyon. Makakatuon na ako sa mas matatayog na gawain (he he! Tulad ng pag-akyat sa puno). Kaya lang matabang ang mga nabibiling papaya sa palengke o SM. Gayunman, relihiyoso ako sa pagsasama nito sa aking therapeutic diet. Goodbye muna sa Nova, Piattos, Chiz Curls, at Oishi.

Mayaman din sa calcium ang linga o sesame seed. Nagpabili ako at tinikman. Mapait. Mas gusto ko ang mamantikang butse ng Chow King na pinagulong sa linga.

Bakit kaya ang mga nakakabuti sa katawan kundi mapait, mapakla, maanghang o maasim? Hinahanap ng dila ang matamis, maalat, maalkohol, at masebo na masama naman ang epekto sa atay, lapay, bato, at puso.

Maganda din daw ang malunggay, saluyot, okra at iba pang lunti at malaway na gulay. Para akong nagpapasusong ina nito.

Ang hirap magpaka-wholesome!

24 SARILING SILID Totoong welcome home ang isinalubong sa akin ng pamilya ko. Inayos ang isang silid para sa akin. Kuwarto iyon na ginamit ng pumanaw ko nang ama at ina. Ginamit din iyon ng pamangkin kong si Roy noong wala pa siyang asawa.

Sabi ko alisin ang foam sa kama. Baka parang hospital bed na naman ito. Ayoko ng mainit. Nawerduhan ang Ate ko sa akin. Okey naman daw na may foam. Matigas na kahoy ang kama. Hindi daw ito maganda sa likod kapag hinigaan. Sige na nga.

Sabi ni Frank Cimatu para daw akong iyong protagonista sa Rear Window ni Alfred Hitchcock. May semento rin kasi iyon sa paa. Pero walang rear window ang bahay namin. Bukod sa walang masisilip na misteryosong karakter sa kabilang bahay.

Naririnig ko ang mga kaluskos at usapan ng sinumang nasa labas ng silid ko. Nasa likod din ang alagang asong si Panda na nang minsang isipol ko ang paboritong awit ng Orient Pearl—Hindi lang ikaw ang nagdurusa/at hindi lang ikaw ang lumuluha/pasakit mo’y may katapusan/kaya mo iyan—ay tumahol nang tumahol. Tsk, tsk ganoon ba kasama ang taste ko sa music? Pinakain ko nga kinabukasan si Panda at palagian na kapag may nakita akong maipapakain sa kaniya sa kusina. Mula noon, kahit anong kantahin ko, Aegis man o Air Supply, okey na kay Panda. Pati pala aso nasusuhulan din. LOL.

Isang gabi, hindi ako pinatulog ng mga aso. May bagong tutang inalagaan ang pamangkin ko. Bigay ng kapitbahay. Itinali sa labas. Buong gabi, umiyak nang umiyak ang tuta. Sabi ko sa kapatid ko, isauli muna kasi masyadong baby pa ang tuta. Hinahanap pa ang ina. Hindi nakayanan ni Panda ang iyak ng tuta at siya mismo ang ngumalngal nang pagkalakas-lakas at buong damdamin. Dadaigin ang theater major sa akting. Parang sinasabi sa mga tao sa bahay: “Mga punyeta kayo, pansinin at alagaan n’yo naman ang tuta.” Ganoon nga ang ginawa ni Ditse, ang kapatid ko. Binigyan ng gatas at higaan ang bagong tuta. Alas-singko na nang tumahimik ang tuta. Pero pagdating ng alas-sais, ang aso naman ng kapitbahay ang nag-ingay. Ano ba ito, bayan ba ito ng mga aso?

Kinabukasan, malambing pala ang tuta. Nakakatuwa. Dinilaan ang hinlalaki ng paa kong may sugat. Pinatawad ko agad sa pag-iingay na ginawa kagabi. Pinangalanan itong tuta ng “Tiger.” May patse-patse kasi sa balahibo na parang sa tigre. Ang sigla-sigla. Kalatog pinggan. Tahol nang tahol kapag nakarinig ng kumakain. Gustong laging makipaglaro. Mga ilang araw lang, napagdiskitahan ng hipag ko ang tuta. Inarbor. Wala daw bantay sa kanila. Pero hindi nagtagal ang buhay ni Tiger. Nakapulot ng patay na maya. Gustong kainin. Hinatak sa kaniya ang ibon pero ayaw bitawan. Nakipaghilahan. Nalunok ni Tiger ang ibon. Nabilaukan na siyang ikinamatay nito. Tuta lang pero namiss ko. Nakikita ko ang kislap ng mga mata ni Tiger hanggang ngayon.

Tuwing umaga, ginigising ako ng awitan ng lovebirds na nakasabit sa labas ng bintana. Sinasabayan pa ng mga malayang ibon na umaarya sa punong abokado. Minsan, may dumalaw na mga estudyante sa elementarya na nagpaturo ng pagsulat ng feature article. Naging example ko ang mga love birds. Ang sabi ko, halimbawang paksa nila ang mga nasa hawla, ano ang susulatin nila? Siyempre kailangang ilarawan ang makulay na plumahe, ang malambing na awit, ang pagmamahalan ng pares. Pero ano talaga ang tema sa pagtuon sa paksang ito? Drinamahan ko na “kagandahan” at “kalayaan” ang talagang sabjek ng artikulo. Mga ilang araw, pagkaraan, narinig ko ang tatlong desperadong igik. Parang naipit na daga. Nanlumo ako nang sabihin sa akin na nag-suicide ang isa sa mga lovebird. Baka narinig ang lecture ko sa kawalan nila ng kalayaan? Ng kanilang pagiging representante ng kagandahan? Pinakawalan agad ang naiwang ibon. Sabi ng bayaw ko, nagtampo pala ang mga ibon dahil mali ang nabiling pagkain ni Nelson. Ayaw nila ng mais.

May malaking gagamba din sa silid. Iyong mabalahibo at kumakain ng ipis at butiki. Minsan, napunta sa tuwalya kong ipapamunas ang gagamba. Napatalon ako sa takot. Napatalon din ang gagamba. Napunta sa

25 paa ko (sa lahat naman ng lugar! Parang pelikula ni at Panchito). Ikinawag ko nang ikinawag ang paa. Iyong may cast pa mandin. Tumalon ulit ang gagamba. Napunta sa ilalim ng kama. Hay aatekihin ako sa gagambang iyon.

Isa pang nakakahilakbot na dalaw ang nakita ko isang gabi. Mabuti na lang malinaw pa ang mata ko. At puti ang kumot. Kontras na kontras ang makulay at mabalahibong kahabaan ng isang higad. May sungay na itim at dilaw na likod. Kung hindi ko iyon nakita, tiyak na naglagablab ang balat ko sa bulo ng makating hayop. Ipinagpag ko ang kumot at sinilaban ang higad. Peste naman iyon kaya okey lang na patayin. Hindi tuloy ako ako makatulog sa imahen ng mga gumagapang na higad kung saan-saang parte ng higaan. Wala namang kati pero parang mayroon. Ang sagwang pakiramdam.

Regular na bisita ko din sa silid ang mga bubuwit, langgam, butiki, at lamok. Pero pinakapaborito kong bisita ay ang alitaptap. Lipad nang lipad. Bumubuo ng guhit na naiiwan sandali sa madilim na gabi at gayundin sa inaantok ko nang mata.

26 NABAWASAN Sa mga walang kapansanan, hindi nila pinapansin ang sigla at lakas ng katawan. Nariyan lang ang mga iyan sa pagtupad sa mga routine. Sa mga nabawasan ng pisikal na abilidad, malalaman mong napakahalaga ng kahit isang kasu-kasuan ng kamay o paa.

Isipin na lang ang pagsusuot ng brief o panty (oo, masarap gumamit ng panty) nang isang kamay lang ang gamit. Parusa iyan. Kung saan napupunta ang garter lalo na kung lawlaw. Sumasaliwa ang pundilyo. Hindi masalo-salo ang dapat saluhin. Parang supot ng lugaw na lumusot sa puwet ng bag. Buwiset. Sa kaso ko, puwede ko naman gamitin ang isa ko pang kamay pero bubuka ang tahi kapag pinuwersa ko. Kaya one-hand affair ang lahat.

Problema rin ang paliligo. Dalawang linggo rin akong hindi nakapagbuhos ng tubig sa ospital. Puro punas- punas lang. Ang ulo kailangang isalang sa lababo para shampuhin. Mabuti na lang maikli ang buhok ko. Ayokong maging Sadako. Pero ito ang hindi maiwasan: ang maging inapo ni Datu Puti.

Dami kayang seremonyas ng disabled kapag nagbanyo. Malaking hamon ang lumipat mula sa wheel chair papunta sa loob. Ayaw na ayaw ko pa naman ng inaalagaan. Nataranta ako nang sabihin na kailangan akong buhatin. Ayoko nga. Hindi ako disabled. Kailangan lang may umalalay sa pagtayo. Limang piye lang ang layo ng lilipatan pero pinagpapawisan akong tawirin ang agwat. Kapipilit ko lumala ang pilay ng isa ko pang paa. Kailangang panindigan. Walang dignidad ang pag-aming nabawasan ka.

Dalawang upuan ang kailangan sa shower. Upuan ang isa, patungan naman ng nakasementong paa ang isa. Tapos, one-hand job lahat. Hindi nga kasi puwedeng mabasa ang daliring may sugat. Umaalagwa ang sabon sa kamay. Nahuhulog ang tabo. Hindi maayos na makapagtanggal ng libag. Tumutubo tuloy ang mga kurikong sa puwet. Parusa talaga.

Naalaala ko tuloy ang kaibigan kong propesor sa Baguio nitong summer lang. Pilantod kasi iyon. Na-polio siya noong bata. Gusto kasing mag-taxi gayong ang lapit-lapit lang kaya ng campus sa mall. Inisip ko na ang arte naman. Ang ginawa ko, hinatak ko para maglakad. Bubuntot-buntot siya sa akin. Sabi ko, kaya mo iyan. Sa lamig ng bundok, ginitilan siya ng pawis pagdating sa itaas.

Ngayon, alam ko na ang hirap na ipinagawa ko sa kaniya. Tapos, biglang nag-ring ang cell phone ko. Baka si Sadako! Hindi. Ang kaibigan ko mula Lungsod ng Pino. Masayahin at palabiro iyon.

“Kumusta ka na? Naaksidente ka raw. Kawawa ka naman. Gusto mo lang yatang gayahin ang lakad ko e.”

Hindi ko malaman kung matatawa ako o maiiyak.

27 LANGGAS Sabi ko kay Doctor Lai makakalakad na siguro ako pagkatapos ng isang buwan. Tanda ko kasi na noong disiseis ako, mga ganito lang katagal ang paghilom ng nabali kong braso.

“Isang buwan? Tatlong buwan bago maghilom ang buto ng nasa edad mo,” sabi ni Dok.

Kainis. Ang tanda ko na pala. Ngayon ko lang na-realize nang husto. Kalungkot naman. Matetengga ako nang matagal. Tiyagaan ang pagpapahilom ng buto. Proyektong Calcium ang tawag ko dito.

Araw-araw ay kailangang linisin ang sugat na korteng L. Katakot. Ayaw kong tingnan. Pero sinilip ko pa rin. Parang alupihan na nakabalatay sa ibaba ng bukongbukong. Namumula at may parteng nangingitim. May dalawang nakausling parang pako sa sakong. Parang sabitan ng tuwalya. Suporta sa pagtubo ng buto.

Sa paglalanggas, unang aalisin ang buhol na benda. Itsura ng paa ng mummy! At hahanguin ang paa sa proteksiyon ng casting. Hindi full cast ang semento. Kalahati lang, nakalitaw harapan ng binti kaya madaling buksan. Unang dadampian ng bulak na tigmak sa agwa oksenada ang alupihan. Parang may kirot na guguhit sa pagitan ng mga tahi. Maya-maya, bulak na may Betadine naman ang isusunod na ipupunas. Hindi naman masakit pero mabusisi ang gawaing ito. Inobserbahan ni Nelson, ang pamangkin kong nars, si Dok Lai para sa tamang paglanggas.

Bawal mabasa ang paa siyempre. Laging nakakulob. Punas ng bimpo lang ang ginagawa. Kinukuskos ng alkohol. Pero iba talaga ang todong banlaw ng sabon at tubig. Kahit ilantad nang kalahating oras araw-araw, hindi nauubos ang amoy. Kaya umabot sa puntong sumangsang na. Hindi naman dahil sa nabubulok kundi natural na amoy lang. Sa taong malinis sa katawan, parusa ang masinghot ang bantot na nanggagaling sa sariling paa mo.

Mahirap ang nasusugatan. Dala mo habambuhay. Cliché na naisip kong higit pa ang sugat na naiwan sa kamalayan. Malaking peklat na paalala ng sakuna. Hindi nabubura ng araw-araw na langgas.

Pero araw-araw, may improvement na nangyayari sa sugat. Humihigpit ang tahi. Nabubuo ang langib. Humuhupa ang maga. Hindi naiimpeksiyon. May kapitbahay kaming natigok nang hindi naituloy ang pag- inom ng antibiotics. Kaya konsolasyong malaki ang hinay-hinay na paghilom.

Mahihiling sa ganitong sitwasyon na isa ka sa X-Men; na isang segundo lang, maghihilom na ang sugat; na agad, makakabalik ka sa sa mundong mahal na mahal mo pero kailangang sumandaling iwan.

Sa ngayon, isa ka munang X.

28 WHEEL CHAIR AT SAKONG Walang tatalo sa halaga ng wheelchair sa mga taong hindi makatayo at makalakad. Hindi ko akalaing sa mura kong gulang ay magiging pasahero ako ng aparatong ito sa loob ng dalawang buwan. Pansamantalang hindi na matutuloy ang karera ko sa ballet. Balak ko pa namang magsimula ngayon lang.

Hindi ako bumili ng wheel chair. Nanghiram lang. Maabilidad kasi si Ditse sa paghahanap nitong tronong de-gulong. Nakahiram siya sa best friend niyang ang tatay ay may dalawang wheel chair. Berde at makapal ang telang upuan. May malaking bulsa sa likod na lagayan ng gamit. Dito inilalagay ni Nelson ang labakara at mga gamot ko kapag lumuluwas para magpakonsulta kay Dr. Lai.

Maliit ang espasyo sa bahay na mapagmamaniobrahan ko. Hirap akong makalabas ng kuwarto. Sumasayad ang magkabilang gilid sa pintuan. Kailangang may magtulak o manghila sa akin. Pero kung walang tao sa bahay--kapag weekdays kung kailan pumapasok sa opisina o paaralan ang lahat--kailangan kong piliting makalusot sa pinto. Pinagpapawisan ako sa hirap. Iniisip ko na lang na ehersisyo ito ng pagpasok sa langit.

May mga de-kambiyong break ang wheel chair sa magkabilang gilid. Mabuti na lang. Kung hindi ay aabante o aatras ako nang tuloy-tuloy kapag nasa nakahilig na lugar. Hindi kasi pantay ang ilang parte ng sahig ng bahay kaya kung minsan ang hirap kontrolin, kusang tumatakbo sa tagilid na rabaw. Nakakapraning na baka bumangga ako sa dingding.

Natitiklop ang wheelchair na parang akordiyon at nagkakasya sa likod ng van na arkilado ko sa lingguhang konsultasyon sa Cardinal Santos o Manila Doctors Hospital.

Mahal na mahal ko ang wheel chair. Laking ginhawa para sa may kapansanan sa paa. Pero mabuti na rin at dumating ang panahong naisauli na ito sa hiniramang lolo dahil kinaya ko nang mag-saklay.

Palagian habang naghihintay sa koridor ng ospital, pinagmumuni-munian ko ang mga sakong ng taong nagdadaan sa harap ko. Dati mukha ang tinitingnan ko, ngayon paa ang pinagtutuunan ko ng mapagmahal na pansin. Ang bibilis maglakad ng mga estranghero! Parang dumudulas lang sa sahig. Sa tingin ko, dahil sa dinadanas kong pagpapagaling at hindi muna paggamit sa aking paa, wala nang gaganda pa kundi sa mamula-mulang sakong. Puwede akong gumapang sa baldosa para dila-dilaan ang mga sakong.

Tuwang-tuwa ako sa nakita kong dalawang batang babae na naghaharutan sa koridor sa harap ng isang klinika. Naghahabulan sila habang singlutong ng tsitsaron ang tawanan. Nakatsinelas lamang ang dalawa at kitang-kita ko ang kanilang mga sakong. Apat na munting bolang tuntungan ng paang nag-iiwan ng mantsa ng sigla at saya sa marmol. Iniisip kong sa seis pulgada kuwadrado, nakakayang buhatin ng sakong ang palipat-lipat na kabuuang bigat ng nagmamay-ari nito. Mas bumibigat pa ang dalahin nito kapag tumaba o may bitbit o pasan ang tao. Pinakaimportante sa mga istibador, atleta, at mananayaw ang sakong.

Sa mga nilalang sa mundo, ang tao lamang at ilan pa ang tunay na nagtagumpay na samantalahin ang sakong para sa bipedalismo (ang tumayo sa dalawang paa at makapaglakad sa katihan.) Kasama na dito ang ilang extinct na reptil (T. rex ang naisip ko agad at ang running lizard ng South America) at ibon (lalo na ang ostrich at mga katulad na hindi o walang hilig lumipad). Naisip ko ang kangaroo pero lumulukso lang naman pala iyon. Sa totoo lang, magkamag-anak ang mga ito sa daloy ng ebolusyon (mag-lecture daw ba).

Kung sakong ang pag-uusapan, agad maaalala sa mitolohiyang Griyego si Achilles (feeling ko tuloy siya ang santong patron ko pero pagano iyon). Isinawsaw siya ng kaniyang diyosang inang si Thetis sa ilog Styx para hindi tablan ng alinmang sandatang mortal. Malas lang niya at sa dakong sakong siya napuntirya ni Paris (alam kaya ni mokong na iyon ang kahinaan ng karibal?). Sa sakong kasi siya pabaligtad na bitbit ng ina. Hindi tuloy nasayaran ng baluting likido ang bahaging iyon. Kung bakit naman kasi hindi na lang inilubog nang todo ang bata, hayan tuloy natsugi ng panang may lason.

29

Daig si Thetis ng matsong tatay na Pinoy na naglubog nang paulit-ulit sa kaniyang anak na mabading-bading sa dram. Todo lubog talaga. Walang nakaligtas pati patay na kuko sa paa. Sa kasasawsaw sa dalagito, nasanay na ito sa pagsinghap sa tubig--naging sirena tuloy. Nawala ang mga sakong!

Isa sa mga henyo ng literaturang Ingles ay bahagyang pilantod--si Lord Byron. Labis niya itong ininda dahil tampulan ng tukso at isa sa mga dahilan ng pagiging sensitibong binatang taring. Isa kaya iyon kung bakit siya humusay na makata? Aba, feeling Lord Byron na rin ako. May manunulat na Pinoy na pagkaraang maaksidente ay paika na ring maglakad. Bukod pa ito sa kaibigan ko sa Baguio.

Si Gringo Honasan, nang magtanghal ng kudeta ay kinailangang tumalon mula sa isang mataas na lugar nang tugisin ng mga kapuwa militar. Nang kumalabog siya sa lupa, nabiyak at nadurog ang kaniyang mga sakong. Tiyak na may panahong nag-wheel chair at saklay din siya. Pareho na lang kami ni Gringo. Isang paa nga lamang ang sa akin. Pero hindi ko napapansin kung iika-ika si Gringo.

At huwag kalilimutan si Jacob sa Bibliya. Nakipagbuno siya isang anghel na bumaba sa hagdang makalangit (Ang Diyos diumano ito). Buong magdamag siyang nakipagtagisan sa lalaki pero sa pagliliwayway, nagapi niya ito. Iyon nga lang, habambuhay na siyang iika-ika pagkaraan. Palatandaan ng matinding pakikipaglaban niya sa Diyos. Mula noon, ang lungkot na ni Lolo Jacob.

Nagtataka lang ako kung bakit hindi nabigyang-pansin sa resureksiyon ni Kristo ang kaniyang mga paa samantalang mas malaki ang sugat noon kaysa sa kamay. Sabagay, hindi nga naman kaiga-igaya kung sabihin ni mapagdudang Thomas na “Pahipo nga ng paa mo.”

Kung minsan talaga, hindi maiiwasang mahulog sa buhay na ito. Sabi nga sa isang tula ni Rio Alma: “Mahirap umakyat, lalong mahirap lumusong;/Nakapangingilabot ang lagapak ng bumabagsak.”

30 NELSON, THE TERMINATOR Sosyal ako sabi ng kaibigan ko. May private nurse pa. Hindi naman private nurse si Nelson. Pamangkin ko iyon. Nagkataon lang na graduate ng nursing sa Fatima University. Hindi pa siya employed. Kasalukuyang intern sa isang government hospital. Sabi ng ate, kasama sa internship niya ang pagsisilbi sa akin kaya walang bayad.

Naintindihan kong lalo kung bakit patok ang mga care giver dito sa Pinas at sa ibang bansa. Marami ang kailangan ng kalinga. Sa malaking halaga, handa ang marami na maglinis ng puwet at magsilbi sa pasyenteng hindi na kayang alagaan ang sarili. Hindi naman kailangang hugasan ang puwet ko at hindi ko naman masyadong kailangan ang kalinga. Ilang minuto lang ang kailangan gugulin ni Nelson. Kapag oras ng langgasan--tuwing ika-6 hanggang ika-8 ng gabi--kailangang nariyan siya.

Minsan, natapat na nanggaling siya sa inuman sa oras ng langgasan. Mabilisan ang ginawang niyang linis. Linis-lasing! Nagkataong sinilip ni Ditse ang ginawa niya. Tapos sinumbong kay Ate. Pinagalitan kinabukasan ng ina ang anak na hindi puwede ang bara-barang langgas. Ito talaga ang ayaw kong papel sa buhay: ang maging pahirap sa iba.

May itsura ang pamangkin ko. Crush siya ng isa sa mga bisita ko at humanga na sa Rodriguez Hospital sa Tala siya naglilingkod. Sa loob ng apat na buwan, dalawang beses na nagpalit ng girlfriend. Mga isang buwan na pinakain sa bahay ang unang babae. Ganoon din ang pangalawa. Pero malihim. Hindi ko nakuha ang kuwento. Basta bigla isang araw, hindi na ang unang babae ang dinadala sa bahay.

Doon sa pangalawa, madalas na hindi niya nabubura ang mga text messages kaya nababasa ko ang mga “Luv u baby.” Nanghihiram kasi lagi ng cell phone. Tiyak din nababasa niya ang mga “Love you” message ko. Bawi lang ang magtiyo. Kaya tigas ang hiling niya na makabili ng bagong cell phone. Humingi sa isa pa niyang Uncle, si Paulo, ng pambili ng cell phone. Dinagdagan ko na lang kaya Samsung u600 ang nabili niya. Maganda pa sa unit ko ang unit niya. Binigyan ko na ng iPod iyan ha. Maluho ang mga bata ngayon.

Mahilig kumain si Nelson. Pagkatapos ng tanghalian, maghahanap ng meryenda. Lagi siyang naghahanap ng tsitsirya at softdrinks. Terminator ang tawag sa kaniya sa bahay. Kasi lahat ng laman ng ref kapag ginutom siya ite-terminate niya. Pero hindi naman tumataba.

Madalas akong mawalan ng sulphur soap. Siya pala ang umuubos para sa kaniyang pisnging madalas tubuan ng taghiyawat. Hindi naman kaya para doon si Dr. Kaufman. Bibigyan ko na lang ng pambili ng Clearasil. Nagtataka din ang kapatid kong si Ditse kung bakit nauubos ang kaniyang Pond’s whitening cream. Aha, wala ibang may sala kundi si Nelson. Matagal din siya kung pumustura sa salamin. Tinitingnan kung ayos ang porma. Banidoso ang mga kabataan ngayon.

Aba noong Pasko may card na ibinigay sa akin. Ang sabi, “Alam ko pong marami pa kayong tutulungan kaya maibabalik ang dati ninyong lakad.”

Tiyak ako, kasama siya sa mga tinutukoy niyang dapat tulungan. Okey, gagawa ako ng card para sa kaniya. Ganito ang dedikasyon: “Kapag hindi bumalik ang lakad ko, ako ang tutulungan mo ha?”

31 KAILA, THE APO MAKER Nang nagpapagaling ako, dinalaw ako ni Kaila sa bahay habang hatak-hatak ang dalawang anak na lalaking sina Jay at Jun. Dalawang apo na ipoipo ng kalikutan at kakulitan. Mga kapatid ni Jerry na kakumpetensiya ko sa kompiyuter. Mga maingay na patunay na isa na akong tunay na lolo. Ang aga naman kasing mag- asawa nitong si Kaila. Hindi nagpaawat sa pag-ibig sa kaguwapuhan ng boyfriend niya. Sa takbo ng kaniyang love story, “may nangyari at nagbunga” ang kaniyang pakikipagnobyo ilang buwan lang pagkatapos grumadweyt sa kolehiyo. Dahil hindi ito tiningnan ng mga magulang niya sa tradisyonal na pananaw, wala ang kasunod na linyang “dapat na kayong magpakasal.”

Tinanggap si Kaila nang magbalik sa bahay. Puwede siyang manganak sa poder ng mga magulang. Kaso, iba ang tawag ng pag-ibig. Bumalik at nakisama sa kaniyang boyfriend na wala namang trabaho. Tuloy siya ang naging bread winner. Maganda ang trabaho niya sa TeleTech call center pero naudlot ng pagpapamilya. Ayaw pamarisan si Kaila ng mga kapatid niya. Nakita kasi nila ang hirap ng magpamilya. Parang nagsilbing babala ang buhay niya.

Nang magsarili ako ng bahay, munting anghel lang si Kaila. Natatandaan ko na malikot na bata din siya tulad ng kaniyang mga anak ngayon. Sa kalikutan, nahulog itong pamangkin ko. Apat na talampakan ng matarik na hagdan. Umikot siya at tumama ang noo sa sementong tuntungan. Pumutok ang noo at ako ang nagtakbo sa kaniya sa ospital. Iyak nang iyak ang bata. Ang lakas pa namang ngumawa noon. Bertang Baka nga ang tawag namin. Aba doon ko pala naranasan ang unang masamang karanasan sa mga kamay ng kawani ng isang ospital. Tarantang-taranta ako sa walang tigil na pagdugo ng sugat niyang kasinlaki ng malaking butas ng alkasiya. Hindi agad inasikaso ng attendant. Hanggang sa masigawan ko na ito. Nakipag- away ako noon para kay Kaila. Ngayon, ni walang peklat na naiwan ang sugat sa kaniyang noo. Itinanghal pang Miss Valentine si Kaila noong kolehiyo.

Magandang pamangkin + poging asawa = cute na mga apo. Sa sobrang cute, inampon ng lola ang panganay. Parang gusto kong ampunin itong si Jay at si Jun. Magagaling magmano sa lolo lalo na kapag Pasko at nanghihingi ng aginaldo. Itong si Jay na dalawang taong gulang, biglang ituturo ang anumang makikitang interesante at magtatanong, “Ano iyon?” Ikaw na matanda ay mapipilitang magsabi na mobil ng mga clay na isda iyon. Pero hindi pa tapos ang paliwanag mo, may makikita na namang bagong bagay at magtatanong “Ano iyon?” Mapipilitan kang iaplay ang teorya ng depamilyarisasyon ni Jakobson. O pagpapanibagong tingin sa mga dati mo nang alam. Muling pagdiskubre sa mundo. Parang de-pamilya ka na rin. Kahit ayaw mo pa sanang maging lolo.

Nang magkaroon ng bakante sa call center sa ABS CBN, nag-aplay si Kaila at nakapasa naman. Ipapagwagwagan muli ang British accent. Bilang tulong, sagot ko ang gastos niya sa pamasahe bago matanggap ang unang suweldo. Tulong sa nanay ni Jay at Jun.

32 TSARAP-TSARAP Nade-depress pa rin ako lalo na sa gabi. Sa araw kapag maraming ginagawa, maraming mapag-aabalahan, hindi kumikirot ang paa. Pero sa gabi, toxic, andiyan ang sakit. Naubos ang savings ko sa Celecoxib at Coamixiclav, antipain at antibiotics. Nagrorosaryo pa rin si Brother Joey bago matulog. Salamat din sa baroque music sa mp3 player, naiiwasan ko ang insomnia.

Masarap lang sa may sakit o baldado, lahat gusto ka alagaan. Feeling mo lab na lab ka. Hindi mo lang alam ang mga kaaway mo o galit sa iyo, isa lang sinasabi, “Buti nga sa iyo.”

Supportive ang pamilya ko. Pati si Paulo na nasa Saudi, binilinan ang hipag ko na ipagluto ako ng pagkain. Sabi ng kaibigan ko, huwag ako magpataba dahil hindi maganda na sa muling paglakad ko ay may dagdag na dalahin ang paa. At hindi magandang pakinggan ang baldadong mataba. Mas maganda ang baldadong payat. Mas nakakaakit ng simpatya.

Ang misyon naman ng hipag ko, patabain ako. Continental breakfast ang gustong ipadala sa akin araw-araw. Sabi ko, tsokolate at quaker oats ang gusto ko. At ang walang kamatayang papaya. Parang disappointed siya. Gusto yatang ipakita ang kaniyang culinary expertise. Mahilig kasi magluto si Tita Irma.

Kapag tanghalian, mga tatlong putahe ang inihahanda. Pritong isda, adobo, at sinigang. Iba-iba araw-araw. Fried chicken, coleslaw, meatballs sa miswang may patola. May dalawang klase ng meryenda sa hapon. Ginatan at pansit. Camote cue at turon. Mamon at graham cheesecake. Tsarap-tsarap. Iyon ay kung may gana ka. At kung naghahanap ka ng dagdag na force of gravity sa katawan.

Pero hindi naman problema ang pagkonsumo ng bangkete. Titikim lang ako ng kaunti, tapos take-over na si Nelson, ang terminator at ang kaniyang girlfriend.

Pinakapatok na putahe niya ang seaweed salad. Ararosip in vinegar and herbs dressing. Pati bayaw kong may gout hinihingi na lang ang salad kapag nakita niya ito sa mesa.

Masyado naman yata akong pihikan akala siguro ng hipag ko. Kaya ako na lang ang pinaisip niya ng menu. Dahil calcium obssessed ako, ang naiisip ko lagi ay sinigang na manok, sinigang na baboy, sinigang na hipon, sinigang na bulalo, sinigang na tinola, kailangang mapiga ang calcium sa buto ng mga hayop na iyan! E kung kainin ko lang iyong buto? Hindi friends kami ni Panda. Ayaw ko agawan ng tsibog at prophylaxis ang aso.

Nang magaling-galing na ako, nagluto ako ng adobong baboy sa tausi. Binigyan ko si Tita Irma. Masarap daw. Ipinagluto ko din siya ng genuine na pakbet. Pero siyempre kapiranggot na ganti lang iyon sa handaang padala niya araw-araw.

33 NAPABAYAANG PUSA Nang maaksidente ako, walang nag-asikaso kay Venice, ang pusa ko sa Krus na Ligas. Kamukha iyon ng kahel at puting pusa sa Shrek 3 na ginampanan ni Antonio Banderas. Wala naman akong balak mag-alaga sa pusa kaya lang nabasa ko ang isang kolum na Twisted ni Jessica Zafra. Naiinggit ako sa atensiyon ng pusa. Naalala ko tuloy ang mga pusang kasama ko sa paglaki na dumidikit sa likod sa pagtulog. At ang tunog ng panginginig na tanda ng pagiging super komportable nila. Nabuhay ang interes ko sa pusa. Isang dapithapon, nang may marinig akong ngumiyaw na kuting sa kanal habang nagdya-jogging, iniuwi ko at inalagaan.

Ang hirap pala mag-alaga ng pusa. Parang nag-alaga ng bata. Paiinumin ng gatas. Lalandiin ng bola o pakakalmutin sa goma. Tapos dumi nang dumi. Ihi nang ihi. Ngani-ngani ko nang pabalibag na ibalik sa kanal na pinanggalingan. Pero dahil sa Budistang hibla ng paniniwala ko, nagwagi ang pagmamahal sa anumang nilalang na may buhay.

Sa lababo nga, kapag may nakita akong langgam, hindi muna ako naghuhugas ng pinagkainan at baka magkaroon ng delubyong panlanggam. Dalahin pa ng konsensiya ko. Ang dapat gawin, hugasan agad ang pinggan at basong may tira-tirang pagkain para hindi langgamin. Hindi iyong parang ipinain mo sila sa tiyak na masaker. Igalang mo ang mga langgam dahil sa totoo lang, milyong taon ang iniuna nila sa atin dito sa balat ng lupa. May sistema sila ng pamumuhay na daig na daig ang sistema natin. Kaya hindi ako katulad ng isang kolumnista na nakatira sa mataas na kondominyum na paboritong gawain ang mangtiris ng langgam. Ayaw ko sa ipinagmamalaki niyang tunay na perlas ng kalupitan.

Hindi naman ako masugid sa prinsipyong Budista. Inayawan ko iyan kasi minsan tinanong ko ang isang guru kung ang siklo ba ng malupit na buhay ay mauulit. Oo daw. Kada 10,000 taon. Kauumpisa lang daw ngayon ng Age of Aquarius kaya matagal pa ang susunod na hirap. Susme, ayoko na. Ang saklap ng dinanas ko sa buhay na ito tapos uulitin ko pa. Ano bale.

Naiwan naman sa akin ang paggalang sa anumang anyo ng buhay. Bawal magmalupit sa hayop. Maliban sa peste. Gaya ng ipis at lamok. May nakahandang maliksing tsinelas at bukas na palad para sa kanila. Ihatid na agad sa langit bago ka nila maunahan. Pinakamagandang sandata ang pagiging malinis. Para hindi ka isipin: Ipisin at lamukin.

Itong si Venice kawawa nang mabalda ang amo niya. Kahit halos walang kuwentang pusa ito—hindi mahilig manghuli ng malalaking daga sa Krus na Ligas—mahal ko ang hayop. Nang puntahan ni Nelson ang napabayaang silid, nakita daw niya ang kahel na anino ng pusa sa isang sulok. Tumalilis nang makita siya. Si Venice iyon. Kawawa naman. Ipinahuli ko at ipinaampon na lang muna.

Unang nabalda si Venice bago ako. Biktima ng kalupitan ng tao. Minsan dumating itong biyak ang kanang kamay at kaliwang paa. (Baligtad nang pinsala ko). Naligo sa sariling dugo ang pusa. Halos malaglag ang mga kuko sa lalim ng sugat. Naiyak ako sa awa. Inisip ko na napaaway siguro. Nang tingnan ko ang sugat, hindi naman epekto ng kalmot ng kapuwa pusa. Masyadong malaki at hindi puwedeng makalmot sa paa ang pusa. Madalas sa balikat o tenga. (Teka, may balikat ba ang pusa? Leeg pala). Harapan o patagilid kasi kung mag-away ang pusa. Alam kong bihasa sa basag-ulo si Venice. Nakita ko kung paano niya tinalo ang isang pusang maton sa bubong kahit dalawang taon pa lang siya. Ngayon, hinataw siya ng tubo o bat sa tingin ko. Dinala ko sa beterinaryo. Dahil hinang-hina, hindi niya nagawang umalma nang iniksiyonan ng anestisya. Tinahi ang mga sugat niya. Isang linggo sa klinika ang pusa bago ko naiuwi. Kinabitan ng kolyar na hugis imbudo sa leeg. Para hindi niya makalkal ang mga sugat. Gumaling din si Venice pero hindi na tinubuan ng balahibo sa dakong may peklat. Natuto din. Hindi na siya pusang-gala ngayon.

Ngayon naman, ang amo ang may sugat sa paa. May mga maawaing tao at kapamilya naman ang nag-alaga sa akin. Paggaling ko, babawas-bawasan ko na ang pagiging pusang gala.

34 ANAK Sa mga klasmeyt ko sa hay-iskul na dumalaw sa akin, marami ang maagang nag-asawa. Hindi ko makilala ang ilan dahil parang ang tanda na. Hula ko, mabilis ang kanilang pag-edad dahil sa kunsomisyon. Kailangan nilang kumayod para buhayin, pag-aralin, at patuloy na suportahan ang asawa at anak.

Opsiyon ang pag-aasawa. Hindi ko sinuong ito para lamang karaniwang dahilang sa pagtanda ay mayroong mag-alaga sa iyo. Kumbinyenteng dahilang iyon bagama’t sa nangyari sa akin parang nakakaengganyo nga. Disin sana kung may anak ako, sila ang nag-aalaga sa akin.

Mga anak ng kapatid ko ang nag-alaga sa akin. Beinte-singko porsiyento ng genes nila, genes ko rin. Kaya may mutual affinity at tungkulin pa rin kahit hindi ko hilig ito.

Cool naman sa parenting ang dalawang kapatid ko. Hindi katulad ng tatay ko na masungit. Kung pagsabihan nila ang kanilang mga anak, parang barkada lang. “Anak, hindi ka raw pumasok. Kinabukasan mo ang nakataya diyan. Huwag mo nang gagawin yan ha? Papasok ka na bukas.” Sabi ni Ditse, kung masyadong seseryosohin ang kalokohan ng anak, baka sumakit lang ang ulo niya. At nalaman niyang hindi naman epektibo ang pagtataray. Kung si Tatay iyon ganito, “Punyeta ka, saan ka nagpunta kahapon? Huwag na huwag kang aabsent.” Iba na ang estilo ngayon. Kung ako iyon, baka nga Tatay-style ang magawa ko. Ewan ko rin.

May biruan pa ang eksena ng mag-ina. “Anak, ano ba ang gusto mong trabaho?” “Macho dancer.” “Ano ka ba. Pag-aaralin ka ng Tito Joey mo sa Don Bosco. Two years lang.”

Nakompromiso pa ako. Sige mag-macho dancer na lang siya.

Medyo namomroblema naman dito si Tita Irma. Guwapo kasi ang anak niya at habulin ng babae. Kinakabahan siya na mag-asawa agad itogayong magkokolehiyo pa lang. Nagsimula sa kursong nursing. Natuwa nga ako at mukhang masipag mag-aral. Nagpunta pa ng pamantasan para mag-research sa library tungkol sa isang never hear na Iluko writer. Pero sa kalagitnaan ng semestre biglang tumigil. Mahirap daw ang math at anatomy. Magsi-shift sa Naval Engineering. Ibig sabihin nito, sa June 2009 na uli siya mag- aaral. Nalungkot tuloy ang tatay niyang si Paulo na nasa Saudi.

Siklo ang mga pangyayari. Alam ng mga magulang na kailangang magsikap ang mga anak sa pag-aaral. Pero ang mga anak, ayaw seryosohin ang kanilang kinabukasan. Mas gustong manligaw at magdeyt. Hindi naman puwedeng maging pasista at ipagpilitan sa kanila ang buhay na gusto ng magulang para sa kanila.

Nagpagawa nga ng sulat si Tita Irma para sa pamangkin niyang mag-aasawa. Sa isang pagtingin, ito na lamang ang maihahabilin ng magulang sa mga anak. Sa pamangkin niya ito na anak na ang turing:

15 Disyembre 2008

Mahal na pamangkin,

Gusto kitang laging samahan sa iyong paglalakbay. Maraming hamon ang mundo. Noong bata ka ay nagabayan kita kahit paano. Nasanay akong nakikita kung saan patungo ang mga hakbang mo.

Pero ngayon ay nakahanda ka na para sa isang bagong pakikipagsapalaran. At gusto man kita samahan, hindi na ito katulad nang dati dahil may makakasama ka na malapit din sa iyong puso.

35 Pero huwag mong isipin na pababayaan kita. Dahil saan ka man makarating at saan ka man dalhin ng bago mong buhay, lagi akong nasa likod mo para gabayan ka at dumadalangin ng lagi mong tagumpay.

Sumasaiyo, Tita Irma

36 SHOWDOWN SA PILIKMATA AT BITUKA Dahil natengga sa bahay, marami akong panahon para magbasa. Binasa ko ang mga nobela ni Henry James at Philip Roth. Nang basahin ko ang Letting Go ng huli, panay ang banggit niya sa Portrait of a Lady ng una. Alusyon kay Isabella Archer, ang protagonista. Sabay ko tuloy binasa ang dalawa. Mahinhin ang estilo ng una samantalang brusko’t macho naman itong huli.

Madalas tuloy mangati ang mata ko sa sobrang basa. Sarap kuskusin. Minsan napatindi ang kuskos. Namaga at naimpeksiyon. May nanang nabuo sa loob ang kaliwang mata ko. Nang matapos ang konsultasyon kay Dok Lai sa Cardinal Santos Hospital, lipat sa klinika ni Dok Evelyn Ambrosio. Maraming tao ang hindi raw marunong mag-alaga ng mata. May blephiritis ako. Resulta ito ng langis at butil ng alikabok na naipon sa mga ugat ng pilikmata. Dapat daw nililinis ang mga ito ng pahilis na pagpahid ng cotton bud. Ingat lang at baka masundot ang mata. Malinis nga ang pilikmata mo bulag ka naman. Ayaw.

Niresetahan ako ng fusidic acid drops at Coamixiclav. Bumalik na naman ang antibiotic regimen. Kailangang takpan ng gasa ang mata. Itsura ng pirata. Nakasimpatya na ako kay Ms. Josephine Gomez na may eyepatch. Wala nga lang malanding sequins ang gasa ko. Paggising sa umaga, hindi dilaw na kristal ang nasa talukap ko kundi dilaw na krema. Liquid sequins. Yaiks.

Malas ang linggong iyon sa akin. Pagkatapos na gumaling ang mata ko, amoebiasis naman ang umatake. Ako lang naman sa bahay ang tinamaan. Buong gabi akong naglabas ng dilaw na likido. Yaiks na naman. Kinaumagahan, dehydrated na ako. Hilong-hilo at hindi makagulapay. Itinakbo ako sa ospital. Ngalngal na naman kasi kailangang iniksiyonan ng skin test para sa allergic reaction sa drogang gagamitin. Dalawang turok bawat set. Ang sakit! Namaga ang balat ko. Kaya isa pang skin test para masigurado. Buwisit na attendant gusto yata akong saktan talaga. Sabagay malikot lang siguro ako. Napapaigtad kasi ang braso ko pang andiyan na ang dulo ng herenggilya. May dalawang attendant ang humawak sa akin. Actually, gusto ko ngang pumuga. Kaso nakasaklay ako. Panlimang turok ang dextrose. Pero naging anim, pito, walo! Buwisit na attendant. Hindi marunong manghuli ng ugat! Ipahuli ko kaya siya sa Philippine Medical Association?

Pinapili ako ng kuwartong ookupahan. P300 non-aircon. P800 aircon. Hamak na guro lang ako kaya di ko kaya ang may air con. Hay buhay. Pinalaklak ako ng Gatorade para bumalik ang electrolytes at salts sa katawan. Hinang-hina ako. Pinainom ng Buscopan para sa humihilab na tiyan. Metronidazole para sa amoeba na nag-iskuwat sa tiyan. Noong high school sinilip ko ang pagdidisko nila sa microscope; ngayon naman hindi lang ako sinilipan ng mga hinayupak, pinasok pa nila ako. Pana-panahon lang talaga.

Kada 30 minutos kailangan kong mag-CR. Pakandirit ako kung pumunta doon. Masikip kasi ang kuwarto, hindi ka makakalakad habang kaladkad ang dextrose na nasa sabitang-T na isinusunod naman ng pamangkin. Itsura ng one-footed kangaroo na naka-boots pa.

Balik sa trauma ng mainit na kama. Ng pagkawala ng gana. Importante pa namang kumain sa ganitong kondisyon. Pero nagrerebolusyon sa loob ng bituka. Walang magagawa ang may katawan kundi ang maghintay sa resulta ng labanan ng dayuhang protozoa at ng kontra-protozoa.

Mahusay naman ang doktor ko, si Dr. Bermudez na halos family doctor na rin. Siya ang nagpaanak sa kapatid at hipag ko. Actually, para na rin niya akong pinaanak (hehe kaya lang si Blob ang anak ko). Kahit naka-wheel chair, cool siya. Noong isang linggo lang, pareho kami ng itsura. Naiisip-isip ko, hindi siya depressed sa kapansanan niya. Pinagselosan kasi siya noon. Biktima ng crime of passion. Ipina-hitman siya. Babanatan na siya sa bumbunan nang biglang tumingala. Sa leeg tinamaan. Nadaplisan ang kaniyang spinal cord. Naparalisa tuloy. Pero hindi apektado ang utak. Nagtayo ng sariling ospital na mukha namang patok. Idol pa ngayon ng may kapansanan.

Nagbayad ako ng mahal pero ayos lang. Basta wala nang mga amoeba na nagdidisko sa aking tiyan.

37 CEMENT O AIR CAST? Nang matanggal na ang tahi ng sugat ko, dalawang linggo pagkaraan ng operasyon, puwedeng semento o AirCast ang mga opsiyon sa patuloy na pagprotekta sa paa. Pinapili ako ni Dok Lai.

Mabisa talaga ang cement cast. Hindi mapapakialaman ng pasyente. At mura. Bendang may semento at tubig lang ang puhunan. Kaya lang kapag pinasok ng surot, patay ka sa kati. Puwede namang bumalik sa ospital at magpagawa ng bago kung sakali. Iyon nga lang perhuwisyo ang magpabalik-balik sa ospital. O sundutin na lang ng tingting ang surot? Malabo iyon.

Ang AirCast naman, sobra sa mahal. Para kang bumili ng orihinal na Nike Air. At iisang piraso lang. Pero kumbinyente. Puwedeng buksan kung gusto mo para mapahanginan ang mabahong paa. Nailalakad pa agad.

AirCast ang pinili ko. Hindi ko pinagsisihan. Parang sapatos ni Neil Armstrong. Parang naglalakad sa buwan kapag suot mo. Ang lambot. Hindi bale nang nabawasan--mas tamang sabihing naagawan ng badyet para sa papaya at gulay.

Tinawag na AirCast ang sapatos kasi binobombahan ito ng hangin para humigpit ang pagiging kasya nito sa paa. May fiberglass casing na siyang suwelas mismo. May dalawang plastic bag sa bandang sakong na umaalsang lobo kapag pinasok ng hangin. Cement cast din ang epekto. Talagang hindi maigagalaw ang paa kapag suot. Magaling ang nakaimbento nito. Tiyak mayaman na siya sa kaniyang patente dahil sa dami ng pasyenteng nagkagusto sa disenyo niya.

Nang sabihin ni Dok Lai na puwede kong ibenta sa kaniya ang AirCast kapag galing ko, inisip ko ayaw ko. Dahil ba may sentimental value sa akin ang sapatos? Hindi. Noong naglalakad na ako nang malayuan, may nalaman ako. Sa sobrang kapal ng AirCast, pilantod ang nagiging lakad ko. Hindi kasi magkapantay ang totoong Nike Air at ang sosyal na therapeutic shoes. Isa lang ang solusyon ko: Bumili ng isa pang AirCast.

Kasi, bukod sa ayaw kong maging pilantod, nagmumukhang peke na ang totoong pares ng Nike Air hambing sa AirCast.

38 DOTA & LOS ANGELES THUGS Pacman lang ang larong paborito ko sa kompiyuter. At email, Word at PowerPoint lang ang kabisado kong gamitin. Napag-iwanan na ako ng hyperreality ni Baudrillard. May mga Dota na kaya na sabi ng pamangkin kong si Jeffrey na hindi natatapos laruin kahit ilang araw.

Hiniram ni Roy--ang pamangkin kong kamukha ni --ang aking iBook G4. Habang nasa kaniya ng dalawang linggo ang lap top, ang bakasyon ko ay naging mahigpit na kompetisyon sa paggamit ng kompiyuter. Isa lang ang PC sa bahay. Ang mga pamangkin ay games ang gusto habang encoding lang naman ang habol ko. Ang mga tinedyer nahihiyang sumingit kapag nasa teklado ako. Pero ang limang taong apong si Jerry ay walang pangingiming pinapaalis ako para maglaro ng Los Angeles Thugs.

Walang tigil sa katatanong ng “Tapos ka na?” Sasabihin ko, “Hindi pa. Maglaro ka muna.” “E diyan ako maglalaro sa kompiyuter.” “Sandali lang,” sasabihin ko. Pakli niya “Ilang minuto?” Sagot ko “Mga 30 minuto.”

Mawawala sandali pero maya-maya hayan na naman. May kasabay nang yugyog sa kompiyuter. Alangan namang maka-concentrate pa ako. Hay, talo ng apo ang lolo. May barkada siyang hahatakin para maging captive audience. Ang saya nila. Gulat ako. Magaling magmanipula ng games ang mga bata.

At na-shock ako sa Los Angeles Thugs. Napakabiyolente kasi. Ito ang may karakter na hoodlum. Magbibihis nang hiphop. Mamimili ng weapon sa arsenal. De-boga ang iwawasiwas palabas. Papatayin ang makursunadahang taong masasalubong sa daan. Nagkalat ang patay at dugo sa kalye. Sasakay ng convertible at makikipagbarilan sa patrol car ng Los Angeles Police. Pasisibarin ang sasakyan sa coastal road. Babaligtad sa haywey, titilapon sa dagat, pero hindi namamatay ang hoodlum. Lilipad pa sa suot na vest rocket. Iyan ang hyperreal non-event. Laro lang. Kontrolado ni Jerry. Sa totoo lang, si Jerry ang hoodlum kasi kontrolado niya ang kilos ng cartoon sa iskrin. At ang kompiyuter.

Sinumbong ko nga sa Ate ang biyolenteng laro. Ipapabura daw niya kay Roy kapag dumating sa weekend. Hindi pala basta nabubura iyon. Kaya ilang araw pa ang eksena ng kompetisyon namin ni Jerry.

Ang ginagawa ko, gumigising ako nang maaga. Nakakatrabaho ako nang 7-10 n.u. May pasok kasi si Jerry nang 8-10 n.u. Mula 10 n.u.-2 n.h. ang laro niya. Kaya 2 n.h. na ulit ako makakasalang sa keyboard. Minsan maaga siyang matatapos at tatawagin ako sa silid. Kaso kasarapan ng siyesta. Forfeited tuloy ang panghapong pagkakataon ko.

Hirap ng walang Internet. Pahirapan kung mautusan ang mga pamangkin. Ang bagal daw kasi ng koneksiyon ng internet shop sa barangay namin. Nag-subscribe nga ako sa Globe Broadband sa tulong ni Roy. Okey naman. Inaabot ng signal kahit paano ang bundok namin. Nag-download siya ng musika o pelikula yata. Tapos lumabas sandali. Pagbalik niya, nakaupo na si Jerry sa kompiyuter at nawala ang koneksiyon ng dina-download. Natural na reaksiyon: Tinilian ni Roy ang bata. Tumakbo ito sa silid. Mabuti at hindi naman umiyak. Pero na-shock. Bihirang matanda ang naninigaw sa kaniya. Medyo spoiled kasi siya sa kaniyang mga lolo at lola. Hindi muna naglaro nang ilang araw. Natakot kasi akala niya may naka-set na webcam na minomonitor ni Roy. Pabor sa akin. Walang istorbong nakapagtrabaho ako. Burado na rin naman kasi ang Los Angeles Thugs.

Pero bumawi ng lambing si Roy kay Jerry noong Pasko. Ipinasyal niya sa Star City. At pinakain ng masarap. Tapos, isinauli na niya ang iBook. Kaya bati na rin kami ni Jerry na natuto pang magmano sa Lolo Joey.

39

THERAPY Dahil dalawang buwang hindi naigalaw, nag-atrophy ang paa ko. Lumiit. Kaya nang naghilom ang sugat, kailangang idaan sa physical therapy. Hindi na ako binigyan ng therapist. Tinuruan na lang ako ng doktor ng mga tamang ehersisyo. Mabuti naman. Makakatipid sa fees.

Di ba sabi ni Descartes parang makina ang katawan ng tao? Parang bisagrang kinalawang ang paa ko. Hindi maigalaw nang pataas-baba, kaliwa-kanan, at lalo na ang paikot. Sinubukan kong paikutin minsan, binatak- batak nang ganito at ganoon. Ilang minuto lang, namaga na. Tarantang tinext ko si Dok Lai. Huwag ko daw gagawin iyon. Sariwa pa ang ugat at masel na nadaanan ng iskalpel. Huwag kong pilitin. I-cold pack ko daw para humupa ang pamamaga. At laging iposisyon nang mas mataas sa level ng dibdib ang paa. Ito lang ang panahong mas matayog ang halaga ng sakong ko sa puso ko.

Hindi pa rin basta maidiin ang paa at baka mabaklas ang bakal at buto sa loob. Puwedeng pagsimulan ng kanser ang kahit gabuhok na lamat sa buto. Paano ang malaking lamat, malaking kanser ang epekto? Huwag naman. Hindi lamang lamat ang nangyari sa buto ko, nadurog. Baka sumambulat ang kanser sa sakong ko niyan. Ano ba ang gamot sa hypochondria?

Prinsipyo ng pabigat nang pabigat na presyon ang ikalalakas ng paa. Idinisenyo ng ebolusyon na maikalat ang bertikal na bigat ng tao sa talampakan. Ito ang dapat na muling matutuhan ng paa ko. Itatapak sa sahig, mas mainam kung may gomang linoleum para di masyadong matigas. Hiniram ko muna ang makulay at jigsaw puzzle na flooring ng apo ko. Hindi ako nalalayo sa baby James ni Kris Aquino na humahakbang ng Smilestones. Sa kaso ko lang, ngiwi ang lumalabas sa mukha ko, hindi ngiti. SmileStones ang bersiyon ko. Parang binato ba. Kainis.

Sampung libra sa unang linggo ang dapat buhatin ng paa; tapos dalawampu sa susunod; dadagdagan pa linggo-linggo hanggang maabot ang 120 librang total kong bigat. Mga 6 linggo.

Tatlong sesyon ang dapat gawin sa isang araw. May 6 oras na agwat. Babalutin sa plastik ang paa, tapos ibabad sa mainit na tubig nang 15 minutos. Kapag naluto na ang bulalo, este kapag uminit na ang paa, gagawin na ang kalas-butong ehersisyo. Mga 12 ulit, babatakin papunta sa tuhod ang binalot-sa-tuwalyang paa. Kailangang pilitin.

“Ginawa kong 24 ulit ang ehersisyo para lumambot agad,” sabi ko kay Dok Lai.

“Wala sa ulit ang bisa. Nasa pagtodong maibaluktot ang joint.”

“Masakit po e.”

“Ganoon talaga.”

Ito ang iniiwasan ko: Ang makaramdam ng sakit. Pero kapag sinabi ni Dok, kailangang gawin.

Panay ang X-ray sa napinsalang paa para malaman kung okey ang tubo. Baka makalbo na ako sa dalas ng pagkahantad sa radyasyon. Yun ngang radiologist, napanot na. Nang tanungin ko siya kung epekto ng x-ray iyon, hindi daw. “Si Itay naman, kalbuhin lang talaga ang lahi namin.” Ang mga nagre-radiation therapy ang nalulugasan ng buhok. Alopecia daw ang terminong teknikal. Cobalt rays daw iyon na matindi talaga. Itong x-ray okey lang. Nakahinga ako nang maluwag. Tanong ko ulit kung nakakabaog ang x-ray. Wala naman

40 akong balak mambuntis ngayon, pero paano kung magbago ang isip ko, e di nawalan ako ng opsiyon. Hindi rin daw. May tinakbuhan nga daw siyang nabuntis niya. “Ikaw ha,” ang nasabi ko na lang.

Parang kaluluwa ang itsura ng buto. Aba, maputi pala ang buto ko na may kaunting guhit na itim. Iyong iba kasi maitim daw ang buto e. Ibig sabihin ba mabuting tao ako na may kaunti lang kasamaan?

May apat na turnilyo sa gitna ng aking sakong. Para silang magkakapatid na sunod-sunod ang taas, papalaki habang papunta sa dulo. Wala naman sanang matigas ang ulo sa kanila at sumilip o mamasyal kaya sa labas ng sakong. Si Au kasi, ang kasama ko sa opisina, sabi ba naman puwedeng lumusot ang bakal. Umusli kasi sa siko ng kilala niya ang bakal na nakabaon sa braso nito.

Pero Bionic Man na ako, six thousand pesos nga lang ang metal ko sa katawan. Hindi six million dollars.

Ayan tuloy, hindi na ako puwede mag-jogging. Lakad na lang. Hindi na rin puwedeng mag-itik-itik, baka mapuwersa ang sakong. Pirouette puwede pa siguro.

Mula sa wheelchair, lumipat na ako sa saklay. Sosyal ang saklay ko, yari sa titanium galing sa London. At hindi sa kilikili idinidiin. May clasp na pumapalibot sa braso ng gumagamit. Parang yung kay Benjamin Button. Nakahinga ako nang maluwag. Ga-aratiles kasi ang tumubong kulani sa kanang kilikili ko. Ang sarap gamitin tuloy. Gusto ko na lang itago. Paalala ba sa madamdaming pangyayari. Pero sabi ng nagbigay, hindi magandang ideya iyon. Kailangan daw, kapag marunong na akong lumakad, ipamigay agad ang saklay. Baka daw kasi mag-imbita pa ng patuloy na paggamit nito. Kaya ayun, ipinasa ko na lang ito sa isang hindi makalakad.

Parang sumpa naman pala ang pagtatago ng saklay. Kaya ba marami ang ibinibigay na lang ito sa grotto ni Lourdes?

41 T-BACK NA LANG Sa unang pagkakataon, dahil nakatengga ako sa bahay, inabutan ako ng mga kamag-anak na lumuwas ng Maynila galing ng Isabela. Mga pinsan o pamangkin na ngayon ko lang nakita sa buong buhay ko. Narito ngayong Pasko para magmano at walang gatol na humingi ng aginaldo. Wala namang problema sa akin ito. Naisip ko lang, bakit noong bata ako wala akong mapuntahang kamag-anak o ninong para mahingian ng aginaldo? Sabi ni Ditse, “Ano ka ba, share your blessings naman.” Sige na nga.

Bukod sa pera, na pinakakumbinyeteng ibigay sa namamasko, may ibinulong pa sa akin si Auntie Loling, na pinsan ng tatay ko. Wala raw maisuot na damit at sapatos ang pamangkin ko sa probinsiya. Magkasingkatawan daw kami. Kaya baka may ekstra akong mga gamit na hindi ko na gusto. Nang iuwi ko ang mga gamit ko mula sa inuupahang bahay sa lungsod, ibinalumbon lang iyon ng mga naghakot. Binuksan ko para pagpilian ng maibibigay sa mga taga-probinsiya.

Dahil para na rin akong nagbabagong-buhay, kailangang sumabay ang pagbabagong-bihis. Ididispatsa ang mga luma. Okey lang na ipamigay ang mga dating damit. Nagtira lang ako ng ilang piraso. Barong at ilang polo. Ilang pantalon. Hindi naman siyempre magandang ipamigay ang karsonsilyo at briefs. Tuwang-tuwa ang tiyahin ko. Tinawag din niya ang kasamang pamangking babae para makipagwagwagan sa mga gamit ko. Nalimas ang aking wardrobe. Itsura ng ukay-ukay. Mula sa ukay naman ang karamihan doon; nagtila ukay naman ngayon. Kaso wala akong kikitain dito. Goodbye mga damit. Pati ang paborito kong mountain shoes, goodbye na rin. Tutal hindi na bagay sa sensitibo kong paa.

Kinabukasan, dumating naman ang isa kong lolo. Lungkot na lungkot sa nangyaring aksidente sa akin. Tinanong ko kung ang lahi namin ay madaling magka-arthritis. Hindi daw. Siya nga kahit sitenta na, walang sumasakit na kasu-kasuan. Naitanong ko lang kasi, ito ang laging babala ni Dok Lai sa akin. Na maagang aatake ang arthritis sa akin. Mabuti naman at wala sa lahi namin ang sakit ng matanda.

Tulad ni Auntie Loling, bumulong sa akin ang lolo. Baka may lumang damit ako na ayaw ko na. Patay. Naubos na. Pero hindi puwedeng walang maibigay. Ang ilang t-shirt at polong natira ang kailangang maiabot. Ganoon na ang ginawa ko. Isinupot ko ang huling piraso ng mga damit ko. Bibili na lang ako ng bago kapag nakakalakad na ako. Tulad din ni Auntie Loling, naghahanap din ng lumang sapatos si lolo. Iyon wala na talaga. Masaya pa rin naman ang aking kamag-anak nang pakimkiman ko ng kaunting halaga. Sabi ko pasensiya na at naunahan siya sa sapatos.

Sarap naman pala maging Santa Klaus. Itsura nga lang ay payat, naka-wheel chair, at hindi pula ang uniform kung hindi T-back na tanging iniwan ng mga namamasko.

42 MAY LALAKI SA ILALIM NG KAMA KO Nagboluntaryo si Ate na maging therapist ko nang malamang kailangang batak-batakin ang paa nang tatlong beses isang araw para gumaling. Hindi kasi ako maasikaso ng aking pamangking nurse kapag may pasok sa ospital. Sabi ko huwag na niyang gawin iyon at kaya ko naman. Sa totoo lang, nahihiya lang ako. Mga isang linggo rin ang aming sesyon. Naasiwa ako. Pero sa wakas nakumbinsi ko ring huwag na siyang gumising nang maaga para lang sa aking paa. Kaya ko naman talaga ang auto-therapy.

Titser sa hay-iskul ang ate ko. Assistant prinsipal. Sandali na lang prinsipal na siya. Kaming magkakapatid ito na ang naging propesyon. Ang isa ko pang kapatid sa elementarya naman.

Ligawín itong panganay kong kapatid noong kasibulan niya. Nakita ko ang pagdadalaga niya. Madalas ang harana sa kaniya. Panahon iyon ng mini-skirt, Beatles, psychedelia, at aktibismo. Sunod-sunod ang mga naging boyfriend niya. Hindi ko sinasadya pero madalas ko siyang mahuling nakikipaghalikan. Hindi ko naman alam kung ano iyon. Wala pa akong malisya. Kakadiri nga iyon noon. Mga Grade II lang kasi ako. Ang lakas ng loob niya lalo pa at anumang oras ay mabuglawan siya ng Tatay. Muntik na nga siyang mahuli minsan. Kasama niyang nagrerebyu kunwari ang kaklaseng babae (kasabwat ba) at ang boyfriend niya. Sinabi ko na padating si ama. Nataranta. Pinagtago ang lalaki sa ilalim ng kama. Kunwari subsob sila sa pag-aaral. Hindi humihinga ang magkaibigang babae. Tensiyonada ang mga ugat nila. Sigurado akong sumasakit na ang tuhod ng boyfriend sa matigas at mabatong lupa, bukod sa masikip na espasyo (itsura ni Houdini.) Madalas na pagdating ng Tatay, ilang minuto lang ay aakyat na para magpahinga. Pero nang gabing iyon, nagtagal siya sa sala. Nanigarilyo. Parang gusto pang makipagkuwentuhan. Nahalata niyang walang kibo ang magkaibigang nagrerebyu, at ang sabi “Tahimik yata kayo.” Halos duweto ang dalawa, “Me eksam po kami bukas.” Muntik na akong matawa. Eksam daw o. Maya-maya, umakyat na rin ang ama. Nang masiguradong okey na, gumapang palabas ang lalaki. Namumutla sa takot o sa ngalay siguro. Agad siyang pinalabas ng Ate ko bago pa mabuking ng Tatay. Mabuti na lang kilala na ni Bantay ang boyfriend at hindi tinahulan o kinagat sa puwet. Kundi yari siya sa Tatay. Mas matindi mangagat iyon.

Nag-aral sa Maynila ang Ate. Extra course na lamang dahil nakapagtapos na ng BS Education. Community Development sa Asian Social Institute sa Quiapo. Ibang development naman pala ang inasikaso niya. Doon niya nakilala ang mapapangasawang si Kuya Celso. Hindi na niya naipakilala sa pamilya ang huling boyfriend na ito. Sa takot na mapagalitan ng ama, nagtanan na lang sila. Nabuntis na rin kasi.

Nang ikasal siya, namboykot ang Tatay. Si Nanay lang ang dumayo sa malayong probinsiya ng Gabaldon, Nueva Ecija. Pero nang lumabas ang unang apo, walang nagawa ang Tatay kundi patawarin na sila. Nagbalik-bahay pa nga. Nagtayo ng sibi at tumira na doon mula noon.

Sunod-sunod ang mga naging pamangkin ko. Ang pangatlo nga ay si Nelson, ang aking private nurse.

43 ISAKSAK MO UTANG MO Nang bigla akong napauwi, balak kong ituloy lang ang pag-upa sa nirerentahang silid. Pero impraktikal pala. Matagal-tagal din akong magbabakasyon at sayang lang ang ibabayad na wala namang titira doon. Advanced pa ako ng isa’t kalahating buwan. At may dalawang buwang deposito na nagkahalaga ng anim na libo. Kaya mabuti nang umalis sa silid na iyon.

Sa totoo lang, karumal-dumal ang silid na iyon. Ang alulod, kapag umuulan ay madalas kaysa hindi, sa loob ng bahay ang deretso ng tulo. Naiipon kasi doon ang dahon ng punong balete kaya umaalpas ang agos. Itsura ng La Mesa Dam. Parang akong naglilimas ng palaisdaan. Wala man lang madakmang dalag. Inaakyat ko madalas ang bubong para tanggalin ang mga bumarang dahon. Para akong si Ka Bel (mabuti at hindi ako nahulog!)

Kaya kapag malakas ang ulan, kinakabahan ako sa baha sa loob ng bahay. Minsan, nagigising ako sa gabi dahil nararamdaman kong sa mismong bibig ko tumutulo ang tubig mula sa butas na kisame. Hiyang-hiya (kunyari) ang may-ari na panay ang pangakong aayusin na ang bahay. Pero kapag maganda na naman ang sikat ng araw, nalilimutan ang pangako. Maraming libro akong nasayang sa atake ng tubig at kasapakat na lumot. Napakatamad ko lang humanap ng bagong mauupahan kaya nagtitiyaga ako.

Nanghinayang ang kaibigan ko sa two months deposit. Balak niyang singilin ang landlady ko. Pero sa tingin ko sa matandang iyon, himala kung mabawi pa ang pera. Ipagpapasa-Diyos ko na lang. Tulong ko na rin dahil palaging walang pera iyon. Madalas mag-advance ng renta. (Nang mahuli ng Meralco ang jumper niya, ako pa ang pinagbayad. Saan niya dinadala ang sinisingil niya sa akin?). Pero mapilit ang kaibigan ko. Nagsabi naman daw kasi ang landlady na kapag may bagong uupa sa silid, ang two months deposit ng bagong kasero ang ibibigay sa kaniya (o sa akin.) Tsika na lang iyon alam ko.

Noong Pasko ng 2008, siningil ng kaibigan ko ang pera. Good luck sabi ko. Kapag nakuha niya, itreat na lang niya ako. Nang ipaalala niya ang pangako, ang sabi ba naman ng landlady: “Kahit patayin mo ako, wala kang makukuha sa akin. Kung ang salita nga ng Diyos nababali ng tao, ang salita pa kaya ng kapuwa tao?” Natigalgal ang kaibigan ko sa sagot ng landlady. Laban ka sa retorika ng matanda. Naeskandalo ang kaibigan ko na napaalis nang di-oras.

Wala nga raw kaibigan ang lola sa kalyeng iyon. Minsan, napatingin sa kaniya ang kapitbahay, napatingin lang talaga ha, nang-away na siya. Pakiramdam niya mapanlait kasi ang mata ng kapitbahay. Para namang fratman ang lolang iyon. Isinumbong siya ng kaibigan ko sa barangay. Pero dahil sa hindi siya ang totoong complainant at wala namang maipakitang pruweba na tumira siya sa bahay, wala ring nangyari. Ipinalista na lang niya ang pangalan ng landlady para kung magreklamo ang susunod na kasero, may rekord na ang bruha este matanda.

Binalikan niya ang matanda para sabihin: “Lola, tandaan mo, hindi nakakalimot ang Diyos sa pagkakasala ng tao. Isaksak mo sa baga mo ang utang mo!”

44 GINALAW KA NA BA? May dalawang anak si Ditse, ang pangalawa kong kapatid. Panganay niya si Ricky na makulit na tinedyer. Athletic na bata. Puring-puri nga ang pamangkin ko sa kaibigan kong coach sa basketbol. Kaya lang nabalian ng kamay sa paglalaro, hayun medyo bumaba ang interes sa isports. Kahit ikaw naman kung may mangyari sa iyo dahil sa isang bagay, kahit gustong-gusto mo, iiwas ka na doon. Mahirap nang balikan.

Mabait na kapatid si Ditse. Siya ang opisyal na nars ng pamilya at gumanap na tagapag-alaga ni Nanay at Tatay; tapos ngayon, ako. Suwi (una ang paa) nang isilang. Sabi ng matatanda, magaan ang kamay ng mga suwi. Kapag may natinik sa amin o sa kapitbahay, ang mahikong kamay niya ang ihahaplos at sadyang natatanggal nang parang nagdahilan lamang ang natinik. O kung ayaw sa haplos, siya ang magbibilog ng malagkit na kanin at ipapalunok sa mga biktima. Agad na silang giginhawa pagkabunot ng tinik sa lalamunan. Pero matinik din ang naging buhay niya. Siya ang napagdidiskitahan ng Tatay. Pero nalagpasan niya iyon.

Maalaga siya sa anak. Nakita ko nga ang pagiging ina niya sa ilang buwang pagtigil ko sa bahay. Maagang magising para ihanda ang damit, gamit, baon, at agahan ni Ricky. Kasabay na ring lulutuin ang kanin para sa pangalawa niyang anak na sa tanghali naman ang pasok. Siya ang mismong naglalaba ng damit kapag week end. O kapag may pera, siya ang nangangasiwa sa labandera. Sa hapon, may dala siyang meryenda sa mga anak. At ang ilulutong ulam para sa hapunan.

Kung minsan may mga drama sila. Isang hapon, nalimutan ni Ditse ang meryenda. Dumating ang bunsong dalaginding na nagkataong gutom na gutom. Sinita ang ina kung bakit walang meryenda. Medyo mainit ang ulo niya at napasinghal ng “Hayaan mo bukas dadalhan kita ng maraming-maraming pagkain. Pagod at nagmamadali kasi ako kaya wala ngayon.” Nagdrama naman ang anak, “Huwag na, kung hindi naman bukal sa kalooban mo.” Ilang minutong nag-aluhan ang mag-ina. Naayos din naman at mas sweet sila pagkaraan. Kung may dalang pagkain ang ina, kakain nang tuwang-tuwa ang anak. Kung wala naman, tahimik na lang at maghihintay ng hapunan.

Nang gumaling na ako, lagi akong may pasalubong para sa mga pamangkin. Kung hindi pandesal, cassava cake o ice cream. Gutúmin ang mga bata. Naglalakihan kasi. Matakaw sa enerhiya ang mga katawan.

Naikuwento ni Ditse ang pagiging prangka ng anak. Mayroon kasi siyang manliligaw ngayon. Puwede nang ituring na asawa kasi nakatakda na ang kasal nila sa lalong madaling panahon. Kapag ikinasal sila, ako ang tatayong Tatay. Minsan dinalaw ako ni Ditse sa pamantasan. Nagpatulong na maayos ang annulment niya. Pakakasalan nga kasi siya ng bago niyang manlilligaw. Pangarap ng maraming babae ang makasal. Nagulat si Ditse kasi kalahating milyon pala ang kailangan sa pagproseso ng paghihiwalay. Sabi ko, huwag ka nang magpa-annul. Magnegosyo na lang tayo. Hindi niya ipinagdasal (pramis), napatay ng pulis ang kaniyang dating asawa. Hinarang ang sinasakyang motorsiklo sa isang check point sa Bulacan. Nataranta at pinasibad ang sasakyan. Binaril ng mga pulis at tinamaan ang kaangkas na kaibigan. (Ewan ko ba, ang pulis dapat nanliligtas ng tao, hindi itong ganito.) Mabubuhay sana ang dating asawa ni Ditse kung hindi nito binalikan ang nalaglag na kaibigan. Kaya biglang nabiyuda at libre siya para magpakasal.

Tuwing Sabado dumadalaw sa bahay si Tito at buong maghapon silang magkasama ni Ditse sa kuwarto. Pinapakain at pinagsisilbihan niya si Tito. Kapamilya na ang turing ng lahat kay Tito. Bayaw na nga ang tawagan namin. Bigla at walang babala, nagtanong ang anak sa ina, “Ginalaw ka na ba ni Tito?” Hindi agad nakasagot si Ditse. Nagulat siya sa kawalang-gatol at malisya ng tanong. At sa pagkaunawa ng bata sa mga pangyayari. Pero hindi siya nagpahalata. Medyo nag-deny. At ibinalik sa bata ang payo. “Huwag na huwag kang pagagalaw sa kahit kanino ha? Sa mahal at pakakasalan mo lamang iyon gagawin kapag malaki ka na. Nagmamahalan kami ni Tito at malapit nang ikasal. Doon na namin gagawin ang ginagawa ng mag-asawa.”

“Okey,” ang sabi ng bata, “naitanong ko lang. Sana sumaya ka Nanay.”

45

May karapatan naman siyang magtanong. Kinabukasan ng nanay niya ang nakataya sa relasyong ito. At nakataya rin dito ang kinabukasan niya.

46 KRIMEN SA GABI, KRIMEN SA ARAW Matagal na panahon ang 24 taon. Sa tagal na iyan, may ipagbabago sa buhay ng isang komunidad. Maraming dating kabataan ang katandaan na ngayon at siya nang nagpapatakbo ng lokal na pamahalaan.

Sa aming barangay, walang balita noong 1970s ng mga kaguluhan. Mayroong mga habulan at suntukan. Kaunting katuwaan lamang ng mga nag-iinuman. Walang patayan. Pero ngayon, may kadena ng patayan na umagaw sa atensiyon ng mga tabloid. Muntik pang masona ang aming baryo para mahuli ang pinagsususpetsahan. Kabadong-kabado ang mga kapatid ko. Maluwag sila sa paglalamyerda ng mga anak pero nang mangyari ang sunod-sunod na krimen, pinauuwi na agad ang mga pamangkin ko para hindi madamay sa gulo. Hindi naman kailangang pilitin ang mga bata. Sila na mismo ang umuuwi nang maaga dulot ng tensiyonadong kaligiran. Nag-iba na ang panahon. Hindi ko akalain ito. Akala ko masayang komunidad pa rin ang inuwian ko.

Noon nilalakad ko ang dalawang kilometro mula sa haywey patungo sa aming munting bahay nang walang takot na maholdap o makursunadahan. Pero nitong Bagong Taon (2009) lamang, tinira ng mga hindi kilalang lalaki ang isang kapitbahay. Hatinggabi at pauwi mula sa trabaho ang mama. Duguang bumulagta ito ilang hakbang lamang sa pinto ng kaniyang tahanan. Hindi nakuhang sumigaw ng kabiyak. Isang kababata. Paano mo uunawain ang naghinintay na eksena ng karahasan? Parang walang nangyari na naglakad patungo sa susunod na bloke ang mga asasino. Hindi na puwedeng gawin ang payapang paglalakad sa gabi. (Talaga namang hindi na ako makakalakad nang malayo).

Ang mga pamangkin kong dating inaabot ng gabi sa paglalamyerda at paglalaro ng Dota, maagang umuwi at sama-samang natulog sa sala. Nakita na nila ang ganitong eksena mahigit isang taon pa lamang ang nakakaraan. Akala nila ay tapos na ang eksena ng karahasan.

Paghihiganti ang motibo. Nagkairingan ang dalawang panig. Pinatay ang isang kasamahan. Gumanti ang kabila. Sa gitna ng lamayan ng unang biktima, dumating ang mga asasino para tirahin pa ang ilan pang miyembro ng kaaway. Nasindak ang aming munting baryo. Maagang nagsisitulog ang mga tao. Nagsasara ng bahay pagsapit ng dilim. Wala munang kasayahan sa kanto. Matagal bago naibalik ang katiwasayan. Ang inakalang katahimikan.

Bago pa sa nabuhay-na-muling patayan, may krimen pang nangyari. Kasangkot naman ang dalawang traysikel drayber, baklang bugaw, at dalagitang puta. Sa hatinggabi, may nangyayaring negosasyon ng panandaliang aliw sa mga sulok-sulok ng kalsada. Hindi nagkasundo sa presyo ang mga parukyanong drayber at pares ng tagaserbisyo. Biyolente ang naging reaksiyon. Pinatay ang dalawang walang labang magkaibigang bakla at babae. Ilang araw ang lumipas bago natuklasan ang kanilang bangkay. Itinago ng mga binata sa ilalim ng kama sa inuupahang kuwarto. Umaalingasaw sa loob ng sakong pinaglagyan sa kanila. Hindi natin alam ang kahayupang nangyayari sa utak ng kriminal sa dilim ng gabi, sa kuko ng libog at init ng ulo. Mitsa ng buhay ang ilang daang piso? Hindi ko akalaing puwedeng sumadsad ang budhi ng tao nang ganoon kababa.

Sa pagbubukas ng Bagong Taon din, natagpuan sa haywey ang mga putol na kamay at paa ng mga biktima ng salvaging. Mga lalaking sangkot diumano sa tingiang distribusyon ng shabu. Itinapon sa damuhan sa kaibuturan ng gabi, at sa gitna ng kristal na bahagharing hamog ng umaga, bumati sa mga usyosero’t usyosera ang lamuray na laman at nakalitaw na buto. Nadaanan ko ang eksena habang nakasakay sa bus. Nakapalibot na masinsin ang mga usyoso sa nagkalat na mga bahagi ng tao. May tigalgal na pagkaakit na hindi mapigil ng dilaw na ribon ng mga pulis. Sila din mismo ay nakikitanghod sa tagpo. May nakudlit na kuryosidad din sa akin. Gusto ko rin sanang sumilip. Ang pagsibad lamang ng bus ang nakapigil sa akin. At ang kilabot na gumapang sa pag-iisip sa itsura ng chop-chop.

47 Pagdating namin sa Commonwealth Avenue, nagsakay ng pasahero ang drayber. Bigla sa init ng alas-diyes, may ahente ng MMDA na galit na nagpahinto sa bus. Bumaba ang konduktora. Ilang minutong natengga ang sasakyan habang nakikipagnegosasyon ang konduktora sa ahente ng gobyerno. Pag-akyat niya, narinig ng mga pasahero na kailangan niyang magbigay ng P200 para hindi na lang matiketan. Kasalanan: nagsakay ang drayber sa labas ng linyang dilaw.

Naisip-isip ko, may krimeng kailangang gawin sa gabi; may krimeng kailangang gawin sa araw. Mabigat na krimen ang una. Pang-araw-araw naman itong huli. Pero sa kaduluhan, parehong krimen pa rin.

May mga sakit na kay hirap gamutin.

48 LANGIS NG BUHAY Ginulantang ako ng higanteng boses sa megaphone isang umaga. May van pala ng special offer na lumilibot at huminto sa aming kalye para mang-akit ng mamimili. Isang halamang-ugat ang inilagay sa munting boteng lapad na kapag nilagyan ng langis ng niyog ay nagiging lana ng himala para sa sakit ng ulo, ngawit, ngalay, pilay, rayuma, artraytis, sugat na matagal gumaling, at lahat halos ng sakit ng kalamnan.

Isang palabas na naman na bobolahin ang kawawang karaniwang tao. May mga ganid at suspetsosong tao talagang gagawin ang lahat para makaraket. Hindi naman sinabi kung ano iyong ugat na iyon. Malay ko kung tangkay-tangkay lang iyon na kinuha kung saang masetas. Tapos sasabihin himala dahil sinabi lang ng mama sa megaphone.

Ang sabi ba naman: “Bihira po kaming magpunta dito sa inyong lugar. Marami kaming pinupuntahan para maraming makinabang sa aming produktong sadyang ginawa para sa inyo. Alam naman po ninyo.”

Hindi ko alam.

“Ito pong halaman ay sadyang may bisang medisinal. Ang nangyayari, kapag nababad sa langis, napupunta ang substansiya doon. Doon nanggagaling ang maginhawang bisa.”

E ano ngayon?

“Ipapahid-pahid lang ninyo sa lugar na may hindi magandang pakiramdam, at sandali lang po ay makakaramdam na kayo ng ginhawa? Hindi tayo nakakagawa nang maayos kapag may dinaramdam. Isang simpleng lunas ang dala namin sa inyo.”

Ganoon? Hus, maniwala ako.

“Matagal ninyo itong gagamitin. Basta naubos na po ang langis ng niyog na nandito, puwedeng ninyong palitan ng bago. Hindi agad nawawala ang substansiya.”

Ayaw ko nga ng langis ng niyog. Masyadong malagkit.

“Ngayon, kung wala kayong makuhang langis ng niyog, o kung ayaw ninyo ito, puwede naman ang mineral oil. Mabibili ninyo sa botika iyan. Murang-mura din. Opo puwede iyon. At matagal ninyong gagamitin ito.”

Talaga lang ha. Mukhang interesante.

“Biruin ninyo, tatatagal talaga sa inyo ito. Two hundred pesos lang. Kung bibilhin ninyo ito sa mga grocery, six hundred ito. O baka mas mahal pa. Malaki ang matitipid ninyo. Sayang din ang apat na raan o higit pa. Mamamasahe pa kayo papunta sa botika. Sa taas ng bilihin, malaking bagay na iyan. Tapos, sulit na sulit naman. Saan kayo makakakuha ng ganyang panlunas na aabot nang ilang taon sa pagpapaginhawa sa inyong artraytis, gout, pilay, o sakit na dulot ng ngalay o ngawit dahil sa pagod o nabaling buto.”

Teka, teka, baka magamit ko ang ugat-ugat na gamot.

“Huwag na kayong magdalawang isip. Sa murang halaga, pag-aarimuhanan pa ba ninyo ang mabisang gamot?”

Nang magpasiya akong bumili ng bote ng ugat-ugat, wala na akong inabutan. Napakyaw na ng mga kapitbahay na marami rin palang sakit sa katawan. Mga suwapang sa gamot!

49

BALIK-AKWATIKO? Kung isda ka, wala nang sasarap pa sa paglangoy sa tubig. Kung buwaya ka, masarap lumangoy nang kaunti sa tubig, masarap ding maglakad nang kaunti sa lupa. Kung ahas ka, wala nang sasarap pa sa paggapang sa lupa. Kung baka ka, wala nang sasarap pa sa paglakad sa damuhan. Kung ibon ka, wala nang sasarap pa sa paglipad sa hangin. Kapalaran mo ang anatomiya mo.

Parang baka na rin ang tao. Wala nang sasarap pa sa paglalakad sa terra firma at maghanap ng makakain. Maglibot-libot sa mundong ibabaw. Kaiba sa baka, sa dalawang paa tayo naglalakad. Maliban lang kung mala-ahas kang may ginagapang.

Kapag tag-init, bumabalik sa atin ang pagkareptil o ampibiyan. Laksa-laksa tayong sumusugod sa dagat. Sabi nga, tinatawag tayo ng ating pinagmulan. Naalaala ko tuloy ang kuwento ni Italo Calvino tungkol sa binatang siyokoy. May sigla ng kabataan si siyokoy na parang astronaut na tinutuklas ang espasyo ng kalupaan. Palukso-lukso sa gulod at kapatagan. May kaunting kaliskis pa sa katawan pero nawala na ang hasang. Dinadalaw niya ang Lolo niyang si Malaking Isda sa ilog at kinukumbinsing umahon na lang sa lupa. Ayaw na ayaw naman ni Lolo. Kapag dumadalaw ang binata, hatak-hatak niya ang kaniyang nobya. Lingid kay siyokoy, natuwa sa isa’t isa ang Lolo at ang dalaga. Sa tingin ng dalaga, mas matalino at charming si Lolo Malaking Isda. Panay lang ang dalaw ni siyokoy sa Lolo niya. Palagiang sumasama ang dalaga. Hanggang isang araw, nakita na lang niya ang nobya niya na lumusong sa ilog at nagbalik sa pagka- akwatiko.

Payo ng doktor ko na pinakamagandang ehersisyo sa akin ngayon ang paglangoy. Balik-akwatiko ang drama ko. Kasi nga stressful sa akin ang paglalakad. Kahit may therapy hindi na maibabalik ang dati. Hindi na ako makatatalon sa mga burol at kapatagan.

Maganda ngang ehersisyo ang paglangoy. Ang tubig kasing na-displace ng katawan ang timbang na nawawala sa bigat mo. Mas magaang tuloy kumilos. Pero ayaw kong maging akwatiko. Wala na akong hasang. At wala namang matalino at charming na Lolo este Lola sa swimming pool para ka-inlove-an at mabalikan.

Masarap talaga maglakad. Ngayon nga, naging conscious na ako sa mga paika rin kung maglakad. May nakita ako na parang matitimbuwang sa bawat hakbang. Hindi kasi maidiretso ang isang tuhod. Mayroon namang magkasalubong nang papaloob ang paa kung maglakad. Malubhang pagkasakang. Wala pa naman akong nakita na pabuka ang lakad. Nahahantad sa titig at pansin ng mga tao ang paglakad na ganito. At tampulan ng tukso.

Pero bakit tinitiis ng may kapansanan ang mahirap na paghakbang? Sa akin nga, parang gustong kumawala ng mga turnilyo sa sakong. Masakit talaga. Pero kailangang tiisin. Mas mahirap kasi ang maikulong sa kuwarto nang walang ginagawa at tumingin lang sa dingding. Mas mahirap magmukmok at mamatay sa lungkot. Hindi bale nang matukso paminsan-minsan at maging tampulan ng titig ng estranghero, basta makalanghap ng sariwang hangin at makatingala sa bughaw na langit.

Ngayon, mas maganda sigurong mag-aral na lang lumipad.

50 DAHIL SA SKELAN Tuwang-tuwa ako sa araw na payagan na ako ni Dok Lai na tumayo at maglakad. Pagkaraan ng tatlong buwan, nakakalibot na ako sa loob ng bahay nang walang saklay at hindi nakasakay sa wheel chair. Parang akong nagmano kay Kristo. May himala!

Susunod nito, makakaluwas na ako at makakapaglamyerda.

Dahil may oras akong manood ng TV, napapansin ko ang mga patalastas, lalo na ang tungkol sa sakit sa joint at buto. Manghang-mangha ako sa kuwento ng lolo sa Skelan. “Ayos ang buto-buto!” habang nagti- Trip to Jerusalem, sabay ikot-ikot ng tuhod at pagkandong sa apo.

Sinubukan ko ang Skelan nang walang preskripsiyon ni Dok. Susmaryosep, pinagsisihan ko. Pero siyempre laging sa huli ang pagsisisi. Kasi nang uminom ako nito, nangati nang nangati ang mata ko. Lumobo nang lumobo hanggang magsara at wala na akong makita! Tapos nagsara din ang ilong ko. Buti na lang hindi ang bibig kung hindi wala na akong mahihingahan. Intense allergic reaction ang nangyari. Anaphylaxis. Dahil sa ibuprofen. Uminom ako ng Celestamine para humupa ang pamamaga. Seventy two hours bago humupa ang reaksiyon.

Pero nawala nga ang sakit ng kasu-kasuan ko! Ang sarap ng pakiramdam sa paa. Nakakalakad ako nang maayos. Kaso, hindi ko naman alam kung saan ako papunta. Parang saradong tahong sa higpit ang mga talukap ng mata ko. May mutang glue. Hay naku, nakakalakad nga, bulag naman. Ayaw ko diyan ko sa Skelan.

Ang ganda din ng patalastas ng Arthricin at iba pang joint pain alleviator. Kaso may phobia na ako sa mga iyan.

Pinabalik na lang ako ni Dok Lai sa Celebrex o Celecoxib.

Kaya ang mga uto-uto diyan, mag-ingat na lang. Dahil nakamamatay ang basta pagpapaniwala sa atas ng mga patalastas.

51 ESKABETSE NI PAPA JACK Sa mga gabing hindi makatulog, walang mapagdiskitahan kundi ang radyo. Sa umagang walang magawa, walang mapagbalingan kundi ang telebisyon. Paminsan-minsan, maghahalungkat ng magasin. Walang kaso kung luma na, basta may pampatay ng oras.

Hanggang alas-dos ng madaling araw, sige ang scan ko sa mga estasyon. Hanggang isang gabi, nadaanan ko ang programa ni Papa Jack (Papadyak?) at ako’y maging tagasubaybay. Mula alas onse nakikinig ako ng mga problema sa pag-ibig ng mga tumatawag. Patawa ang estilo ni Papa Jack. Mag-isa akong hagikgik sa dilim. Ang dami palang tanga sa pag-ibig. Hindi ako nag-iisa (hehe). Para siyang si Ate Helen Vela sa pagbibigay ng matitinong payo na may sundot ni Tito, Vic and Joey. Hindi naman napipikon ang mga caller. Parang tanggap nilang harut-harutin ni Papa Jack habang pinapayuhan. Magtatapos ang payo sa “Gumamit ka ng silantro.” Ibig ba sabihin, magbagong buhay na ang caller? Pampalasa ng pagkain ang silantro.

Pagdating ng ala-una, nag-iiba ng paksa ang problema ng mga tumatawag. True confessions na. Mga erotikong engkuwentro. Pagtatapat ang format. Kinikilig si Papa Jack. Pati ang caller. Pati na rin ako. Walang binabanggit na malaswa pero nagkakaintindihan kung ano ang ibig sabihin. “Nagluto kayo ng eskabetse.” “Opo.” “Magaling ba siya mag-eskabetse?” “Super galing po.” Mamimilipit sa katatawa si Papa Jack. “Saan naganap ang tikiman ng eskabetse?” “Sa kuwarto po.” Ano ba iyan! Mga treinta minutos ang tanungan sa detalye ng pagluluto ng eskabetse. Pagkatapos, papayuhan ni Papa Jack na huwag nang gagawin muli ang pagluluto. May asawa na pareho ang kusinero at kusinera.

Kakatwa itong sitwasyon. Pagkatapos rebyuhin ang resipe ng eskabetse at maluto at makain ang putahe, sasabihing bawal ang lahat kaya dapat magsisi. Wala itong ikinaiba sa kompesiyonaryo ng fraile noong panahon ng Espanyol. Alam na ng pari ang detalye ng kasalanan at parang tseklist lamang ang lahat. Sinisigurado lamang kung aling detalye ang ginawa ng nagkukumpisal para mapurga mula sa sistema. O para makihati ang pari sa glorya ng mga Indio. (Nagjajakol sa kumpisalan pa lang.) Sa ngayon, para makihati ang mga nakikinig sa abenturang erotiko ng mga tinig sa radyo. May sermon at kaalaman pa sa dulo. Sa halip na makatulog, napupuyat ako sa padyak pantenga. Bagong fraile sa radyo si Papa Jack.

Paggising sa umaga, inaabangan ko ang Global 3000 sa Net 25 bago pa ako maunahan ng pamangking mas gusto ang Bratz. Hamak na mas maganda ito sa pang-umagang programa ng dalawang higanteng estasyon. Sa mga 30 minuto ng maiikling dokumentaryo, malalaman ko ang mga pandaigdigang isyu sa ekolohiya, ekonomiya, at pantaong interes. Madalas na ang pabaya at tiwaling gobyerno o korporasyon ng Estados Unidos at Europa ang ibinubuyangyang ng Alemang programa.

Naitanghal dito ang walang kamatayang Diwalwal ng Mindanao at ang epekto ng resesyong global sa mga Filipinong abrodista. Mas mainam pa ito sa mga lokal na balita dahil walang gatol ang analisis sa mga pangyayari. Sariwang hangin ito kumpara sa gasgas na retorika ng mga popular na palabas.

May isang karakter lamang akong inaabangan sa mga telebabad at teleserye, si Gary (Kempee de Leon) ng Lalola. Magaling na bata. Mapapatawa ka talaga. Manang-mana kundi man nilampasan na ang tatay niyang si She Man: Mistress of the Universe.

52 OPEN HOUSE SA ANTIPOLO Isang laro ang buhay. Dapat mahusay ka dito. Malaking bahagi nito ang pakikipagrelasyon. Habang nandito ka, seryosohin ang laro. Kapag tapos ka na sa laro, dapat handa ka na sa seryoso.

Kabilang sa laro ang pamamangka sa dalawang ilog. Sabi ng mga eksperto, numero unong tuntunin: Kapag may nakitang ebidensiya ang karelasyon mo, huwag umamin. Bersiyon ko: Huwag umamin agad. Para makalusot, mag-isip ng kuwentong kapani-paniwala para mapagtakpan ang laro. “Kaibigan lang iyon,” “Kaopisina ko lang iyon” o kaya “Estudyante ko iyon, ano ka ba.” Dapat ang delivery may kaunting galit o pagka-irita para mahiya ang karelasyon na pinag-isipan ka ng masama.

Numero uno ang cell phone management. Burahin agad ang mga nakakabuking na text. May mga karelasyong mahilig sumilip ng cell phone ng may cell phone. Sabihin ang karapatan sa privacy. Sabihin mong sa iyo ang cell phone at kahit kailan hindi mo sinilip ang cell phone niya, kaya dapat ganoon din siya sa iyo. Huwag pumayag sa kompromiso niyang magsilipan kayo ng mga text. Sa kabilang banda, kausapin mo ang katext mo na huwag magsend ng mensaheng “Luv you honey, kailan tayo kita uli?” Maging maagap sa pagbura ng mga ganiyang ebidensiya. Mas ligtas na pangalanan mo ng lalaki ang babae. O ng lalaki ang babae. Para pagsilip ng karelasyon mo, iisipin niyang lalaki o babae naman pala iyon. Delikado lang na baka mapagkamalan kang bakla o tomboy. Mas masamang epekto, baka malimutan mo kung sino ang katext mo. Ang gulo noon. Pinakaligtas na gumamit ng mga kodigo. Sabihin sa kalaro mo na mag-text ng mga role playing na mensahe. Magpanggap siyang business partner na nangungumusta ng mga bagong deal. Maglista ng mga katapat na ibig sabihin ng litaw na salita. Halimbawa, “Sir open house po ngayon sa Antipolo” na ibig sabihin ay “Magkita tayo mamayang gabi.” Mga ganyan.

Hindi ko naturuan ang pamangkin ko ng mga ganyang estilo kaya hayun nabuking agad ng kaniyang karelasyon. Hindi agad nakagawa ng kuwento at bukod doon, umamin agad. Hindi naman kasi nagtanong. Ayan wala na siyang nagawa kundi magpakita ng taos-pusong pagsisisi at pangakong pakakasalan sa lalong madaling panahon ang nagselos na karelasyon. Tama naman ang desisyon niya. Kung handa nang magseryoso, tumigil na sa paglalaro dahil may karma ito. Tingnan na lang ang nangyari kay Joey Marquez.

Mabuti na lang magaling sa karma management ang mother dear ng pamangkin ko. Hindi na kasi nag-uusap ang mag-jowa. Boto pa naman ang kapatid ko sa babae. Pinagharap ang dalawa. Tinanong ang babae, “Mahal mo ba ito?” Sagot “Opo.” “Iyon naman pala, patawarin mo na.” One week later, namanhikan na ang pamilya namin sa kanila. Matagal na kasing engaged ang dalawa.

Kung hindi ka rin lang mahusay at mahina ang loob, pinakamabuti na ang huwag sumuong sa magulong laro ng relasyon. Dalawa lang kasi iyan: Baka mawalan ka ng karelasyon o asawa, o sa kaso ng pamangkin ko, mapaaga ng pag-aasawa.

Kapag magaling na ako sa paa ko, magtitino na ako. Ayaw ko ngang makarma. Wala nang “Sir, may open house po ngayon sa Antipolo.”

53 SINUWAG NG MOTOR Masakit mawalan ng mahal sa buhay. Kapag naranasan mong mamatayan, malalaman mo ito nang husto. May panahong ignorante ako sa kamatayan. Pagkamangha at hindi pagkatakot ang naramdaman ko sa panonood ng mga libing. Noon, sinusundan ko ang libing ng kapitbahay. Pinanood ko ang pagbaba ng kabaong at pagtabon ng kimpal ng lupa sa puntod. Pinakinggan ko ang pagnguyngoy ng mga namatayan. Walang damdamin akong nadama. Sa halip, gandang-ganda ako sa tanawin ng asul na langit at luntiang damuhan na kapiling ng mga patay. Payapang-payapa sila sa tingin ko. (Bagamat ang libingang maganda noon ay pangit na ngayon. Nakasalansan ang mga sementadong libingan na parang kahon sa bodega. Naging resettlement area kasi ang aming lugar).

Noong hay-iskul, sa kagustuhang makasama ko sa sementeryo ang crush ko, nasabi ko sa kaibigan niya na “Sana may patay sila para pumunta siya sa sementeryo.” Inosente ang pagkabulalas na iyon. Nang makarating sa crush ko ang sinabi ko, hindi na ako kinausap. Napakasama nga naman ng pahayag ko. Gusto ko lang naman siyang makasama ng hindi pumupunta sa bahay nila. Masungit daw kasi ang tatay niya. Hindi naman ako nagpaliwanag kasi hindi ko alam ang bigat ng sinabi ko.

Unang pinakamalapit na kamag-anak na pumanaw at iniyakan ko ay isang tiyo. Kapatid ng Nanay ko. Pumalahaw kasi ang Nanay ng malaman niyang iginupo ng atake sa puso si Uncle Bloomer. Parang nahawa lang ako sa damdamin ng pagdalamhati. Hindi ko naman dama ang pait. Nang mamatay ang Nanay, iyon, nalaman kong napakasakit pala. Pero sabi nga ng isang kaibigan, nagbalik lang naman sa pagiging enerhiya ang mga namatay. Galing sa kawalan, babalik sa kawalan.

Sa pagtigil ko sa bahay at pamumuhay sa dating kapitbahayan, pumanaw ang ilang kakilala. Tulad na lamang ni Mang Abdon. Noong bata ako, kagawad siya sa barangay. Masigla at masipag. Guwapo at minsang pinag-agawan ng mga babae sa barangay. Siya ang nagrehistro sa akin nang maging botante ako noong 1980. Sa unang bahagi ng 2008, pumanaw ang kaniyang kabiyak, ang madaldal at magaling magrosaryong si Nana Tinang. Sa mga pasiyam, makapanindig balahibo ang rendisyon niya ng plegarya, “Toreng garing, toreng ginto.” Ulyanin na ang naiwang si Mang Abdon pero alam niyang nawala ang kaniyang mahal. Sakit at pagdadalamhati ang ikinamatay niya.

Simple lamang ang pagkamatay ng isang dating kalaro sa barilan at kasama sa paliligo sa ilog, si John. Noong late 60s, tanda ko, ang birthday party ni John ang unang pagtitipon na ginanap sa lugar namin. Naiinggit ako sa pagdiriwang ng kapanganakan niya. Sa pamilya namin, walang nagseselebreyt ng bertdey. Wala kasing pera. Mayaman tuloy ang tingin ko sa mga may handang ispageti, keyk at payn-apol dyus. Pero walang naging direksiyon ang buhay ni John. Mula nang ipagpalit ng Nanay niya sa ibang lalaki ang Tatay niya--matagal na iyon--may kumudlit na lungkot sa mukha ng mag-ama. Laging lulugo-lugo ang tatay niya kahit nagpapaaraw lagi sa kanto at masugid sa pagsamba. Nang mamatay ang Nanay ko, sabi ko sa Tatay ni John, “Ang lungkot ano?” Alam kong namatayan na siya ng ina, si Nana Salome. Sagot sa akin, “Masasanay ka din.” Nagtrabaho si John sa Department of Agriculture sa Ilocos pero muling nagbalik dito sa aming barangay para sa di-opisyal na pagreretiro. Wala na kasing ambisyon. Walang sigla. Sakitin gaya ng kaniyang ama. Isang hapon, humiling na lamang sa kaniyang kapatid na si Jun na yakapin siya. Nilalamig daw kasi. Kinagabihan, pumanaw na. Ngayon bigla na lang akong naiiyak kapag may namamatay. At ayaw kong makipaglibing. O makipaglamay. Nanlalamig ako.

Pero ang mga Pinoy magaling maghugas ng lungkot. Sa magkasunod na lamay ni Mang Abdon at John, nagkasayahan ang mga kapitbahay. May mga kabataang kumakanta ng mga popular na awit sa pag- akompanya ng home-made na instrumento at portable na amplifier. Kinudlit ako ng “Pare Ko” ng Eraserhead. Party para sa dating kasama-sama lamang. Naisip ko, naabutan ko pala ang una at huling party para kay John.

54 Trahiko naman ang pagkamatay ng isa pang kapitbahay. Kung may edad na kasi, hindi masyadong nakakahinayang. Parang panggatong, puwede na sunugin. (Lol). Kapag bata, parang iba. Hatinggabi ng Enero 30, humiling ang 21 taong binata na gamitin ang motorsiklo. Medyo sangkot ang isang pamangkin ko dahil kinakapatid niya ang may-ari ng motorsiklong hiniram ng namatay. Ang sabi, “Tol, pagamit ng motor. Isang ikot lang.” Umangkas pa ang dalawang kaibigan tapos umarangkada sa gloryeta. Bumangga sa puno. Nagkagalos-galos ang tatlo. Isinugod sa ospital. Tsk, tsk sa ospital kung saan ako unang dinala nang maaksidente. Pangit ang serbisyo doon. Ang diyagnosis wala namang malubhang sugat. Pero internal laceration ng atay pala ang nangyari sa nagmamaneho. Sana, na-MRI scan para nakita ang sugat sa loob. Sinuwag ng isang sungay ng motorsiklo ang tagiliran niya. Ilang oras lamang, ito ang ikinamatay ng binata. Katatapos pa lamang niya ng kolehiyo at kasisimulang magtrabaho. Malaking tulong sana sa mga naghirap na magulang.

Hindi masasabi kung kailan darating ang kamatayan. Mayroong bersiyon para sa bawat indibidwal. Pangako ko sa sarili, higit na pagbubutihin ang pamumuhay. Lalo na sa akin na dumaan sa matinding aksidente. Kahit iika-ika na ako, ipagdiriwang ko ang bawat susunod na araw na parang bertdey ko. Kahit maraming kapaitan sa buhay na ito, masarap damhin at harapin ang ating napakagandang daigdig.

55 SI SAIS, SI ONSE; SI SINGKO, SI DIYES! Itong alma mater ko sa hay-iskul, may ginawang kabalbalan. Humingi kasi sa kanila ang kapatid kong bunso (dumating mula sa Saudi) ng rekomendasyon para sa panganay niya, iyong tumigil sa kalagitnaan ng semestre. Ito ang tipo na parang good moral character. Mukhang okey naman. Madaling nakapagbigay ng selyadong sulat para sa pamangkin kong magbabalik-eskuwela. Pagbukas ba naman ng administrador ng lilipatang institusyon, ang nakalagay ay “Bad manners inside and outside the classroom.”

May kung sinumang malaki ang galit sa pamangkin ko. Isang dating guro marahil na hindi nalimutan ang kapilyuhan ng bata at malapit sa sekretarya ng paaralan. Hindi naman patas ito. Minura at sinaktan ba ng bata ang guro at ayaw ng bigyan ng pagkakataon ang kinabukasan nito? Anumang kapilyuhan ng tinedyer, pinagdusahan na niya iyon nang nasa poder pa siya ng eskuwelahan. Nang pagradweytin siya, makatwiran na pasado na siya sa lahat, pati sa good manners and right conduct. Ngayon nakompromiso ang entrance process niya sa vocational school sa Calamba. Nakiusap ang kapatid ko na sana ay matanggap pa rin ang anak niya. Gagawin ng magulang ang lahat para matulungan ang minamahal na anak.

May malaking kasalanan din ako sa alma mater ko noon para maisulat sa rekomendasyon sa tekstong pareho ng ibinagsak sa pamangkin ko, lalo na iyong bahaging “outside the school.” Pero hindi na ginawa ito ng dating prinsipal. Humingi na ng tawad ang Nanay ko noon at nagsabing magbabago na ako. (Nagsori din ako talaga. Mabuti at may pakialamerang ina. Parusa ko ang hindi pagkasali sa honor roll. Ang hinagpis ko. Ang sarap sanang magsalita kahit valedictory address lang.) Kung minsan talaga, may matatanda (guro pa mandin) na hindi makaunawa sa dinadanas na kalituhan ng kabataan. Kung sabagay, may mga tao na hanggang pagtanda, lito pa rin. Saan pa naman kaya magmamana ang mga bata kundi sa magulang (sige na nga, isama ko na ang sarili ko) at uncle? Nakakalito naman talaga ang buhay. Pero hindi kailangang magtanim ng galit sa kapuwa, lalo na sa mag-aaral na para na ring anak ng guro. Bigyan ng pagkakataon.

Ang isa ko namang pamangkin, magmamana talaga sa akin. May problema sa paa. Hindi naman naaksidente. Naaksidente ng mutasyon. Kasi anim ang daliri sa kaliwang paa. Tukso sa kaniya “onse.” Kapag binilang nga naman ang mga daliri sa paa, sobra ng isa. Bakit kaya hindi na lang “sais”? Pinalaki pa ang suma. Hindi ito ang klase ng daliri na nakalaylay lang na kung ayaw na ng may katawan ay isasalang lang sa sangkalan at blag, gudbay daliri. Kaso, ang dulong daliri nang ma-x-ray, nagsanga. Parang manggo ng tirador o titik Y. Two in one kumbaga. Ngayon, problema ng pamangkin ko, walang pares ng sapatos na kasya sa kanya. Laging masikip ang kaliwa. Sumasakit tuloy. Aba nang malamang mahusay ang orthopedist ko, nagkaideyang ipatanggal ang sobrang sanga este daliri. Tinanong siya ng tatay niya, tinanong ko, tapos tinanong ng doktor. Desidido talaga ang katorse anyos na binatilyo na ipa-chop-chop ang sampid na hinliliit.

Kaya dumaan siya sa dinaanan ko. Sa iskalpel! Sa parehong halaga. Tagumpay naman ang operasyon. At ngayon, hindi na siya si Onse. Si Diyes na.

56 TUMAYO KA Pagkaraan ng tatlong buwan, nang sabihin ni Dok Lai ang mahiwagang salitang “Tumayo ka,” Lazaro ang pakiramdam kong tinawag na lumabas sa kinapiitang kuweba. Ako ang palakang nakawala sa balon-- lumukso, sumirko at tumambling!

Pinuntahan ko agad ang bertdey ng isang kaibigan. Ito na ang mga dating kasayahang inaatenan ko noon. Pero parang nababalot ng liwanag ang lahat ng bagay. Nasilaw ako sa flash ng mga kamerang dihital. Nagulat ako na ilang sandali lang, nakaplasta na sa Facebook ang mga retrato at may nagkomentaryo ng “Welcome back!”

Mahigpit ang mga kamayan. Kumusta ka? Ikaw kasi hindi nagyaya sa gimik mo. Pumayat ka. Bumata. Kuminis. Sabi ko, naghihilamos at naliligo na kasi ako ngayon.

Parang kampanilya ang tunog ng pilak na kutsara sa makintab na porselanang maya-maya lang ay mapupuno ng masarap na handa. Matamis sa dila at kaiga-igayang singhutin ang aroma ng buko pandan. Lumalagutok sa ngipin ang tenga ng litson. Lasang krema ang nalusaw na taba sa labi. May budbod ng pait ang nasunog na kaliskis ng plapla. Makunat sa mga bagang, masarap paikut-ikutin sa bibig ang kabuteng nakahalo sa pansit. Ang bango ng bagong lutong pulang kanin. Gumuguhit na parang kuko sa bituka ang malakristal na alak.

Masigla ang mga usapan. May bagong proyekto si ganito. Nanalo sa kontes si ganyan. May nagbigay ng libro sa akin. Parang bagay daw sa akin sa titulo pa lang—The Healing Process. Nang buksan ko, para pala sa mga nalulong sa droga. Kung paano ang hirap ng rehabilitasyon. Na hindi basta nalilimutan ang anumang adiksiyon. Kung sabagay, nahilig ako kailan lang sa Celecoxib. Hindi na ako nagkomentaryo. Ang mahalaga naalaala akong bigyan ng regalo.

Bahay ng pintor ang lugar ng bertdey. May itinatanghal na sarikulay at guhit sa mga likhang sining sa dingding. Naghahamon na mapag-isipan ang mga tapestry at abstract painting. Nakalog na naman ang mata at utak ko sa mga tanáwin sa loob ng mga kuwadro.

Kada beinte minutos, may dumarating na bisita. Hindi matapos ang mga batian. Nang magpaalaman, bago mag-alas dose ng gabi, hindi matapos ang mga yakapan at halikan. Hanggang sa susunod, hanggang sa susunod.

Talaga, ang sarap maglakad sa mundong ito. Naibulong ko sa sarili, salamat sa Diyos. Panibagong buhay ito.

57 MGA TAHANAN, MGA PAGTAHAN Nang makapagtapos ako ng kolehiyo noong 1984, nasa isip ko na ang maging independiyente. Ibig sabihin, lumayas sa bahay ng Tatay ko at manirahan sa ibang bahay. Pero dahil sa sobrang mahal ng renta at talagang mababang sahod, wala akong kakayahang gawin ito sa loob ng walong taon. Masaya naman ang pamilya pero gusto ko ding subukan ang mamuhay nang mag-isa. Nakakapagod kasi ang araw-araw na biyahe. Nariyan ang trapiko at ang mahal na pamasahe. Nang minsang muntik akong makabitaw sa dyip at mahulog sa daan, nagpasiya na akong dapat na talagang manirahan sa lungsod. (Kakatwa pero ito ring dahilan ang muling nagpauwi sa akin isang dekada at kalahati pagkaraan. Dito sa huli, totoong nahulog na ako).

Nang umalis ang kaibigang Erik Rosales sa isang Bliss unit sa Philcoa, niyaya niya akong pumalit na kasero. Noong 1992, sobrang mura ng renta sa maliit na silid. P1,300 lang. Sa totoo lang, halos sangkapat iyon ng suweldo ko noon. Mabigat pa rin pero pikit-mata kong kinuha. Magtitipid na lang ako. Doon na nagsimula ang pagtahan ko sa iba’t ibang apartment sa Lungsod Quezon.

Isang short story ni Katherine Mansfield ang Bliss. Nadadaanan ko na ang Bliss—ang pabahay ni Imelda Marcos—sa pagpasok ko sa pamantasan. Bagong tayo ito noong 1978 at pinangarap ko ding tumira doon. Ilan sa sikat na residente nito si Tiya Pusit at Nelia Sancho. Pero noong dekada nobenta, nagsimula nang magmukhang abandonadong gusali ang Bliss. Sarado na ang dating masiglang Bliss Mart. Una kong narating ang gusali nang dumalo sa birthday party ni Jose, ang magiging isa sa mga housemate ko. Naroon pa ang seedling bank na kinatatayuan na ngayon ng Citimall. Hindi ko malilimutan iyon kasi bangag ako nang unang makarating sa future boarding house. Bliss talagang itong karanasan. Galing kami noon nina Elmar Ingles at Erik Rosales sa party ng Katha, grupo ng kabataang kuwentista. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, hilong-hilo ang pakiramdam ko. Nasobrahan yata ang inom kong dalawang bote. Lumabas ako sandali para magpahangin. Naglakad nang naglakad sa munting rotonda malapit sa seedling bank sa disoras ng gabi. Pagtingin ko sa langit, itim na itim at umiikot nang umiikot. May bagyo ba? Parang nasa gitna ako ng mata nito. Bumalik ako sa party at doon na bumagsak. Hindi ko kinaya. Narinig ko pa ang pagkakagulo ng mga kaibigan. May narinig akong “Hubaran natin!” Nataranta ako pero wala na akong magagawa kong itutuloy ng mga kumag ang balak. Gulapay na ako. Nagising na ako kinabukasan sa bahay ni Joi Barrios sa Kamuning kung saan ginanap Katha party. Inihatid pala ako nina Elmar pabalik doon. Doon ko rin nalaman na ang kinain pala naming brownies ay spiked ng damo. Tatlong piraso ang nakain ko. Katumbas ng dalawang bilot ng tuyong dahon. Diyos ko, typhoon trip ang nangyari sa akin. Napalala nang walang patumanggang paglalakad ko sa rotonda. Sising-sisi (o tuwang-tuwa?) ang may sala. Ang dati ko ngang maestro na dumalo sa party, nag-laughing trip habang nakasabit sa estribo ng dyip. Mabuti hindi nahulog.

Kung dati alaga ako ng Nanay sa bahay, nang maging boarder ako, kailangang alagaan ko ang sarili ko. Bigla akong naging labandero, plantsadero, kusinero, hardinero, at tubero, atbp. Sa madaling sabi--soltero. Hindi naman talaga nag-iisa dahil kasama ko sa yunit ang mga katulad kong soloista. Mga yuppie.

May tatlong kuwarto sa Bliss unit na iyon. Okupado ng landlady na si Prop. Blesilda dela Cruz ang isa. Bihirang pumunta si Mam dela Cruz kaya para na ring sa amin ni Jose ang yunit. Nang magretiro si Mam, pinaupahan niya ang iniwang kuwarto. Tinawagan ni Jose si Alex, ang dating nakatira sa kuwarto ko, para maging kasero ulit doon. Ayaw na namin ng bago dahil mahirap makisama.

Sa Bliss, may motto kaming mga kasero: We share everything except our privacy. Totoo iyan. At kung minsan, pati privacy naibabahagi na rin. Hindi maiwasan dahil sa maliit na espasyo. Nagkakahulihan ng itsura ng katawan at pati kaluluwa. Mainit ang yunit lalo na sa sala. Kulang sa bentilasyon. Mas malamig sa loob ng kuwarto lalo na kapag binuksan ang bintana. Kaso nga lang, mukhang akuwaryum na nakatanghal ka sa lahat ng magdaan sa labas.

Hati-hati sa lahat. Bayad sa koryente, telepono, tubig, at gas. Toka-toka sa mga gawain sa bahay. Pagwawalis, pagtatapon ng basura, paglilinis ng banyo, general cleaning, at pagbabayad sa MWSS, Meralco,

58 at PLDT. Pero dahil puro lalaki, ang tatamad lahat. Minsang dumalaw ang Ate sa akin, napansin nga niyang ang dumi ng bahay. Parang bahay daw ni Drakula. Amoy medyas daw ang kuwarto ko. Sa buong bahay, naiipon ang alikabok. Madalas na itlugan ng langaw ang trash can at apawan ng mga maggot. Napuputulan kami ng koryente dahil walang gustong magpunta sa opisina ng Meralco. May araw ng sermon si Mam dela Cruz sa mga dormer. Hati-hati rin kami sa mataras na dila niya: “Mga punyeta kayo, naturingan kayong mga propesyonal, paano n’yo natitiis ang dumi?” Ayaw naman niya ng mga babaeng dormer. Malinis nga sa bahay, malalandi naman. At takawin sa ligaw. Si Mam talaga. Puwede namang malandi rin ang lalaki at okey lang na maging ligawin. Nang marinig ng isang bisita ko kung paano kami sabunin, akala niya pinapalayas na kami ng landlady. Sabi ko, “Hindi. Ine-encourage lang niya kami maglinis.”

Sa araw ng sermon, bigla kaming masipag na lahat. Kani-kaniyang hawak ng basahan, walis, at brush para tanggalan ng alikabok ang sala, sapot ang kisame, lumot ang banyo, at mantsa ang kusina. Itsura ng mga nagko-community service. Isang oras lang, maaliwalas na ang yunit. Sabi ni Mam, “O di ba ang sarap ng pakiramdam?” Korus kaming tatlo, “Yes Mam.” Pero mga isang buwan ulit, tumitili na naman siya. Hindi naman lumabas kahit minsan sa bibig niya ang “Lumayas na lang kaya kayo?!” Sabik kasi sa anak na lalaki si Mam. Malapit nang magretiro sa pamantasan. Kapag nadedeley nang ilang araw ang renta ko, makikiusap ako na sa susunod na linggo na lang ako magbabayad. Okey lang sa kaniya at sasabihin lang, “Mag-iipon ka kasi. Huwag kang masyadong gastador.” Sapul niya ako doon. Kapag Pasko, pupunta kami sa bahay niya para kumain ng handa sa bahay. Pag-uwi namin, mayroon kaming regalong polo, sinturon, o kurbata. Kami naman magpapatak-patak para ibili siya ng bag o gift cheque.

Hindi mabait si Jack, ang ampong anak na lalaki ni Mam. Minsan, inabutan naming sinisigawan siya nito. Inaalimura mula ulo hanggang paa. Ang mataray na propesora, nakayuko lang sa harap ng binatang rumaratsada. Hindi naman namin maawat dahil away mag-Nanay iyon. Pero naawa kami sa kaniya. Tingin namin walang utang ng loob si Jack. Kaya kung minsan, kinakausap namin si Mam. Kinukuwentuhan. Inaaliw. Kapag Christmas Party, bilang building administrator, ipinagmamalaki niya na wala nang babait pa sa amin bilang mga kasero. Etsosera din si Mam. Naririnig kaya nang buong building kung paano niya kami sabunin kada buwan. Dashing bachelors daw lahat. Baka washing bachelors. Kaya inaasahan niyang isang araw ay mawawala na kami sa yunit dahil nagsipag-asawa nang lahat. Parang may tuwa sa boses niya sa pagsasabi noon. Magboboluntaryo daw siyang ninang kapag nagkataon.

Dahil accessible ang yunit, naging half-way house ang kuwarto ko. Kapag may nalulungkot na kaibigan, sa akin pumupunta. Kapag may ginutom, kakatok sa bintana kahit alas-singko pa lang para magpaluto ng agahan. Kapag may pinalayas sa sariling bahay, sa kuwarto ko nakikitulog. Minsan, isang kaibigan ng kaibigan ang inilagak sa akin. Ang sofa sa sala ang ginawang kama. Ang sabi, isang linggo lang. Pero umabot ng isang buwan. Siningil tuloy ako ni Mam. Siningil ko ang bisita pero wala raw siyang pera. Iniwan na lang sa akin ang malaking mamahaling travel bag. Napilitan akong kunin iyon pero ang bayad iniabot ko na sa aming landlady.

Dahil komunal ang pamumuhay sa Bliss, kailangang tiisin ang kondisyon sa pamumuhay nang magkakalapit. Pati mga kasiraan at di-inaasahang insidente. Nataranta ako nang minsang masira ang alkantarilya ng gusali. Sabi ng may-ari ng katapat na yunit, baka may nagsaksak ng Whisper napkins sa inidoro. Bumulwak sa koridor ng first floor ang buong suplay ng dumi ng mga residente. Pumasok sa bahay ang dilaw na likido. Nagkandasuka ako. Nagtulungan na lang kaming mga naapektuhan na maibalik ang baha sa pinaggalingang butas.

Ang espasyo sa gitna ng building ay para sa lahat. Public space. Tuwing may birthday party o pasayaw ang unit owners, magdamagan ang ingay. Manonood na lang muna ako ng sine para hindi marinig ang ingay. Pagbalik ko ng ala-una, kainitan pa lang ng party. Kahit anong pilit ang gawing pagtulog, imposible sa makadurog-tutuleng mobile disco. Sa karaniwang gabi naman, naroon ang pingpong table na walang curfew ang oras ng laro. Hindi kami makatulog sa toktokatok ng bola sa mesa at ang hiyawan ng mga naglalaro.

59 Isang madaling araw, binuhusan namin ng tubig ang mesa ng pingpong sa pag-aakalang matutuklap ang ibabaw nito at hindi na magagamit. Pero matibay ang hinayupak na mesa. Sa sumunod, nagpakulo kami ng tubig para pambuhos. Walang epekto. Nagsumbong kami kay Mam. Sa unit owners meeting, nakiusap si Mam para sa amin. Pero minasama ng iba ang hiling. Hindi naman daw kami taga-roon. Para sa mga kabataan daw iyon. Uminit ang ulo ni Jose. Kinompronta ang bise-presidente ng asosasyon. Nabaliw ang lahat dahil sa Ingles nangyari ang away. “Oh so, the minority should rule over the majority here!” “We’re just requesting that the time of playing be limited to 10pm.” “And who are you to impose?!” Palakasan nang sigaw. Natapos sa murahan ang lahat. Sa Tagalog na. Hindi na narenew bilang building administrator si Mam. Natanggal din siya sa prayer group ng building. Hindi na kinausap si Jose ng maraming taga-gusali.

Minsan, naging lugar ng bugbugan ang building. Nagtagpo ang dalawang barkadahan sa tapat ng yunit. Biyolente ang away. Suntukang umaatikabo. May pumutok ang ulo. Nasaksihan ni Jose ang basag-ulo. Kaibigan niya kasi ang mga tinedyer na dumayo. Anak pala ng isa sa mga unit owner ang nakaaway. Nang magharap-harap sa barangay ang mga sangkot, idiniin ni Jose ang anak ng taga-building namin na siyang pasimuno ng gulo. Pagkaraan noon, dahil mainit na ang mga mata sa kaniya ng pamilya ng batang maton, lumipat ng bahay si Jose. Pumalit agad na kasero ang isang kaibigan, si Zarto.

Grabe ang kondisyong ekonomiko ng kaibigan kong ito. Madalas na sumala sa renta. Wala naman akong maipautang. Bulong ni Mam, “Sabihin mo sa kanya, lumipat na siya.” Ninerbiyos ako kasi parang sa akin sinabi ang warning. Madalas din kaya akong sumala sa upa. Naawa naman ako kaya napilitan akong mag- withdraw ng maliit kong ipon. Na-extend nang kaunti ang pananatili ng kaibigan ko. Pero talagang hirap siya sa pagkita ng pera. Samantala, namumutiktik sa pera ang isa naming housemate. Inggit na inggit ang kaibigan ko. Sabi ko, taga-BIR kasi iyon. Medyo corrupt. Isang Pasko, ibinili niya ang ina ng bagong kotse. Cold cash. Kaso, ang hirap utangan kahit isang paldo lagi ang binibilang na pera. Ewan lang namin kung nakakarating sa opisina niya ang koleksiyong iyon. Naiyak ang kaibigan ko dahil unfair daw ang buhay. Bakit siya na nagpapakahirap sa trabaho at hindi kailanman nangongotong ng buwis, walang maibayad sa mababang bayad sa bahay? Sabi ko, magpalipat siya ng trabaho sa BIR. Na imposible siyempre. Humanities kasi ang tinapos niya at walang alam sa numero. Pareho lang kami. Sabi ko, ano ba ang mas mahalaga, pera o dangal? Sagot ba naman ni Zarto, pera. Nagkatawanan na lang kami.

Nagkaroon ako ng pagkakataong kumita nang malaki nang yayain akong magtrabaho ni Oli, matalik na kaibigan, sa malaking computer school. Limang beses ang laki ng suweldo ko sa pamantasan. Nanghingi ako ng two-year occupation leave. Ibig sabihin, mangraraket muna pero may balak pa akong bumalik kapag hindi ko nagustuhan ang bagong posisyon. Unang nabago sa akin ang wardrobe. Goodbye sa maong at rubber shoes. Executive na ako kaya nagshopping ng sapatos na balat, long sleeves, barong, manipis na medyas, kurbata, gel, pabango, mamahaling relo, at styling magazine. Parang nakakapanibago. Hindi ako ito. Mas masarap ang gusgusin look. Kaya lang, kailangang mag-adjust sa bagong life style. Lumipat rin ako sa bagong bahay malapit sa eskuwelahang pinaglilingkuran. Medyo sosyal na ang bahay. Goodbye alikabok.

Pero may kapalit ang lahat. Weird ang management style ng eskuwelahang iyon. Mahigpit masyado. Sa pamantasan, walang bundyclock. Sa bagong eskuwelahan, ang bundy clock ang unang pagmamanuhan ng lahat ng empleyado. Hindi ko alam gamitin iyon at pinagtawanan ako ng guwardiya dahil nalate ako ng isang minuto sa unang araw ko. Hindi ko maisaksak ang card sa tamang posisyon. Mahalaga ang minuto sa kanila. Hindi na puwedeng ma-permanent ang isang empleyado kapag may late. Kahit gaano ka pa kahusay na guro. Kapapasok ko pa lang masisisante na yata ako dahil sa isang minuto. Mas mabuti pa raw na huwag nang pumasok kaysa mahuli ka. Anong klase naman iyon. Kung magpipilit kang pumasok, magbabayad ng P50 pesos sa bawat minutong late. Ang naisip kong kontra sagot, payag ako basta ang bawat minutong maaga ako ay babayaran din ng P50. Natawa lang si Oli. Hindi raw puwede iyon.

Nakumbinsi lang akong pumasok doon dahil sa malaking suweldo. Tiisin na lang ang mga dapat tiisin. May herarkiya ng mga ehekutibo ang kompanya na nakapalibot sa chief executive officer. Nasa outer rim ako.

60 Ibig sabihin, kasama ako sa iisip ng mga proyekto, ipepresenta ito ng immediate boss ko sa inner sanctum, tapos kapag naaprobahan, kaming mga nag-isip ang magsasagawa. Samantala, ang mga nasa inner sanctum, kapag naaprobahan na ang proyekto, kanila na iyon. Kani-kaniya ng account ang mga think thank. Nasa education ako kaya mga kurikulum ang pinag-iisipan. Pero puwede pa rin akong gumawa ng iba pang maisipan o kailanganin ng sinumang nasa inner sanctum. Tulad ng mga saliksik, talumpati, exhibit, proposal, editing, at iba pa. Puwedeng makipagtulungan sa ibang departamento para sa isang malaking event gaya ng training program o graduation. Exciting naman. Kasama din ang politikahan. Mayroon din namang ganito sa pamantasan; pero mas matindi nga lang sa computer school. Sa anumang proyekto, bukod sa maganda ito, kailangan ding kumita ng pera. Puwedeng maganda pero maliit ang kita kaya hindi na maganda. Puwede ring hindi masyadong maganda pero dahil malaki ang kita, gaganda na. Maganda ang proyekto ng pagtatayo ng College of Mass Communications na natoka sa akin. Kaso na-shootdown kasi P50 milyon ang initial budget. Gusto pala ng may-ari walang perang iluluwal. Ang solusyon, ipadala ang mga estudyante sa mga aktuwal na studio at doon na mag-apprentice ng paghawak ng kamera at makina sa editing. Sa badyet na ipinakita ko, kailangang singilin ng kalahating milyon ang bawat mag-enrol para sa mga bagong equipment at pasilidad. Mula sa aming departamento, mas nagustuhan ang cultural fee. Walang outlay ang institusyon. Sisingil lamang ng P150 sa mga estudyante para makapanood sila ng sine o play kada semestre. Suwak pa ito sa kurikulum. Tapos ang ipapalabas na sine ay mula sa affiliate company. Malinaw na P8 milyon ang kita kada trimestre. Total na P24 milyon kada taon. Aprobado ito ng inner sanctum. Salitan ang play at sine. Kinuha ko ang play na palabas ng isang kilalang pamantasan. Ayos naman. Hindi lang ayos ang bahaging singilan. Ugali kasi nitong kompanya na magbayad pagkaraan ng isa o dalawang taon matapos ang pagkonsumo ng produkto o serbisyo. Nataranta ang prodyuser ng play. Nagbayad lang ang kompanya nang manakot ang huli na ilalabas sa media ang ginagawang pambabalasubas. Pero may naiwan pang malaking halaga pagkaraan. Araw-araw na nasa cashier ang account manager pero kahit nag-eskandalo na siya doon, makunat pa sa tumigas na rugby ang kompanya. Utay-utay magbayad.

Doon sa bago, maluwag, at maganda kong bahay, hindi ko pa rin kinaya ang upa sa totoo lang. Kaya niyaya kong tumira ang dalawang kaibigan, isang babae at isang bakla, si Marissa at si Bexie. Para na kaming pamilya. Ang saya-saya! Inimbita ko kasing magtrabaho si Bexie sa computer school. Natanggap sa departamento ko mismo. Sabay kaming gumising, sabay maligo (joke), at sabay pumasok. Maganda si Bexie. Hindi mukhang bakla. Mukhang babae talaga. Boses babae, kilos babae. Maganda ang hubog ng balakang; umiinom ng estrogen tablet kaya pinamumukulan, at kumikinis ang balat. Ang sabi ko, may side effect ang ginagawa niya. Pero wala siyang pakialam. Basta gumanda. May isang kaibigan nga kami na nagsabi kamukha siya ni Virgin Mary. Kapag nakasabay mo siya, mapagkakamalang jowa mo. Nang makasalubong ko ang isang macho at babaerong klasmeyt, gusto niyang ligawan si Bexie. Ang sabi ko lang, handa na pala siyang makipagrelasyon sa bakla. Binibiro ko naman daw siya. Tinitigan niya si Bexie at doon lang niya napansin ang medyo bumubukol na Adam’s apple. Nagmamadaling nagpaalam ang klasmeyt ko. Masaya ang aming munting pamilya sa mga harutan at biruan. Madalas kaming kumain sa labas, manood ng sine, at maglamyerda. Dahil magka-opisina kami ni Bexie, mas napapadalas ang labas namin. Masaya naming ikinukuwento kay Marissa ang aming mga gimik. Hindi kumikibo ang housemate namin. Isang gabi, ayaw kaming pagbuksan ng pinto. Kumatok kami nang kumatok. Pero walang reaksiyon. Alam naming nasa loob siya. Nabuksan ang seradura pero hindi ang ikalawang lock. Double lock laban sa magnanakaw. O sa mga pasaway na housemate. “Marissa, may karapatan naman kami sa bahay. Pare-pareho tayong nagbabayad.” Saka lamang nabuksan ang pinto. Sabi lang niya, “Pasensiya na, mahimbing ang tulog ko.” At tuloy-tuloy na bumalik sa kuwarto niya. Naging malamig ang mga sumunod na araw. Sininghalan niya si Bexie na bakla nga pero dugyot sa banyo. Ang tamad pang maglinis ng bahay. May problema ba ang aming housemate? Naisip namin ni Bexie na naetsa puwera kasi siya sa ibang lakad ng kaibigan. Aba, sa pagkakaibigan, hindi kailangang ipilit ang sarili. Dahil dito, hindi na maibalik ang masayang samahan namin. Nagpasiyang umalis si Bexie. Pinigil ko pero ayaw paawat. Kaya naiwan kami ni Marissa sa bahay. Pinaghatian namin ang gastos ng dating tres musketeros. Okey pa rin naman. Kaya pa. Itong si Marissa, parang wala lang na umalis si Bexie. Mas bumait pa nga. Mas dumaldal. Hindi ako tinatantanan ng kuwento kahit may ginagawa ako. Kung minsan sinasabihan kong may deadline ako at saka na ako makikinig sa

61 kuwento niya. Padabog na papasok sa kuwarto. Ano bang problema noon? Pero mabait sa ibang oras si Marissa. Masipag mamalengke at magluto. Nagboboluntaryong maglaba at magplantsa ng damit ko. Sabi ko, “Marissa, hindi mo kailangang gawin iyan.” Ang suwerte ko nga raw sabi ng mga office mate ko. “Hindi kaya in-love sa iyo ang housemate mo?,” intriga ng isang etsosera. Hindi ko pinag-isipan ng ganoon ang kaibigan ko. Paano kung oo? Imposible. Kapatid ang tingin sa akin ni Marissa. Panay ang text kung anong oras ang uwi ko. Nagluto kasi siya ng eskabetse. Sabay na raw kami kumain. Minsan, umuuwi ako nang maaga. Pero dahil binata, panay ang gimik ko. May gabing hindi ako nakakauwi. Ang gusto ni Marissa, itetext ko siya para mai-lock niya ang double-lock na pinto at kung uuwi ako, hindi na niya ila-lock. Ang laki ng problema niya. Sabi ko, huwag lang niyang ilock ang double lock. Sabi naman niya, hindi raw siya makatulog kapag hindi naka-lock ang double lock. Ibig sabihin ba, kailangan kong umuwi para ma-ilock niya ang double lock para makatulog siya? Parang ganoon. Pagpigil sa kalayaan yata ito. Ang ginawa ko, nakikitulog na lang ako sa mga kaibigan kapag may gimik ako. Sabi ni Marissa, bakit hindi na raw ako umuuwi. Sabi ko busy sa trabaho. Kailan daw ako kakain sa bahay? Kailan daw kami manonood ng sine? Patay. Bakit parang feeling jowa ang Marissa? Nang umuwi ako minsan nang gabing-gabi, pinagbuksan ako ni Marissa. Ayan na. Magtatapat na yata. “Hindi ko mapigil, kaibigan. I love you. Trinay ko patayin pero nabubuhay. Takot akong baka iwan mo. Huwag mo akong iiwan. Hindi naman sex ang habol ko.” Hindi ko alam ang reaksiyon. Madalas ako ang nagtatapat ng pag-ibig. At nabibigo. Paano ito? Ayaw kong mambigo, ayaw ko rin naman kay Marissa. Ang sinabi ko ay ang madalas sabihin sa akin, “Okey, patayin mo na iyang pag-ibig na iyan. Walang patutunguhan. Hindi kita iiwan. Friends tayo di ba?” Nagpasalamat si Marissa. Tapos natulog na. Kinabukasan, tuloy ang maagang paggising niya at pagluluto ng baon. Hindi ako gumising agad. Hinintay kong makapasok siya bago ako tumayo. Ganoon ang routine namin nang ilang buwan. Pero hindi niya mapigil ang pag-aalala sa akin. Ang pag-aakting na parang asawa. Gusto niyang umuwi ako nang maaga para mai-lock ang double lock naming pinto. At nang makatulog siya. Minsan, nabanggit kong mahusay akong magmasahe. Sabi niya, magpapamasahe daw siya. At handang magbayad. Hindi ko nakayanan ang arrangement. Isang araw, nang makapasok na siya, tinawagan ko na ang dyip at mga boy na maghahakot ng gamit ko. Alsa-balutan ang drama ko. Nag-iwan ako ng mahabang sulat na nagsasabing mabuti ko siyang kaibigan at gusto kong manatiling ganoon na lamang. Tumawag sa cell phone at umiyak. Bakit ko daw iniwan. Sabi ko, pasensiya na.

Si Bexie? Nagpunta ng Saipan. Nagkajowa ng dalawang Kano. Ewan ko lang kung nabuking na bakla siya. Ang sasabihin kasi niya, dalagang Filipina siya at hindi basta nagpapaganoon. Sing pero hindi dance.

Lumipat na naman ako ng bahay. Malapit sa computer school. Sa sobrang lapit, hindi na ako naleleyt. Kahit magising nang 7:30 n.u., umaabot pa ako sa pasok na 8:00 n.u.. Basta ready na ang mga isusuot. Ang problema sa bahay na iyong may bubungang yero na walang kisame, kapag araw, ano pa nga ba kundi impiyerno sa init. Problema kapag Sabado at Linggo. Pagdating ng 10:00 n.u., susugod na ako ng SM North para doon tumambay. Ayaw kong malitson nang buhay. Uuwi ako nang 6:00 n.g. kapag malamig na.

Hindi ko rin nakayanan ang mahigpit at suwitik na palakad ng computer school. Kaya pagkatapos ng dalawang taon, balik pamantasan ako. Malaki nga ang kita sa computer school, maganda ang bihis, pero stressed ka naman. Huwag na. So balik ako sa butas na maong at pudpod na rubber shoes. Pero hindi ko na nabalikan ang Bliss. May bumili na ng yunit ni Mam Cruz. Sa Krus na Ligas ako napadpad. Ala-pelikula ni ang kaligiran. Sa huling bilangan, mahigit 40,000 ang residente ng lugar na himalang nagkakasya sa napakaliit na espasyo. Sa google map, parang siksikang kabute ng bubong na yero ang itsura ng KNL. Dito, wala nang marmol na sahig. Dingding lang ang pagitan ng mga kuwarto. Kapag nagkalasingan sa kabila, para ka nang kasirkulo sa ingay. Mabuti sana kung minsan isang linggo lang. May linggong araw-araw ang hapi-hapi. Hindi ako nagrereklamo kundi ang iba pang kapitbahay. Sanay ako sa ingay. Bulong lang ang tawanan kumpara sa mobile disco ng Bliss. Minsan, binato ang bubong. Kumalabog nang malakas, parang may bumagsak na meteor. Sandaling natahimik ang nag-iinumang kabataan. Pero ilang minuto lang, sigawan muli na parang kanila ang mundo. Kinabukasan, paglabas ko sa geyt, may nakaipit na note, sulat kamay. Binasa ko. “Hindi lang iyan ang mararanasan ninyo, mga kupal. Sa susunod,

62 sa inyo na tatama ang bato, pramis.” Iniipit ko muli sa geyt ang note. Mabuti at hindi nagtagal ang mga kapit-kasero ko. Umalis din agad. Kung natakot sa maitim na banta, hindi ko alam. Hindi nangyari ang inaasahan kong mabato kundi man madugong showdown.

Nang ikasal ang isa sa magkapatid na may-ari ng bahay, binigyan ako ng isang buwang palugit para maghanap ng ibang matitirahan. Walang kontrata kaya hindi ako nakareklamo. Mabuti at madaling humanap ng kuwarto. Laging may umaalis na kasera sa maraming paupahang yunit. Puwedeng mamili ng singlaki ng karton ng gatas (mata lang ang gagalaw!) o puwede ring kuwartong sosyal, marmol, at maluwag (puwedeng maghabulan). Depende sa badyet mo. Doon ako sa pagitan. Puwedeng igalaw-galaw ang paa at kamay pero hindi puwedeng maghabulan. Nasa second floor ang bago kong bahay. May beranda na puwedeng sampayan ng damit. Kapag tumambay ka dito, makikita mo ang lahat ng kapitbahay, maaamoy ang kanilang niluluto, maririnig ang kanilang usapan, at sa gabi, ang kanilang halinghing. Pero hindi ang beranda ang paborito kong lugar kundi ang bubong sa ikatlong palapag. Pagdating ng dapithapon, aakyat ako doon para tingnan ang langit. Kapag hindi maulap, matatanaw ang kapiraso ng Manila Bay. Nasa harap lang ang Cubao. Kitang-kita ang Isetan at MRT. Nakabalandra din ang ulop (ulap na may halong usok) pero maya-maya lilitaw na ang nagkikislapang bituin. Naroon ang Pleiades. Ang Tatlong Maria. Supot ni Hudas. Kinse anyos pa lang ako, tinititigan ko na ang mga konstelasyong ito. Wala silang ipinagbago. Laging maganda. Tiyak ako, kahit wala na ako, at kahit wala na ang bubong na kinalalagyan ko, naroroon pa rin ang kumikisap na liwanag. Laging maganda. Napakatahimik ng espasyo sa bubong. Kung minsan, aabutan ako doon ni Venice at magpapakalong. Tao at pusa sa liwanag ng mga bituin.

Kaklase ko pala sa kolehiyo ang may-ari ng bahay, si Arnym Baltazar. Naghahanap nga ng buyer. Baka may isang milyon daw ako bilhin ko na. Susme, isang milyong sentimos siguro meron. Sabi ko, sige kapag nakaipon ako, bibilhin ko. Katiwala ni Arnym ang kapatid niyang si Toto. Bigla na lang papasok sa bahay si Toto kung minsan. Wala naman siyang maitim na balak sa akin kundi manghihingi lang ng payo. Dahil pareho daw kaming solo sa buhay, mauunawaan ko ang kalagayan niyang napakalungkot. Tungkol sa kaniyang asawa. May intimasyon na ako sa away niya sa asawa. Isang umaga kasi, napakaagang parang alarm clock ang talak ni Bernice, ang asawa ni Toto. “Putang ina mo! Lasing ka na naman. Batugan! Walang kuwentang tao! Puro pagtitiis ang dinanas ko sa iyo. Tapos, sa gabi, tatabihan mo pa ako. Hudas ka!” Akala ko simpleng tampuhan lang ito. Hindi pala. Hindi dating Hudas si Toto. Maganda ang puwesto niya sa Land Transportation Authority sa panahon ng Martial Law. Assistant Transportation Expert ang titulo niya noon. Malapit sa undersecretary. Maliwanag ang buhay sa rehimeng Marcos. Madalas ang dalaw ni Madame Imelda sa kanilang opisina. Kapag may happening sa Malakanyang, isinasama siya ng kaniyang boss. Ipinakita sa akin ni Toto ang bio-data niya. Nag-training pa siya sa China at magtatapos sana ng MA Transportation Studies sa U.P. Malambing pa silang mag-asawa noon. Sa maayos na trabaho at pangako ng kinabukasan, lumaki ang kanilang pamilya. Anim ang kanilang supling. Isa lang ang lalaki. Puro babae. Hindi daw siya Hudas. Marangal na tao siya. Pero sinira ni Bernice ang buhay niya. Nang mag-early retirement noong dekada nobenta, malaki ang natanggap niyang pera. Nagtayo siya ng sari-sari store. Pero hindi umasenso ang negosyo. Naging tambay si Toto. Nagbarkada. Araw-araw na umiinom. Matatagpuan ng mga anak na nakahandusay sa mga eskinita dahil sa sobrang kalasingan. Doon na siya kinainisan ni Bernice. Napapagalitan ni Toto ang mga anak. Natural lang sa ama iyon. Pero pinalaki ni Bernice. Sinampahan siya ng pang-aabuso sa bata. Natalo si Toto. Nakulong siya nang ilang buwan. Pagbalik niya sa bahay, walang araw na hindi sila nag-aaway ni Bernice. “Siniraan ako ng asawa ko sa sariling mga anak ko. Hindi na nila ako iginagalang. Walang kuwenta na ang buhay ko kung hindi na nila ako mahal.” Hahagulgol nang walang patumangga si Toto. Ano ang magagawa ng isang walang karanasan sa pag-aasawa sa ganitong sitwasyon? Ang naisip kong payo: “Iwan n’yo na lang po sila. Magbagong buhay kayo sa probinsiya.” Parang linya sa pelikula he he. Itinaas ni Toto ang mukhang tigmak sa luha. Hindi niya magagawa ang ganoon. Mahal niya ang mga anak. Higit sa lahat, malaki ang karapatan niya sa lupang kinatitirikan ng bahay. Kapag binili ko daw ang bahay, may matatanggap siyang parte. Kaya sana ako na lang ang makabili ng bahay. Kaso wala talaga akong pera. May mga gabing hindi ako makaakyat ng bubong. Naroon kasi si Toto. Lasing na lasing at humahagulgol. Minumura si Bernice. At papatayin daw niya ito. Ipinapulis ng mga anak si Toto nang

63 pumasok siya sa bahay nang lasing at nagmumura. Inawat siya ng mga barangay tanod at pulis na umalis din agad nang kumalma si Toto na parang nagdahilan lang. Bulong ng mga pulis, “Away pamilya ito. Puro babae pa naman ang anak.” Iginawa ni Bernice ng tulugan si Toto sa gilid ng bahay para hindi na sila guluhin sa gabi. Sinilip ko. Sa totoo lang, kalahating dipang pagitan iyon ng katabing bahay. Sinaksakan ng tablang higaan. Lungga ng daga. Pero huli kong nakitang nakabulagta doon si Toto. Lasing na lasing.

Pursigido si Arnym at Toto na maibenta ang bahay. Minsan, tulog na tulog ako nang kumatok si Toto. Pasensiya na daw at may gustong tumingin sa kuwarto. Nahihiyang pumasok ang isang mamang chubby. Sinilip ang bahay. Binuksan ang mga aparador. Tsinek ang mga switch. Binuksan ang gripo. Nakiihi sa banyo. Mga isang linggo pagkaraan, may abiso ako kay Arnym na dapat na akong humanap ng bagong malilipatan. Dapat sana, isang buwan ang palugit. Nagreklamo ako kay Arnym pero ang sabi lang, “Ikaw kasi ayaw mo namang bilhin.” Tulad nang dati, sa kawalan ng kontrata, kinailangan kong mag-empake na. Doon na ako napalipat sa bahay na binabaha na katapat lang halos ng ari-arian ni Arnym. Nag-warning ang mga kapitbahay na huwag ako doon dahil madalas ang nakawan at masungit ang landlady. Pero dahil sa katamaran kong maghanap pa ng iba, pikit-mata akong lumipat sa pinakabago kong bahay.

Sa aking panaginip, may bahay akong itinatayo. Maganda at maaliwalas, ipinasadya sa isang mahusay na arkitekto. Kung hindi nasa beach front, nasa balikat ng bundok. Walang kapitbahay at binabati ako tuwing umaga ng lagaslas ng alon at init ng araw. Matamis ang hangin at bughaw ang langit sa terasa. Naroon si Tatay, Nanay, at ang buong angkan. Wala kaming gagawin kundi kumain at maglaro.

Pero saka na muna iyan, kailangan ko nang tumulong sa mga kapitbahay kong nagboluntaryong maghakot ng mga damit, computer, libro at CD ko. Basta painumin ko daw sila mamaya. Ang sabi ko, “Oo ba. Ako ang bahala sa inyo.”

64 MINSAN KO LANG NIYAKAP ANG AKING AMA

Minsan lang kitang nayakap. Noong disiseis ako at nagbalik mula sa isang paglalayas na ginagawa naman talaga ng mga tinedyer. Ang kaibahan lang, tinototoo ko ang balak lang para sa karamihan. Nakaabot ako ng Bikol. Wala na akong planong bumalik noon.

May sarili akong palo nang bata pa. Hindi ko hilig ang manghingi ng payo o magtapat ng nararamdaman kahit kanino. Lalo na sa iyo. Hindi naman ako autistic. Hindi kaya? Wala akong matandaang kaibigan noon. Hindi ako nagsasalita. Marami ang nakapansin na tatanga-tanga ako. Parang bangag lagi. Ngayong binabalikan ko, mas gusto ko ngang manatili lang sa sarili noon.May problema ako sa pakikitungo sa tao. Parang inferiority complex. Iniisip ko rin kung nagmana ako sa iyo. Self-contained nga ako, sa palagay ko. Kaya kapag may naisip ako, akin na lang iyon. Disiseis na ako noon pero ganoon pa rin. Ganoon ang takbo ng utak ko. Nagsasarili. Parang proteksiyon na rin iyon sa nakakalitong mundo. Pero hindi ibig sabihin na wala akong pagnanasa sa mundo. Gusto ko ng pera. Sino ba ang ayaw sa pera? Nagtitinda ako noon ng pandesal. Siguro natatandaan mo ang paggising ko sa madaling araw para kumuha ng isang kahon ng mainit na tinapay sa panaderya para ilibot at itingi dalawang magkalapit na baryo. Pagdating ng alas siyete, may beinte pesos ako. Ibig sabihin, nakapagbenta ako ng 120 piraso sa beinte porsiyento. May pang-aliw na ako. Mahilig akong manood ng sine sa bayan. Makita si Ike Lozada, , Rio Locsin, , at iba pang artista. Pero sabi nga, ang munting hilig ay lumalaki sa bisyo. Kulang ang pera ko para dito. Doon ako nagkaideya na magnakaw. Ang kaso, nahuli ako. Sa sobrang hiya na humarap sa iyo, nagpasiya akong lumayas. Hindi ito simpleng layas na pagkaraan ng isang oras ay babalik na din. Sobrang panic ang nangyari sa akin. Hindi ko naisip na humingi ng tulong kahit kanino, lalo na sa iyo.

Naisip ko ring saan naman kaya ako pupunta? Siguro bumuo ng bagong ako at mag-aral kung saang lupalop. Pero kulang ako sa pamamaraan noon kaya nang sunduin ako ng Nanay para bumalik sa bahay mo, bumalik naman ako. Damang-dama ko ang pagiging anak noon. At siguro ikaw, ang pagiging ama mo. Nasa silong tayo ng bahay mong tabla na may haliging kahoy na naipatayo mo pagkaraan ng halos isang dekadang pagtatrabaho bilang security guard. Ancestral house na kung tawagin ito ngayon. Malaki ang pasalamat kong may nabalikan akong tahanan. Pero ikaw ang ancestor kaya mas bahay mo iyon. Pagkaraan ng masyadong nakakaasiwang yakap--ilang segundo lang pero parang ang tagal--nagbalik ang agwat na nakapagitan sa atin. O lagi namang ito ang batayan ng ugnayan natin. Magkasama tayo nang dalawampung taon pero hindi tayo nag-usap kahit kailan tungkol sa pinakamahahalagang paksa sa buhay. Tulad na lamang nitong napakalaking krimeng nagawa ko. Nasa iyo ang pagkakataong magbukas. Hindi ko ito inilagay sa desisyon ko kahit kailan. Siguro mapag-isa kasi ang ugali natin. Ayaw natin ng mga komprontasyon. Mukha namang minana ko ang ugaling ito sa iyo. Iyan ang problema. Paano mag-uugnay ang dalawang talagang mas hilig mapag-isa? Hindi ko naman hilig ang mapalapit kahit kanino. Kaya wala ka naman sigurong dapat ipagtampo. Hindi ako nakukumbinsi sa mga nakagawiang katwirang porke tatay mo ay dapat ka nang malapit sa kaniya. Baka nga mas mapalayo ka dahil nasilip mo ang kaluluwa ng isang taong tunay na nakilala mo. At hindi ko masyadong nagustuhan ang nakita ko sa iyo. Hindi napipilit ang paghilig sa isang tao. Isang gabi, sa pag-uusap ninyo ng Nanay, nabanggit mo na wala akong amor sa iyo. Totoo iyon. Pero hindi dahil isinilang akong walang ganoong damdamin sa iyo. Mula mga dalawa hanggang anim na taon ako, nakaramdam ako ng pagkalinga sa iyo at nagpapasalamat ako sa mumunting alaala ng magagandang karanasan. Pero pasensiya ka na, sa palagay ko, kusang ibinibigay ang pagmamahal at hindi nakukuha sa likas lamang na ugnayang tulad ng ama at anak. Noong mga apat na taon ako, niregaluhan mo ako ng maya. Napahanga ako sa bilis ng pagdakma mo sa maliksing ibon. Pero sa labis kong awa sa ibon, pinakawalan ko rin iyon pagkatapos nitong magmukmok sa ilalim ng kawayang papag na sulok ko rin kapag napapagalitan. Naisip kong pinapagalitan ko ang ibon pero wala namang nagawang kasalanan sa akin. Walang dahilan para talian ng pisi ang gatingting at mamula-mula nitong paa at lagyan ng pabigat na kawayang sipit para hindi makalipad.

65 Matagal din kitang nakasama at naobserbahan ko ang mga ugali mo bilang ama. Estrikto ka. Lalo na sa mga kapatid kong babae. Opresibo kung mamarapating sabihin ko sa iyo nang deretsahan. Dinidisiplina mo din ako pero hindi ako nagpapaapekto. Lagi kong napapanatili ang kalayaan ko. Tulad ng mayang pinakawalan ko. Kaya nga siguro nabubuwisit ka din sa akin dahil nararamdaman mo ang pagwawalang-bahala ko sa iyo. Wala akong magagawa. Parang siklo lang iyan. Tumugon lang ako sa tingin ko’y malamig na pagtrato mo sa pamilya mo. At sa oo nga’t hindi mo naman ipinangangalandakan pero alam naming handang sumabog ang init ng ulo mo anumang oras; na nanggagaling lamang sa pagwawasiwas mo ng kapangyarihan bilang ama. Ito sana ang sinabi ko noon sa iyo: Hindi kailanman hawak ng isang tao ang takbo ng buhay ng ibang tao. Kahit pa ng sarili niyang mga anak. Iyan ang naging kredo ko sa buhay. Ang pagdidisiplina ay paggabay lamang. Hindi pagdidikta. Magkaiba tayo kahit magkapareho sa maraming bagay. Kahit magkapareho tayo ng pangalan.

Ang laki ng hirap ng Ate at ng Ditse sa iyo. Kung tratuhin mo sila ay parang mga pag-aari mo. Lalo lamang silang nagrerebelde sa ginawa mo. Guilty din ako sa nangyayari. Hindi dahil sa kinampihan kita sa estilo mo ng pagpapalaki kung hindi wala akong ginawa para man lang maibsan ang pagdurusang dinanas nila noon. Kakatwa, pero pahiwatig din iyon na kahit gaano ko mang iwaksi ang mga aral mo, naisaloob ko din. Kaya inis na inis ako at walang magawa sa pagbuga ng matalas mong dila, sa paghahagis ng asido ng matalisik mong mata. Naging kakampi mo pa ako sa pagbabantay sa Ate noong bata-bata ako. Napaniwala mo akong masama ang ginagawa niyang pakikipagkaibigan sa mga lalaki. Wala akong kaalam-alam sa buhay at akala ko nga ay wala nang pinakamalaking kasalanan sa mundo kundi ang makipagnobyo. Ang sabi mo, huwag silang magpalígaw sa ibang lugar maliban sa bahay. Pero hindi ka naman nakukuntento kapag sa bahay pumunta ang mga binata. Ang ginagawa mo para mapaalis nang maaga ang mga sa tingin mo ay mga tarantado: Hindi mo sila sinasabihan nang tuwiran, hindi mo sila pinalayas kahit minsan pero nilalatagan mo sila ng banig at hihiga ka doon nang may unan pa. Wala nang bumabalik sa mga ginagawan mo ng ganito. Kahit ikaw naman ang makasaksi ng ganoon, hindi ka na babalik. Kahit gaano kaganda ang Ate, kung may paggalang ka sa sarili, hindi mo matatagalan ang mga kilos na kakatwa at nakakabastos. Naisip mo ba ang magiging lagay mo sa harap ng nililigawan mo kung gawin ito sa iyo? At hindi mo man lamang ba naisip ang mararamdaman ng anak mo sa gayong palabas ng isang ama? Isang malaking kahihiyan talaga. (Sabi ni Nanay, hindi ka rin daw mapauwi noon sa panliligaw sa kaniya.) Hindi mo masisisi ang Ate at Ditse kung lihim na magkanobyo. Lagi ka namang nanggagalaiti noon mabanggit lamang na may nagkakagusto sa kanila. At kahit walang ebidensiyang may ginagawa silang kabulastugan, tiyak na makakatikim sila ng masasakit na salita sa iyo kapag umuwi nang lampas sa alas-singko ng hapon. Mga salitang parang hiniram sa mga madrasta ng pelikulang Filipino na talaga namang tatagos at hihiwa sa puso ng sinumang dalaga at dalagita. “Kanino ka nakipaglampungan? Uwi pa ba ng matinong babae iyan.” At kung may pagtitipon sa eskuwelahan, kailangang alas-nuwebe ng gabi ay nasa bahay na ang mga anak mo. Saang Bibliya nakasulat na ang baile at koronahan ay natatapos ng alas-otso y media? Pasensiya na pero wala akong talagang amor sa iyo. Kaya natulog ako minsan sa bahay ng kaibigan nang walang paalam para buwisitin ka. Siyempre pag-uwi ko kinabukasan, alimurang umaatikabo ang inabot ko sa iyo. Pero may napatunayan ako sa sarili ko, na puwede kong igiit ang sarili ko. Na gaano man makapangyarihan ang asta mo, puwede kong gawin ang gusto ko. Masunurin ako sa iyo, pero may tigas din ang ulo ko. Kung may baltik ka, mayroon din ako.

Kung hindi ako like father like son, hindi rin naman ako kailanman naging mama’s boy. Ang bunso kong kapatid ang natural na lumagpak sa papel na iyon--si Paulo. Dalawang taon na ay sige pa rin ang pagsuso sa dibdib ni Nanay. Pero natural na mapagkalinga ang mga ina at higit na malapit ang mga anak sa kanila. Hindi naiiba ang Nanay. Hindi naman ako malapit sa kaniya pero kung Venus si Nanay, Pluto ka. Mahilig magtanggol ang Nanay. Kapag minamaliit ako ng mga binatilyo, siya ang sumasagot. “Bakla yata yang anak mo.” “Hindi, malaki ang titi niyan, lalaki talaga.” Ewan ko kung nakatulong din ang Nanay dahil hindi naman totoo ang sinasabi niya at nalaman ko sa pagtanda ko na walang batayan ang pagiging lalaki sang- ayon sa laki o liit ng ari. Pero kahit paano, matitigil ang mapanuksong bata. Sa kaso mo, ikaw pa ang nagsasabing “Bakit ka takot sa baril, bakla ka yata.”

66 Nakatagal lang ako sa panghaharass mo dahil alam kong paglaki ko, makakalayo din ako sa iyo. Hindi ka kasi kailanman naging masuporta sa drama ko sa buhay. Minsang nagbalak akong magbakasyon nang ilang buwan dahil sa malupit at mapait na sumpa ng lungsod at pakikipagkapuwa, wala kang ipinakita ni katiting na simpatya. Saan pa naman ako magkakanlong kundi sa bahay mong tablang may haliging kahoy. Ikalawang pagkabigo ko sa pag-ibig iyon, sinabi ko naman sa iyo, pero binalewala mo. Isang umaga, sinipa mo ang walang lamang timba sa gripong walang lumalabas na tubig at sininghalan mo akong magsalok sa balon. Narinig ko pang bakit kailangan pa akong magbitiw sa trabaho. Hayan ka na naman sa walang pakundangang ugali mo. Daig pa ang nabagsakan ako ng sampung meteor mula sa Pluto. Hindi mo kailanman inisip ang hiwa ng talim ng dila mo sa ibang tao. Buti na lang naroon na naman ang Nanay at sinabing hayaan na lang ako sa desisyon ko. May krisis nga ako sa puso hindi mo ba naiintindihan iyon? Naniniwala na akong wala kang puso. Kasi kung mayroon ka noon, sana naunawaan mo ako. Pero bato ka talaga ka. Bato mula sa Pluto. Lalo lamang akong bumibilib sa Nanay. Ang layo ng ugali niya sa iyo.

Ang Nanay nangangaral nang walang salita. Parang nakakatulad ng ugali mo sa isang pagtingin. Pero tubig at langis ang estilo ninyo. Siya ay Venus na Venus. Takot na takot ako noon kay Sputnik, ang baliw ng baryo. Kapag nasasalubong ko siya, umiiwas ako. Tumatakbo ako. Para akong nakakita ng malaking ahas sa daan. Pero laking gulat ko nang datnan ko siya isang araw sa ating likod bahay kasama ang Nanay. Naghuhuntahan sila ng Nanay! Totoo ba ang nakita ko? Walang dili iba kundi ang bangungot ng kabataan ko at ipinagluluto pa ng Nanay. Binuhat pala ni Sputnik ang pinamili ng Nanay at sinuklian lamang din niya ng kabutihang loob ang pagkukusa ng baliw. O sa sandaling iyon, napaamong baliw. Wala akong nabalitaan man lang na pagmamagandang loob na ganito na ginawa mo kahit kanino.

At ang akala ko noon bato ka nga. Walang minamahal dahil hindi ka marunong magmahal. Pero laking gulat ko nang may pagbabagong nangyari sa pagkatao mo nang maging retirado ka. Nagmamahal ka din naman pala. Pero labis na ikinagalit ng Nanay ang ginawa mong pagmamahal. At labis ko namang ikinahiya. Bakit naman sa pagtanda mo pa saka ka nagmahal sa ibang babae? Hindi naman sa kukunsintihin kita kung noong nasa beinte singko anyos ka nagtaksil. Pero ano ang nagtulak sa iyo na magkaganyan? Ang disiplinaryo, nawalan ng disiplina sa sarili. Ang matanda, nawalan ng pinagkatandaan. Sa abot ng aking pag-unawa, simple lamang ang lahat. Kay-tagal mo ding ibinuhos ang sarili sa pagtatrabaho. Tatlo at kalahating dekada. Walang bakasyon. Walang rekreasyon. Hindi ka mahilig magbarkada. Walang sugal. Pero ngayon may babae. Katwiran mo marahil na kay-tagal mong nanirahan sa Pluto at ngayon puwede naman palang maging hedonistiko. Puwede naman palang tikman ang Eden sa piling ng katorse anyos na kapitbahay. Na karapatan mo namang tumikim ng kahit kaunting langit? Ngayon, ano kaya ang sasabihin ng mga binatang pinaglatagan mo ng banig? Humihiga ka ngayon sa banig ng higit na kahihiyan. Kay-bilis mo namang nalimutan ang buhay na ispartano. Mabuti sana kung nag-iisa ka lamang sa mundo. Na wala kang sinasaktang kabiyak ng puso. Ng asawang naglingkod sa iyo nang kay-tagal na panahon at nagmahal sa iyo nang tapat. Ikinukuwento ni Nanay ang binatang Hawaino na nanligaw sa kaniya noon. Ano kaya kung iyon ang kaniyang pinakasalan? Wala siguro ako ngayon na nagsasalaysay nitong kabulastagan mo. Noong una, hindi naman pinansin ng Nanay ang kalokohan mo. Baka crush-crush lang. Pero ang tindi pala ng pagnanasang inipon mo nang deka-dekada. Sabi tuloy ng Nanay, mas malibog ka pa sa akin. Pag uwi ko nang hapon, daratnan ko kayong nakasimangot ng Nanay. Pero nadarama ko ang init sa pagitan ninyo. Sabi ng Ate, halos maghapon kayong nagbabangayan. Titigil lamang daw kayo kapag nakitang nasa tarangkahan na ako. Matutuwa ba ako na nahihiya kayo sa akin?

Araw-araw, lumulubha ang pagkahumaling mo sa katorse anyos. Pedophile ka pala. Hindi ito pang-uusig. Pagsasabi lamang ng totoo. Hindi ko alam na baka sa pagtanda, ako ay maging katulad mo. Naniniwala ako sa bisa ng genes. Inang ko po. Huwag mong itulot. At nakita ko ang epekto kay Nanay ng pagbabago mo. Tuloy, si Venus naging si Proserpina. Naghari na talaga sa daigdig ko ang daigdig mo, Pluto. Alam mo bang nakita kong kinumpronta ng Nanay ang katorse anyos? Nakita mo sana kung paanong pinapangit ng selos ang magandang mukha ni Nanay. Ang malabirheng pagkaaawa niya sa baliw na si Sputnik ay nahalinhan ng lintik para sa inosenteng mukha ng dalagita. Totoo ba itong nangyayari sa atin? Ang pising tumapos sa

67 kalusugan ng isip ni Nanay ay ang pagkatutop niya sa inyo ng katorse anyos sa loob mismo ng banyo natin sa likod ng bahay. Hindi niya akalain ang lamig ng puso ni Pluto. Hindi mahirap intindihin ang nadama ng Nanay. Nadama ko din ang hirap ng umibig. Alipin ka ng pagnanasa at pagmamahal sa taong nakaukit sa bawat balbula ng puso mo. Putragis na pag-ibig iyan. Alam ko na rin kung ano ang pumikot sa malamig mong puso. Naging munting maya ka at nakatali ang binti mo sa pising nakakabit sa sipit na kawayan. At hindi ako ang batang magpapakawala sa kinapipiitan mo. Ang yelo sa lupaing Pluto mo ay napalapit sa araw ng batang babae. At natunaw ang lahat ng sapin-saping yelo sa planeta mo. At walang pakundangang binaha ang daigdig ng nakapaligid sa iyo. At si Nanay ay alipin din ng pagmamahal sa iyo. Pumuti na ang buhok niya sa pagkalinga sa iyo at hindi niya naubos maisip na magagawa mong ipagpalit siya sa iba. Halos imposible na sa gulang ninyo. Pero ginawa mo pa rin. Hindi nagbago kailanman ang takbo ng pag-iisip mo-- ang pagtuon mo lamang sa iyong sarili. May sarili ding pagnanasa ang Nanay--ang makapiling ka. Hindi ko rin ito maintindihan. Bakit niya gugustuhin ang isang lagay sa buhay kung saan miserable siya at maituturing na nasa impiyerno kahit nabubuhay pa? Ganoon ba ang kapangyarihan ng pag-ibig? Ang baliwin ang mangingibig? Kung ganoon din lamang, mabuti pang umiwas na tayo sa makasunog- kaluluwang pag-ibig. Pero hindi na makaalpas ang Nanay sa kaniyang kinasadlakan dahil sa iyo. Mahigpit na yakap na lamang at pag-aalaga ang maisusukli naming magkakapatid sa kaniyang sakripisyo. Nakapagtataka: Hindi siya makakapayag na mahiwalay sa iyo. Ito ang pumatid sa kaniyang katinuan. Nang magkaroon siya ng double dementia at hindi na makapagsalitang muli, isa lamang ang gumagambala sa kaniyang katahimikan--ang pagdamang wala ka sa piling niya. Kaya kapag nawawala ka sa kaniyang paningin, umuungol siyang parang batang nawalan ng kalaro. Kung natiyempuhang walang nagbabantay sa kaniya, lilibot siya sa buong baryo para hanapin ka. At sa mga batang walang muwang, siya ang bagong Sputnik sa ating baryo. At hindi takot ang nadarama ko para sa kaniya kundi matinding awa. Ano ang magagawa natin para mahango siya sa kumunoy na pinagsadlakan mo sa kaniya? Walang Nanay Venus sa kalye na magyaya sa kaniya sa sariling bakuran upang kalingain at ipagluto siya ng pagkain. Wala na sa kakayahan niya para gawin iyon sa kaniyang sarili. Ang sariling mga anak mo na lamang ang gaganap ng papel na iyon. Naaawa rin ako sa iyo dahil ngayon, bilibid ka ng pagmamahal ni Nanay. Hindi ka basta makakaalis ng bahay. Malaking gulo ang mangyayari kapag ginawa mo iyon. Napapraning ang Nanay kapag tumakas ka. Ito na ang katumbas at kabayaran ng ginawa mo. Ito na ang iyong karma.

Panganay ka sa magkakapatid. At paborito ni Lola, ng Nanay mo. Baka isa ito sa mga paliwanag kung bakit dominante ang personalidad mo sa loob ng pamilya. Nasanay ka na pagtuunan ng pagsunod ng mga nasa ilalim mo. At sa matagal na panahon, naibigan mo ang paghawak ng kapangyarihan. Ngunit iba ka sa labas ng tahanan. Napakabait mo raw sa trabaho. At magaling makisama. Iyan ang bulalas sa akin ng isa sa mga nakatatanda kong kaibigan ngayon na nakasama sa paglilingkod sa isang ahensiyang panggobyerno. Hindi ako makapaniwala. Ikaw mabait? Kung tulog siguro. Baka nga. Pero hindi ko nakita. Hindi ko nadama kailanman. Kung kaya mo palang magbait at maging mapagmahal, lalo akong lumalayo sa iyo dahil hindi mo ipinakita iyon sa akin. Lalo lang akong maghihinanakit. Hindi sapat na pakainin mo ako para tumanaw sa iyo ng tunay na utang ng loob. Hindi naman ako aso o baboy na hagisan mo lang ng kapirasong buto o pagbuhusan ng isang timbang kaning-baboy ay maglululundag at gugulong na sa lupa sa pagsamba sa iyo. Hindi ako mapapaamo ng paggawa mo lang naman ng bagay na sadya mo namang katungkulan. Sabi ng kaibigan ko, da best ka daw. Ganoon? Inaayos mo pala ang log-in at log-out niya para hindi magkulang ang oras ng serbisyo niya sa kompanya. Kaya naman pala. Nasangkot ka pa sa mini-korupsiyon. Pero may mga araw na naaawa siya sa iyo. Sa mga araw ito ng peligro, bago magkinsenas o katapusan. Para kang basang sisiw daw na bubulong sa kaniya o sa ibang kakilala para makapangutang ng singkuwenta pesos na gagamitin mong pamasahe at siguro pabaon sa akin. (Wala naman akong natatandaang pera na lumapag sa kamay ko.) At emotional blackmail na ang ganyang kuwento. Hindi ako naaapektuhan. Hindi talaga. Isa iyan sa kapalarang tinanggap ko bilang mahirap. Bilang mamamayan sa bahay mong tablang may haliging kahoy. Hindi ako naging mapanghingi sa iyo. Hindi ako nagpilit na ibigay mo sa akin ang dapat na sa akin bilang anak. Alam kong wala kang kakayahang tugunan ang mga pangangailangan ko sa paglaki. Nagpatuloy lamang ako sa sarili kong paraan. Baka masabihan akong anak na walang utang na loob. Pero mayroon ba talaga akong tatanawin? Sige na nga. Mayroon naman kahit paano. Natatandaan ko ang munting

68 bisikleta na regalo mo sa akin noong limang taon ako. Gustong-gusto ko iyon. Kulay pula. May tatlong gulong. Sige ang paspas ko ng pagmamaneho sa ating bakuran. Paikot sa punong niyog; pakurba sa lilim ng punong santol na nagbubunga ng pinakamatamis na prutas. Sinakyan ko iyon nang ilang buwan hanggang sa mapigtas na ang pedal, kalawangin ang triyanggulong upuan, bumaliko ang mga rayos, at matuklap ang gomang gulong. Natatandaan ko rin ang bigay mong Webster Junior dictionary na may pahinang mapagkukunan ng pormularyong tutukoy sa araw ng alinmang petsa mula Enero 1, 1800 hanggang Disyembre 31, 2200. Nagamit ko ang dictionary sa buong gradong primarya. Ginulat ko ang guro na bukod sa tahong at tulya, may nasabi pa akong whelk at nautilus nang humingi siya ng example ng bivalve at univalve. Nang grumadweyt ako sa elementari, dinala mo ako sa Central Market at pinabayaang ituro ang gusto kong balat na sapatos basta hindi lalampas ang halaga sa P65. Dapat na akong matuwa pero sa loob- loob ko, sa Good Earth Emporium ko mas gustong tumingin ng sapatos. Yung mas malambot. Yung hindi kumakagat sa hinlalaki sa paa ang gusto ko. Pero isang birtud nang naisaloob ko na huwag na huwag maggigiit ng sariling nais sa loob ng bahay mo. Noong Grade 4 pa lamang ako sinabi mo na sa akin iyon, nang hindi tuwiran gaya ng nakasanayan mo. Iginawad kasi sa akin noon ang pagkamodel pupil. Sinulatan mo ang guro. Nabasa ko ang isinulat mo. Naiintindihan ko ang tunay na ibig sabihin noon sa murang isip ko. “If he really deserves the honor, please do give it to him.” Kung talagang ako ang napili, hindi ka dapat magbayad ng medalyang ipeperdible sa akin. Totoo naman. Pero alam ko wala tayong pambayad kaya dinaan mo na lang sa Ingles. Hindi naman naintindihan ng titser ang mensahe mo. Ang Nanay ang humanap ng solusyon. Nangutang siya sa Nanay ng kaaway kong bata. Hindi ko masagot ang pambebelat ng putang inang bata habang iniaabot ng nanay niya ang isang daang piso. May medalya ako pagkaraan pero tumusok hanggang sa puso ko ang dulo ng perdible. Mula noon, nawalan na ako ng ganang lumahok sa mga aktibidad sa eskuwelahan dahil alam kong walang badyet. May jamboree sa Makiling pero hindi ako sumama. Napili akong escort noong second year high pero tinanggihan ko. Ano ang isusuot ko? Ayaw na ayaw kong mapahiya. Hindi na ako pinansin ng magandang si Sunshine pero wala akong magagawa. Sabihin mo sa akin, mayroon ba akong dapat ipaghinanakit sa iyo? Alam kong biktima ka din naman ng hirap ng buhay. Wala akong dapat sisihin. Sa ganyang sitwasyon, naituro mo sa akin ang isang kredo: Magtiis. Magtiis lang nang kaunti dahil alam kong kapag nakatapos ako ng pag-aaral, baka guminhawa ang buhay natin. Minsan, naiwala ko ang isang daang piso. Alam ko malaking katangahan ito sa panahong napakahalaga sa atin ng pera. Parang sumabog ang utak ko nang hindi ko masalat sa bulsa ko ang pera. Nagpabalik-balik ako sa daan, hinalukay ang damuhan. Hindi ako makaiyak sa sobrang takot sa magiging reaksiyon mo. Pero kailangang aminin. Isang lang ang sabi mo: Hanapin mo. Pinabalik mo ako sa daan at pinahanap ulit ang pera. Wala na talaga. Bugbog ang inabot ko. Wala akong naramdaman. Napakalaking halaga ng isang daan piso. “Putang ina ka, kahit ngipin mo, walang bibili ng isang daan.” Kung bata ka, alam mo ba ang ibig sabihin noon? Na wala akong kuwentang tao.

Nang magdesisyon akong maglayas, pumunta ako ng Maynila. Naglakad sa Avenida Rizal. Pinasok ko ang isang ahensiyang nagrerekrut ng mga maid at boy. Masipag po ako ang sabi ko. Ayaw akong tanggapin dahil wala akong dokumentasyon. Namanhid ang pakiramdam ko. Saan ako pupunta? Nangangagat ang tindi ng sikat ng araw pero hindi ko pinansin. May nakita akong ale. Payat at kalalabas lang sa San Lazaro Hospital. Sabi ko ampunin na niya ako. Hindi ako pinansin ng ale. Sige na po. Sumakay ng dyip ang ale. Sumunod akong sumakay. Nakaangkla ako sa estribo. Hindi ko na siya tinantanan ng pagmamakaawa. Umiyak na ako. Nagulat ang ale. “Sige na nga, sumama ka.” Ibinagsak ako ng ale sa Monumento ni Bonifacio. Sa isang puwesto ng diyaryo malapit sa Gotesco Theater sa Samson Road. Yung papunta ng Navotas. Ang bait ng may-ari, si Tata Lino. Hindi hamak na mabait sa iyo ang estranghero. Pinakain ako ng hapunan. Binigyan ng damit. Pinatulog sa kaniyang puwestong masikip pa sa kabaong pero at least may matutulugan. Hindi ko kailangang mahiga sa kalye. Kinabukasan, nagsimula ang buhay ko bilang katulong sa tindahan. Naturuan akong mangasiwa sa tindahan niya. Mutwal ang naging pangangailangan namin ni Tata Lino. Kailangan niya ng boy, kailangan ko ng kanlungan. Nang umuwi siya sa Libon, Albay dinala niya ako. Pinaampon ako sa kaniyang pamangkin. Ang hindi ko alam, tinandaan at sinundan pala niya ang address sa Novaliches na nabanggit ko sa kaniya. Nakarating siya sa bahay mong tablang may haliging kahoy. Sa araw ding iyon ng Disyembre 16, sinundo ako ni Nanay sa Albay. Magdamag kaming bumiyahe. Pagbaba namin sa

69 Balintawak, ibinili niya ako ng mansanas. Iyon ang pinakamatamis na mansanas na nakain ko sa buong buhay ko. At nang makabalik na ako sa Novaliches, doon na nangyari ang maasiwa nating pagyayakap. Walang salitaan. Basta, the prodigal son is back.

Nang magkolehiyo ako, bihira na tayong magkita. Laking ginhawa sa pakiramdam. Hindi naman kita talaga gustong makita. Mangyari’y wala naman akong gustong sabihin sa iyo. Pero hindi ko na rin nakikita ang Nanay. Lalo lang akong nalulungkot kapag nakikita siya. Wala na ang dati niyang sigla. Wala na ang kaniyang pag-aasikaso. Nagmistula siyang malaking sanggol na nais lamang magpaalaga sa iyo. Hindi ko kakayahin na pagmasdan siya. Lagi siyang umiiyak kapag nakikita ako. At kapag nangyari iyon, naiiyak na rin ako. Ayoko umiyak kahit kailan. Labis kong naisaloob ang pagsasabi mong hindi dapat umiiyak ang lalaki. Gusto kong magpakalalaki lagi sa paningin mo. At ngayon, isang paraan ng pagpapakalalaki sa palagay ko ang pagkamuhi sa iyo. Okey naman iyon, hindi ba? Hindi ako maglalamya-lamya ng pagsasabi ng nararamdaman ko sa iyo. Mahal na mahal ko si Nanay pero ipinagpaubaya ko na siya sa pagkakanlong sa kaniyang sariling daigdig. Hindi na si Nanay ang nakikita ko. Alam kong naroon pa rin ang kaniyang kamalayan ngunit hindi na maipahayag nang pasalita at nang pakilos ang kaniyang niloob. Pero kahit siya ay gulay, iniisip niya ang kapakanan ko. Nagsisikap ka ring makipag-ugnayan sa akin sa mga kaswal na pagsisimula ng kumbersasyon pero may pagkit na lumalabas sa puso at isip ko na nagsasara sa aking bibig upang hindi bumigkas ng anumang pagtugon sa iyo. Nagsasara ang mukha ko kapag kaharap ka. Pero si Nanay, lagi kong niyayakap pagdalaw at muli bago ako bumalik ng Maynila. Minsan nang magpaalam ako kasabay ng kinasanayang yakap, itinulak niya akong palayo. Akala ko, hindi na niya ako nakikilala. Nang bigla nakita kong may mantsang manilaw-nilaw na kumapit sa puting t-shirt ko. Kaya pala niya ako iwinawaksi. Ayaw niyang madikit ako sa duming hindi na niya makontrol ang paglabas sa kaniyang katawan. Ayaw niyang lalong marumihan ako sa mariing pagyakap ko sa kaniya. Kahit sa pusod ng pagkawala ng kaniyang katinuan, nangingibabaw ang kaniyang pagmamahal. Kaya nang siya ay pumanaw, labis-labis akong nabagbag. Umiyak ako nang umiyak. Kahit sabihin mo pang nalulusaw ang aking pagkalalaki. Sabi ni Ditse, malay na malay ang pamamaalam ni Nanay. Yumakap sa kaniya nang mahigpit, at unti-unti lumuwag ang mga brasong mula pagkabata ay kumalinga sa amin.

Nagpapasalamat din naman ako sa iyong pagkalinga sa akin. Kahit na malamig na uri ng pagmamahal ang aking naramdaman mula sa iyo. Sa kaibuturan ng puso mo, alam ko minahal mo ako. Kinikilala ko iyon kahit paano. Pero pasensiya na Itay, hinding-hindi na kita mayayakap. Kahit sa huling sandali ng aking buhay. Ang unang pagyayakap natin ay mananatiling ganoon na lamang. Tangi at asiwang pagyayakap.

70 ANG AWTOR

May dalawang libro ng tula si Romulo P. Baquiran, Jr.--Mga Tula ng Paglusong (1992) at Onyx (2003)-- bukod sa napabilang ang kaniyang mga kuwento at sanaysay sa mga antolohiya. Nagawaran na rin siya ng mga premyong Palanca, Talaang Ginto, at National Book Award. Editor siya ng bagong edisyon ng Urbana at Feliza (1994, 2007), at ng ASEANO: An Anthology of Poems from South East Asia (1995). Tagasalin siya ng ilang dula ni Shakespeare, Brecht, at Strindberg. Kasalukuyan siyang Assistant Professor ng malikhaing pagsulat at panitikan sa Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas. Miyembro ng Young Critics Circle, LIRA, at Oragon. Isa rin siya sa mga bagong tanggap na fellow ng U.P. Institute of Creative Writing. Marami sa mga nauna niyang naisulat na sanaysay ay nasa pormal na anyo. Ito ang unang pagkakataon na gumamit siya ng paraang impormal o ng paraang creative verities.

71